Palakasin ang Isa’t Isa
“Ang mga ito ang siyang naging tulong na nagpapalakas sa akin.”—COLOSAS 4:11.
1, 2. Sa kabila ng mga panganib, bakit dinalaw si Pablo sa bilangguan ng kaniyang mga kaibigan?
MAPANGANIB ang maging kaibigan ng isang nagdurusa sa bilangguan—kahit na di-makatarungan ang pagkabilanggo ng iyong kaibigan. Maaari kang paghinalaan ng mga opisyal ng bilangguan, anupat minamanmanan ang bawat kilos mo upang matiyak na hindi ka gagawa ng masama. Kung gayon, kailangan ang lakas ng loob upang patuloy na makipagtalastasan sa iyong kaibigan at madalaw siya sa bilangguan.
2 Subalit iyan mismo ang ginawa ng ilan sa mga kaibigan ni apostol Pablo mga 1,900 taon na ang nakalilipas. Hindi sila nag-atubiling dumalaw kay Pablo habang nakabilanggo siya upang bigyan siya ng kinakailangang kaaliwan at pampatibay-loob at upang palakasin siya sa espirituwal. Sinu-sino ang matatapat na kaibigang ito? At ano ang matututuhan natin sa kanilang lakas ng loob, pagkamatapat, at pakikipagkaibigan?—Kawikaan 17:17.
“Tulong na Nagpapalakas”
3, 4. (a) Sinu-sino ang limang kaibigan ni Pablo, at sila ay naging ano sa kaniya? (b) Ano ang “tulong na nagpapalakas”?
3 Balikan natin ang mga taóng 60 C.E. Nakabilanggo noon sa Roma si apostol Pablo dahil sa maling paratang na sedisyon. (Gawa 24:5; 25:11, 12) Partikular na binanggit ni Pablo ang limang Kristiyano na sumuporta sa kaniya: Si Tiquico, ang kaniyang personal na sugo mula sa distrito ng Asia at “kapuwa alipin sa Panginoon”; si Onesimo, isang “tapat at minamahal na kapatid” mula sa Colosas; si Aristarco, isang taga-Macedonia na mula sa Tesalonica at dating “kapuwa bihag” ni Pablo; si Marcos, ang pinsan ng kasamang misyonero ni Pablo na si Bernabe at manunulat ng Ebanghelyo na nagtataglay ng kaniyang pangalan; at si Justo, isa sa mga kamanggagawa ng apostol “para sa kaharian ng Diyos.” Sinabi ni Pablo tungkol sa lima: “Ang mga ito ang siyang naging tulong na nagpapalakas sa akin.”—Colosas 4:7-11.
4 Mahalaga ang mga sinabi ni Pablo tungkol sa pagtulong sa kaniya ng matatapat na kaibigan niya. Ginamit niya ang salitang Griego (pa·re·go·riʹa) na isinaling “tulong na nagpapalakas,” na sa talatang ito lamang masusumpungan sa Bibliya. Maraming kahulugan ang salitang ito at lalo nang ginagamit sa mga kontekstong pangmedisina.a Maaari itong isaling ‘kasiyahan, kaibsan, kaaliwan, o kaginhawahan.’ Kinailangan ni Pablo ang gayong uri ng pampalakas, at inilaan ito ng limang lalaking iyon.
Kung Bakit Kinailangan ni Pablo ang “Tulong na Nagpapalakas”
5. Sa kabila ng pagiging apostol, ano ang kinailangan ni Pablo, at ano ang kailangan nating lahat paminsan-minsan?
5 Maaaring ipagtaka ng ilan kung bakit kinailangang palakasin si Pablo, na isang apostol. Pero talagang kinailangan niya ito. Totoo, malakas ang pananampalataya ni Pablo, at nakayanan niya ang maraming pisikal na pang-aabuso, ‘labis-labis na paghampas,’ ‘madalas na pagkabingit sa kamatayan,’ at iba pang mga hirap. (2 Corinto 11:23-27) Gayunpaman, tao lamang siya, at lahat ng tao ay nangangailangang tumanggap ng kaaliwan paminsan-minsan at mapatibay ang kanilang pananampalataya sa tulong ng iba. Totoo ito maging kay Jesus. Noong huling gabi niya sa lupa, nagpakita sa kaniya ang isang anghel sa Getsemani at “pinalakas siya.”—Lucas 22:43.
