Mga Kristiyanong Pamilya—Tularan si Jesus!
“Si Kristo ay . . . nag-iwan sa inyo ng huwaran upang maingat ninyong sundan ang kaniyang mga yapak.”—1 PED. 2:21.
1. (a) Ano ang papel ng Anak ng Diyos sa paglalang? (b) Ano ang nadama ni Jesus sa mga tao?
NANG lalangin ng Diyos ang langit at lupa, naging “dalubhasang manggagawa” niya ang kaniyang panganay na Anak. Tumulong ang Anak ng Diyos sa pagdisenyo at paglalang ng kaniyang Ama sa iba’t ibang hayop at halaman dito sa lupa. Tumulong din siya nang ihanda ni Jehova ang Paraisong titirhan ng mga taong nilalang Niya ayon sa Kaniyang larawan at wangis. ‘Kinagiliwan’ ng Anak ng Diyos, na nakilala bilang Jesus, ang ‘mga anak ng tao.’—Kaw. 8:27-31; Gen. 1:26, 27.
2. (a) Anong tulong ang inilaan ni Jehova sa di-sakdal na sangkatauhan? (b) Sa anong pitak ng ating buhay nagbigay ng tagubilin ang Bibliya?
2 Pagkatapos magkasala ang unang mag-asawa, naging mahalagang bahagi ng layunin ni Jehova ang pagtubos sa makasalanang sangkatauhan. Para magawa ito, inilaan niya si Kristo bilang haing pantubos. (Roma 5:8) Bukod diyan, inilaan ni Jehova ang kaniyang Salita, ang Bibliya, na nagsilbing patnubay ng mga tao upang maging matagumpay sila sa kabila ng kanilang di-kasakdalan. (Awit 119:105) Sa kaniyang Salita, nagbigay si Jehova ng mga tagubilin para maging maligaya ang pamilya at maging matibay ang kanilang pagsasama. May kinalaman sa pag-aasawa, sinasabi ng aklat ng Genesis na “pipisan [ang lalaki] sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.”—Gen. 2:24.
3. (a) Ano ang itinuro ni Jesus tungkol sa pag-aasawa? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
3 Sa kaniyang ministeryo sa lupa, idiniin ni Jesus na panghabambuhay ang pag-aasawa. Itinuro niya ang mga simulaing makatutulong sa mga pamilya na maiwasan ang mga saloobin at paggawi na makasisira sa pagsasama ng mag-asawa o sa kaligayahan ng pamilya. (Mat. 5:27-37; 7:12) Tatalakayin sa artikulong ito kung paano makatutulong ang mga turo at halimbawa ni Jesus sa mga asawang lalaki, asawang babae, magulang, at anak para maging maligaya sa buhay.
Pinararangalan ng Kristiyanong Asawang Lalaki ang Kaniyang Asawa
4. Ano ang pagkakatulad ng papel ni Jesus at ng papel ng mga Kristiyanong asawang lalaki?
4 Inatasan ng Diyos ang asawang lalaki na maging ulo ng pamilya kung paanong si Jesus ang Ulo ng kongregasyon. Sinabi ni apostol Pablo: “Ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae kung paanong ang Kristo rin ay ulo ng kongregasyon, yamang siya ang tagapagligtas ng katawang ito. Mga asawang lalaki, patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae, kung paanong inibig din ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili ukol dito.” (Efe. 5:23, 25) Oo, dapat pakitunguhan ng mga Kristiyanong lalaki ang kanilang asawa gaya ng pakikitungo ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod. Talakayin natin ang ilang paraan kung paano ginamit ni Jesus ang kaniyang bigay-Diyos na awtoridad.
5. Paano ginamit ni Jesus ang kaniyang awtoridad sa kaniyang mga alagad?
5 Si Jesus ay “mahinahong-loob at mababa ang puso.” (Mat. 11:29) Kumikilos siya agad kapag may kailangang ituwid o lutasin. Hindi niya kailanman pinabayaan ang kaniyang mga pananagutan. (Mar. 6:34; Juan 2:14-17) Mabait siya sa pagbibigay ng payo sa kaniyang mga alagad, kahit paulit-ulit kung kinakailangan. (Mat. 20:21-28; Mar. 9:33-37; Luc. 22:24-27) Hindi niya sila sinigawan ni ipinahiya man. Lagi niyang ipinadarama sa kanila na sila’y minamahal. Hindi niya minaliit ang kanilang kakayahan. Sa halip, pinuri niya at pinasigla ang kaniyang mga alagad. (Luc. 10:17-21) Maibigin siya at mahabagin sa kanila. Hindi nga kataka-takang nakamit ni Jesus ang paggalang ng kaniyang mga alagad!
