Naririnig ng mga Tao “Mula sa Lahat ng Wika” ang Mabuting Balita
“Sampung lalaki mula sa lahat ng wika ng mga bansa ang [magsasabi]: ‘Yayaon kaming kasama ninyo, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay sumasainyo.’ ”—ZACARIAS 8:23.
1. Paano inilaan ni Jehova ang tamang-tamang okasyon at situwasyon para sa pasimula ng Kristiyanismo sa iba’t ibang wika at bansa?
TAMANG-TAMA ang okasyon at situwasyon. Noon ay araw ng Pentecostes 33 C.E. Ilang linggo bago nito, ang mga Judio at mga proselita mula sa di-kukulangin sa 15 rehiyon ng malawak na Imperyo ng Roma ay nagsiksikan sa Jerusalem upang magdiwang ng Paskuwa. Nang araw na iyon, libu-libo sa kanila ang nakapakinig—nang hindi nalilito, di-gaya ng mga nasa sinaunang Babel noon, kundi nang may kaunawaan—sa pangkaraniwang mga taong lipos ng banal na espiritu na naghahayag ng mabuting balita sa maraming wikang ginagamit sa imperyo. (Gawa 2:1-12) Ang okasyong iyon ay hudyat ng pagsilang ng kongregasyong Kristiyano at ng pasimula ng gawaing pagtuturo sa iba’t ibang wika at bansa na nagpapatuloy hanggang sa panahong ito.
2. Paano ‘pinanggilalas’ ng mga alagad ni Jesus ang kanilang mga tagapakinig mula sa iba’t ibang rehiyon noong Pentecostes 33 C.E.?
2 Ang mga alagad ni Jesus ay posibleng nakapagsasalita ng karaniwang Griego, ang wikang ginagamit ng karamihan noon. Nagsasalita rin sila ng Hebreo, ang wikang ginagamit sa templo. Gayunman, noong araw na iyon ng Pentecostes, ‘pinanggilalas’ nila ang kanilang mga tagapakinig mula sa iba’t ibang rehiyon nang magsalita sila sa katutubong wika ng mga taong iyon. Ano ang resulta? Naantig ang puso ng mga nakikinig sa napakahalagang katotohanang narinig nila sa kanilang katutubong wika. Sa pagtatapos ng araw na iyon, ang maliit na grupo ng mga alagad ay naging isang malaking pulutong na kinabibilangan ng mahigit 3,000!—Gawa 2:37-42.
3, 4. Paano lumawak ang pangangaral habang lumilipat ng tirahan ang mga alagad mula sa Jerusalem, Judea, at Galilea?
3 Di-nagtagal matapos ang napakahalagang pangyayaring iyon, nagsimula ang sunud-sunod na pag-uusig sa Jerusalem, at “yaong mga nangalat ay lumibot sa lupain na ipinahahayag ang mabuting balita ng salita.” (Gawa 8:1-4) Halimbawa, mababasa natin sa Gawa kabanata 8 ang tungkol kay Felipe na malamang na isang ebanghelisador na nagsasalita ng Griego. Nangaral si Felipe sa mga Samaritano. Nangaral din siya sa isang opisyal na Etiope na tumugon sa mensahe tungkol kay Kristo.—Gawa 6:1-5; 8:5-13, 26-40; 21:8, 9.
4 Habang lumilipat ang mga Kristiyano at humahanap ng mga lugar na mapaninirahan nila sa labas ng Jerusalem, Judea, at Galilea, napaharap sila sa mga panibagong hadlang dahil sa lahi at wika. Baka ang ilan sa kanila ay sa mga Judio lamang nagpapatotoo noon. Subalit ganito ang ulat ng alagad na si Lucas: “May ilang lalaki mula sa Ciprus at Cirene na pumaroon sa Antioquia at nagsimulang makipag-usap sa mga taong nagsasalita ng Griego, na ipinahahayag ang mabuting balita tungkol sa Panginoong Jesus.”—Gawa 11:19-21.
