Talambuhay
Bagaman Bulag, Nakakita Ako!
AYON SA SALAYSAY NI EGON HAUSER
Pagkalipas ng dalawang buwan ng literal na pagkabulag, nakita ko ang mga katotohanan sa Bibliya na aking ipinagwalang-bahala sa buong buhay ko.
KAPAG ginugunita ko ang nakalipas na mahigit na pitong dekada, maraming aspekto ng buhay ko ang nagbibigay sa akin ng labis na kasiyahan. Pero kung mababago ko lamang ang isang bagay sa aking buhay, sana’y nakilala ko nang mas maaga ang Diyos na Jehova.
Ako ay isinilang noong 1927 sa Uruguay, isang maliit na bansang hugis-peras na nasa pagitan ng Argentina at Brazil at nagtataglay ng kilu-kilometrong magandang tanawin sa kahabaan ng Baybaying Atlantiko. Ang populasyon nito ay pangunahin nang binubuo ng mga inapo ng mga dayuhang Italyano at Kastila. Gayunman, ang aking mga magulang ay mga dayuhang Hungaryo, at noong musmos pa ako, tumira kami sa isang komunidad na pangkaraniwan lamang pero malapít naman sa isa’t isa ang mga tao. Hindi na namin kailangan ang mga kandado sa aming mga pintuan o mga rehas sa aming mga bintana. Walang pagtatangi ng lahi sa gitna namin. Mga dayuhan at mga katutubo, mga itim at mga puti—magkakaibigan kaming lahat.
Ang mga magulang ko ay aktibong mga Katoliko, at naging sakristan ako sa edad na sampung taon. Bilang adulto, nagtrabaho ako sa lokal na parokya at naging miyembro ng isang grupo na nagsisilbing mga kasangguni ng obispo sa diyosesis. Palibhasa’y medisina ang napili kong propesyon, naanyayahan akong makibahagi sa isang seminar sa Venezuela na inorganisa ng Simbahang Katoliko. Bilang mga doktor na espesyalista sa gynecology, ang aming grupo ay naatasang pag-aralan ang mga kontraseptibong iniinom na ipinagbibili nang panahong iyon.
Unang mga Impresyon Bilang Estudyante sa Medisina
Noong estudyante pa ako sa medisina at nag-aaral tungkol sa katawan ng tao, lalong lumaki ang paghanga ko sa karunungang makikita sa pagkakadisenyo nito. Halimbawa, namangha ako sa kakayahan ng katawan na paghilumin ang sarili nito at makabawi mula sa trauma, gaya na lamang kapag ang atay o ilang tadyang ay nakapanunumbalik sa normal na laki nito pagkatapos na bawasan nang kaunti.
Kasabay nito, marami akong nakitang biktima ng malulubhang aksidente, at nalulungkot ako kapag namatay sila dahil sa sinalinan sila ng dugo. Naaalaala ko pa hanggang ngayon kung gaano kahirap makipag-usap sa mga kamag-anak ng mga pasyenteng namatay dahil sa mga komplikasyong dulot ng dugo. Kadalasan, hindi sinasabi sa mga kamag-anak na ang pagsasalin ng dugo ang ikinamatay ng kanilang mahal sa buhay. Sa halip, ibang mga dahilan ang sinasabi sa kanila. Bagaman maraming taon na ang lumipas, naaalaala ko pa rin ang aking pagdududa hinggil sa pagsasalin ng dugo, at nagkaroon ako ng konklusyon nang dakong huli na may mali sa gawaing ito. Kung nalaman ko lamang sana noon ang kautusan ni Jehova may kinalaman sa kabanalan ng dugo! Sa gayon, naunawaan ko sana kung bakit may pag-aalinlangan ako sa gawaing iyon.—Gawa 15:19, 20.
Kasiyahan Mula sa Pagtulong sa mga Tao
Nang maglaon, naging siruhano ako at direktor ng isang sentro para sa medikal na tulong sa Santa Lucía. Nagtrabaho rin ako sa National Institute of Biological Science. Nagbigay ito sa akin ng malaking kasiyahan. Tinulungan ko ang mga taong may mga sakit, pinaginhawa ang kanilang pisikal na pagdurusa, sa maraming kaso iniligtas ko ang maraming buhay, at tinulungan ang mga ina na magluwal ng kanilang mga anak sa daigdig. Dahil sa naging mga karanasan ko noon may kaugnayan sa mga pagsasalin ng dugo, umiwas ako sa paggamit nito at nagsagawa ng libu-libong operasyon nang walang dugo. Ikinatuwiran ko na ang pagdurugo ay gaya ng tagas sa isang bariles. Ang tanging tunay na solusyon ay ayusin ang tagas, hindi ang patuloy na pagpunô sa bariles.
