Ang “mga Panahon ng Pagsasauli” ay Malapit Na!
Di-nagtagal bago umakyat si Jesus sa langit, tinanong siya ng ilan sa kaniyang tapat na mga alagad: “Panginoon, isasauli mo ba ang kaharian sa Israel sa panahong ito?” Ang sagot ni Jesus ay nagpahiwatig na lilipas ang ilang panahon bago dumating ang Kaharian. Sa panahong iyan, ang kaniyang mga tagasunod ay may malaking gawaing isasagawa. Sila’y magiging mga saksi ni Jesus “kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”—Gawa 1:6-8.
ANG atas na iyan ay hindi matatapos sa loob lamang ng ilang araw, linggo, o mga buwan. Gayunman, karaka-rakang nagsimulang mangaral ang mga alagad. Ngunit hindi sila nawalan ng interes sa paksa tungkol sa pagsasauli. Sa isang malaking pulutong na natitipon sa Jerusalem, nagsalita si apostol Pedro hinggil dito, na sinasabi: “Magsisi kayo . . . at manumbalik upang mapawi ang inyong mga kasalanan, upang ang mga kapanahunan ng pagpapanariwa ay dumating mula sa persona ni Jehova at upang isugo niya ang Kristo na hinirang para sa inyo, si Jesus, na kailangang panatilihin nga ng langit sa looban nito hanggang sa mga panahon ng pagsasauli ng lahat ng mga bagay na tungkol dito ay nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta ng sinaunang panahon.”—Gawa 3:19-21.
Ang “mga panahon ng pagsasauli” na ito ay magdadala ng “mga kapanahunan ng pagpapanariwa” mula kay Jehova. Ang inihulang pagsasauli ay darating sa dalawang yugto. Una, magkakaroon ng nakapananariwang espirituwal na pagsasauli, na kasalukuyan na ngayong nagaganap. Ikalawa, ito ay susundan ng pagtatatag ng isang pisikal na paraiso sa lupa.
Ang Panahon ng Pagsasauli ay Nagsimula Na
Gaya ng tinukoy ni apostol Pedro sa pulutong na iyon sa Jerusalem, ‘pinanatili [ng langit] si Jesus sa looban nito.’ Ito ang kalagayan hanggang noong 1914, nang tanggapin ni Jesus ang kaniyang maharlikang kapangyarihan at nagsimulang magpuno bilang hinirang na Hari ng Diyos. Inihula ni Pedro na sa panahong iyan ay ‘isusugo’ ni Jehova ang kaniyang Anak sa diwa na Kaniyang pahihintulutan si Jesus na isakatuparan ang kaniyang papel bilang pangunahing tauhan sa mga layunin ng Diyos. Inilalarawan ng Bibliya ang pangyayari sa makasagisag na pananalita: “At nagsilang [ang makalangit na organisasyon ng Diyos] ng isang anak na lalaki, isang lalaki, [ang Kaharian ng Diyos sa mga kamay ni Jesu-Kristo] na magpapastol sa lahat ng mga bansa taglay ang isang tungkod na bakal.”—Apocalipsis 12:5.
Ngunit ang mga bansa ay walang balak na magpasakop sa pamamahala ni Kristo. Sa katunayan, inuupasala nila ang kaniyang tapat na makalupang mga sakop, na kilala sa ngayon bilang mga Saksi ni Jehova. Tulad ng mga apostol na tagapagpauna sa kanila, ang mga Saksi ay walang pag-aalinlangan na bumalikat sa “gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (Apocalipsis 12:17) Sumiklab ang pagsalansang sa gawain na isinasagawa ng mga taimtim na Kristiyanong ito sa iba’t ibang bansa. Noong 1918, ang responsableng mga miyembro ng kawani sa punong-tanggapan ng Samahang Watch Tower sa Brooklyn, New York, ay inihabla sa korte dahil sa maling mga paratang at walang katarungang sinentensiyahan ng mahahabang panahon ng pagkakabilanggo. Sa loob ng isang panahon lumilitaw na ang makabagong panahong gawaing pagpapatotoo “sa pinakamalayong bahagi ng lupa” ay mabibigo.—Apocalipsis 11:7-10.
