Namumuhay na may Pananampalataya sa mga Pangako ng Diyos
“Ako ang Banal at wala nang iba pang Diyos, ni may sinumang tulad ko; ang Isa na nagsasabi ng wakas mula pa sa pasimula, at ng mga bagay na hindi pa nagagawa mula pa noong sinaunang panahon.” —ISAIAS 46:9, 10.
1, 2. Ano ang ilang iba’t ibang pangmalas tungkol sa pagkasangkot ng Diyos sa mga bagay sa lupa?
GAANO kasangkot ang Diyos sa mga bagay sa lupa? Iba-iba ang mga opinyon. May nagpapalagay na talagang hindi siya nakikialam. Yamang pinasimulan na niya ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng paglalang, alinman sa ayaw niya o wala na siyang magagawa alang-alang sa atin. Sa pangmalas na ito, ang Diyos ay tulad ng isang ama na isinakay ang kaniyang anak na lalaki sa isang bagong bisikleta, ipinirmi ito, at saka itinulak upang paandarin ng kaniyang anak sa daan. Pagkatapos nito, umalis na ang ama. Mag-isa na lamang ang bata; baka matumba siya, o baka naman hindi. Alinman dito, wala nang pakialam ang ama.
2 Isa pang pananaw ang nagsasabing aktibo ang Diyos sa pag-ugit sa bawat pitak ng ating buhay at na siya ay tuwirang nasasangkot sa lahat ng nangyayari sa kaniyang mga nilalang. Subalit kung ganito, iisipin ng ilan na pinapangyayari ng Diyos hindi lamang ang mabubuting bagay kundi pati na rin ang mga krimen at trahedya na nagpapahirap sa sangkatauhan. Ang pagkaalam ng katotohanan tungkol sa mga pakikitungo ng Diyos ay tutulong sa atin na malaman kung ano ang maaasahan natin sa kaniya. Patitibayin din nito ang ating pananampalataya sa tiyak na katuparan ng kaniyang mga pangako.—Hebreo 11:1.
3. (a) Paano natin nalalaman na si Jehova ay isang Diyos na may layunin? (b) Bakit sinasabing si Jehova ay ‘nag-aanyo,’ o humuhubog sa kaniyang layunin?
3 May mahalagang kaugnayan sa tanong tungkol sa pagkakasangkot ng Diyos sa mga kalagayan ng tao ang bagay na si Jehova ay isang Diyos na may layunin. Maliwanag na ipinahihiwatig ito sa kaniya mismong pangalan. Ang “Jehova” ay nangangahulugang “Pinapangyayari Niyang Maging.” Sa pamamagitan ng sunud-sunod na pagkilos, pinapangyari ni Jehova na siya ang maging Tagatupad ng lahat ng kaniyang pangako. Dahil dito, si Jehova ay sinasabing ‘nag-aanyo,’ o humuhubog, ng kaniyang layunin hinggil sa mga pangyayari o pagkilos sa hinaharap. (2 Hari 19:25; Isaias 46:11) Ang mga salitang ito ay galing sa Hebreong salita na ya·tsarʹ, na may kaugnayan sa salita na nangangahulugang “magpapalayok.” (Jeremias 18:4) Kung paanong hinuhubog ng isang bihasang magpapalayok ang isang kimpal ng luwad upang maging isang magandang plorera, maaaring hubugin, o maniobrahin, ni Jehova ang mga bagay-bagay upang maisagawa ang kaniyang kalooban.—Efeso 1:11.