6. (a) Ano ang matututuhan ng asawang lalaki sa pakikitungo ni Jesus sa kaniyang mga alagad? (b) Ano ang hinimok ni Pedro na gawin ng mga asawang lalaki?
6 Para matularan ng mga asawang lalaki ang pagkaulo ni Jesus, dapat na igalang at ibigin nila ang kanilang asawa. Dapat na hindi sila malupit sa kanilang asawa. Hinimok ni apostol Pedro ang mga asawang lalaki na tularan ang pagiging maibigin ni Jesus. Hinimok niya sila na “manahanang kasama [ng kanilang asawa] sa katulad na paraan,” anupat ‘pinag-uukulan ang mga ito ng karangalan.’ (Basahin ang 1 Pedro 3:7.) Kung gayon, paano dapat gamitin ng asawang lalaki ang kaniyang awtoridad at kasabay nito ay pag-ukulan ng karangalan ang kaniyang asawa?
7. Paano mapararangalan ng asawang lalaki ang kaniyang asawa? Magbigay ng halimbawa.
7 Mapararangalan ng asawang lalaki ang kaniyang asawa kung isasaalang-alang niyang mabuti ang opinyon at damdamin nito bago siya gumawa ng mga pasiyang makaaapekto sa pamilya. Marahil ay may kaugnayan ito sa paglipat ng tirahan, pagbabago ng trabaho, o sa iba pang mga bagay, gaya ng kung saan magbabakasyon o kung paano magtitipid ang pamilya dahil sa pagtaas ng bilihin. Kapag isinaalang-alang ng asawang lalaki ang opinyon ng kaniyang asawa, makatutulong ito sa kaniya na gumawa ng timbang at makonsiderasyong pasiya. Sa gayon, magiging mas madali sa asawang babae na suportahan ang kaniyang asawa. (Kaw. 15:22) Ang lalaking nagpaparangal sa kaniyang asawa ay iniibig at iginagalang ng kaniyang asawa. Higit sa lahat, nalulugod sa kaniya si Jehova.—Efe. 5:28, 29.
Iginagalang ng Asawang Babae ang Kaniyang Asawa
8. Bakit hindi dapat tularan ang halimbawa ni Eva?
8 Si Jesus ang pinakamahusay na halimbawa sa pagpapasakop para sa mga Kristiyanong asawang babae. Ibang-iba ang saloobin ni Jesus sa saloobin ni Eva sa awtoridad! Hindi naging magandang halimbawa si Eva. Si Adan ang inatasang maging ulo niya. Naglaan si Jehova ng mga tagubilin sa pamamagitan ni Adan. Pero hindi iginalang ni Eva ang kaayusang ito. Hindi niya sinunod ang tagubilin ng Diyos kay Adan. (Gen. 2:16, 17; 3:3; 1 Cor. 11:3) Totoo, nalinlang si Eva. Pero dapat sana’y tinanong muna niya ang kaniyang asawa kung dapat niyang pakinggan ang tinig na nagsasabing alam nito kung ano ang “nalalaman ng Diyos.” Sa halip, naging pangahas siya at pinangunahan ang kaniyang asawa.—Gen. 3:5, 6; 1 Tim. 2:14.
9. Anong halimbawa sa pagpapasakop ang ipinakita ni Jesus?
9 Sa kabaligtaran, si Jesus ay lubusang nagpasakop sa kaniyang Ulo. Makikita sa kaniyang saloobin at pamumuhay na “hindi [siya] nag-isip na mang-agaw, samakatuwid nga, na siya ay maging kapantay ng Diyos.” Sa halip, “hinubad niya ang kaniyang sarili at nag-anyong alipin.” (Fil. 2:5-7) Sa ngayon, bagaman Hari na siya, hindi nagbago ang kaniyang saloobin. Mapagpakumbaba siya at nagpapasakop sa pagkaulo ng kaniyang Ama sa lahat ng bagay.—Mat. 20:23; Juan 5:30; 1 Cor. 15:28.
