Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Ruth
ISA itong nakapagpapasiglang drama hinggil sa pagkamatapat ng dalawang babae sa isa’t isa. Isa itong ulat hinggil sa matinding paggalang sa Diyos na Jehova at pagtitiwala sa kaniyang mga kaayusan. Isa itong kuwento na nagdiriin sa masidhing interes ni Jehova sa linya ng angkang pagmumulan ng Mesiyas. Isa itong nakaaantig na salaysay hinggil sa mga kagalakan at kapighatian ng isang pamilya. Iyan at marami pang iba ang nilalaman ng aklat ng Bibliya na Ruth.
Iniuulat ng aklat ng Ruth ang mga pangyayaring naganap sa loob ng mga 11 taon “noong mga araw nang ang mga hukom ang naglalapat ng katarungan” sa Israel. (Ruth 1:1) Ang mga pangyayaring iniulat ay malamang na naganap sa pasimula ng kapanahunan ng mga Hukom, yamang ang may-ari ng lupain na si Boaz, isa sa mga karakter sa totoong-buhay na dramang ito, ay anak ni Rahab noong panahon ni Josue. (Josue 2:1, 2; Ruth 2:1; Mateo 1:5) Malamang, si propeta Samuel ang sumulat ng salaysay na ito noong 1090 B.C.E. Ito lamang ang tanging aklat sa Bibliya na ipinangalan sa isang babaing hindi Israelita. Ang mensaheng nilalaman nito “ay buháy at may lakas.”—Hebreo 4:12.
“KUNG SAAN KA PAROROON AY PAROROON AKO”
Nang dumating sina Noemi at Ruth sa Betlehem, naging tampulan sila ng pansin. Patuloy na nagtatanong ang mga babaing tagaroon, na tinutukoy ang nakatatanda sa kanilang dalawa: “Ito ba si Noemi?” Bilang tugon, sinabi ni Noemi: “Huwag ninyo akong tawaging Noemi. Tawagin ninyo akong Mara, sapagkat lubha akong pinapait ng Makapangyarihan-sa-lahat. Punô ako nang ako ay umalis, at wala akong dala nang pabalikin ako ni Jehova.”—Ruth 1:19-21.
Nang lumipat ang kaniyang pamilya mula sa Betlehem patungo sa lupain ng Moab dahil sa taggutom sa Israel, “punô” si Noemi sa diwa na mayroon siyang asawa at dalawang anak na lalaki. Gayunman, makalipas ang ilang panahon mula nang manirahan sila sa Moab, namatay ang kaniyang asawang si Elimelec. Nang maglaon, napangasawa ng kaniyang dalawang anak na lalaki ang mga babaing Moabita na sina Orpa at Ruth. Makalipas ang mga sampung taon, namatay nang walang supling ang dalawang anak na lalaki, anupat nabalo ang tatlong babaing ito. Nang ipasiya ni Noemi, ang biyenang babae, na magbalik sa Juda, sumama sa kaniya ang nabalong mga manugang. Habang nasa daan, hinimok ni Noemi ang kaniyang mga manugang na magbalik sa Moab at maghanap ng mapapangasawa sa kanilang mga kababayan. Sumunod si Orpa. Gayunman, ayaw humiwalay ni Ruth kay Noemi, na sinasabi: “Kung saan ka paroroon ay paroroon ako, at kung saan ka magpapalipas ng gabi ay magpapalipas ako ng gabi. Ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos.”—Ruth 1:16.
Dumating ang dalawang balo na sina Noemi at Ruth sa Betlehem sa pasimula ng anihan ng sebada. Sinamantala ni Ruth ang kaayusang itinakda ng Kautusan ng Diyos at nagsimula siyang maghimalay sa bukid na nagkataon namang pag-aari ng isang kamag-anak ni Elimelec—isang nakatatandang Judio na nagngangalang Boaz. Kinagiliwan ni Boaz si Ruth at patuloy siyang naghimalay sa bukid nito “hanggang sa magwakas ang pag-aani ng sebada at ang pag-aani ng trigo.”—Ruth 2:23.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
1:8—Bakit sinabi ni Noemi sa kaniyang mga manugang na magbalik “bawat isa sa bahay ng kaniyang ina” sa halip na sa bahay ng kaniyang ama? Hindi iniulat kung buháy pa ang ama ni Orpa nang panahong iyon. Gayunman, buháy pa ang ama ni Ruth. (Ruth 2:11) Sa kabila nito, binanggit pa rin ni Noemi ang bahay ng kanilang ina. Malamang na iniisip niyang ang pagtukoy sa kanilang mga ina ay magpapaalaala sa kanila hinggil sa nakagiginhawang pagmamahal ng isang ina. Malaking kaaliwan ito para sa mga anak na babaing namimighati nang husto dahil sa paghiwalay sa kanilang minamahal na biyenan. Maaaring ipinakikita rin ng pangungusap na iyon na may permanente at mainam na mga tahanan ang mga ina nina Ruth at Orpa, di-gaya ni Noemi.
