Naniniwala Ka ba sa Hindi Mo Nakikita?
KAPAG may nagsabing, ‘Naniniwala lamang ako sa aking nakikita,’ hindi literal ang ibig niyang sabihin. Ang totoo, tayong lahat ay naniniwala sa mga bagay na hindi natin nakikita.
Halimbawa, sa paaralan ay maaaring nag-eksperimento ka upang patunayan ang pag-iral ng isang magnetic field. Ganito marahil ang eksperimento: Magsaboy ng mga pinagkikilan ng bakal sa isang pilyego ng papel. Pagkatapos ay ilagay ang pilyego sa ibabaw ng magnet. Kapag iginalaw ang pilyego, para bang may mahika na magkukumpulan ang mga pinagkikilan ng bakal malapit sa mga polo ng magnet at ang lawak ng hugis na mabubuo ng mga ito ay katulad ng lawak ng magnetic field. Kapag ginawa mo iyon, aktuwal mo bang makikita ang magnetic field? Hindi, ngunit ang epekto nito sa mga pinagkikilan ng bakal ay maliwanag na makikita, anupat nagbibigay sa iyo ng nakakakumbinsing patotoo na umiiral nga ang magnetismo.
Tinatanggap natin nang walang pag-aalinlangan ang iba pang bagay na hindi natin nakikita. Kapag tinitingnan natin ang isang magandang iginuhit na larawan o hinahangaan ang isang mainam na iskultura, hindi natin pinag-aalinlanganan na umiiral ang isang pintor o isang iskultor. Kaya kapag pinag-iisipan natin ang isang talon o pinagmamasdan ang paglubog ng araw, hindi ba tayo mauudyukan sa paano man na isaalang-alang ang posibilidad na ang mga ito ay gawa ng isang Dakilang Dalubsining o Iskultor?
Kung Bakit Hindi Naniniwala ang Iba
Ang nakapagtataka, ang ilang tao ay humintong maniwala sa Diyos dahil sa itinuro sa kanila sa simbahan. Totoo ito sa isang lalaking taga-Norway na sinabihang sinusunog ng Diyos ang mga balakyot sa isang maapoy na impiyerno. Talagang hindi maintindihan ng lalaki kung anong klaseng Diyos ang magpapahirap sa mga tao sa gayong paraan, kaya siya ay naging ateista.
Subalit nang maglaon, sumang-ayon ang lalaki na siyasatin ang Bibliya, sa tulong ng isang Saksi ni Jehova. Nagulat siya nang malaman na hindi itinuturo ng Bibliya na ang mga balakyot ay pinahihirapan sa isang maapoy na impiyerno. Inihahalintulad ng Bibliya ang kamatayan sa pagtulog. Sa libingan, wala tayong nadaramang kirot; wala tayong alam na anumang bagay. (Eclesiastes 9:5, 10) Natutuhan din ng lalaki na ang mga taong hinatulan ng Diyos bilang mga di-na-magbabagong balakyot ay mananatili sa libingan magpakailanman. (Mateo 12:31, 32) Ang iba sa mga patay ay bubuhaying-muli sa takdang panahon ng Diyos, taglay ang pag-asang matamo ang buhay na walang hanggan sa ilalim ng mala-Paraisong kalagayan. (Juan 5:28, 29; 17:3) May katuwiran ang paliwanag na ito. Kasuwato ito ng pangungusap sa Bibliya na “ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Ang taimtim na lalaking ito ay nagpatuloy sa kaniyang pag-aaral ng Salita ng Diyos at, nang maglaon, inibig niya ang Diyos ng Bibliya.