4. Paano inihanda ng Diyos ang lupa para maging tahanan ng tao?
4 Halimbawa, nilayon ng Diyos na ang lupa ay maging isang napakagandang dako na tatahanan ng sakdal at masunuring mga tao. (Isaias 45:18) Matagal na panahon bago niya likhain ang unang lalaki at babae, si Jehova ay maibiging naghanda na para sa kanila. Inilalarawan sa mga unang kabanata ng aklat ng Genesis kung paano pinapangyari ni Jehova na magkaroon ng araw at gabi, ng lupa at ng dagat. Sumunod ay lumalang siya ng mga pananim at mga hayop. Libu-libong taon ang ginugol sa paghahandang ito ng lupa para matirahan ng mga tao. Ang proyekto ay matagumpay namang natapos. Sinimulan ng unang lalaki at babae ang kanilang buhay sa Eden, isang kalugud-lugod na paraiso na kumpleto sa lahat ng kailangan nila upang masiyahan sa buhay. (Genesis 1:31) Kaya si Jehova ay tuwirang nasasangkot sa mga nangyayari sa lupa, anupat unti-unting hinubog ang kaniyang mga gawa tungo sa kaniyang dakilang layunin. Nagbago ba ang pagkakasangkot niya nang dumami ang pamilya ng mga tao?
Nilimitahan ni Jehova ang Kaniyang Pakikitungo sa mga Tao
5, 6. Bakit nililimitahan ng Diyos ang pakikitungo niya sa mga tao?
5 Bagaman may kapangyarihang gawin iyon, hindi tuwirang inuugitan at kinokontrol ni Jehova ang bawat detalye sa gawain ng tao. May dahilan dito. Ang isa ay dahil sa nilalang ang mga tao ayon sa larawan ng Diyos, na may malayang kalooban, anupat may kalayaang magpasiya. Hindi tayo pinipilit ni Jehova na sumunod sa kaniyang mga ipinag-uutos; ni tayo man ay mga tau-tauhan. (Deuteronomio 30:19, 20; Josue 24:15) Bagaman pinapanagot niya tayo sa ating mga ginagawa, maibiging binigyan tayo ng Diyos ng sapat na kalayaan upang magpasiya kung paano natin gagamitin ang ating buhay.—Roma 14:12; Hebreo 4:13.
6 Ang isa pang dahilan kung bakit hindi inuugitan ng Diyos ang lahat ng nangyayari ay may kaugnayan sa usapin na ibinangon ni Satanas sa Eden. Hinamon ni Satanas ang soberanya ng Diyos. Inalok niya si Eva ng waring isang pagkakataon na magsarili—isang alok na tinanggap naman nito, at nang maglaon ay tinanggap din ng kaniyang asawang si Adan. (Genesis 3:1-6) Bilang tugon, pinahintulutan ng Diyos ang mga tao na mamahala sa sarili sa isang yugto ng panahon na magpapatunay kung may katuwiran nga ang hamon ni Satanas. Dahil dito, hindi maaaring isisi sa Diyos ang mga kasamaang ginagawa ng mga tao sa ngayon. Ganito ang isinulat ni Moises tungkol sa rebelyosong mga tao: “Sila ay gumawi nang kapaha-pahamak sa ganang kanila; sila ay hindi mga anak [ng Diyos], ang kapintasan ay kanila.”—Deuteronomio 32:5.
7. Ano ang layunin ni Jehova para sa lupa at sa sangkatauhan?
7 Gayunman, bagaman pinayagan ang malayang pagpapasiya at pag-eeksperimento sa pamamahala sa sarili, hindi itinakda ni Jehova ang patakarang huwag makialam sa mga bagay sa lupa, na hindi magbibigay sa atin ng pag-asa na tutuparin niya ang kaniyang mga pangako. Bagaman sina Adan at Eva ay naghimagsik laban sa soberanya ng Diyos, hindi binago ni Jehova ang kaniyang maibiging layunin para sa lupa at sa sangkatauhan. Walang-pagsalang babaguhin niya ang lupa upang maging isang paraisong tinatahanan ng sakdal, masunurin, at maliligayang tao. (Lucas 23:42, 43) Inilalarawan ng ulat ng Bibliya mula sa Genesis hanggang sa Apocalipsis kung paano unti-unting isinasakatuparan ni Jehova ang layuning iyan.
