“Pumarito Kayo sa Akin, at Pagiginhawahin Ko Kayo”
Ang Kamangha-manghang Pagsulong ay Humihiling ng Mabilis na Pagpapalawak
“PUMARITO kayo sa akin, . . . at pagiginhawahin ko kayo,” ang sabi ni Jesu-Kristo. (Mateo 11:28) Isa ngang nakapagpapasiglang paanyaya mula sa Ulo ng kongregasyong Kristiyano! (Efeso 5:23) Kapag maingat nating isinasaalang-alang ang mga salitang iyan, tiyak na mapahahalagahan natin ang isang mahalagang pinagmumulan ng kaginhawahan—ang pakikipagsamahan sa ating espirituwal na mga kapatid na lalaki at babae sa mga Kristiyanong pagpupulong. Walang pagsalang sasang-ayon tayo sa salmista na umawit: “Anong buti at anong kaiga-igaya na ang magkakapatid ay manahanang magkakasama sa pagkakaisa!”—Awit 133:1.
Tunay nga, ang ating mga kasamahan sa gayong mga pagtitipon para sa pagsamba ang siyang pinakamabubuting kasama, at ang espirituwal na kapaligiran ay ligtas at kaayaaya. Kung gayon, may mabuting dahilan upang sabihin ng isang kabataang Kristiyano: “Pumapasok ako sa paaralan sa buong maghapon, at iyo’y nakapapagod sa akin. Subalit ang mga pulong ay gaya ng isang oasis sa disyerto, kung saan ako ay nagiginhawahan para harapin ang susunod na araw sa paaralan.” Isang kabataang taga-Nigeria ang nagsabi: “Natuklasan ko na ang matalik na pakikipagsamahan sa iba na umiibig kay Jehova ay nakatutulong sa akin na manatiling malapít sa kaniya.”
Ang lokal na Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova ay nagsisilbing isang mabisang sentro ng tunay na pagsamba sa komunidad. Sa maraming dako, ang mga pulong ay idinaraos sa Kingdom Hall nang di-kukulangin sa dalawang beses sa isang linggo, at ang mga estudyante sa Bibliya ay pinasisiglang dumalo agad hangga’t maaari upang makinabang sa nakagiginhawang pagsasamahan doon.—Hebreo 10:24, 25.
Isang Apurahang Pangangailangan
Gayunman, kapansin-pansin na hindi lahat ng mga Saksi ni Jehova ay may magagamit na isang angkop na Kingdom Hall. Ang kamangha-manghang pagsulong ng bilang ng mga tagapaghayag ng Kaharian sa buong daigdig ay lumikha ng isang apurahang pangangailangan. Libu-libo pang Kingdom Hall ang kailangan, lalo na sa papaunlad na mga bansa.—Isaias 54:2; 60:22.
Upang ilarawan: May sampung Kingdom Hall lamang para sa 290 kongregasyon sa kabisera ng Democratic Republic of Congo. Ang bansang iyan ay may apurahang pangangailangan para sa maraming Kingdom Hall. Sa Angola, ang karamihan sa mga kongregasyon ay nagtitipon sa labas sapagkat iilan lamang ang mga Kingdom Hall. Ang gayong mga pangangailangan ay umiiral din sa marami pang bansa.
Kaya, mula noong 1999, gumawa ng isang organisadong pagsisikap upang tumulong sa pagtatayo ng Kingdom Hall sa mga lupaing nangangailangan ng tulong. Upang makatulong sa mga proyekto ng pagtatayo sa gayong mga lupain, ang makaranasang mga Saksi ay nagboluntaryong maglingkod. Kapag ang gayong mga pagsisikap ay itinatambal sa espiritu ng pagkukusa at pagkakaroon ng lokal na mga boluntaryo, ang resulta ay lubhang kasiya-siya. Sa kabilang panig, ang lokal na mga Saksi naman ay nakikinabang mula sa pagsasanay na kanilang tinatanggap. Ang lahat ng ito ay nakatutulong upang matugunan ang mga pangangailangan sa pagtatayo ng Kingdom Hall sa kani-kanilang bansa.