Isang Diyos na Hindi Nagtatangi—May Mensahe Para sa Lahat
5. Paano nakikita ang kawalang-pagtatangi ni Jehova may kaugnayan sa mabuting balita?
5 Ang mga pangyayaring ito ay kaayon ng mga paraan ng Diyos; hindi siya nagtatangi. Matapos tulungan ni Jehova si apostol Pedro na baguhin ang kaniyang pangmalas sa mga tao ng mga bansa, may-pagpapahalaga nitong sinabi: “Tunay ngang napag-uunawa ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35; Awit 145:9) Nang ipahayag ni apostol Pablo, dating mang-uusig sa mga Kristiyano, na “ang kalooban [ng Diyos] ay na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas,” muli niyang pinatunayan na ang Diyos ay hindi nagtatangi. (1 Timoteo 2:4) Nakikita ang kawalang-pagtatangi ng Maylalang sapagkat ang pag-asa ukol sa Kaharian ay bukás sa lahat ng tao anuman ang kanilang kasarian, lahi, bansa, o wika.
6, 7. Anong mga hula ng Bibliya ang nagsasabi na lalaganap ang mabuting balita sa iba’t ibang bansa at wika?
6 Ang paglawak na ito sa iba’t ibang bansa ay inihula maraming siglo bago nito. Ayon sa hula ni Daniel, “may ibinigay na pamamahala at dangal at kaharian [kay Jesus], upang ang lahat ng mga bayan, mga liping pambansa at mga wika ay maglingkod sa kaniya.” (Daniel 7:14) Yamang inilalathala ang magasing ito sa 151 wika at ipinamamahagi sa buong daigdig, anupat nababasa mo ang tungkol sa Kaharian ni Jehova, patunay ito na natutupad na nga ang hulang iyan ng Bibliya.
7 Inihula ng Bibliya ang panahon na maririnig ng mga taong may iba’t ibang wika ang nagbibigay-buhay na mensahe nito. Bilang paglalarawan kung paano maaakit ang marami sa tunay na pagsamba, humula si Zacarias: “Mangyayari sa mga araw na iyon na sampung lalaki mula sa lahat ng wika ng mga bansa ang tatangan, oo, tatangan sila sa laylayan ng lalaki na isang Judio [Kristiyanong pinahiran ng espiritu, na bahagi ng “Israel ng Diyos”], na sinasabi: ‘Yayaon kaming kasama ninyo, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay sumasainyo.’ ” (Zacarias 8:23; Galacia 6:16) At sa pagsasalaysay ni apostol Juan tungkol sa kaniyang nakita sa isang pangitain, sinabi niya: “Narito! isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero.” (Apocalipsis 7:9) Nakikita nga nating nagkakatotoo ang mga hulang ito!
Pag-abot sa Lahat ng Uri ng Tao
8. Anong pangyayari sa ngayon ang humihiling ng pagbabago sa ating gawaing pagpapatotoo?
8 Sa ngayon, parami nang paraming tao ang nandarayuhan. Dahil sa globalisasyon, nabuksan ang bagong panahon ng pandarayuhan. Pulu-pulutong na mga tao mula sa nagdidigmaan at nagdarahop na mga lugar ang lumilipat kung saan mas matatag ang ekonomiya para magkaroon ng maalwang pamumuhay. Sa maraming lupain, ang pagdagsa ng mga nandarayuhan at lumilikas ay bumuo ng mga pamayanang banyaga ang wika. Halimbawa, mahigit 120 wika ang ginagamit sa Finland; mahigit 200 naman sa Australia. Sa isang lunsod lamang sa Estados Unidos—sa San Diego—mahigit 100 wika ang maririnig!