Kumilos ang Diyos Upang Ganapin ang Kaniyang Kalooban
8. Nangahulugan ng ano ang pagdadala sa mga Israelita sa Lupang Pangako?
8 Sa kaniyang pakikitungo sa bansang Israel, ipinakita ng Diyos na isasakatuparan niya ang kaniyang layunin. Halimbawa, tiniyak ni Jehova kay Moises na ililigtas Niya ang mga Israelita mula sa Ehipto at dadalhin sila sa Lupang Pangako, isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan. (Exodo 3:8) Ito ay isang kapahayagang napakahalaga at gumaganyak ng pagtitiwala. Nangangahulugan ito ng pagpapalaya sa mga Israelitang iyon—na umaabot ng mga tatlong milyon pati na ang kanilang mga kasamahan—mula sa isang makapangyarihang bansa na mahigpit na tumututol sa kanilang paglisan. (Exodo 3:19) Ang lupaing pagdadalhan sa kanila ay tinitirahan ng makapangyarihang mga bansa na mahigpit na tumututol sa kanilang pagdating. (Deuteronomio 7:1) Sa pagitan nito ay naroon ang iláng na doo’y mangangailangan ang mga Israelita ng pagkain at tubig. Ito ay isang situwasyon na nagpangyari kay Jehova na itanghal ang kaniyang nakahihigit na kapangyarihan at pagka-Diyos.—Levitico 25:38.
9, 10. (a) Bakit nakapagpatotoo si Josue na ang mga pangako ng Diyos ay maaasahan? (b) Gaano kahalaga ang pagkakaroon natin ng tiwala sa kakayahan ng Diyos na gantimpalaan ang mga tapat sa kaniya?
9 Inakay ng Diyos ang mga Israelita palabas sa Ehipto sa pamamagitan ng sunud-sunod na makapangyarihang mga gawa. Una, nagpasapit siya ng sampung mapangwasak na salot sa bansang Ehipto. Sumunod, hinati niya ang Dagat na Pula upang makatakas ang mga Israelita samantalang naglaho naman ang tumutugis na hukbo ng mga Ehipsiyo. (Awit 78:12, 13, 43-51) Pagkatapos, pinangalagaan niya ang mga Israelita sa loob ng 40 taon na pananatili nila sa iláng, na doo’y pinakain sila ng manna, pinaglaanan ng tubig, at tiniyak pa man din niya na hindi naluma ang kanilang mga balabal at hindi namaga ang kanilang mga paa. (Deuteronomio 8:3, 4) Nang makapasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako, inakay sila ni Jehova tungo sa tagumpay laban sa kanilang mga kaaway. Si Josue, na nagpamalas ng matibay na pananampalataya sa mga pangako ni Jehova, ay nakasaksi sa lahat ng ito. Kaya naman, buong-pagtitiwalang nasabi niya sa nakatatandang mga lalaki noong panahon niya: “Nalalaman ninyong lubos ng inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa na walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo. Ang mga iyon ay nagkatotoong lahat para sa inyo.”—Josue 23:14.
10 Tulad ni Josue noon, ang mga Kristiyano sa ngayon ay lubos na nagtitiwala na nais ng Diyos at kaya niyang kumilos alang-alang sa mga naglilingkod sa kaniya. Ang pananalig na ito ay isang mahalagang bahagi ng ating pananampalataya. Sumulat si apostol Pablo: “Kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan siya nang mainam, sapagkat siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya . . . ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga marubdob na humahanap sa kaniya.”—Hebreo 11:6.
