Kaharian ng Diyos—Ang Bagong Pamamahala sa Lupa
‘Dudurugin at wawakasan ng Kaharian ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon nga ay mananatili hanggang sa mga panahong walang-takda.’—DANIEL 2:44.
1. Anong pagtitiwala sa Bibliya ang maaari nating taglayin?
ANG Bibliya ay kapahayagan ng Diyos sa mga tao. Sumulat si apostol Pablo: “Nang tanggapin ninyo ang salita ng Diyos, na inyong narinig mula sa amin, tinanggap ninyo ito, hindi bilang salita ng mga tao, kundi, gaya ng kung ano ito sa totoo, bilang ang salita ng Diyos.” (1 Tesalonica 2:13) Nasa Bibliya ang lahat ng kailangan nating malaman tungkol sa Diyos: mga impormasyon tungkol sa kaniyang personalidad, sa kaniyang mga layunin, at sa kaniyang mga kahilingan sa atin. Taglay nito ang pinakamagaling na payo tungkol sa buhay pampamilya at pang-araw-araw na paggawi. Iniisa-isa nito ang mga hula na natupad noon, natutupad ngayon, at matutupad pa sa hinaharap. Oo, “ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may-kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.”—2 Timoteo 3:16, 17.
2. Paano idiniin ni Jesus ang tema ng Bibliya?
2 Ang pinakamahalaga sa Bibliya ay ang tema nito: ang pagbabangong-puri sa soberanya ng Diyos (ang kaniyang karapatang mamahala) sa pamamagitan ng kaniyang makalangit na Kaharian. Dito isinentro ni Jesus ang kaniyang ministeryo. “Pinasimulan ni Jesus ang pangangaral at pagsasabing: ‘Magsisi kayo, sapagkat ang kaharian ng mga langit ay malapit na.’ ” (Mateo 4:17) Ipinakita niya kung ano ang dapat na maging dako nito sa ating buhay, anupat humihimok: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran.” (Mateo 6:33) Ipinakita rin niya kung gaano ito kahalaga sa pamamagitan ng pagtuturo sa kaniyang mga tagasunod na manalangin sa Diyos: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—Mateo 6:10.
Ang Bagong Pamamahala sa Lupa
3. Bakit pinakamahalaga sa atin ang Kaharian ng Diyos?
3 Bakit kaya gayon na lamang kahalaga ang Kaharian ng Diyos sa mga tao? Sapagkat malapit na itong gumawa ng pagkilos na magpapabago sa pamamahala sa lupang ito magpakailanman. Ganito ang inihula sa Daniel 2:44: “Sa mga araw ng mga haring iyon [na namamahala ngayon sa lupa] ay magtatatag ang Diyos sa langit ng isang kaharian [isang pamahalaan sa langit] na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito [makalupang mga pamahalaan], at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.” Kapag lubusan nang namamahala ang makalangit na Kaharian ng Diyos, hindi na kailanman muling mananaig ang mga tao sa lupa. Ang pinagmumulan ng hidwaan at di-kasiya-siyang pamamahala ng tao ay mababaon na sa limot magpakailanman.
4, 5. (a) Bakit si Jesus ang isa na pinakakuwalipikadong maging Hari ng Kaharian? (b) Ano ang iaatas kay Jesus sa malapit na hinaharap?
4 Ang Punong Tagapamahala sa makalangit na Kaharian, sa ilalim ng mismong patnubay ni Jehova, ang siyang pinakakuwalipikado—si Kristo Jesus. Bago pumarito sa lupa, siya’y umiiral na sa langit bilang ang “dalubhasang manggagawa” ng Diyos, palibhasa’y kauna-unahan sa lahat ng nilalang ng Diyos. (Kawikaan 8:22-31) “Siya ang larawan ng di-nakikitang Diyos, ang panganay sa lahat ng nilalang; sapagkat sa pamamagitan niya ang lahat ng iba pang mga bagay ay nilalang sa mga langit at sa ibabaw ng lupa.” (Colosas 1:15, 16) At nang isugo ng Diyos si Jesus sa lupa, ginawa niya ang kalooban ng Diyos sa lahat ng panahon. Binatá niya ang pinakamahihirap na pagsubok at namatay na tapat sa kaniyang Ama.—Juan 4:34; 15:10.