Paggamot sa mga Pasyenteng Saksi
Naging pamilyar ako sa mga Saksi ni Jehova noong dekada ng 1960 nang magsimula silang magtungo sa aming klinika para magpaopera nang walang dugo. Hinding-hindi ko malilimutan ang kaso ng isang pasyente, isang payunir (buong-panahong ministro) na nagngangalang Mercedes Gonzalez. Lubha siyang anemik anupat ayaw ng mga doktor sa ospital ng unibersidad na magbakasakali sa pag-oopera sa kaniya, sa pag-aakalang tiyak na hindi siya makaliligtas. Bagaman nauubusan na siya ng dugo, inoperahan namin siya sa aming klinika. Matagumpay ang operasyon, at nagpatuloy siya sa pagpapayunir sa loob ng mahigit na 30 taon hanggang sa mamatay siya kamakailan sa edad na 86 na taon.
Lagi akong humahanga sa pag-ibig at interes na ipinakikita ng mga Saksi habang inaasikaso nila ang kanilang naospital na mga kapatid na Kristiyano. Kapag dinadalaw ko ang mga pasyente, nasisiyahan akong makinig kapag ipinakikipag-usap nila ang kanilang mga paniniwala, at tinatanggap ko ang mga publikasyong ibinibigay nila sa akin. Hindi man lang sumagi sa isip ko na di-magtatagal at ako ay hindi lamang magiging doktor nila kundi espirituwal na kapatid din nila.
Naging mas malapít ang kaugnayan ko sa mga Saksi nang mapangasawa ko si Beatriz, anak na babae ng isang pasyente. Karamihan sa kaniyang kapamilya ay nakikisama na sa mga Saksi, at pagkatapos naming makasal, naging aktibo rin siyang Saksi. Sa kabilang panig naman, naging subsob ako sa trabaho at naging kilalá rin sa larangan ng medisina. Waring lubhang kasiya-siya ang buhay. Wala akong kamalay-malay na malapit nang gumuho ang aking mundo.
Dumating ang Kapighatian
Ang isa sa pinakamasaklap na maaaring mangyari sa isang siruhano ay ang mawalan ng kaniyang paningin. Nangyari iyan sa akin. Biglang-bigla, napunit ang dalawang retina ng mga mata ko—nabulag ako at hindi ko alam kung maibabalik pa ang aking paningin. Pagkatapos kong maoperahan, naratay ako sa higaan na nakabenda ang parehong mata at nanlulumo. Pakiramdam ko ay wala na akong silbi at wala nang pag-asa hanggang sa punto na ipinasiya kong wakasan na ang aking buhay. Yamang nasa ikaapat na palapag ako, bumangon ako mula sa higaan at kinapa-kapa ang pader sa pagsisikap na matagpuan ang bintana. Tatalon na sana ako para magpatiwakal. Gayunman, napunta ako sa pasilyo ng ospital, at isang nars ang naghatid sa akin pabalik sa higaan ko.
Hindi ko na tinangkang ulitin iyon. Ngunit dahil sa aking madilim na daigdig, nagpatuloy ang aking panlulumo at pagiging mainisin. Sa panahong ito ng pagkabulag ko, nangako ako sa Diyos na kung makakakita uli ako, babasahin ko ang buong Bibliya. Nang maglaon, bahagyang naisauli ang aking paningin, at puwede na akong magbasa. Pero hindi na ako puwedeng magpatuloy bilang siruhano. Gayunman, sa Uruguay may isang popular na kasabihang “No hay mal que por bien no venga,” “Walang bagay na napakasama anupat wala nang mabuting bagay ang puwedeng magmula rito.” Malapit ko nang maranasan ang katotohanan ng kasabihang iyan.
Di-magandang Pasimula
Gusto kong bumili ng malalaking-letrang edisyon ng The Jerusalem Bible, ngunit nalaman ko na ang mga Saksi ni Jehova ay may di-gaanong mamahaling Bibliya, na inialok naman ng isang kabataang Saksi na kaniyang ihahatid sa bahay ko. Kinabukasan, nakatayo na siya sa aking pintuan sa harapan dala ang Bibliya. Ang asawa ko ang nagbukas ng pintuan at nakipag-usap sa kaniya. May-kagaspangan akong sumigaw mula sa likod ng bahay na kung nabayaran na ng misis ko ang Bibliya, wala nang dahilan para manatili pa ang Saksi sa bahay ko at dapat na siyang umalis, na sabihin pa, siya namang kaagad niyang ginawa. Hindi ko sukat akalain na di-magtatagal, ang mismong taong iyon ay gaganap ng isang mahalagang papel sa aking buhay.