Nakikini-kinita ng Diyos ang Hinaharap
11. Anong mga salik ang nagpapangyari sa Diyos na tuparin ang kaniyang mga pangako?
11 Sa ngayon, nakita natin na samantalang pinahihintulutan ng Diyos ang malayang kalooban at ang pamamahala ng tao sa sarili, siya ay may kapangyarihan at kalooban na kumilos upang isakatuparan ang kaniyang layunin. Gayunman, may isa pang dahilan kung bakit tiyak na matutupad ang mga pangako ng Diyos. Nakikini-kinita ni Jehova ang hinaharap. (Isaias 42:9) Sa pamamagitan ng kaniyang propeta, sinabi ng Diyos: “Alalahanin ninyo ang mga unang bagay noong sinaunang panahon, na ako ang Banal at wala nang iba pang Diyos, ni may sinumang tulad ko; ang Isa na nagsasabi ng wakas mula pa sa pasimula, at ng mga bagay na hindi pa nagagawa mula pa noong sinaunang panahon; ang Isa na nagsasabi, ‘Ang aking panukala ay mananatili, at ang lahat ng aking kinalulugdan ay gagawin ko.’ ” (Isaias 46:9, 10) Nalalaman ng isang makaranasang magsasaka kung kailan at kung saan dapat magtanim ng binhi, ngunit maaaring wala pa ring katiyakan kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Gayunman, taglay ng “Haring walang-hanggan” ang tumpak na kaalaman upang patiunang malaman kung kailan at saan mismo siya dapat kumilos upang isakatuparan ang kaniyang layunin.—1 Timoteo 1:17.
12. Sa anong paraan gumamit si Jehova ng patiunang kaalaman noong panahon ni Noe?
12 Isaalang-alang kung paano ginamit ng Diyos ang kaniyang patiunang kaalaman noong panahon ni Noe. Dahil sa palasak na kasamaan na pumuno sa lupa, ipinasiya ng Diyos na lipulin ang masuwaying sangkatauhan. Nagtakda siya ng panahon kung kailan niya gagawin ito, na aabot pa ng 120 taon. (Genesis 6:3) Sa pagtatakda ng espesipikong panahong iyon, isinaalang-alang ni Jehova hindi lamang ang pagpuksa sa balakyot, na magagawa niya anumang oras. Ang talaorasan ni Jehova ay naglaan din para sa pagliligtas sa mga matuwid. (Ihambing ang Genesis 5:29.) Sa kaniyang karunungan, batid na antimano ng Diyos kung kailan iaatas ang gawain na hahantong sa wakas na iyon. Nagbigay siya ng sapat na detalyadong impormasyon kay Noe. Si Noe ay magtatayo ng isang daong “ukol sa pagliligtas ng kaniyang sambahayan,” at pupuksain ang mga balakyot sa pamamagitan ng pangglobong delubyo.—Hebreo 11:7; Genesis 6:13, 14, 18, 19.
Isang Napakalaking Proyekto sa Pagtatayo
13, 14. Bakit isang hamon ang atas na pagtatayo ng daong?
13 Isaalang-alang ang atas na ito sa pangmalas ni Noe. Dahil si Noe ay isang taong makadiyos, batid niya na maaaring puksain ni Jehova ang mga di-makadiyos. Ngunit bago mangyari iyan, mayroon pang dapat na gawin—isang gawain na nangangailangan ng pananampalataya. Ang pagtatayo ng daong ay isang napakalaking proyekto. Sinabi ng Diyos kung ano ang sukat nito. Ang daong ay magiging mas mahaba kaysa sa mga dakong palaruan sa ngayon at kasintaas ng gusaling may limang palapag. (Genesis 6:15) Iilan lamang at wala pang karanasan ang mga magtatayo. Wala silang makabagong mga kagamitan at kasangkapan na ginagamit sa ngayon. Bukod dito, yamang hindi niya taglay ang kakayahan ni Jehova na makini-kinita ang hinaharap, walang paraan si Noe para malaman kung ano ang mga mangyayari sa paglipas ng mga taon na maaaring makatulong o kaya’y makahadlang sa proyekto ng pagtatayo. Malamang na napag-isip-isip ni Noe ang maraming katanungan. Paano matitipon ang mga materyales sa pagtatayo? Paano niya titipunin ang mga hayop? Anong pagkain ang kakailanganin at gaano karami? Kailan eksaktong darating ang inihulang Delubyo?