5 Dahil sa kaniyang pagkamatapat sa Diyos kahit hanggang kamatayan, ginantimpalaan si Jesus. Binuhay siyang muli ng Diyos tungo sa langit at ibinigay sa kaniya ang karapatang maging Hari sa makalangit na Kaharian. (Gawa 2:32-36) Bilang Hari ng Kaharian, tataglayin ni Kristo Jesus ang kahanga-hangang atas mula sa Diyos na pangunahan ang laksa-laksang makapangyarihang espiritung nilalang sa pag-aalis ng pamamahala ng tao sa lupa at sa pagpawi ng lahat ng kabalakyutan sa ating daigdig. (Kawikaan 2:21, 22; 2 Tesalonica 1:6-9; Apocalipsis 19:11-21; 20:1-3) Pagkatapos nito, ang makalangit na Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo ang magiging bagong namamahalang awtoridad, ang tanging pamahalaan sa buong lupa.—Apocalipsis 11:15.
6. Anong uri ng pamamahala ang maaasahan natin mula sa Hari ng Kaharian?
6 Ganito ang sabi ng Salita ng Diyos tungkol sa bagong Tagapamahala sa lupa: “Sa kaniya ay may ibinigay na pamamahala at dangal at kaharian, upang ang lahat ng mga bayan, mga liping pambansa at mga wika ay maglingkod sa kaniya.” (Daniel 7:14) Dahil sa tutularan ni Jesus ang pag-ibig ng Diyos, malilipos ang kapayapaan at kaligayahan sa ilalim ng kaniyang pamamahala. (Mateo 5:5; Juan 3:16; 1 Juan 4:7-10) “Ang paglawak ng kaniyang pamahalaan at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas, . . . upang suportahan ito sa pamamagitan ng katarungan at katuwiran.” (Isaias 9:7, Revised Standard Version) Laking pagpapala nga ito na magkakaroon ng isang Tagapamahala na mamamahala taglay ang pag-ibig, katarungan, at katuwiran! Kaya naman, humuhula ang 2 Pedro 3:13: “May mga bagong langit [makalangit na Kaharian ng Diyos] at isang bagong lupa [isang bagong makalupang lipunan] na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.”
7. Paano natutupad sa ngayon ang Mateo 24:14?
7 Tiyak na ang Kaharian ng Diyos ang pinakamagandang balita para sa lahat ng umiibig sa kung ano ang tama. Kaya, bilang bahagi ng tanda na kinabubuhayan natin ngayon sa “mga huling araw” ng balakyot na sistemang ito, humula si Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (2 Timoteo 3:1-5; Mateo 24:14) Ang hulang iyan ay natutupad na ngayon, yamang mga anim na milyong Saksi ni Jehova sa 234 na lupain ang nag-uukol ng mahigit sa isang bilyong oras taun-taon sa pagsasabi sa iba ng tungkol sa Kaharian ng Diyos. Angkop lamang na ang bawat dako nila ng pagsamba para sa mga 90,000 kongregasyon sa buong daigdig ay tawaging Kingdom Hall. Doon, ang mga tao ay natututo tungkol sa dumarating na bagong pamahalaan.
Kasamang mga Tagapamahala
8, 9. (a) Saan nagmumula ang mga kasamang tagapamahala ni Kristo? (b) Anong pagtitiwala ang maaari nating taglayin sa pamamahala ng Hari at ng kaniyang mga kasamang tagapamahala?
8 Magkakaroon ng kasamang mga tagapamahala si Kristo Jesus sa makalangit na Kaharian ng Diyos. Inihula sa Apocalipsis 14:1-4 na 144,000 katao ang ‘bibilhin mula sa sangkatauhan’ at bubuhaying-muli tungo sa makalangit na buhay. Kabilang dito ang mga lalaki at babae na, sa halip na paglingkuran, ay mapagpakumbabang naglilingkod sa Diyos at sa mga kapuwa tao. “Sila ay magiging mga saserdote ng Diyos at ng Kristo, at mamamahala sila bilang mga hari kasama niya sa loob ng isang libong taon.” (Apocalipsis 20:6) Ang kanilang bilang ay hamak na mas kaunti kaysa sa “malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika” na makaliligtas sa wakas ng sistemang ito. Ang mga ito rin ay nag-uukol sa Diyos ng ‘sagradong paglilingkod araw at gabi,’ subalit sila’y walang makalangit na pagtawag. (Apocalipsis 7:9, 15) Sila ang bumubuo sa pinakapundasyon ng bagong lupa bilang mga sakop ng makalangit na Kaharian ng Diyos.—Awit 37:29; Juan 10:16.