Sa gayon, ang praktikal na tulong ay ibinibigay sa paraang umaangkop sa pagtatayo ng Kingdom Hall na ginagamitan ng lokal na mga pamamaraan at materyales. Ang tunguhin ay hindi lamang upang matugunan ang napakalaking pangangailangan para sa mga Kingdom Hall kundi upang makabuo rin ng isang programa ng pagmamantini na angkop sa lokal na mga kalagayan.—2 Corinto 8:14, 15.
Nakapagpapatibay na mga Kaganapan
Ano ang epekto ng mga pagsisikap na ito na maglaan ng mga dako ng pagsamba? Maaga noong 2001, isang ulat mula sa Malawi ang nagsabi: “Ang naisagawa sa bansang ito ay tunay na kahanga-hanga. Sa susunod na dalawang buwan, makukumpleto na namin ang karagdagang mga Kingdom Hall.” (Larawan 1 at 2) Sa Togo, ang mga boluntaryo ay nakapagtayo ng maraming simpleng Kingdom Hall sa nakaraang mga buwan. (Larawan 3) Ang mainam na gawain ng kusang-loob na mga boluntaryo ay nakatutulong din upang magkaroon ng angkop na mga Kingdom Hall sa Mexico, Brazil, at sa iba pang mga lupain.
Napapansin ng mga kongregasyon na kapag naitayo ang isang Kingdom Hall, nababatid ng mga tao roon na ang mga Saksi ni Jehova ay mananatili na roon. Marami ang waring nag-aatubiling makisama sa mga Saksi hangga’t wala pang angkop na dako ng pagsamba. Ang Kongregasyon ng Nafisi sa Malawi ay nag-ulat: “Ngayong kami ay may isa nang angkop na Kingdom Hall, ito ay nagdudulot ng isang mainam na patotoo. Kaya, madaling makapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya.”
Nagtiis noon ng matinding panlilibak ang mga miyembro ng Kongregasyon ng Krake sa Benin dahil sa ang kanilang dating Kingdom Hall ay lumang-luma na kung ihahambing sa ilang simbahan. (Larawan 4) Ngayon, ang kongregasyon ay may isang maganda at bagong Kingdom Hall na kumakatawan sa tunay na pagsamba sa isang simple subalit marangal na paraan. (Larawan 5) Ang kongregasyong ito ay may 34 na mamamahayag ng Kaharian na ang katamtamang bilang ng dumadalo sa mga pulong kung Linggo ay 73, subalit 651 ang dumalo sa pag-aalay ng Kingdom Hall. Ang karamihan sa kanila ay mga taong-bayan na humanga nang may pagsang-ayon nang makitang nakapagtayo ang mga Saksi ng isang bulwagan sa loob lamang nang maikling panahon. Sa pagbubulay-bulay sa nakaraang mga kaganapan hinggil sa bagay na ito, ang sangay sa Zimbabwe ay sumulat: “Sa loob ng isang buwang pagtatayo ng isang bagong Kingdom Hall, karaniwang nadodoble ang bilang ng dumadalo.”—Larawan 6 at 7.
Walang alinlangan, ang maraming bagong Kingdom Hall ay tumutulong sa pagkakaroon ng mga dako para sa espirituwal na ikatitibay ng nakaalay na mga Kristiyano at mga taong interesado. “Malaking kagalakan ang aming nadarama,” ang sabi ng isang Saksi sa Ukraine pagkatapos na sinimulang gamitin ng lokal na kongregasyon ang bagong Kingdom Hall nito. “Nakita ng aming sariling mga mata kung paano tumutulong si Jehova sa kaniyang bayan.”
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 10, 11]
Pinahahalagahan ang Bukas-Palad na Pagtangkilik
Ang mga Saksi ni Jehova ay nananabik na makita ang mabilis na pagsulong na naisasagawa upang matugunan ang apurahang pangangailangan para sa mga bagong Kingdom Hall sa palibot ng globo. Ang patuloy na pagsulong ng bilang ng mga mananamba ni Jehova sa iba’t ibang bansa ay humihiling na maraming bagong Kingdom Hall ang kailangang itayo sa hinaharap. Aba, sa katamtamang bilang, noong 2001 taon ng paglilingkod, 32 bagong mga kongregasyon ang naitatatag bawat linggo! Ang gayong mga kongregasyon ay nangangailangan ng mga lugar upang doo’y magtipon at sumamba.