Isang araw may ipinangako ako sa aking asawa na hindi ko natupad. Kaya para makabawi at mapasaya siya, sinabi kong sasama ako sa kaniya sa taunang Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Nang dumating ang araw na iyon, hindi ko kinalimutan ang aking pangako at dumalo ako sa okasyong iyon kasama niya. Humanga ako sa palakaibigang kapaligiran at sa mabait na pagtanggap sa akin. Nang pasimulan ng tagapagsalita ang kaniyang pahayag, nagulat akong makita na siya ang mismong kabataang lalaki na may-kagaspangan kong sinabihan na umalis na sa bahay ko. Lubha akong naantig ng kaniyang pahayag, at labis akong nalungkot sa di-magandang pagtrato ko sa kaniya. Paano kaya ako makababawi sa nagawa ko sa kaniya?
Hiniling ko sa aking asawa na anyayahan siyang maghapunan, pero iminungkahi ng misis ko: “Hindi kaya mas angkop kung ikaw ang mag-imbita sa kaniya? Basta dito ka lang, at lalapit siya sa atin.” Tama ang misis ko. Lumapit nga siya para batiin kami at malugod niyang tinanggap ang paanyaya.
Ang pag-uusap namin noong gabing dumalaw siya ang naging pasimula ng maraming pagbabago sa akin. Ipinakita niya sa akin ang aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan,a at ipinakita ko naman sa kaniya ang anim na kopya ng aklat ding iyon. Iba’t ibang pasyenteng Saksi ang nagbigay ng mga iyon sa akin sa ospital, pero hindi ko kailanman nabasa ang mga iyon. Habang kumakain at pagkatapos nito, hanggang sa kalaliman ng gabi, pinaulanan ko siya ng maraming tanong—na sinagot naman niyang lahat gamit ang Bibliya. Ang pag-uusap ay umabot hanggang sa madaling-araw. Bago siya umalis, inalok ako ng kabataang lalaki ng pag-aaral sa Bibliya, na ginagamit ang aklat na Katotohanan. Natapos naming pag-aralan ang aklat na iyon sa loob ng tatlong buwan at nagpatuloy kami sa aklat na “Babylon the Great Has Fallen!” God’s Kingdom Rules!b Pagkatapos niyan, inialay ko ang aking buhay sa Diyos na Jehova at nabautismuhan.
Muling Nakadama ng Pagiging Kapaki-pakinabang
Dahil sa literal na pagkabulag, nakita ‘ng mga mata ng aking puso’ ang mga katotohanan sa Bibliya na ipinagwalang-bahala ko hanggang sa dumating ang panahong iyon! (Efeso 1:18) Binago ng pagkakilala kay Jehova at ng pagkaalam sa kaniyang maibiging layunin ang aking buong buhay. Minsan pa, nadama ko na ako’y kapaki-pakinabang at maligaya. Tinutulungan ko ang mga tao kapuwa sa pisikal at espirituwal na paraan at ipinakikita ko sa kanila kung paano pahahabain ang kanilang buhay nang ilan pang taon sa sistemang ito ng mga bagay at nang walang hanggan sa bagong sanlibutan.
Nakaaalinsabay ako sa mga pagsulong sa larangan ng medisina, at nakapagsasaliksik hinggil sa mga panganib sa dugo, alternatibong mga paggagamot, mga karapatan ng mga pasyente, at bioethics. Nagkakaroon ako ng mga pagkakataon na ibahagi ang impormasyong ito sa lokal na komunidad ng medisina kapag naaanyayahan akong magsalita tungkol sa mga paksang ito sa mga seminar sa medisina. Noong 1994, ako ay dumalo sa kauna-unahang konggreso ng paggagamot nang walang dugo sa Rio de Janeiro, Brazil, at nagbigay ng pahayag kung paano aasikasuhin ang mga pagdurugo. Ang bahagi ng impormasyong iyan ay kalakip sa artikulong isinulat ko, “Una propuesta: Estrategias para el Tratamiento de las Hemorragias” (“Isang Estratehikong Proposisyon Para sa Paggagamot Kontra sa Pagdurugo”), na inilathala sa magasin sa medisina na Hemoterapia.