9 Sa pagpili sa mga mamamahalang kasama ni Kristo sa langit, pinili ni Jehova ang tapat na mga taong nakaranas ng isang buhay na kaakibat ang lahat ng problema. Halos lahat ng pinagdaanan ng mga tao ay dinanas din ng mga haring-saserdoteng ito. Kaya naman ang kanilang buhay sa lupa ay makatutulong sa kanilang kakayahang mamahala sa mga tao. Maging si Jesus mismo ay ‘natuto ng pagkamasunurin mula sa mga bagay na kaniyang pinagdusahan.’ (Hebreo 5:8) Ganito ang sabi ni apostol Pablo tungkol sa kaniya: “Taglay natin bilang mataas na saserdote, hindi ang isa na hindi magawang makiramay sa ating mga kahinaan, kundi ang isa na subók na sa lahat ng mga bagay tulad natin, ngunit walang kasalanan.” (Hebreo 4:15) Laking kaaliwan na malamang sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos, ang mga tao ay pamamahalaan ng maiibigin at maaawaing hari at saserdote!
Kasama ba sa Layunin ng Diyos ang Kaharian?
10. Bakit hindi bahagi ng orihinal na layunin ng Diyos ang Kaharian ng langit?
10 Ang makalangit na Kaharian ba ay bahagi ng orihinal na layunin ng Diyos nang lalangin niya sina Adan at Eva? Sa ulat ng paglalang sa Genesis, walang binabanggit na isang Kaharian na mamamahala sa sangkatauhan. Si Jehova mismo ang kanilang Tagapamahala, at hangga’t sumusunod sila sa kaniya, hindi na kailangan ang anumang iba pang pamamahala. Ipinakikita ng Genesis kabanata 1 na si Jehova, malamang na sa pamamagitan ng kaniyang panganay na makalangit na Anak, ay nakitungo kina Adan at Eva. Ginamit sa ulat ang mga pananalitang gaya ng “sinabi ng Diyos sa kanila” at “sinabi ng Diyos” sa kanila.—Genesis 1:28, 29; Juan 1:1.
11. Anong sakdal na pasimula ang naranasan ng sangkatauhan?
11 Ang Bibliya ay nagsasabi: “Nakita ng Diyos ang bawat bagay na ginawa niya at, narito! iyon ay napakabuti.” (Genesis 1:31) Lahat ng bagay sa halamanan ng Eden ay talagang sakdal. Sina Adan at Eva ay nakatira sa isang paraiso. Sila’y may sakdal na isip at sakdal na katawan. Maaari silang makipagtalastasan sa kanilang Maylikha at siya sa kanila. At sa pananatiling tapat, sila’y magsisilang ng mga sakdal na anak. Hindi na sana kinailangan pa ang isang bagong makalangit na pamahalaan.
12, 13. Habang dumarami ang sakdal na sangkatauhan, bakit magagawa pa rin ng Diyos na makipagtalastasan sa kanila?
12 Habang dumarami ang pamilya ng tao, paano kaya makikipagtalastasan ang Diyos sa kanila? Isaalang-alang ang mga bituin sa langit. Ang mga ito’y pinagsama-sama sa waring mga isla sa kalawakan na tinatawag na galaksi. Ang ilang galaksi ay binubuo ng isang bilyong bituin. Ang iba naman ay binubuo ng mga isang trilyon. At tinataya ng mga siyentipiko na mga 100 bilyong galaksi ang nasa nakikitang uniberso! Gayunman, sinabi ng Maylalang: “Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas at masdan. Sino ang lumalang ng mga bagay na ito? Iyon ang Isa na naglalabas sa hukbo nila ayon sa bilang, na lahat sila ay tinatawag niya ayon sa pangalan. Dahil sa kasaganaan ng dinamikong lakas, palibhasa’y malakas din ang kaniyang kapangyarihan, walang isa man sa kanila ang nawawala.”—Isaias 40:26.
13 Yamang nasusubaybayan ng Diyos ang lahat ng mga bagay na ito sa langit, tiyak na hindi magiging problema para sa kaniya na subaybayan ang mas kakaunting bilang ng mga tao. Kahit ngayon, milyun-milyon sa kaniyang mga lingkod ang nananalangin sa kaniya araw-araw. Agad na nakararating sa Diyos ang mga panalanging iyon. Kaya ang pakikipagtalastasan sa lahat ng sakdal na mga tao ay hindi magiging problema sa kaniya. Hindi na sana niya kakailanganin pa ang isang makalangit na Kaharian upang subaybayan ang mga ito. Isa ngang kahanga-hangang kaayusan—na si Jehova ang Tagapamahala, na tuwirang makalapit sa kaniya, at umasang hindi na mamamatay kailanman, anupat mabubuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa!