Tinatanggihan ng iba ang pag-iral ng isang maibiging Maylalang dahil sa pagiging palasak ng kahapisan at kawalang-katarungan. Sumasang-ayon sila sa isang lalaking Sweko na minsa’y itinuro ang langit at saka nagtanong: “Paano magkakaroon doon sa itaas ng isang makapangyarihan-sa-lahat at lubos na mapagbigay na Diyos gayong napakarami ng katiwalian at kabalakyutan na ating nararanasan dito sa ibaba?” Dahil sa walang makasagot sa kaniyang tanong, siya man ay naging isang ateista. Nang maglaon, nagsimula siyang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Natutuhan niya na naglalaan ang Salita ng Diyos ng kasiya-siyang sagot sa napakatagal nang tanong na, Bakit pinahihintulutan ng Diyos ang kabalakyutan?a
Natutuhan ng taimtim na lalaking ito na ang pag-iral ng kabalakyutan ay hindi nagpapatotoo sa ganang sarili na hindi umiiral ang Diyos. Upang ilarawan ito: Maaaring magdisenyo ang isang lalaki ng isang kutsilyo na gagamitin sa paghiwa ng karne. Baka bilhin ng isang kostumer ang kutsilyo at gamitin ito, hindi upang ipanghiwa ng karne, kundi upang ipampatay ng tao. Ang bagay na ang kutsilyo ay ginamit sa maling paraan ay hindi nagpapabulaan sa pag-iral ng maygawa nito. Gayundin naman, ang bagay na ang lupa ay hindi ginamit sa paraang kasuwato ng itinakdang layunin nito ay hindi nangangahulugan na wala itong Maylalang.
Itinuturo ng Bibliya na ang gawa ng Diyos ay sakdal. Sa kaniya ay “walang masusumpungang kawalang-katarungan; matuwid at matapat siya.” (Deuteronomio 32:4) Ang Diyos ay nagbibigay ng mabubuting kaloob sa tao, ngunit ang ilan sa mga kaloob na ito ay ginamit sa maling paraan, anupat nagdulot ng napakaraming pagdurusa. (Santiago 1:17) Gayunman, wawakasan ng Diyos ang pagdurusa. Kung magkagayon, “ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, . . . at tatahan sila roon magpakailanman.”—Awit 37:11, 29.
Ang nabanggit na lalaking Sweko ay nahabag nang makita ang pagdurusa ng mga kapuwa tao. Ang totoo, ang kaniyang magiliw na pagkabahala sa iba ay katunayan na umiiral ang Diyos. Paano?
Para sa maraming tao, ang tanging mapagpipilian bukod sa paniniwala sa Diyos ay ang paniniwala sa ebolusyon. Itinuturo ng mga ebolusyonista na “matira ang matibay”—na ang mga tao at mga hayop na magkakauri ay nagtutunggalian kung sino ang matitira. Ang matibay ang siyang mabubuhay; ang mahina naman ang siyang mamamatay. Ganiyan ang likas na kaayusan ng mga bagay, ang sabi nila. Ngunit kung “likas” para sa mahina na mamatay upang bigyang-daan ang malakas, paano natin ipaliliwanag ang katotohanan na, gaya ng lalaking Sweko, ang ilang malalakas na tao ay nahahabag kapag nakikita ang pagdurusa ng kanilang kapuwa tao?
Pagkilala sa Diyos
Hindi natin nakikita ang Diyos dahil hindi siya nagtataglay ng anyong tao. Gayunman, gusto ng Diyos na makilala natin siya. Ang isang paraan upang makilala natin siya ay sa pamamagitan ng kaniyang pambihirang mga gawa—ang “mga iginuhit na larawan” at “mga iskultura” ng paglalang. Sa Roma 1:20, sinasabi ng Bibliya: “Ang di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nakikita mula sa paglalang sa sanlibutan patuloy, sapagkat napag-uunawa ang mga iyon sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.” Oo, kung paanong ang pagsusuri sa isang iginuhit na larawan o sa isang iskultura ay makatutulong sa iyo na makilala ang personalidad ng maygawa, ang pagbubulay-bulay sa kamangha-manghang mga gawa ng Diyos ay makatutulong sa iyo na higit na makilala ang kaniyang personalidad.
Siyempre pa, hindi natin masasagot ang lahat ng nakababagabag na mga tanong sa buhay sa pamamagitan lamang ng pagmamasid sa mga gawang paglalang ng Diyos. Subalit makasusumpong tayo ng mga sagot sa mga tanong na iyon sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya nang may bukás na isipan, nakapagpasiya ang nabanggit na dalawang lalaki na umiiral nga ang Diyos at na siya’y nagmamalasakit sa nangyayari sa atin.
[Talababa]
a Para sa karagdagang impormasyon sa mga dahilan ng pagpapahintulot ng Diyos sa kabalakyutan, pakisuyong tingnan ang aklat na Is There a Creator Who Cares About You?, kabanata 10, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Picture Credit Line sa pahina 28]
J. Hester and P. Scowen (AZ State Univ.), NASA