1:13, 21—Si Jehova ba ang nagpangyari ng kasawian sa buhay ni Noemi at nagdulot sa kaniya ng kalamidad? Hindi, at hindi pinaratangan ni Noemi ang Diyos ng paggawa ng masama. Gayunman, dahil sa lahat ng nangyari sa kaniya, inisip niyang si Jehova ay laban sa kaniya. Nakadama siya ng hinanakit at kabiguan. Bukod diyan, noong panahong iyon, ang pagkakaroon ng mga anak ay itinuturing na isang pagpapala mula sa Diyos samantalang ang pagkabaog ay itinuturing na isang sumpa. Palibhasa’y wala siyang apo at patay na ang kaniyang dalawang anak na lalaki, posibleng nadama ni Noemi na may dahilan siya upang isipin na hinamak siya ni Jehova.
2:12—Ano ang “sakdal na kabayaran” na tinanggap ni Ruth mula kay Jehova? Nagkaanak ng lalaki si Ruth at tinanggap niya ang karangalan na maging isang kawing sa pinakamahalagang angkan sa kasaysayan—ang angkan ni Jesu-Kristo.—Ruth 4:13-17; Mateo 1:5, 16.
Mga Aral Para sa Atin:
1:8; 2:20. Sa kabila ng mga trahedyang naranasan niya, patuloy na nagtiwala si Noemi sa maibiging-kabaitan ni Jehova. Gayundin ang dapat nating gawin, lalo na kung dumaranas tayo ng mabibigat na pagsubok.
1:9. Ang isang tahanan ay hindi lamang dapat maging kainan at tulugan ng mga miyembro ng pamilya. Dapat itong maging isang mapayapang lugar kung saan maaaring magpahinga at magrelaks.
1:14-16. ‘Bumalik si Orpa sa kaniyang bayan at sa kaniyang mga diyos.’ Hindi ito ginawa ni Ruth. Iniwan niya ang kaalwanan at katiwasayan sa kaniyang tinubuang-bayan at nanatiling matapat kay Jehova. Kung lilinangin natin ang matapat na pag-ibig sa Diyos at ipamamalas ang mapagsakripisyong saloobin, matutulungan tayo na huwag magpadala sa sakim na mga pagnanasa at ‘umurong sa ikapupuksa.’—Hebreo 10:39.
2:2. Gustong samantalahin ni Ruth ang kaayusan hinggil sa paghihimalay para sa mga banyaga at napipighati. Mapagpakumbaba siya. Ang isang nagdarahop na Kristiyano ay hindi dapat maging masyadong mapagmataas anupat tinatanggihan ang maibiging tulong ng mga kapananampalataya o ang anumang tulong ng pamahalaan na maaari naman niyang tanggapin.
2:7. Bagaman may karapatan siyang maghimalay, humingi pa rin ng pahintulot si Ruth bago gawin ito. (Levitico 19:9, 10) Tanda ito ng kaniyang kaamuan. Matalino tayo kung ‘hahanapin natin ang kaamuan,’ sapagkat “ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Zefanias 2:3; Awit 37:11.
2:11. Pinatunayan ni Ruth na higit pa siya sa isang kamag-anak ni Noemi. Isa siyang tunay na kaibigan. (Kawikaan 17:17) Matatag ang pagkakaibigan nila sapagkat ang pundasyon nito ay ang mga katangiang gaya ng pag-ibig, pagkamatapat, empatiya, kabaitan, at mapagsakripisyong saloobin. Higit na mahalaga, nakasalig ito sa kanilang espirituwalidad—sa kanilang pagnanais na paglingkuran si Jehova at mapabilang sa kaniyang mga mananamba. May maiinam na pagkakataon din tayo na linangin ang taimtim na pakikipagkaibigan sa tunay na mga mananamba.