‘Hindi sa Tao’
14. Bakit kakailanganin ng mga tao magpakailanman ang pamamahala ni Jehova?
14 Gayunman, ang mga tao—kahit yaong mga sakdal—ay mangangailangan magpakailanman ng pamamahala ni Jehova. Bakit? Sapagkat hindi sila nilalang ni Jehova na taglay ang kakayahang maging hiwalay sa kaniyang pamamahala sa matagumpay na paraan. Iyan ay isang kautusang nauukol sa sangkatauhan, gaya ng inamin ni propeta Jeremias: “Nalalaman kong lubos, O Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang. Ituwid mo ako, O Jehova.” (Jeremias 10:23, 24) Isang kamangmangan na isipin ng mga tao na matagumpay nilang mapangangasiwaan ang lipunan nang hindi pinamamahalaan ni Jehova. Magiging taliwas iyan sa paraan ng pagkakagawa sa kanila. Ang paghiwalay sa pamamahala ni Jehova ay, walang-pagsalang, magbubunga ng kasakiman, poot, kalupitan, karahasan, digmaan, at kamatayan. ‘Ang tao ay manunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.’—Eclesiastes 8:9.
15. Ano ang ibinunga ng maling pagpili na ginawa ng ating unang mga magulang?
15 Nakalulungkot, ipinasiya ng ating unang mga magulang na hindi nila kailangan ang Diyos bilang Tagapamahala nila, at pinili nilang mamuhay nang hiwalay sa kaniya. Bilang resulta, hindi na sila inalalayan ng Diyos sa kasakdalan. Sila ngayon ay parang kagamitang de-kuryente na binunot sa pagkakasaksak sa kuryente. Kaya sa kalaunan, sila’y babagal at hihinto—sa kamatayan. Sila’y nagmistulang sirang padron, at ang kalagayang iyan ang tanging maipamamana nila sa kanilang mga supling. (Roma 5:12) “Ang Bato [si Jehova], sakdal ang kaniyang gawa, sapagkat ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. . . . Sila ay gumawi nang kapaha-pahamak sa ganang kanila; sila ay hindi niya mga anak, ang kapintasan ay kanila.” (Deuteronomio 32:4, 5) Totoo, sina Adan at Eva ay naimpluwensiyahan ng rebeldeng espiritung nilalang na naging Satanas, subalit sila’y may sakdal na pag-iisip at matatanggihan sana nila ang kaniyang mga maling mungkahi.—Genesis 3:1-19; Santiago 4:7.
16. Paano pinatutunayan ng kasaysayan ang naging resulta ng paghiwalay sa Diyos?
16 Ang kasaysayan ay saganang nagpapatunay sa naging resulta ng paghiwalay sa Diyos. Sa loob ng libu-libong taon, nasubukan na ng mga tao ang lahat ng uri ng pamahalaan ng tao, ang bawat pang-ekonomiya at panlipunang sistema. Subalit, ang kabalakyutan ay patuloy na ‘sumusulong mula sa masama tungo sa lalong masama.’ (2 Timoteo 3:13) Pinatunayan iyan ng ika-20 siglo. Ito’y batbat ng buktot na pagkakapootan, pinakamatinding karahasan, pagdidigmaan, gutom, karalitaan, at pagdurusa sa buong panahon sa kasaysayan. At anuman ang nagawang pagsulong sa medisina, sa malao’t madali lahat ay mamamatay. (Eclesiastes 9:5, 10) Sa pagsisikap na maituwid ang kanilang sariling hakbang, hinayaan ng mga tao ang kanilang mga sarili na maging biktima ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo, anupat tinatawag ng Bibliya si Satanas na “diyos ng sistemang ito ng mga bagay.”—2 Corinto 4:4.
Ang Kaloob na Malayang Kalooban
17. Paano dapat gamitin ang kaloob ng Diyos na malayang kalooban?
17 Bakit kaya hinayaan ni Jehova ang mga tao na magsarili? Sapagkat nilalang niya sila taglay ang kahanga-hangang kaloob na malayang kalooban, ang likas na kalayaang pumili. “Kung nasaan ang espiritu ni Jehova, doon ay may kalayaan,” sabi ni apostol Pablo. (2 Corinto 3:17) Walang sinuman ang gustong maging gaya ng robot, na may ibang nagpapasiya kung ano ang kaniyang sasabihin at gagawin sa bawat sandali. Subalit hiniling ni Jehova sa mga tao na gamitin ang kaloob na iyan na malayang kalooban sa responsableng paraan, upang makita ang karunungan ng paggawa ng kaniyang kalooban at pananatiling sakop niya. (Galacia 5:13) Kaya ang kalayaan ay hindi dapat na maging lubus-lubusan, yamang iyan ay magbubunga ng anarkiya. Dapat na ito’y naisasaayos ayon sa mga hangganan ng may-kabaitang mga kautusan ng Diyos.