14 Saka nariyan ang mga kalagayan sa lipunan. Palasak ang kasamaan. Pinunô ng mga Nefilim—magkahalong espiritu at tao na mga supling ng balakyot na mga anghel at ng mga babae—ang lupa ng karahasan. (Genesis 6:1-4, 13) Isa pa, ang pagtatayo ng daong ay isang proyekto na hindi maaaring gawin nang palihim. Magtatanong ang mga tao kung ano ang ginagawa ni Noe, at kailangang sabihin niya sa kanila. (2 Pedro 2:5) Maasahan bang sasang-ayon sila? Tiyak na hindi! Mga ilang taon bago nito, ipinahayag ng tapat na si Enoc ang pagpuksa sa mga balakyot. Lubhang di-popular ang kaniyang mensahe anupat “kinuha siya” ng Diyos, o pinaikli ang kaniyang buhay, maliwanag na upang hindi siya mapatay ng Kaniyang mga kaaway. (Genesis 5:24; Hebreo 11:5; Judas 14, 15) Hindi lamang maghahayag si Noe ng isang katulad na di-popular na mensahe kundi magtatayo rin siya ng isang daong. Habang itinatayo ang daong na iyon, magsisilbing isang makapangyarihang paalaala iyon sa katapatan ni Noe sa harap ng balakyot na mga kapanahon niya!
15. Bakit nagtiwala si Noe na maisasakatuparan niya ang kaniyang atas?
15 Batid ni Noe na itinataguyod at pinagpapala ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat ang proyektong iyon. Hindi ba si Jehova mismo ang nag-atas ng gawain? Tiniyak ni Jehova kay Noe na siya at ang kaniyang pamilya ay papasok sa isang kumpletong daong at iingatang buhay hanggang sa matapos ang pangglobong Baha. Idiniin pa man din ng Diyos ang katiyakan nito sa pamamagitan ng isang pormal na kasunduan. (Genesis 6:18, 19) Malamang, kinilala ni Noe na pinag-isipan at sinuri na ni Jehova ang lahat ng nasasangkot bago gawin ang atas na iyon. Isa pa, batid ni Noe na may kapangyarihan si Jehova na makialam upang tulungan siya kung kinakailangan. Kaya pinakilos si Noe ng kaniyang pananampalataya. Tulad ng kaniyang inapong si Abraham, si Noe ay “lubusang kumbinsido na ang ipinangako [ng Diyos] ay kaya rin niyang gawin.”—Roma 4:21.
16. Habang nagpapatuloy ang pagtatayo ng daong, paano napatibay ang pananampalataya ni Noe?
16 Habang lumilipas ang mga taon at nabubuo ang daong, napatibay ang pananampalataya ni Noe. Nalutas ang mga suliranin sa pagtatayo at sa mga materyales. Napagtagumpayan ang mga pagsubok. Hindi nahadlangan ng pagsalansang ang gawain. Naranasan ng pamilya ni Noe ang suporta at proteksiyon ni Jehova. Habang nagpapatuloy si Noe, ‘ang subok na katangian ng kaniyang pananampalataya ay gumawa ng pagbabata.’ (Santiago 1:2-4) Nang maglaon, natapos ang daong, dumating ang Baha, at nakaligtas si Noe at ang kaniyang pamilya. Naranasan ni Noe ang katuparan ng mga pangako ng Diyos, gaya nang naranasan ni Josue nang bandang huli. Ginantimpalaan ang pananampalataya ni Noe.
Sinusuportahan ni Jehova ang Gawain
17. Sa anu-anong paraan nakakatulad sa panahon ni Noe ang ating panahon?
17 Inihula ni Jesus na ang ating panahon ay makakatulad sa panahon ni Noe. Muli na namang nagpasiya ang Diyos na puksain ang mga balakyot at nagtakda siya ng panahon para mangyari ito. (Mateo 24:36-39) Gumawa rin siya ng paghahanda upang iligtas ang mga matuwid. Kung paanong si Noe ay nagtayo ng daong noon, ang mga lingkod ng Diyos ngayon ay naghahayag naman ng mga layunin ni Jehova, nagtuturo ng kaniyang Salita, at gumagawa ng mga alagad.—Mateo 28:19.