2:15-17. Bagaman pinagaan na ni Boaz ang trabaho ni Ruth, “nagpatuloy siyang maghimalay sa bukid hanggang sa kinagabihan.” Masipag na manggagawa si Ruth. Dapat makilala ang isang Kristiyano sa pagiging masipag na manggagawa.
2:19-22. Nagtamasa ng kasiya-siyang pag-uusap sina Noemi at Ruth sa gabi, anupat ang nakatatanda ay nagpapakita ng interes sa mga gawain ng nakababata, at malaya nilang nasasabi sa isa’t isa ang kanilang mga iniisip at nadarama. Hindi ba dapat na ganito rin ang kalagayan sa isang pamilyang Kristiyano?
2:22, 23. Di-tulad ng anak na babae ni Jacob na si Dina, nakisama si Ruth sa mga mananamba ni Jehova. Anong inam na halimbawa para sa atin!—Genesis 34:1, 2; 1 Corinto 15:33.
NAGING “PUNÔ” SI NOEMI
Napakatanda na ni Noemi para magkaanak. Kaya tinagubilinan niya si Ruth na humalili sa kaniya sa pag-aasawa sa manunubos, o pag-aasawa sa bayaw. Sinunod ni Ruth ang utos ni Noemi at hiniling niya kay Boaz na gumanap ito bilang manunubos. Sumang-ayon naman si Boaz. Gayunman, may isang mas malapit na kamag-anak na dapat munang bigyan ng pagkakataong tumubos.
Kaagad inasikaso ni Boaz ang bagay na ito. Kinabukasan mismo, tinipon niya ang sampung matatandang lalaki ng Betlehem sa harap ng kamag-anak at tinanong ito kung handa ba niyang gawin ang pagtubos. Tumanggi ang lalaki. Kaya si Boaz ang naging manunubos at nagpakasal kay Ruth. Nagkaroon sila ng isang anak na lalaki, si Obed, ang lolo ni Haring David. Sinabi ngayon ng kababaihan sa Betlehem kay Noemi: “Pagpalain si Jehova . . . Siya ay naging tagapagsauli ng iyong kaluluwa at tagapag-alaga sa iyong katandaan, sapagkat ang iyong manugang na nagmamahal sa iyo, na mas mabuti sa iyo kaysa sa pitong anak na lalaki, ay nagsilang sa kaniya.” (Ruth 4:14, 15) Ang babaing nagbalik sa Betlehem nang ‘walang dala’ ay muli na namang naging “punô”!—Ruth 1:21.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
3:11—Bakit nakilala si Ruth bilang isang “mahusay na babae”? Hindi dahil sa “panlabas na pagtitirintas ng buhok” o sa ‘pagsusuot ng mga gintong palamuti o sa pagbibihis ng mga panlabas na kasuutan’ kung kaya hinangaan ng iba si Ruth. Sa halip, dahil ito sa “lihim na pagkatao ng puso”—sa kaniyang pagkamatapat at pag-ibig, sa kaniyang kapakumbabaan at kaamuan, at sa kaniyang kasipagan at mapagsakripisyong saloobin. Ang mga katangiang ito ay dapat linangin ng sinumang babaing may takot sa Diyos kung nais nilang magkaroon ng reputasyong kagaya ng kay Ruth.—1 Pedro 3:3, 4; Kawikaan 31:28-31.
3:14—Bakit bumangon sina Ruth at Boaz bago magbukang-liwayway? Hindi ito nangangahulugang nakagawa sila ng imoralidad nang gabing iyon at gusto nila itong ilihim. Ang ikinilos ni Ruth nang gabing iyon ay maliwanag na kasuwato ng karaniwang ginagawa ng babaing humihiling ng karapatan sa pag-aasawa bilang bayaw. Sinunod niya ang tagubilin ni Noemi. Bukod diyan, ipinakikita ng naging reaksiyon ni Boaz na wala siyang nakitang masama sa ginawa ni Ruth. (Ruth 3:2-13) Maliwanag na bumangon nang maaga sina Ruth at Boaz upang walang sinuman ang magkaroon ng dahilan na magsimula ng walang-basehang mga usap-usapan.