Maaaring bumangon ang tanong na, ‘Paano natin tinutustusan ang gayong mga proyekto gaya ng konstruksiyon ng mga bagong Kingdom Hall, lalo na sa mga bansang mahirap lamang ang mga kapatid?’ Ang sagot ay nagsasangkot kapuwa sa pagtangkilik ng Diyos at sa pagkabukas-palad ng mga tao.
Gaya ng kaniyang pangako, ibinubuhos ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu sa kaniyang mga lingkod, upang sila ay “gumawa ng mabuti, na maging mayaman sa maiinam na gawa, na maging mapagbigay, handang mamahagi.” (1 Timoteo 6:18) Ang espiritu ng Diyos ang nag-uudyok sa mga Saksi ni Jehova na tangkilikin ang gawaing pangangaral ng Kaharian sa lahat ng paraan—na inilalaan ang kanilang panahon, lakas, personal na pagpapagal, at iba pa nilang tinataglay para sa mga Kristiyanong gawain.
Ang espiritu ng bukas-palad na pagbibigay ay gumaganyak sa mga Saksi at sa iba pa na tumulong sa pinansiyal na paraan sa gawaing pagpapalawak at pagtatayo. Bukod pa sa pagtulong upang matakpan ang regular na mga gastusin ng lokal na kongregasyon, sila ay nag-aabuloy sa gawaing pagtatayo sa ibang panig ng lupa.
Sa bawat kongregasyon, may mga kahon na maliwanag na nasusulatan ng “Contributions for the Worldwide Work—Matthew 24:14.” Doon ay maaaring ihulog ng mga indibiduwal ang kusang-loob na mga abuloy, kung nais nila. (2 Hari 12:9) Ang lahat ng donasyon, malalaki at maliliit, ay pinahahalagahan. (Marcos 12:42-44) Ang mga pondong ito ay ginagamit sa iba’t ibang paraan ayon sa pangangailangan, lakip na sa konstruksiyon ng mga Kingdom Hall. Ang gayong mga pondo ay hindi ginagamit sa pagbabayad ng suweldo ng mga pinuno sapagkat wala nito ang mga Saksi ni Jehova.
Naisasakatuparan ba ng mga kontribusyon para sa pambuong-daigdig na gawain ang layunin nito? Oo, gayon nga. Ang sangay sa Liberia—isang bansang sinalanta ng digmaang sibil—ay nag-ulat na ang karamihan sa lokal na mga Saksi ay walang trabaho at may malulubhang suliranin sa pananalapi. Paano magkakaroon ng angkop na mga dako ng pagsamba ang bayan ni Jehova sa bansang ito? “Ang bukas-palad na mga kontribusyon ng mga kapatid sa ibang mga lupain ay gagamitin upang matustusan ang gawain,” ang sabi ng tanggapang pansangay. “Isa ngang matalino at maibiging kaayusan!”
Ang lokal na mga kapatid ay nag-aabuloy rin, sa kabila ng karukhaan. Ang bansang Sierra Leone sa Aprika ay nag-ulat: “Ang lokal na mga kapatid ang nasa likod ng pagsisikap at naliligayahan na magpagal at magbigay ng anumang makakayanan nilang pinansiyal na mga kontribusyon upang suportahan ang konstruksiyon ng mga Kingdom Hall.”
Sa wakas, ang pagsisikap na ito sa pagtatayo ay nagdudulot ng papuri kay Jehova. Ang mga kapatid mula sa Liberia ay masiglang nagsasabi: “Ang konstruksiyon ng mga angkop na dako ng pagsamba sa buong bansa ay magpapakita sa mga tao na ang tunay na pagsamba ay mananatili rito at magbibigay ng karangalan at kagayakan sa dakilang pangalan ng ating Diyos.”