9. Ano ang dapat na maging pangmalas natin sa mga taong nagsasalita ng iba’t ibang wika sa ating teritoryo?
9 Bilang mga ministrong Kristiyano, itinuturing ba nating hadlang sa ating ministeryo ang mga taong ito na nagsasalita ng iba’t ibang wika? Hinding-hindi! Sa halip, itinuturing natin ito bilang kanais-nais na paglawak ng ating teritoryo sa ministeryo—‘mga bukid na mapuputi na para sa pag-aani.’ (Juan 4:35) Sinisikap nating pagmalasakitan ang mga taong palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, anuman ang kanilang bansa o wika. (Mateo 5:3) Dahil dito, taun-taon ay parami nang paraming tao mula sa ‘bawat wika’ ang nagiging alagad ni Kristo. (Apocalipsis 14:6) Halimbawa, noong Agosto 2004, ang pangangaral sa Alemanya ay isinasagawa sa mga 40 wika. Kasabay nito, ang mabuting balita ay ipinangangaral sa Australia sa halos 30 wika, na dati’y 18 wika lamang noong nakalipas na sampung taon. Sa Gresya naman, naaabot ng mga Saksi ni Jehova ang mga tao sa halos 20 iba’t ibang wika. Sa buong daigdig, mga 80 porsiyento ng mga Saksi ni Jehova ang nagsasalita ng iba pang wika bukod sa Ingles, ang malaganap na internasyonal na wika.
10. Ano ang papel ng bawat mamamahayag sa paggawa ng mga alagad sa mga tao ng “lahat ng mga bansa”?
10 Tunay ngang natutupad na ang utos ni Jesus na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa”! (Mateo 28:19) Sa masiglang pagtanggap sa atas na iyan, ang mga Saksi ni Jehova ay aktibo sa 235 lupain, na namamahagi ng mga literatura sa mahigit 400 wika. Habang naglalaan ang organisasyon ni Jehova ng mga publikasyong kailangan upang maabot ang mga tao, ang bawat mamamahayag naman ng Kaharian ay dapat gumawa ng paraan na maihatid ang mensahe ng Bibliya sa “lahat ng uri ng tao” sa wikang higit nilang maiintindihan. (Juan 1:7) Dahil sa sama-samang pagsisikap na ito, milyun-milyon katao na kabilang sa mga grupong may iba’t ibang wika ang nakikinabang sa mabuting balita. (Roma 10:14, 15) Oo, bawat isa sa atin ay may ginagampanang mahalagang papel!
Pagharap sa Hamon
11, 12. (a) Anu-anong hamon ang dapat harapin, at paano tumutulong ang banal na espiritu? (b) Bakit karaniwan nang nakatutulong ang paggamit ng katutubong wika ng mga tao sa ating pangangaral?
11 Sa ngayon, maraming mamamahayag ng Kaharian ang nagnanais matuto ng ibang wika, subalit hindi sila puwedeng manalig o umasa sa makahimalang kaloob ng espiritu ng Diyos. (1 Corinto 13:8) Ang pag-aaral ng bagong wika ay isang malaking hamon. Kahit yaong mga marunong na ng ibang wika ay kailangan pa ring magbago ng kanilang pag-iisip at pamamaraan upang maging kaakit-akit ang mensahe ng Bibliya sa mga taong nagsasalita ng gayong wika ngunit iba naman ang kinalakhan at kultura. Gayundin, karaniwan nang mahiyain at kimi ang mga bagong nandarayuhan; kailangan ang malaking pagsisikap upang maunawaan ang kanilang paraan ng pag-iisip.
12 Magkagayunman, kumikilos pa rin ang banal na espiritu sa mga lingkod ni Jehova sa kanilang pagsisikap na matulungan ang mga taong nagsasalita ng ibang wika. (Lucas 11:13) Sa halip na magkaloob ng makahimalang kakayahan na makapagsalita ng ibang wika, ang espiritu ay pumupukaw ng ating hangarin na makipag-usap sa mga taong hindi marunong ng ating wika. (Awit 143:10) Ang pangangaral at pagtuturo ng mensahe ng Bibliya sa mga tao sa wikang hindi pamilyar sa kanila ay maaaring makaabot sa kanilang isip. Gayunman, upang maabot ang puso ng ating mga tagapakinig, karaniwan nang mas makabubuting gamitin ang kanilang katutubong wika—ang wikang tumatagos sa kaibuturan ng kanilang mga pangarap, motibo, at pag-asa.—Lucas 24:32.
