Sinaunang Kaharian ng Lydia—Ang Itinuturo Nito sa Atin
MAAARING hindi mo pa naririnig ang tungkol sa sinaunang kaharian ng Lydia, kaya baka magulat kang malaman na malaki ang naiambag nito sa larangan ng negosyo sa daigdig. Baka magulat din ang mga mambabasa ng Bibliya kapag nalaman nilang may isang pamamaraang naimbento sa Lydia na nagbigay-liwanag sa isang hula sa Bibliya na kaytagal nang palaisipan sa marami. Ano ba ang natuklasan ng mga taga-Lydia? Bago natin sagutin ang tanong na ito, silipin muna natin sandali ang ilang bahagi ng kasaysayan ng kahariang ito na halos nabaon na sa limot.
Ang trono ng mga hari sa Lydia ay matatagpuan sa kabisera nito, ang Sardis, na nasa kanluraning bahagi ng Asia Minor (kilala ngayon bilang Turkey). Nagpayaman nang husto ang huling hari ng Lydia, si Croesus, pero noong mga 546 B.C.E., bumagsak ang kaniyang kaharian sa kamay ni Cirong Dakila ng Persia—ang mismong Ciro na lumupig sa Imperyo ng Babilonya pagkalipas ng ilang taon.
Sinasabing ang matatalinong negosyante ng Lydia ang unang gumamit ng mga barya. Matagal nang ginagamit ang ginto at pilak bilang pera, pero dahil hindi pare-pareho ang laki ng mga bara at pabilog na ginto, kinailangan ng mga tao na timbangin ang kanilang pera kapag nagbabayaran para sa isang produkto o serbisyo. Sa Israel, halimbawa, nang bumili ng lupain ang propeta ng Diyos na si Jeremias, isinulat niya: “Pinasimulan kong timbangin sa kaniya ang salapi, pitong siklo at sampung pirasong pilak.”—Jeremias 32:9.
Sa Lydia, natuklasan ng mga kakontemporaryo ni Jeremias ang isang simpleng paraan ng bayaran—ang paggamit ng mga barya na ang takdang timbang ay ginagarantiyahan ng isang opisyal na marka sa bawat barya. Ang unang mga barya ng Lydia ay gawa sa magkahalong ginto at pilak na tinatawag na elektrum. Nang maging hari si Croesus, pinalitan niya ang mga ito ng mga baryang halos purong pilak at ginto. Gumawa ang mga taga-Lydia ng isang sistema ng pananalapi na gumagamit ng baryang gawa sa dalawang magkaibang metal. Sa sistemang ito, ang katumbas ng isang baryang ginto ay 12 baryang pilak. Pero nagkaroon ng pag-aalinlangan sa sistemang ito dahil sa mga pekeng barya na gawa sa pinaghalong ginto at mabababang uri ng metal. Kinailangan ng mga mangangalakal ang isang madaling paraan para mauri ang ginto o masubok ang kadalisayan nito.
Nakasumpong ang mga taga-Lydia ng solusyon: isang itim na bato na matatagpuan sa kanilang lugar. Kapag ikiniskis ang isang barya sa makintab pero medyo magaspang na batong iyon, nag-iiwan ito ng marka. Kapag ang kulay ng marka ng barya ay ikinumpara sa kulay ng marka ng ibang metal na may takdang proporsiyon ng ginto, malalaman ng isa kung gaano kalaki ang proporsiyon ng ginto sa barya. Dahil sa natuklasang pagsubok sa pamamagitan ng batong-urian, naging maaasahan ang sistema ng pananalapi gamit ang barya. Paano tayo matutulungan ng kaalaman hinggil sa mga batong-urian para maunawaan ang Bibliya?
Makasagisag na Batong-Urian sa Bibliya
Naging popular sa mga negosyante ang paggamit ng batong-urian para mauri ang ginto o masubok ang kadalisayan nito. Kaya naman ang orihinal na salita para sa “batong-urian” ay nangahulugan nang maglaon bilang isang pamamaraan ng pagsubok. Sa Griego, ang isa sa mga wikang ginamit sa pagsulat ng Bibliya, ang salita ay ikinapit din sa paghihirap na dinaranas ng mga taong sinusubok sa pamamagitan ng pagpapahirap.