6, 7. (a) Sa Roma, sinu-sino ang mga nakapagpasiphayo kay Pablo, at sinu-sino naman ang mga nakapagpasigla sa kaniya? (b) Anu-anong uri ng paglilingkod ang ginawa sa kaniya ng Kristiyanong mga kapatid ni Pablo noong nasa Roma siya, sa gayon ay pinatunayan nilang sila ay “tulong na nagpapalakas”?
6 Kinailangan ding palakasin si Pablo. Nang dumating siya bilang isang bilanggo sa Roma, hindi siya malugod na tinanggap ng kaniyang mga kalahi. Ang mga Judiong ito, sa pangkalahatan, ay ayaw tumanggap ng mensahe ng Kaharian. Matapos dumalaw ang mga pangunahing lalaki ng mga Judio kay Pablo sa kaniyang bilangguan, sinasabi sa ulat ng Mga Gawa: “Ang ilan ay nagsimulang maniwala sa mga bagay na sinabi; ang iba ay ayaw maniwala. Kaya, dahil hindi sila magkasundo sa isa’t isa, sila ay lumisan.” (Gawa 28:17, 24, 25) Tiyak na masakit para kay Pablo ang kanilang matinding kawalan ng pagpapahalaga sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova! Kitang-kita ang kaniyang masidhing damdamin hinggil sa bagay na ito sa kaniyang liham para sa kongregasyon sa Roma na isinulat niya mga ilang taon bago ang pangyayaring iyon: “Mayroon akong malaking pamimighati at namamalaging kirot sa aking puso. Sapagkat hinihiling ko sana na ako mismo ay ihiwalay mula sa Kristo bilang ang isinumpa alang-alang sa aking mga kapatid [mga Judio], ang aking mga kamag-anak ayon sa laman.” (Roma 9:2, 3) Gayunman, talagang nakasumpong siya sa Roma ng matatapat at tunay na mga kasama na nakaaliw sa kaniyang puso dahil sa kanilang lakas ng loob at pagmamahal. Sila ang kaniyang tunay na espirituwal na mga kapatid.
7 Paano pinatunayan ng limang kapatid na iyon na sila ay tulong na nagpapalakas? Hindi nila iniwasan si Pablo dahil lamang sa nakabilanggo siya. Sa halip, kusa at maibigin silang naglingkod nang personal kay Pablo, anupat ginampanan ang mga gawain na hindi niya mismo magawa dahil sa kaniyang pagkakabilanggo. Halimbawa, naging mensahero sila at naghatid ng mga liham ni Pablo at ng mga ipinasasabi niyang mga tagubilin sa iba’t ibang kongregasyon; nagdala sila ng nakapagpapasiglang ulat kay Pablo tungkol sa kalagayan ng mga kapatid sa Roma at sa iba pang dako. Malamang na nagdala sila ng kinakailangang mga bagay, tulad ng damit para sa taglamig, mga balumbon, at mga kagamitan sa pagsulat. (Efeso 6:21, 22; 2 Timoteo 4:11-13) Nakapagpalakas at nakapagpasigla sa nakabilanggong apostol ang lahat ng gayong nakatutulong na mga gawa anupat, dahil dito, siya naman ay naging “tulong na nagpapalakas” sa iba, pati na sa lahat ng kongregasyon.—Roma 1:11, 12.
Kung Paano Maging “Tulong na Nagpapalakas”
8. Anong aral ang matututuhan natin sa mapagpakumbabang pag-amin ni Pablo na nangangailangan siya ng “tulong na nagpapalakas”?
8 Ano ang matututuhan natin mula sa ulat na ito tungkol kay Pablo at sa kaniyang limang kamanggagawa? Suriin natin ang isang partikular na aral: Kailangan ang lakas ng loob at pagsasakripisyo sa sarili upang tulungan ang iba kapag nakararanas sila ng kahirapan. Karagdagan pa, kailangan ang kapakumbabaan upang tanggapin na maaari tayong mangailangan ng tulong kapag personal tayong nakararanas ng kabagabagan. Hindi lamang inamin ni Pablo na talagang nangailangan siya ng tulong kundi may-pagpapahalaga niyang tinanggap ang tulong na iyon at pinapurihan ang mga tumulong. Hindi niya itinuring na isang tanda ng kahinaan o isang kahihiyan sa kaniyang bahagi ang pagtanggap ng tulong mula sa iba, at dapat na gayundin tayo. Kung sasabihin nating hindi tayo nangangailangan kailanman ng tulong, mangangahulugan ito na nakahihigit tayo sa tao. Tandaan, ipinakikita ng halimbawa ni Jesus na maging ang sakdal na tao ay maaaring kailangang humiyaw nang malakas kung minsan para humingi ng tulong.—Hebreo 5:7.