13, 14. (a) Ano ang nagpapakilos sa ilan na maglingkod sa teritoryong banyaga ang wika? (b) Paano nakikita ang espiritu ng pagsasakripisyo?
13 Maraming mamamahayag ng Kaharian ang naglingkod sa teritoryong banyaga ang wika nang mapansin nila ang magandang pagtanggap sa katotohanan sa Bibliya. Ang iba naman ay lalong sumisigla kapag nagiging mapanghamon at kawili-wili ang kanilang paglilingkod. “Marami sa mga taga-Silangang Europa ang uhaw sa katotohanan,” ang sabi ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa gawing timog ng Europa. Kaysarap ng pakiramdam kapag natutulungan ang mga indibiduwal na ito na handang tumanggap!—Isaias 55:1, 2.
14 Gayunman, upang maging makabuluhan ang pakikibahagi sa gawaing ito, kailangan natin ng determinasyon at pagsasakripisyo. (Awit 110:3) Halimbawa, marami nang pamilyang Saksi sa Hapon ang nag-iwan ng komportableng mga tahanan sa malalaking lunsod at lumipat sa liblib na mga pook upang tulungang makaunawa ng Bibliya ang mga grupo ng mga nandayuhang Tsino roon. Sa kanlurang baybayin ng Estados Unidos, ang mga mamamahayag ay regular na nagbibiyahe nang isa hanggang dalawang oras upang magdaos ng mga pag-aaral ng Bibliya sa mga Pilipino. Sa Norway naman, isang mag-asawa ang nakikipag-aral sa isang pamilyang taga-Afghanistan. Ginagamit ng mag-asawang Saksi ang Ingles at Norwegong edisyon ng brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?a Binabasa ng pamilya ang mga parapo sa wikang Persiano, isang wikang halos katulad ng Dari na katutubong wika nila. Nag-uusap sila sa wikang Ingles at Norwego. Ang gayong espiritu ng pagsasakripisyo at pagiging madaling makibagay ay saganang ginagantimpalaan kapag tumutugon ang mga banyaga sa mabuting balita.b
15. Paano maaaring makibahagi ang bawat isa sa atin sa pagsisikap na mangaral sa iba’t ibang wika?
15 Maaari ka kayang makibahagi sa gawaing ito ng pangangaral sa iba’t ibang wika? Bakit hindi ka magsimula sa pamamagitan ng pag-alam kung anu-anong banyagang wika ang karaniwang ginagamit sa inyong teritoryo? Sa gayon ay makapagdadala ka ng ilang tract o brosyur sa mga wikang iyon. Ang buklet na Good News for People of All Nations, na inilabas noong 2004, ay nagagamit na bilang pantulong sa pagpapalaganap ng pag-asa ng Kaharian dahil sa simple at positibong mensahe nito sa maraming wika.—Tingnan ang artikulong “Good News for People of All Nations,” sa pahina 32.
‘Ibigin ang Naninirahang Dayuhan’
16. Paano maipakikita ng responsableng mga kapatid na lalaki ang di-makasariling pagnanais na tumulong sa mga taong banyaga ang wika?