3:15—Ano ang kahulugan ng pagbibigay ni Boaz ng anim na takal ng sebada kay Ruth? Malamang, ipinahihiwatig ng pagkilos na ito na nalalapit na ang araw ng pahinga ni Ruth, kung paanong may isang araw ng pahinga pagkatapos ng anim araw na paggawa. Tiniyak ni Boaz na magkakaroon siya ng “pahingahang-dako” sa bahay ng kaniyang asawang lalaki. (Ruth 1:9; 3:1) Maaari rin namang anim na takal lamang ng sebada ang kayang sunungin ni Ruth.
3:16—Bakit itinanong ni Noemi kay Ruth: “Sino ka, anak ko?” Hindi kaya niya nakilala ang kaniyang manugang? Posible, yamang maaaring madilim pa nang magbalik si Ruth kay Noemi. Gayunman, ang tanong na iyon ay maaari ring mangahulugan na nag-uusisa si Noemi hinggil sa posibleng bagong pagkakakilanlan ni Ruth may kaugnayan sa pagkatubos sa kaniya.
4:6—Sa anong paraan maaaring “masira” ng isang manunubos ang kaniyang mana kung gagawin niya ang pagtubos? Unang-una, kapag ipinagbili ng isang taong nabaon sa kahirapan ang kaniyang lupaing mana, kailangang bilhin ng manunubos ang lupain sa isang tiyak na halaga depende sa bilang ng nalalabing mga taon bago sumapit ang susunod na Jubileo. (Levitico 25:25-27) Pabababain nito ang halaga ng kaniyang sariling mga ari-arian. Bukod diyan, kapag nanganak si Ruth, ang anak niyang lalaki, hindi ang sinuman sa kasalukuyang malalapit na kamag-anak ng manunubos, ang magmamana ng biniling lupain.
Mga Aral Para sa Atin:
3:12; 4:1-6. Maingat na sinunod ni Boaz ang kaayusan ni Jehova. Maingat ba nating sinusunod ang teokratikong mga pamamaraan?—1 Corinto 14:40.
3:18. Nagtiwala si Noemi kay Boaz. Hindi ba dapat din tayong magtiwala sa ating tapat na mga kapananampalataya? Handa si Ruth na sundin ang kaayusan sa pag-aasawa bilang bayaw at magpakasal sa isang lalaki na hindi man lamang niya kilala, isang lalaking hindi binanggit ang pangalan sa Bibliya. (Ruth 4:1) Bakit? Dahil nagtitiwala siya sa kaayusan ng Diyos. May gayon din ba tayong pagtitiwala? Halimbawa, hinggil sa paghahanap ng mapapangasawa, sinusunod ba natin ang payo na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon”?—1 Corinto 7:39.
4:13-16. Bagaman si Ruth ay isang Moabita at dating mananamba ng diyos na si Kemos, talagang natatangi ang pribilehiyong tinanggap niya! Inilalarawan nito ang simulain na “nakasalalay ito, hindi sa isa na nagnanais ni sa isa na tumatakbo, kundi sa Diyos, na siyang may awa.”—Roma 9:16.
‘Maitataas Ka ng Diyos sa Takdang Panahon’
Si Jehova ay inilalarawan sa aklat ng Ruth bilang isang Diyos ng maibiging-kabaitan, na kumikilos alang-alang sa kaniyang matapat na mga lingkod. (2 Cronica 16:9) Kapag binubulay-bulay natin kung paano pinagpala si Ruth, nakikita natin ang kahalagahan ng pagtitiwala at lubos na pananampalataya sa Diyos, anupat ganap na naniniwalang “siya nga ay umiiral at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.”—Hebreo 11:6.
Lubos na nagtiwala sina Ruth, Noemi, at Boaz sa kaayusan ni Jehova, at mabuti ang kinalabasan nito para sa kanila. Sa katulad na paraan, “pinangyayari ng Diyos na ang lahat ng kaniyang mga gawa ay magkatulung-tulong sa ikabubuti ng mga umiibig sa Diyos, niyaong mga tinawag ayon sa kaniyang layunin.” (Roma 8:28) Kaya naman isapuso natin ang payo ni apostol Pedro: “Samakatuwid, magpakababa kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, upang maitaas niya kayo sa takdang panahon; habang inihahagis ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.”—1 Pedro 5:6, 7.
[Larawan sa pahina 26]
Alam mo ba kung bakit hindi iniwan ni Ruth si Noemi?
[Larawan sa pahina 27]
Bakit nakilala si Ruth bilang isang “mahusay na babae”?
[Larawan sa pahina 28]
Ano ang “sakdal na kabayaran” ni Jehova para kay Ruth?