Dahil ang mga tagapagbilanggo ang karaniwan nang nagpapahirap sa mga bilanggo, ikinapit din sa mga tagapagbilanggo ang isang terminong halaw sa salitang “batong-urian.” Kaya naman sa ilustrasyon ni Jesus na nakaulat sa Bibliya, binabanggit ang isang walang utang-na-loob na alipin na ibinigay sa mga “mga tagapagbilanggo,” o sa ibang salin, “mga tagapagpahirap.” (Mateo 18:34; Ang Biblia) Hinggil sa tekstong ito, ganito ang komento ng The International Standard Bible Encyclopaedia: “Malamang na ang mismong pagkabilanggo ay itinuturing nang isang ‘pagpapahirap’ (tiyak na gayon nga), kaya naman ang ‘mga tagapagpahirap’ ay nangangahulugan lamang ng mga tagapagbilanggo.” Tinutulungan tayo nitong maunawaan ang isang kontrobersiyal na teksto sa Bibliya.
Nasagot ang Isang Palaisipan
Matagal nang palaisipan sa taimtim na mga mambabasa ng Bibliya ang kahihinatnan ni Satanas. Sinasabi ng Bibliya: “Ang Diyablo . . . ay inihagis sa lawa ng apoy at asupre, na kinaroroonan na kapuwa ng mabangis na hayop at ng bulaang propeta; at pahihirapan sila araw at gabi magpakailan-kailanman.” (Apocalipsis 20:10) Tiyak na salungat sa pag-ibig at katarungan ng Diyos kung bibigyan niya ng buhay na walang hanggan ang isa para lamang pahirapan magpakailanman. (Jeremias 7:31) Karagdagan pa, sinasabi ng Bibliya na ang buhay na walang hanggan ay isang regalo at hindi isang parusa. (Roma 6:23) Kung gayon, maliwanag na isang simbolismo ang Apocalipsis 20:10. Ang mabangis na hayop at ang lawa ng apoy ay makasagisag. (Apocalipsis 13:2; 20:14) Makasagisag din ba ang pagpapahirap? Ano kaya ang ibig sabihin ng pananalitang ito?
Gaya ng nakita natin, ang salitang Griego para sa “pagpapahirap” ay halaw sa salitang katumbas ng “batong-urian” at maaaring tumukoy sa pagkabilanggo bilang pagpapahirap. Kaya ang walang-hanggang pagpapahirap kay Satanas ay maaaring tumukoy sa kaniyang walang-hanggang pagkabilanggo sa pinakamahigpit na bilangguan—ang kamatayan mismo.
Ang pagsubok sa pamamagitan ng batong-urian na natuklasan ng mga taga-Lydia ay nagtuturo sa atin ng isa pang bagay hinggil sa walang-hanggang “pagpapahirap” kay Satanas at kung bakit hindi ito salungat sa pag-ibig ng Diyos. Sa ilang wika, ang “batong-urian” ay isang paraan upang subukin ang mga bagay-bagay. Halimbawa, sa ilang diksyunaryo, ang “batong-urian” ay tumutukoy sa “isang pagsubok o batayan upang malaman ang kalidad o pagiging tunay ng isang bagay.” Kaya ipinahihiwatig ng walang-hanggang “pagpapahirap” kay Satanas na ang hatol sa kaniya ay magsisilbing batayan magpakailanman kung may bumangon mang paghihimagsik laban kay Jehova sa hinaharap. Hindi na kailangan pang subukin sa loob ng mahabang panahon ang anumang hamon sa pamamahala ni Jehova para lamang mapatunayang mali ang nag-akusa.
Alam na natin ngayon kung bakit naging popular ang pagsubok sa pamamagitan ng paggamit ng batong-urian na natuklasan ng mga taga-Lydia. Nauunawaan na rin natin ang kahulugan ng makasagisag na mga pananalitang nagmula sa konseptong ito. Dahil dito, naging maliwanag sa atin kung ano ang mangyayari kay Satanas. Ang kaniyang kahihinatnan ay magsisilbing batayan ng paghatol, anupat kailanman ay hindi na kailangan pang pahintulutan ng Diyos ang anumang paghihimagsik.—Roma 8:20.
[Blurb sa pahina 23]
Ipinahihiwatig ng makasagisag na pagpapahirap kay Satanas na ang hatol sa kaniya ay magsisilbing batayan magpakailanman
[Mapa sa pahina 21]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Dagat na Itim
LYDIA
SARDIS
Dagat Mediteraneo
[Larawan sa pahina 21]
Mga kaguhuan sa sinaunang Sardis
[Larawan sa pahina 22]
Noong sinaunang panahon, tinitimbang pa ang pera
[Credit Line]
E. Strouhal/Werner Forman/Art Resource, NY
[Mga larawan sa pahina 22, 23]
Popular pa rin ngayon ang pagsubok sa pamamagitan ng batong-urian
[Credit Lines]
Mga barya: Courtesy Classical Numismatic Group, Inc.; batong-urian: Science Museum/Science & Society Picture Library
[Picture Credit Line sa pahina 21]
Baryang elektrum: Courtesy Classical Numismatic Group, Inc.