16 Matuto man tayo ng ibang wika o hindi, tayong lahat ay makatutulong sa espirituwal na pagtuturo sa mga banyaga sa ating lugar. Tinagubilinan ni Jehova ang kaniyang bayan na ‘ibigin ang naninirahang dayuhan.’ (Deuteronomio 10:18, 19) Halimbawa, sa isang malaking lunsod sa Hilagang Amerika, limang kongregasyon ang nagpupulong sa iisang Kingdom Hall. Tulad sa maraming Kingdom Hall, taun-taon silang naghahalinhinan ng mga oras ng pulong anupat mapapahulí ang oras ng mga pulong ng mga Tsino kung Linggo. Gayunman, mangangahulugan ito na marami sa mga dayuhang nagtatrabaho sa restawran ang hindi makadadalo. Ang matatanda sa ibang mga kongregasyon ay buong-kabaitang gumawa ng mga pagbabago upang mapaaga ang mga pulong ng mga Tsino kung Linggo.
17. Ano ang dapat nating madama kapag nagpasiya ang ilan na lumipat upang tumulong sa isang grupong iba ang wika?
17 Pinupuri ng maibiging mga tagapangasiwa ang kuwalipikado at may-kakayahang mga kapatid na lalaki at babae na gustong lumipat upang tumulong sa mga grupong iba ang wika. Maaaring hanap-hanapin ng kanilang sariling kongregasyon ang makaranasang mga gurong ito ng Bibliya, subalit nadarama ng mga tagapangasiwa ang nadama noon ng matatanda sa Listra at Iconio. Hindi pinigilan ng matatandang iyon si Timoteo na sumama kay Pablo sa paglalakbay, kahit na si Timoteo ay malaking tulong sa kani-kanilang kongregasyon. (Gawa 16:1-4) Karagdagan pa, yaong mga nangunguna sa gawaing pangangaral ay hindi nahahadlangan ng naiibang mentalidad, kostumbre, o paggawi ng mga banyaga. Sa halip, tinatanggap nila ang pagkakaiba-ibang ito at hinahanap ang mga paraan upang malinang ang mabuting pagsasamahan alang-alang sa mabuting balita.—1 Corinto 9:22, 23.
18. Anong malaking pinto ng gawain ang bukás para sa lahat?
18 Gaya ng inihula, ang mabuting balita ay ipinangangaral sa “lahat ng wika ng mga bansa.” Malaki pa rin ang potensiyal na sumulong ang mga teritoryong banyaga ang wika. Libu-libong mapamaraang mamamahayag ang pumasok na sa “malaking pinto[ng ito] na umaakay sa gawain.” (1 Corinto 16:9) Gayunman, marami pa ang kailangan upang malinang ang gayong mga teritoryo, gaya ng ipakikita sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
b Para sa higit pang mga halimbawa, tingnan ang “Nagdulot sa Amin ng Maraming Pagpapala ang Kaunting Sakripisyo,” sa Ang Bantayan, Abril 1, 2004, pahina 24-8.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Paano natin matutularan si Jehova sa pagpapakita ng kawalang-pagtatangi sa lahat ng tao?
• Paano natin dapat malasin ang mga tao sa ating teritoryo na hindi nagsasalita ng ating wika?
• Bakit nakatutulong ang paggamit ng katutubong wika ng mga tao sa ating pangangaral?
• Paano natin maipakikita ang pagmamalasakit sa mga banyagang nakakasama natin?
[Mapa/Larawan sa pahina 23]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Roma
CRETA
ASIA
FRIGIA
PAMFILIA
PONTO
CAPADOCIA
MESOPOTAMIA
MEDIA
PARTHIA
ELAM
ARABIA
LIBYA
EHIPTO
JUDEA
Jerusalem
[Katubigan]
Dagat Mediteraneo
Dagat na Itim
Dagat na Pula
Gulpo ng Persia
[Larawan]
Noong Pentecostes 33 C.E., narinig ng mga tao mula sa 15 rehiyon ng Imperyo ng Roma ang mabuting balita sa kanilang katutubong wika
[Mga larawan sa pahina 24]
Maraming banyaga ang positibong tumugon sa katotohanan sa Bibliya
[Larawan sa pahina 25]
Karatula ng Kingdom Hall sa limang wika