10. Paano maipapakita ng asawang babae na nagpapasakop siya sa kaniyang asawa?
10 Makabubuting tularan ng asawang babae si Jesus sa pagpapasakop. (Basahin ang 1 Pedro 2:21; 3:1, 2.) Isaalang-alang natin ang isang halimbawa kung paano niya ito magagawa. Humihingi ng pahintulot sa kaniya ang anak niya para gawin ang isang bagay. Dahil hindi pa nila napag-usapang mag-asawa ang tungkol dito, angkop lamang na itanong niya sa kaniyang anak, “Nagpaalam ka na ba sa tatay mo?” Kung hindi pa ito nagagawa ng kaniyang anak, dapat muna niya itong ipakipag-usap sa kaniyang asawa. Bukod diyan, hindi dapat kontrahin ng asawang babae ang kaniyang asawa sa harap ng kanilang mga anak. Kung hindi siya sang-ayon sa pasiya ng kaniyang asawa, makabubuting pag-usapan nila ito nang silang dalawa lamang.—Efe. 6:4.
Halimbawa ni Jesus Para sa mga Magulang
11. Anong halimbawa ang ipinakita ni Jesus sa mga magulang?
11 Bagaman walang anak si Jesus, mahusay siyang halimbawa para sa mga Kristiyanong magulang. Paano? Maibigin siya at matiisin sa pagtuturo sa kaniyang mga alagad. Tinuruan niya sila sa salita at sa gawa. Ipinakita niya kung paano tutuparin ang atas na ibinigay niya sa kanila. (Luc. 8:1) Nakita ng mga alagad sa saloobin at paggawi ni Jesus kung paano nila dapat pakitunguhan ang isa’t isa.—Basahin ang Juan 13:14-17.
12, 13. Ano ang kailangang gawin ng mga magulang upang mapalaki nilang may takot sa Diyos ang kanilang mga anak?
12 May tendensiya ang mga anak na tularan ang halimbawa ng kanilang mga magulang, mabuti man ito o masama. Kaya mga magulang, tanungin ang inyong sarili: ‘Anong halimbawa ang ipinakikita namin sa aming mga anak? Mas mahaba ba ang oras na ginagamit namin sa panonood ng TV at paglilibang kaysa sa pag-aaral ng Bibliya at sa pangangaral? Ano ba talaga ang mga priyoridad ng aming pamilya? Talaga bang pangunahin sa aming buhay at mga pasiya ang tunay na pagsamba?’ Dapat na nasa puso ng mga magulang ang kautusan ng Diyos kung nais nilang mapalaking may takot sa Diyos ang kanilang mga anak.—Deut. 6:6.
13 Tiyak na mapapansin ng mga anak ang pagsisikap ng kanilang mga magulang na ikapit ang mga simulain ng Bibliya sa araw-araw. Malaki ang impluwensiya ng sinasabi at itinuturo ng mga magulang. Pero kapag napansin ng mga anak na hindi sinusunod ng mga magulang ang mga simulain ng Bibliya, baka isipin ng mga anak na hindi mahalaga ang mga ito. Bilang resulta, maaaring mas madali silang madala sa panggigipit ng sanlibutan.
14, 15. Ano ang dapat ikintal ng mga magulang sa kanilang mga anak? Ano ang isang paraan para magawa ito?
14 Alam ng mga Kristiyanong magulang na hindi lamang materyal na bagay ang kailangan ng kanilang mga anak. Kaya hindi wasto na ikintal sa kanila ang materyalistikong mga tunguhin. (Ecles. 7:12) Itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad na unahin ang espirituwal na mga bagay. (Mat. 6:33) Kaya upang matularan ng mga Kristiyanong magulang si Jesus, dapat nilang ikintal sa kanilang mga anak ang espirituwal na mga tunguhin.
15 Maaari itong magawa ng mga magulang kung sasamantalahin nila ang mga pagkakataon na makasama ng kanilang mga anak ang mga naglilingkod nang buong panahon. Tiyak na nakapagpapatibay sa mga kabataan na makasama ang mga payunir o ang tagapangasiwa ng sirkito at ang asawa nito. Siguradong maraming magagandang karanasang maikukuwento ang mga misyonero, Bethelite, at mga nagboboluntaryo sa pagtatayo sa ibang bansa tungkol sa kanilang paglilingkod kay Jehova. Ang kanilang halimbawa sa pagsasakripisyo at paglilingkod ay makatutulong sa inyong mga anak na maging matalino sa pagpapasiya, pagtatakda ng tunguhin, at pagkuha ng sapat na edukasyong tutulong sa kanila na masuportahan ang kanilang buong-panahong paglilingkod.
Mga Anak—Paano Ninyo Matutularan si Jesus?