9, 10. Ano ang mabubuting resulta kapag inaamin ng isang tao na kailangan niya ng tulong, at anong impluwensiya ang idudulot nito sa ibang miyembro ng pamilya at ng kongregasyon?
9 Mabuti ang mga nagiging resulta kapag inaamin ng mga may mabibigat na tungkulin na may mga limitasyon sila at inaasahan nila ang suporta ng iba. (Santiago 3:2) Pinatitibay ng gayong pag-amin ang buklod sa pagitan ng mga may awtoridad at ng mga nasasakupan ng awtoridad na iyon, anupat naitataguyod ang magiliw at malayang komunikasyon. Ang kapakumbabaan ng mga handang tumanggap ng tulong ay nagsisilbing praktikal na halimbawa para sa ibang nasa nakakatulad na situwasyon. Ipinakikita nito na tao rin at madaling lapitan ang mga nangunguna.—Eclesiastes 7:20.
10 Halimbawa, maaaring mas madaling tanggapin ng mga anak ang tulong ng kanilang mga magulang sa pagharap sa mga problema at mga tukso kung alam nila na napaharap din ang kanilang mga magulang sa nakakatulad na mga hamon noong bata pa ang mga ito. (Colosas 3:21) Sa gayon ay nagiging bukás ang linya ng komunikasyon sa pagitan ng magulang at anak. Mas mabisang maibabahagi ang maka-Kasulatang mga solusyon at mas madali itong tanggapin. (Efeso 6:4) Sa katulad na paraan, mas magiging handang tumanggap ng tulong mula sa matatanda ang mga miyembro ng kongregasyon kapag nalaman nila na nakararanas din ng mga problema, pangamba, at kalituhan ang matatanda. (Roma 12:3; 1 Pedro 5:3) Muli, magbubunga ito ng mahusay na komunikasyon, maibabahagi ang maka-Kasulatang payo, at mapalalakas ang pananampalataya. Tandaan, ngayon higit kailanman, kailangan ng ating mga kapatid ang pagpapalakas.—2 Timoteo 3:1.
11. Bakit napakarami sa ngayon ang nangangailangan ng “tulong na nagpapalakas”?
11 Saanman tayo nakatira, sino man tayo, o gaanuman tayo katanda, tayong lahat ay mapapaharap kung minsan sa mga kaigtingan sa buhay. Bahagi ito ng daigdig sa ngayon. (Apocalipsis 12:12) Ang gayong mga kalagayan na nagpapahirap sa pisikal at emosyon ay sumusubok sa kalidad ng ating pananampalataya. Maaaring bumangon ang mapanubok na mga situwasyon sa trabaho, paaralan, sa loob ng pamilya, o sa kongregasyon. Maaaring maging sanhi ang isang malubhang sakit o ang nakalipas na masaklap na karanasan. Kung ang isang kabiyak, matanda, o kaibigan ay may-kabaitang magbibigay ng pampatibay-loob sa pamamagitan ng makonsiderasyong mga salita at nakatutulong na mga gawa—tiyak na makaaaliw iyon! Aba, para itong panghaplas sa isang mahapding bahagi ng balat! Kung gayon, kapag napansin mong nasa gayong kalagayan ang iyong kapatid, maging tulong ka na nagpapalakas sa kaniya. O kapag napabibigatan ka ng isang talagang nakababagabag na problema, humingi ng tulong sa mga may espirituwal na kuwalipikasyon.—Santiago 5:14, 15.
Kung Paano Makatutulong ang Kongregasyon
12. Ano ang maaaring gawin ng bawat isa sa kongregasyon upang mapalakas ang kaniyang mga kapatid?
12 Ang lahat sa kongregasyon, pati na ang mga kabataan, ay may magagawa upang palakasin ang iba. Halimbawa, malaki ang nagagawa ng iyong pagiging regular sa mga pulong at sa paglilingkod sa larangan sa pagpapatibay sa pananampalataya ng iba. (Hebreo 10:24, 25) Ang katatagan mo sa sagradong paglilingkod ay katibayan ng iyong pagkamatapat kay Jehova at ipinakikita nito na nananatili kang gising sa espirituwal sa kabila ng mga problemang maaaring kinakaharap mo. (Efeso 6:18) Ang gayong katatagan ay maaaring magdulot ng nakapagpapalakas na epekto sa iba.—Santiago 2:18.