Katapatan sa Ilalim ng Panggigipit
Noong una, ang mga pag-aalinlangan ko tungkol sa mga pagsasalin ng dugo ay pangunahin nang nakasalig lamang sa kaalaman sa siyensiya. Gayunman, nang maging pasyente ako mismo sa ospital, nasumpungan kong hindi madaling tanggihan ang mga pagsasalin ng dugo at panatilihin ang aking pananampalataya sa harap ng matinding panggigipit ng mga doktor. Matapos ang isang matinding atake sa puso, kinailangan kong ipaliwanag ang aking paninindigan sa isang siruhano sa loob ng mahigit na dalawang oras. Siya ay anak ng matalik kong mga kaibigan at kaniyang sinabi na hindi niya ako hahayaang mamatay kung inaakala niyang ang pagsasalin ng dugo ay makapagliligtas ng aking buhay. Tahimik akong nanalangin kay Jehova, anupat hinihiling sa kaniya na tulungan ang doktor na ito na unawain at igalang ang aking paninindigan kahit na hindi siya sang-ayon dito. Sa wakas, nangako ang doktor na igagalang niya ang mga kahilingan ko.
Sa isa pang pagkakataon, kinailangan kong ipaalis ang isang malaking tumor sa aking prostate gland. Nagkaroon ng pagdurugo. Muli, ipinaliwanag ko ang mga dahilan ng pagtanggi ko sa mga pagsasalin ng dugo, at bagaman nawalan ako ng dalawang-katlo ng aking dugo, iginalang ng mga kawaning manggagamot ang aking paninindigan.
Pagbabago ng Saloobin
Bilang miyembro ng International Association of Bioethics, naging kasiyahan kong makita ang pagbabago sa saloobin ng mga kawaning manggagamot at mga awtoridad sa batas may kaugnayan sa mga karapatan ng mga pasyente. Ang labis-labis na mapagkalingang saloobin ng mga doktor ay nahalinhan ng paggalang sa may-kabatirang pagsang-ayon. Pinapayagan na nila ngayon ang mga pasyente na pumili ng paraan ng paggagamot. Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi na itinuturing na mga panatikong hindi karapat-dapat sa paggagamot. Sa halip, itinuturing silang mga pasyenteng may lubos na kabatiran na dapat igalang ang mga karapatan. Sa mga seminar sa medisina at sa mga programa sa telebisyon, sinabi ng kilaláng mga propesor: “Salamat sa mga pagsisikap ng mga Saksi ni Jehova, nauunawaan na natin ngayon . . .” “Natuto tayo sa mga Saksi . . .” at “Tinuruan nila tayong sumulong.”
Sinasabi na ang buhay ay mahalaga nang higit sa lahat dahil ang kalayaan at dignidad ay mawawalang kabuluhan kung wala ito. Marami na ngayon ang tumatanggap sa isang nakatataas na legal na konsepto, na kinikilalang ang bawat indibiduwal ang nagmamay-ari ng kaniyang sariling mga karapatan at siya lamang ang makapagpapasiya kung alin sa mga karapatang ito ang dapat mauna sa ilalim ng anumang partikular na kalagayan. Sa ganitong paraan, ang dignidad, kalayaang pumili, at relihiyosong mga paniniwala ay binibigyang-priyoridad. Ang pasyente ay may kalayaang magpasiya. Ang Hospital Information Services, na isinaayos ng mga Saksi ni Jehova, ay nakatulong sa maraming doktor upang sumulong ang kanilang pang-unawa sa mga bagay na ito.
Ang patuloy na suporta ng aking pamilya ay nagpahintulot sa akin na maging kapaki-pakinabang sa paglilingkod kay Jehova at upang makapaglingkod din bilang isang elder sa kongregasyong Kristiyano. Gaya ng nasabi ko na, labis kong pinanghihinayangan na hindi ko nakilala nang mas maaga si Jehova. Pero lubos akong nagpapasalamat na binuksan niya ang aking mga mata sa kamangha-manghang pag-asa na mabuhay sa ilalim ng kaayusan ng Kaharian ng Diyos, kung saan “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ ”—Isaias 33:24.c
[Mga talababa]
a Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
b Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
c Habang inihahanda ang artikulong ito, si Brother Egon Hauser ay pumanaw na. Namatay siyang tapat, at nakikigalak tayo sa kaniya na tiyak ang kaniyang pag-asa.
[Larawan sa pahina 24]
Noong mahigit 30 anyos ako, at nagtatrabaho sa ospital sa Santa Lucía
[Larawan sa pahina 26]
Kasama ang aking asawang si Beatriz noong 1995