Gayunman, noong 1919, ang nabilanggong miyembro ng kawani sa punong-tanggapan ay pinalaya at pinawalang-sala nang dakong huli sa lahat ng maling mga paratang. Kaagad nilang ipinagpatuloy ang espirituwal na gawaing pagsasauli. Mula noon, ang bayan ni Jehova ay nagtatamasa ng walang katulad na espirituwal na kasaganaan.
Isang malawakang kampanya ang isinagawa upang turuan ang mga tao ng lahat ng bansa na tuparin ang mga bagay na iniutos ni Kristo na gawin ng kaniyang mga tagasunod. (Mateo 28:20) Tunay ngang nakagiginhawang makita ang ilan na dating nagpapamalas ng tulad-hayop na mga katangian na nagbago ng kanilang pangmalas! Hinubad nila ang lumang pagkatao, na nagluluwal ng mga ugaling tulad ng “galit,” “mapang-abusong pananalita,” at “malaswang pananalita,” at isinuot ang bagong pagkatao, “na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay ginagawang bago alinsunod sa larawan ng [Diyos] na lumalang nito.” Sa espirituwal na diwa, ang mga salita ni propeta Isaias ay natutupad na ngayon: “At ang lobo [isang taong dating nagpapakita ng tulad-lobo na pag-uugali] ay tatahan ngang sandali kasama ng lalaking kordero [isang taong nagpapamalas ng maamong disposisyon], at ang leopardo ay hihigang kasama ng batang kambing, at ang guya at ang may-kilíng na batang leon at ang patabaing hayop ay magkakasamang lahat.”—Colosas 3:8-10; Isaias 11:6, 9.
Ang Higit Pang Pagsasauli ay Malapit Na!
Bilang karagdagan sa pagsasauli na nagbunga ng isang espirituwal na paraiso sa ngayon, ang panahon ay mabilis na dumarating kapag ang ating planeta ay magiging isang pisikal na paraiso. Ang isang maliit na bahagi ng lupa ay dating paraiso noong ilagay ni Jehova ang ating mga ninuno, sina Adan at Eva, sa hardin ng Eden. (Genesis 1:29-31) Iyan ang dahilan kung bakit masasabi nating ang Paraiso ay isasauli. Gayunman, bago iyan maganap ay kailangang alisin sa lupa ang lumalapastangan-sa-Diyos na huwad na relihiyon. Ang makapulitikang elemento ng sanlibutang ito ang siyang magsasakatuparan nito. (Apocalipsis 17:15-18) Pagkatapos, ang pulitikal at komersiyal na mga elemento, kabilang na ang mga sumusuporta sa kanila, ay lilipulin. Sa wakas, ang huli sa mga kalaban ng Diyos—si Satanas na Diyablo at ang kaniyang mga demonyo—ay ikukulong sa loob ng isang libong taon—ang panahong itatagal ng proyektong pagsasauli. Sa panahong iyan, “ang ilang at ang pook na walang tubig ay magbubunyi, at ang disyertong kapatagan ay magagalak at mamumulaklak na gaya ng safron.” (Isaias 35:1) Ang buong lupa ay magiging panatag. (Isaias 14:7) Maging ang milyun-milyong namatay ay isasauli sa buhay sa lupa. Mararanasan ng lahat ang mga pakinabang ng pagsasauli ng haing pantubos. (Apocalipsis 20:12-15; 22:1, 2) Wala nang taong bulag, bingi, o pilay sa lupa. “Walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ ” (Isaias 33:24) Di-magtatagal pagkatapos ng wakas ng Isang Libong Taóng Paghahari ni Kristo, ang Diyablo at ang kaniyang mga demonyo ay pakakawalan sa loob ng isang maikling yugto ng panahon at makikita kung paanong ang layunin ng Diyos para sa lupa ay natupad hinggil sa bagay na iyan. Sa wakas, sila’y lilipulin magpakailanman.—Apocalipsis 20:1-3.
Kapag sumapit na ang lupa sa katapusan ng isang libong taon ng pagsasauli, “ang bawat bagay na may hininga” ay pupuri kay Jehova, at gagawin nila ang gayon ng walang hanggan. (Awit 150:6) Magiging kabilang ka ba sa kanila? Maaari.