13. Bakit maaaring maging di-aktibo ang ilan, at ano ang magagawa upang tulungan sila?
13 Kung minsan, ang ilan ay maaaring magmabagal o maging di-aktibo sa paglilingkod sa larangan dahil sa mga panggigipit sa buhay o sa iba pang mga problema. (Marcos 4:18, 19) Maaaring hindi natin nakikita ang mga di-aktibo sa mga pulong ng kongregasyon. Gayunman, malamang na mayroon pa rin silang pag-ibig sa Diyos sa kanilang puso. Ano ang maaaring gawin upang mapalakas ang kanilang pananampalataya? Makapagbibigay ng mabait na tulong ang matatanda sa pamamagitan ng pagdalaw sa kanila. (Gawa 20:35) Maaari ring hilingang tumulong ang ibang miyembro ng kongregasyon. Maaaring ang gayong maibiging mga pagdalaw ang mismong lunas, wika nga, upang muling mapalakas ang mga may mahinang pananampalataya.
14, 15. Ano ang ipinayo ni Pablo hinggil sa pagpapalakas sa iba? Ilahad ang halimbawa ng isang kongregasyon na nagkapit ng kaniyang payo.
14 Pinapayuhan tayo ng Bibliya na “magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo, alalayan ang mahihina.” (1 Tesalonica 5:14) Baka nadarama niyaong “mga kaluluwang nanlulumo” na pinanghihinaan na sila ng loob at hindi na nila kayang pagtagumpayan ang mga problemang napapaharap sa kanila nang walang tulong mula sa iba. Maibibigay mo ba ang tulong na iyon? Ang pananalitang “alalayan ang mahihina” ay isinasalin na “hawakang mabuti” o “huwag bitiwan” ang mahina. Inaaruga at iniibig ni Jehova ang lahat ng kaniyang tupa. Hindi niya minamalas ang mga ito na di-gaanong mahalaga, at hindi niya nais na mapalayo ang sinuman sa mga ito. Matutulungan mo ba ang kongregasyon na “hawakang mabuti” ang mahihina sa espirituwal hanggang sa lumakas sila?—Hebreo 2:1.
15 Dinalaw ng isang matanda ang mag-asawang anim na taon nang di-aktibo. Sumulat ang matanda: “Ang mabait at maibiging pagmamalasakit na ipinakita sa kanila ng buong kongregasyon ay nagkaroon ng napakalaking epekto anupat napasigla silang bumalik sa kawan.” Ano ang nadama ng dating di-aktibong kapatid na babae sa mga pagdalaw ng mga miyembro ng kongregasyon? Sinasabi niya ngayon: “Natulungan kami na maging aktibong muli dahil hindi kailanman nagpakita sa amin ng mapanghatol o mapamunang saloobin ang mga kapatid na lalaking dumalaw sa amin ni ang mga kapatid na babaing kasama nila. Sa halip, naging maunawain sila at nagbigay ng maka-Kasulatang pampatibay-loob.”
16. Sino ang laging handang tumulong sa mga nangangailangan ng pagpapalakas?
16 Oo, nalulugod ang isang taimtim na Kristiyano na maging tulong na nagpapalakas sa iba. At habang nagbabago ang mga kalagayan sa ating buhay, baka tayo mismo ay makaranas ng nakapagpapalakas na mga gawa ng ating mga kapatid. Subalit dapat nating unawain na may mga pagkakataong wala tayong matatanggap na tulong mula sa tao sa panahon ng pangangailangan. Gayunpaman, may isang Pinagmumulan ng lakas na laging maaasahan, isa na laging handang tumulong—ang Diyos na Jehova.—Awit 27:10.
Si Jehova—Ang Ultimong Pinagmumulan ng Lakas
17, 18. Sa anu-anong paraan pinalakas ni Jehova ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo?
