Paano Mo Haharapin ang Pagpapaimbabaw?
SA HARDIN ng Getsemani, lumapit si Judas Iscariote kay Jesus at “hinalikan siya nang napakagiliw.” Ito ang nakaugaliang kapahayagan ng matimyas na pagmamahal. Ngunit ang ginawa ni Judas ay isa lamang pagkukunwari upang maituro si Jesus sa mga nagsidating upang dakpin siya nang gabing iyon. (Mateo 26:48, 49) Si Judas ay isang taong mapagpaimbabaw—isang taong nagkukunwari, na nagkukubli ng kaniyang masasamang motibo sa pamamagitan ng pagbabalatkayong siya’y taimtim. Ang salitang Griego na isinaling “mapagpaimbabaw” ay nangangahulugang “isa na sumasagot” at nagpapahiwatig din ng isang artista sa entablado. Sa kalaunan, ang salitang ito ay tumukoy sa sinuman na umaarte lamang upang linlangin ang iba.
Ano ang reaksiyon mo sa pagpapaimbabaw? Halimbawa, nagagalit ka ba kapag nakikita mo ang mga gumagawa ng sigarilyo na nanghihikayat ng paninigarilyo sa kabila ng ebidensiya ng medisina na ang kanilang produkto ay nakapipinsala? Labis ba ang iyong pagkagalit sa pagpapaimbabaw ng mga tagapag-alaga na nang-aabuso sa mga ipinagkatiwala sa kanila? Nasasaktan ka ba kapag natuklasan mong huwad pala ang isang inaakala mong tunay na kaibigan? Paano ka naaapektuhan ng pagpapaimbabaw ng relihiyon?
“Sa Aba Ninyo . . . mga Mapagpaimbabaw!”
Isaalang-alang ang relihiyosong kalagayan na umiiral noong nasa lupa si Jesus. Ang mga eskriba at mga Pariseo ay nagkukunwaring matatapat na guro ng Kautusan ng Diyos, subalit ang totoo, pinunô nila ang pag-iisip ng bayan ng mga turo ng tao na naglalayo ng pansin mula sa Diyos. Mahigpit na iginigiit ng mga eskriba at mga Pariseo ang istriktong kahulugan ng kautusan, ngunit ipinagwawalang-bahala nila ang mahahalagang simulain na nagpapakita ng pag-ibig at pagkahabag. Sa publiko, nagkukunwari silang may debosyon sa Diyos, ngunit sa pribado, sila’y lipos ng kasamaan. Ang kanilang mga gawa ay hindi kailanman kasuwato ng kanilang mga salita. Ginagawa nila ang mga bagay-bagay “upang makita ng mga tao.” Kahawig sila ng “mga pinaputing libingan, na sa labas nga ay nagtitinging maganda ngunit sa loob ay punô ng mga buto ng mga taong patay at ng bawat uri ng karumihan.” Sa buong-tapang na paglalantad sa kanilang pagpapaimbabaw, paulit-ulit na sinabi ni Jesus sa kanila: “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw!”—Mateo 23:5, 13-31.
Kung nabuhay ka nang panahong iyon, tulad ng ibang tapat-pusong mga tao ay baka talagang masuklam ka sa gayong relihiyosong pagpapaimbabaw. (Roma 2:21-24; 2 Pedro 2:1-3) Ngunit hahayaan mo kayang sumamâ ang iyong loob dahil sa pagpapaimbabaw ng mga eskriba at Pariseo hanggang sa punto na itatakwil mo na ang lahat ng relihiyon, pati na yaong itinuro at isinagawa ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga alagad? Hindi ba magiging isang kalugihan iyan para sa iyo?
Ang pagpapaimbabaw ng mga taong relihiyoso ay maaaring mag-udyok sa atin na masuklam sa relihiyon anupat iwasan ito. Gayunman, ang ganitong pagkilos ay hahadlang sa atin na makita ang kataimtiman ng mga tunay na mananamba. Ang mismong mga hadlang na inilalagay natin bilang proteksiyon laban sa pagpapaimbabaw ay, sa katunayan, maglalayo sa atin mula sa tunay na mga kaibigan. Kung gayon, dapat na maging makatuwiran at timbang ang ating pagtugon sa pagpapaimbabaw.