18, 19. Paano natin nalalaman na sinusuportahan ni Jehova ang pangangaral ng mabuting balita?
18 Kung hindi sinuportahan at inalalayan ni Jehova si Noe, hindi sana naitayo ang daong. (Ihambing ang Awit 127:1.) Sa katulad na paraan, kung walang tulong ni Jehova, ang tunay na Kristiyanismo ay hindi magtatagal, anupat tiyak na hindi lalago. Ito ay kinilala noong unang siglo ni Gamaliel, isang tinitingalang Fariseo at guro ng Batas. Nang gustong ipapatay ng Judiong Sanedrin ang mga apostol, binabalaan niya ang korte: “Huwag ninyong panghimasukan ang mga taong ito, kundi pabayaan ninyo sila; (sapagkat, kung ang pakanang ito o ang gawang ito ay mula sa mga tao, ay maibabagsak ito; ngunit kung ito ay mula sa Diyos, hindi ninyo sila maibabagsak.)”—Gawa 5:38, 39.
19 Ang tagumpay ng gawaing pangangaral, kapuwa noong unang siglo at sa ngayon, ay nagpatunay na ito ay hindi gawain ng tao, kundi ng Diyos. Tatalakayin sa susunod na artikulo ang ilan sa kapana-panabik na mga kalagayan at mga pangyayari na nakatulong upang maging totoong matagumpay ang gawaing ito sa gayong kalawak na antas.
Huwag Susuko!
20. Sino ang tumutulong sa atin habang ipinangangaral natin ang mabuting balita?
20 Bagaman nabubuhay tayo sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” makatitiyak tayo na si Jehova ang lubusang may kontrol. Sinusuportahan at inaalalayan niya ang kaniyang bayan habang gumagawa sila upang tapusin ang pangangaral ng mabuting balita bago sumapit ang itinakdang panahon ng Diyos sa pagpuksa sa balakyot na sistemang ito ng mga bagay. (2 Timoteo 3:1; Mateo 24:14) Inaanyayahan tayo ni Jehova na maging “mga kamanggagawa” niya. (1 Corinto 3:9) Tinitiyak din sa atin na kasama natin si Kristo Jesus sa gawaing ito at na makaaasa tayo sa tulong at patnubay ng mga anghel.—Mateo 28:20; Apocalipsis 14:6.
21. Anong pananalig ang hindi natin dapat bitiwan kailanman?
21 Dahil nanampalataya si Noe at ang kaniyang pamilya sa mga pangako ni Jehova, sila’y nakaligtas sa mga tubig ng baha. Yaong mga nananampalataya rin sa ngayon ay maliligtas sa dumarating na “malaking kapighatian.” (Apocalipsis 7:14) Nabubuhay tayo sa panahon na totoong kapana-panabik. Malapit na ang napakahalagang mga pangyayari! Hindi na magtatagal, kikilos ang Diyos upang pairalin ang maluwalhating mga bagong langit at isang bagong lupa na tatahanan ng katuwiran. (2 Pedro 3:13) Huwag na huwag kang bibitiw sa iyong pananalig na anuman ang sabihin ng Diyos, magagawa rin naman niya iyon.—Roma 4:21.
Mga Puntong Dapat Tandaan
◻ Bakit hindi kinokontrol ni Jehova ang lahat ng detalye sa gawain ng tao?
◻ Paano kitang-kita sa kaniyang pakikitungo sa Israel ang kakayahan ni Jehova na isakatuparan ang kaniyang layunin?
◻ Paano ipinakita noong panahon ni Noe ang kakayahan ni Jehova na makita ang hinaharap?
◻ Anong pagtitiwala ang maaari nating taglayin hinggil sa mga pangako ng Diyos?