17 Habang nakapako sa tulos, humiyaw nang malakas si Jesus: “Ama, sa iyong mga kamay ay ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu.” (Lucas 23:46) Pagkatapos ay namatay siya. Mga ilang oras bago ito, inaresto siya at iniwan ng pinakamatatalik niyang kaibigan na tumakas dahil sa takot. (Mateo 26:56) Naiwang mag-isa si Jesus na may iisa lamang Pinagmumulan ng lakas—ang kaniyang makalangit na Ama. Gayunpaman, hindi siya nagkamali sa pagtitiwala kay Jehova. Ang pagkamatapat ni Jesus sa kaniyang Ama ay ginantimpalaan ng mismong matapat na pagsuporta ni Jehova sa kaniya.—Awit 18:25; Hebreo 7:26.
18 Sa buong ministeryo ni Jesus sa lupa, ibinigay ni Jehova sa kaniyang Anak ang kailangan nito upang makapanatili itong tapat hanggang kamatayan. Halimbawa, pagkatapos na pagkatapos mabautismuhan si Jesus, na siyang tanda ng pasimula ng kaniyang ministeryo, narinig niya ang tinig ng kaniyang Ama na nagpapahayag ng pagsang-ayon at nagbibigay ng katiyakan ng pag-ibig Niya sa kaniya. Nang mangailangan ng suporta si Jesus, nagsugo ng mga anghel si Jehova upang palakasin siya. Nang mapaharap si Jesus sa kaniyang pinakamatinding pagsubok sa katapusan ng kaniyang makalupang buhay, may-paglingap na dininig ni Jehova ang kaniyang mga pagsusumamo at mga pakiusap. Tiyak na naging tulong na nagpapalakas kay Jesus ang lahat ng ito.—Marcos 1:11, 13; Lucas 22:43.
19, 20. Paano tayo makatitiyak na palalakasin tayo ni Jehova sa oras ng ating pangangailangan?
19 Nais din ni Jehova na siya ang maging pangunahing Pinagmumulan ng ating lakas. (2 Cronica 16:9) Ang tunay na Pinagmumulan ng lahat ng dinamikong lakas at malakas na kapangyarihan ay maaaring maging tulong na nagpapalakas sa atin sa oras ng pangangailangan. (Isaias 40:26) Maaari tayong gipitin nang husto ng digmaan, karalitaan, sakit, kamatayan, o ng ating sariling mga di-kasakdalan. Kapag ang mga pagsubok sa buhay ay waring nananaig na parang isang “malakas na kaaway,” maaari nating maging kalakasan si Jehova. (Awit 18:17; Exodo 15:2) Mayroon siyang makapangyarihang tulong para sa atin—ang kaniyang banal na espiritu. Sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, makapagbibigay si Jehova ng “lakas sa pagod” upang ‘makapailanlang sila na may mga pakpak na gaya ng mga agila.’—Isaias 40:29, 31.
20 Ang espiritu ng Diyos ang pinakamakapangyarihang puwersa sa sansinukob. Sinabi ni Pablo: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.” Oo, mabibigyan tayo ng “lakas na higit sa karaniwan” ng ating maibigin at makalangit na Ama upang mabata natin ang lahat ng mahihirap na problema hanggang sa gawin niyang “bago ang lahat ng bagay” sa kaniyang ipinangakong Paraiso na napakalapit na.—Filipos 4:13; 2 Corinto 4:7; Apocalipsis 21:4, 5.
[Talababa]
a Sinasabi ng Vine’s Complete Expository Dictionary of Old and New Testament Words, ni W. E. Vine: “Ang anyong pandiwa ng salita [pa·re·go·riʹa] ay nagpapahiwatig ng mga gamot na ginagamit para maibsan ang hapdi.”
Naaalaala Mo Ba?
• Paano pinatunayan ng mga kapatid sa Roma na sila ay “tulong na nagpapalakas” kay Pablo?
• Sa anu-anong paraan tayo magiging “tulong na nagpapalakas” sa kongregasyon?
• Paanong si Jehova ang ating ultimong Pinagmumulan ng lakas?
[Larawan sa pahina 18]
Pinatunayan ng mga kapatid na sila ay “tulong na nagpapalakas” kay Pablo sa pamamagitan ng kanilang matapat na pagsuporta, pampatibay-loob, at personal na mga paglilingkod sa kaniya
[Larawan sa pahina 21]
Nangunguna ang matatanda sa pagpapalakas sa kawan