“Maging Mapagmasid Kayo”
Una, kailangang matutuhan nating kilalanin ang mga mapagpaimbabaw. Hindi ito laging madali. Natutuhan ito ng isang pamilya ngunit malaki ang naging kapalit. Ang ina ay nakoma. Upang idemanda ang maling paggamot na ginawa ng ospital kung saan nangyari ito, kinuha ng pamilya ang serbisyo ng isang abogado na isa ring mangangaral sa isang simbahan sa lugar na iyon. Bagaman nagbayad ang ospital ng $3.4 milyon upang makipag-ayos, lumalâ ang trahedya sa pamilya. Ang ina ay namatay na isang pulubi, at hindi mabayaran ang pagpapalibing. Bakit? Sapagkat ibinulsa ng abogado ang karamihan sa pera. Tungkol sa abogadong ito, ganito ang sinabi ng isang babasahin tungkol sa batas: “Kung ipinangangaral niya ang uri ng paggawi na isinasagawa niya . . . , ang kaniyang magiging mensahe ay ito: mambiktima tayo.” Paano natin maipagsasanggalang ang ating sarili mula sa mga taong tulad nito?
“Maging mapagmasid kayo,” ang payo ni Jesus sa mga tao noong panahon niya na napapaharap sa pagpapaimbabaw sa relihiyon. (Mateo 16:6; Lucas 12:1) Oo, dapat tayong mag-ingat. Maaaring angkinin ng mga tao na sila’y may mararangal na layunin at magpakita ng kapansin-pansing kataimtiman, ngunit kailangan tayong gumawa ng makatuwirang pag-iingat at huwag tanggapin agad ang mga tao ayon lamang sa ipinakikita nila. Hindi ba’t maingat nating susuriin ang ating mga salaping papel kung alam natin na nagkalat ang huwad na salapi?
Lumilitaw maging sa tunay na kongregasyong Kristiyano ang mga taong mapagpaimbabaw. Nagbabala ang alagad na si Judas tungkol sa kanila, na sinasabi: “Ito ang mga batong nakatago sa ilalim ng tubig sa inyong mga piging ng pag-ibig habang sila ay nakikipagpiging sa inyo, mga pastol na walang-takot na pinakakain ang kanilang sarili; mga ulap na walang tubig na ipinapadpad nang paroo’t parito ng hangin; mga punungkahoy sa pagtatapos ng taglagas, ngunit walang bunga.”—Judas 12.
Upang “maging mapagmasid,” kailangang iwasan nating malinlang ng sinuman na nagkukunwaring maibigin ngunit sa totoo ay makasarili at nagtataguyod ng mga opinyon na hindi salig sa Salita ng Diyos. Tulad ng matutulis na batong nasa ilalim ng tahimik na mga tubig, ang gayong mga tao ay maaaring maging sanhi ng pagkawasak ng espirituwalidad ng mga hindi mapagbantay. (1 Timoteo 1:19) Ang taong mapagpaimbabaw ay baka nangangako ng saganang espirituwal na kaginhawahan ngunit lumilitaw na isa lamang “ulap na walang tubig”—na walang naibibigay na ulan. Tulad ng isang punungkahoy na walang bunga, ang isang manlilinlang ay hindi nagluluwal ng tunay na mga bungang Kristiyano. (Mateo 7:15-20; Galacia 5:19-21) Oo, kailangan tayong maging mapagbantay laban sa gayong mga manlilinlang. Gayunman, dapat nating gawin iyon nang hindi naghihinala sa motibo ng bawat isa.
“Huwag Na Kayong Humatol”
Napakadali ngang ituro ng di-sakdal na mga tao ang pagkakamali ng iba samantalang ipinagwawalang-bahala ang kanilang sariling mga pagkakamali! Gayunman, ang hilig na ito ay nagpapadali na tayo’y mahulog sa pagpapaimbabaw. “Mapagpaimbabaw!” sabi ni Jesus. “Alisin mo muna ang tahilan mula sa iyong sariling mata, at kung magkagayon ay makikita mo nang malinaw kung paano aalisin ang dayami mula sa mata ng iyong kapatid.” Makabubuti sa atin na sundin ang kaniyang payo: “Huwag na kayong humatol upang hindi kayo mahatulan; sapagkat sa hatol na inyong inihahatol ay hahatulan kayo . . . Kung gayon, bakit mo tinitingnan ang dayami sa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo isinasaalang-alang ang tahilan sa iyong sariling mata?”—Mateo 7:1-5.