18. Ano ang ipinakita ng Diyos sa pagpapahintulot sa tao na gamitin ang malayang pagpili?
18 Sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa pamilya ng tao na magsarili, ipinakita ng Diyos, minsan at magpakailanman, na kailangan natin ang kaniyang pamamahala. Ang paraan niya ng pamamahala, ang kaniyang soberanya, ang tanging tamang paraan. Nagdudulot ito ng sukdulang kaligayahan, kasiyahan, at kasaganaan. Iyan ay sapagkat ang ating isip at katawan ay dinisenyo ni Jehova na gumawa nang pinakamahusay kapag kaayon ng kaniyang mga kautusan. “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.” (Isaias 48:17) Ang malayang pagpili ayon sa mga hangganan ng mga kautusan ng Diyos ay hindi makapagpapabigat kundi magbubunga pa nga ng nakalulugod na pagkakasari-sari ng pagkain, tahanan, sining, at musika. Kung ginamit nang tama, ang malayang kalooban ay nagdulot sana ng isang kamangha-mangha at nakabibighaning buhay sa isang paraisong lupa.
19. Anong pamamaraan ang ginagamit ng Diyos upang makipagkasundo ang mga tao sa kaniya?
19 Subalit dahil sa maling pagpili nila, inihiwalay ng mga tao ang kanilang sarili kay Jehova, anupat naging di-sakdal, sumamâ nang sumamâ, at namamatay. Kaya kailangan silang tubusin mula sa malungkot na kalagayang iyan at ibalik sa tamang kaugnayan sa Diyos bilang kaniyang mga anak na lalaki at babae. Ang pamamaraan na pinili ng Diyos upang maganap ito ay ang Kaharian, at ang Tagatubos ay si Jesu-Kristo. (Juan 3:16) Sa pamamagitan ng kaayusang ito, ang tunay na mga nagsisisi—gaya ng alibughang anak sa ilustrasyon ni Jesus—ay makikipagkasundo sa Diyos at tatanggapin niyang muli bilang kaniyang mga anak.—Lucas 15:11-24; Roma 8:21; 2 Corinto 6:18.
20. Paano tutuparin ng Kaharian ang layunin ng Diyos?
20 Tiyak, ang kalooban ni Jehova ay magaganap sa lupa. (Isaias 14:24, 27; 55:11) Sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian sa ilalim ni Kristo, lubusang ipagbabangong-puri (bibigyang-katuwiran o patutunayan) ng Diyos ang kaniyang karapatan na maging Soberano natin. Wawakasan ng Kaharian ang pamamahala ng tao at ng demonyo sa lupang ito, at tanging ito lamang ang mamamahala mula sa langit sa loob ng isang libong taon. (Roma 16:20; Apocalipsis 20:1-6) Subalit sa panahong iyan, paano kaya maipakikita ang sukdulang kahigitan ng paraan ni Jehova sa pamamahala? At pagkatapos ng isang libong taon, ano ang magiging papel ng Kaharian? Isasaalang-alang sa susunod na artikulo ang mga tanong na ito.
Mga Punto sa Repaso
• Ano ang tema ng Bibliya?
• Sino ang bumubuo ng bagong pamamahala sa lupa?
• Bakit hindi magtatagumpay kailanman ang pamamahala ng tao na hiwalay sa Diyos?
• Paano dapat gamitin ang malayang kalooban?
[Larawan sa pahina 10]
Idiniin ng turo ni Jesus ang pamamahala ng Diyos sa pamamagitan ng Kaharian
[Mga larawan sa pahina 12]
Sa bawat lupain, ang Kaharian ang pangunahing itinuturo ng mga Saksi ni Jehova
[Mga larawan sa pahina 14]
Pinatutunayan ng kasaysayan ang masasamang ibinunga ng paghiwalay sa Diyos
[Credit Lines]
Mga sundalo ng Digmaang Pandaigdig I: U.S. National Archives photo; kampong piitan: Oświęcim Museum; bata: UN PHOTO 186156/J. Isaac