16. Paano ipinakita ni Jesus na iginalang niya ang kaniyang magulang dito sa lupa at ang kaniyang Ama sa langit?
16 Naglaan din si Jesus ng magandang halimbawa para sa mga anak. Naging masunurin si Jesus kina Jose at Maria. (Basahin ang Lucas 2:51.) Bagaman hindi sila sakdal, batid ni Jesus na sila ang inatasan ng Diyos na mag-alaga sa kaniya. Dahil dito, iginalang niya sila. (Deut. 5:16; Mat. 15:4) Nang malaki na siya, palagi niyang ginagawa ang nakalulugod sa kaniyang Ama sa langit, at nilabanan niya ang tukso. (Mat. 4:1-10) Mga kabataan, baka natutukso kayo kung minsan na sumuway sa inyong mga magulang. Ano ang makatutulong sa inyo na matularan ang halimbawa ni Jesus?
17, 18. (a) Anong pagsubok ang napapaharap sa mga kabataan sa paaralan? (b) Kaninong halimbawa ang makabubuting tandaan nila upang maharap ito?
17 Malamang na karamihan sa inyong mga kaeskuwela ay halos walang pagpapahalaga sa pamantayan ng Bibliya. Baka hikayatin nila kayong makibahagi sa kuwestiyunableng mga gawain at kung tatanggi kayo, maaaring pagtawanan nila kayo. Binabansagan ba kayo ng inyong mga kaeskuwela dahil hindi kayo sumasama sa kanilang ginagawa? Kung oo, ano ang ginagawa ninyo? Alam ninyo na kung magpapadala kayo sa kanila, malulungkot ang inyong mga magulang at si Jehova. Ano ang mangyayari sa inyo kung susunod kayo sa inyong mga kaeskuwela? Marahil ay may tunguhin kayo, gaya ng pagiging payunir o ministeryal na lingkod, paglilingkod sa lugar na mas malaki ang pangangailangan, o maging Bethelite. Makatutulong ba sa pag-abot ninyo ng inyong mga tunguhin ang pakikisama sa inyong mga kaeskuwela?
18 Kayong mga kabataan sa kongregasyon, may mga pagkakataon bang sinusubok ang inyong pananampalataya? Paano ninyo ito hinaharap? Isipin ang inyong huwaran, si Jesus. Nilabanan niya ang tukso at nanindigan sa kung ano ang alam niyang tama. Tandaan ang kaniyang halimbawa. Magpapatibay ito sa inyo na tuwirang sabihin sa inyong mga kaeskuwela na hindi ninyo gustong sumama sa kanila sa paggawa ng mali. Gaya ni Jesus, patuloy na magtuon ng pansin sa maligayang paglilingkod at pagsunod kay Jehova habang buhay.—Heb. 12:2.
Kung Paano Magiging Maligaya ang Buhay Pampamilya
19. Paano tayo magiging tunay na maligaya?
19 Nais ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo ang pinakamabuti para sa sangkatauhan. Kahit hindi tayo sakdal, maaari pa rin tayong maging maligaya. (Isa. 48:17, 18; Mat. 5:3) Itinuro ni Jesus ang mga katotohanang magdudulot sa atin ng kaligayahan, pero hindi lamang iyan. Itinuro din niya ang pinakamainam na paraan ng pamumuhay. Higit pa riyan, nagpakita siya ng napakagandang halimbawa sa pagiging timbang sa lahat ng bagay. Kaya mga asawang lalaki, asawang babae, magulang, at mga anak, tularan ang halimbawa ni Jesus at sundin ang kaniyang mga turo! Tiyak na makikinabang at magiging maligaya ang ating pamilya kung gagawin natin ito.
Paano Mo Sasagutin?
• Paano dapat gamitin ng mga asawang lalaki ang kanilang bigay-Diyos na awtoridad?
• Paano matutularan ng asawang babae si Jesus?
• Ano ang matututuhan ng mga magulang sa pakikitungo ni Jesus sa kaniyang mga alagad?
• Ano ang matututuhan ng mga kabataan kay Jesus?
[Larawan sa pahina 8]
Ano ang dapat isaalang-alang ng maibiging asawang lalaki bago gumawa ng pasiya na makaaapekto sa pamilya?
[Larawan sa pahina 9]
Sa anong pagkakataon maipapakita ng asawang babae na sinusuportahan niya ang pagkaulo ng kaniyang asawa?
[Larawan sa pahina 10]
Tinutularan ng mga anak ang magandang halimbawa ng kanilang magulang