Kapag ang iba kung minsan ay gumagawa ng mga bagay na waring mapagpaimbabaw, dapat tayong mag-ingat na huwag padalus-dalos na ituring sila bilang mga mapagpaimbabaw. Halimbawa, si apostol Pedro ay “lumayo at inihiwalay ang kaniyang sarili” mula sa mga kapananampalatayang Gentil sa Antioquia upang mapalugdan ang mga panauhing Judio mula sa Jerusalem. Si Bernabe ‘ay napadala rin kay Pedro at sa iba sa kanilang pagkukunwari.’ Ginawa ito ni Pedro sa kabila ng katotohanang nagkapribilehiyo siyang buksan ang daan para sa mga Gentil na makapasok sa kongregasyong Kristiyano. (Galacia 2:11-14; Gawa 10:24-28, 34, 35) Ngunit ang ganitong di-sinasadyang pagkakamali sa bahagi nina Bernabe at Pedro ay tiyak na hindi naglagay sa kanila sa kategorya ng mga eskriba at mga Pariseo o ni Judas Iscariote.
“Ang Inyong Pag-ibig ay Huwag Magkaroon ng Pagpapaimbabaw”
“Kapag gumagawa ka ng mabuti sa ibang tao,” ang payo ni Jesus, “huwag kang uupa ng isang trompetero na lalakad sa unahan mo—tulad ng mga artista sa dula sa mga sinagoga at mga lansangan na tumitiyak na hahangaan sila ng mga tao.” (Mateo 6:2, Phillips) “Ang inyong pag-ibig ay huwag magkaroon ng pagpapaimbabaw,” ang isinulat ni apostol Pablo. (Roma 12:9) Hinimok niya ang kabataang si Timoteo na magkaroon ng “pag-ibig mula sa isang malinis na puso . . . at mula sa pananampalatayang walang pagpapaimbabaw.” (1 Timoteo 1:5) Kung tunay ang ating pag-ibig at pananampalataya—hindi nababahiran ng kaimbutan at panlilinlang—pagtitiwalaan tayo ng iba. Tayo ay pagmumulan ng tunay na lakas at pampatibay-loob sa mga taong nakapaligid sa atin. (Filipos 2:4; 1 Juan 3:17, 18; 4:20, 21) At higit sa lahat, sasang-ayunan tayo ni Jehova.
Sa kabilang banda, ang pagpapaimbabaw ay mapatutunayang nakamamatay sa dakong huli para sa mga nagsasagawa nito. Sa wakas, hayagang ilalantad ang pagpapaimbabaw. “Walang anumang natatakpan na hindi malalantad,” sabi ni Jesu-Kristo, “at lihim na hindi malalaman.” (Mateo 10:26; Lucas 12:2) Ipinahayag naman ng matalinong si Haring Solomon: “Dadalhin ng tunay na Diyos sa kahatulan ang bawat uri ng gawa may kaugnayan sa bawat bagay na nakatago, kung ito ba ay mabuti o masama.”—Eclesiastes 12:14.
Samantala, bakit natin hahayaang maapektuhan tayo ng pagpapaimbabaw ng iba hanggang sa punto na mapagkaitan tayo ng taimtim na pag-ibig ng mga tunay na kaibigan? Maaari tayong maging maingat nang hindi naman nagiging labis na mapaghinala. At sikapin nawa nating maging malaya mula sa pagpapaimbabaw ang atin mismong pag-ibig at pananampalataya.—Santiago 3:17; 1 Pedro 1:22.
[Mga larawan sa pahina 22, 23]
Hahayaan mo kayang ilayo ka ng pagpapaimbabaw ng mga eskriba at Pariseo mula kay Jesu-Kristo at sa kaniyang mga alagad?