Genesis
34 At si Dina, na anak ni Jacob kay Lea,+ ay laging umaalis para makasama ang* mga kabataang babae ng lupain.+ 2 Nang makita siya ni Sikem, na anak ni Hamor na Hivita,+ na isang pinuno ng lupain, kinuha siya nito at hinalay. 3 At hindi maalis sa isip niya si Dina, na anak ni Jacob, at minahal niya ito at sinuyo.* 4 At sinabi ni Sikem sa ama niyang si Hamor:+ “Kunin mo para sa akin ang kabataang babaeng ito para maging asawa ko.”
5 Nang mabalitaan ni Jacob na nilapastangan nito ang anak niyang si Dina, nasa parang noon ang mga anak niyang lalaki at binabantayan ang kawan niya. Kaya tumahimik muna si Jacob hanggang sa makabalik sila. 6 At si Hamor, na ama ni Sikem, ay pumunta kay Jacob para makipag-usap. 7 Pero nabalitaan ito ng mga anak ni Jacob kaya umuwi sila agad mula sa parang. Nasaktan sila at galit na galit dahil hiniya ni Sikem si Israel nang sipingan nito ang anak ni Jacob,+ isang bagay na hinding-hindi dapat gawin.+
8 Sinabi ni Hamor: “Gustong-gusto ng anak kong si Sikem ang anak mo. Pakisuyo, ibigay mo siya sa kaniya para maging asawa niya, 9 at makipag-alyansa kayo sa amin sa pag-aasawa. Ibigay ninyo sa amin ang mga anak ninyong babae, at kunin ninyo bilang asawa ang mga anak naming babae.+ 10 Manirahan kayong kasama namin, at ituring ninyong sa inyo ang lupain namin. Tumira kayo, magnegosyo, at magkaroon ng mga pag-aari doon.” 11 Pagkatapos, sinabi ni Sikem sa ama at mga kapatid ni Dina: “Maging kalugod-lugod sana ako sa inyo, at ibibigay ko sa inyo ang anumang hingin ninyo sa akin. 12 Humingi kayo sa akin ng regalo at napakataas na dote.+ Handa kong ibigay ang anumang sabihin ninyo. Basta ibigay ninyo sa akin ang kabataang babae para maging asawa ko.”
13 At nilinlang ng mga anak ni Jacob si Sikem at ang ama nitong si Hamor dahil nilapastangan nito ang kapatid nilang si Dina. 14 Sinabi nila sa mga ito: “Hindi namin magagawang ibigay ang kapatid namin sa isang lalaking di-tuli*+ dahil kahihiyan iyan sa amin. 15 Papayag kami, pero sa isang kondisyon: kung magiging tulad namin kayo at magpapatuli ang lahat ng lalaki sa inyo.+ 16 Pagkatapos, ibibigay namin sa inyo ang mga anak naming babae, at kukunin namin ang inyong mga anak na babae, at maninirahan kaming kasama ninyo at magiging isang bayan tayo. 17 Pero kung ayaw ninyong makinig sa amin at hindi kayo magpapatuli, kukunin namin ang kapatid namin.”
18 Nagustuhan ni Hamor+ at ng anak niyang si Sikem+ ang sinabi nila. 19 Hindi nagpaliban ang kabataang lalaki na gawin ang sinabi nila+ dahil gusto niya ang anak ni Jacob, at siya ang pinakamarangal sa buong sambahayan ng kaniyang ama.
20 Kaya si Hamor at ang anak niyang si Sikem ay pumunta sa pintuang-daan ng lunsod at kinausap ang mga lalaki sa lunsod nila:+ 21 “Gusto ng mga lalaking ito na mapanatili ang kapayapaan sa pagitan natin. Hayaan natin silang manirahan sa lupain at magnegosyo rito dahil maluwang pa ang lupain para sa kanila. Kukunin natin ang mga anak nilang babae para maging asawa, at ibibigay natin sa kanila ang mga anak nating babae.+ 22 Pero papayag lang ang mga lalaking ito na manirahang kasama natin at maging isang bayan tayo sa isang kondisyon: kung magpapatuli ang lahat ng lalaki sa atin gaya nila.+ 23 Pagkatapos, hindi ba mapapasaatin din ang kanilang mga pag-aari, kayamanan, at lahat ng alagang hayop? Kaya hayaan natin silang manirahang kasama natin.” 24 Ang lahat ng lumalabas sa pintuang-daan ng lunsod ay nakinig kay Hamor at sa anak niyang si Sikem, at ang lahat ng lalaki ay nagpatuli, lahat ng lumalabas sa pintuang-daan ng lunsod.
25 Pero nang ikatlong araw, nang nakadarama pa sila ng kirot, ang dalawang anak ni Jacob na sina Simeon at Levi, na mga kapatid ni Dina,+ ay kumuha ng kani-kaniyang espada at pinasok ang walang kamalay-malay na lunsod at pinatay ang lahat ng lalaki.+ 26 Pinatay nila si Hamor at ang anak nitong si Sikem gamit ang espada at saka kinuha si Dina mula sa bahay ni Sikem at umalis. 27 Pumunta rin ang iba pang mga anak ni Jacob at nakita ang pinatay na mga lalaki, at ninakawan nila ang lunsod dahil sa paglapastangan sa kapatid nilang babae.+ 28 Kinuha nila ang mga kawan, mga bakahan, at mga asno ng mga ito, at ang anumang nasa lunsod at nasa parang. 29 Kinuha rin nila ang lahat ng pag-aari ng mga ito, binihag ang lahat ng maliliit na anak at mga asawa ng mga ito, at ninakaw ang lahat ng nasa mga bahay.
30 Dahil dito, sinabi ni Jacob kina Simeon at Levi:+ “Binigyan ninyo ako ng napakalaking problema!* Mamumuhi sa akin ang mga naninirahan sa lupain, ang mga Canaanita at ang mga Perizita. Kakaunti lang tayo, at tiyak na magkakampihan sila para salakayin ako at lipulin, ako at ang sambahayan ko.” 31 Sumagot sila: “Pero tama bang tratuhin na parang babaeng bayaran ang kapatid namin?”