Kung Paano Matutulungan ang Isang Kaibigang May Sakit
MAY nakausap ka na bang isang kaibigang may malubhang sakit at hindi mo alam ang sasabihin? Mapagtatagumpayan mo ito. Paano? Wala namang tiyak na mga tuntunin. Iba-iba kasi ang kultura at personalidad ng mga tao. Kaya ang waring nakabubuti sa isa ay baka hindi naman nakabubuti sa iba. At bawat araw, maaari ding magbago ang mga kalagayan at damdamin ng maysakit.
Kaya ang pinakamahalagang gawin ay ilagay ang sarili sa kalagayan ng maysakit at alamin kung ano talaga ang gusto at kailangan niya sa iyo. Paano mo ito magagawa? Narito ang ilang mungkahing salig sa mga simulain sa Bibliya.
Maging mabuting tagapakinig
MGA SIMULAIN SA BIBLIYA:
“Ang bawat tao ay dapat na maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.”—SANTIAGO 1:19.
“May . . . panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.”—ECLESIASTES 3:1, 7.
◼ Kapag dumadalaw sa isang kaibigang may sakit, makinig na mabuti at maging madamayin. Huwag agad-agad magpayo o isipin na dapat ay lagi kang may solusyon. Baka kasi di-sinasadyang may masabi ka na makasasakit. Hindi naman laging naghahanap ng solusyon ang iyong kaibigan kundi ng isa na makikinig at makauunawa sa kaniya.
Hayaang ilabas ng iyong kaibigan ang kaniyang niloloob. Huwag sumabad at maliitin ang kaniyang problema sa pagsasabi ng gasgas na mga linya. “Nabulag ako dahil sa meningitis,” ang sabi ni Emílio.a “Kung minsan ay nadedepres ako, at inaaliw ako ng mga kaibigan ko sa pagsasabing, ‘Hindi lang ikaw ang may problema, mas malala pa nga ang sa iba.’ Pero hindi nila alam na hindi iyon nakatutulong sa akin. Sa kabaligtaran, nasisiraan lang ako ng loob.”
Hayaang ihinga ng iyong kaibigan ang kaniyang niloloob at huwag siyang kontrahin. Kung sabihin niyang natatakot siya, ipadama sa kaniyang nauunawaan mo siya sa halip na basta sabihing huwag siyang matakot. “Kapag natatakot ako sa aking kondisyon at napapaiyak, hindi ibig sabihin na wala na akong tiwala sa Diyos,” ang sabi ni Eliana na may kanser. Sikaping unawain ang iyong kaibigan. Baka maramdamin siya ngayon, hindi gaya ng dati. Maging mapagpasensiya. Makinig—kahit paulit-ulit mo nang narinig ang sinasabi niya. (1 Hari 19:9, 10, 13, 14) Baka gusto lang niyang ikuwento sa iyo ang mga pinagdaraanan niya.
Maging makonsiderasyon at magpakita ng empatiya
MGA SIMULAIN SA BIBLIYA:
“Makipagsaya sa mga taong nagsasaya; makitangis sa mga taong tumatangis.”—ROMA 12:15.
“Lahat ng mga bagay . . . na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.”—MATEO 7:12.
◼ Ilagay ang iyong sarili sa kalagayan ng iyong kaibigan. Kung magpapaopera siya, nagpapagamot, o naghihintay ng resulta ng mga pagsusuri, baka ninenerbiyos siya at lubhang maramdamin. Sikaping unawain ang iyong kaibigan at makibagay sa kaniyang mga sumpong. Hindi ito ang panahon upang pagtatanungin siya, lalo na ng personal na mga bagay.
“Hayaang ikuwento ng mga pasyente ang kanilang karamdaman kung kailan nila gusto at huwag silang apurahin,” ang sabi ng clinical psychologist na si Ana Katalifós. “Kung gusto nilang makipag-usap, pag-usapan ang anumang paksang gusto nila. Pero kung wala silang ganang makipag-usap, basta maupo lang nang tahimik at hawakan ang kanilang kamay. Malaki na ang magagawa nito. O baka naman ang kailangan lang nila ay isa na mahihingahan ng problema.”
Igalang ang privacy ng iyong kaibigan. Isinulat ng awtor na si Rosanne Kalick, na dalawang beses nang gumaling sa kanser: “Isipin na ang sinasabi sa iyo ng pasyente ay hindi dapat malaman ng iba. Huwag maglabas ng impormasyon malibang ikaw ang tagapagsalita ng pamilya. Tanungin ang pasyente kung ano lang ang gusto niyang ipaalam sa iba.” Sinabi ni Edson na gumaling sa kanser: “Ikinalat ng isang kaibigan na may kanser ako at may taning na ang buhay ko. Kaoopera ko pa nga lang eh. Alam kong may kanser ako, pero hinihintay ko pa ang resulta ng biopsy. Hindi kumalat ang kanser, pero kumalat ang tsismis. Ang sama-samâ ng loob ng misis ko dahil kung anu-ano ang pinagtatatanong at pinagsasasabi sa kaniya ng iba.”
Kung tinitimbang pa ng iyong kaibigan ang mga mapagpipiliang paggamot, huwag agad sabihin ang gagawin mo kung ikaw ang nasa kaniyang kalagayan. Sa kaniyang aklat na Help Me Live, sinabi ni Lori Hope na gumaling sa kanser: “Bago magpadala ng mga artikulo o anumang balita sa isang may kanser o dating may kanser, makabubuting tanungin muna sila kung gusto nilang tumanggap nito. Kung hindi, puwede mong masaktan ang iyong kaibigan kahit mabuti ang intensiyon mo.” Hindi lahat ng tao ay gustong mapaulanan ng impormasyon tungkol sa iba’t ibang paraan ng paggamot.
Kahit na matalik kayong magkaibigan, huwag masyadong magtagal sa pagdalaw. Mahalaga ang pagdalaw mo, pero baka wala siya sa kondisyon na makipagkuwentuhan sa iyo. Baka pagod siya. Ngunit huwag mo namang ipadama sa kaniya na nagmamadali kang umalis. Dapat madama ng iyong kaibigan na nagmamalasakit ka sa kaniya.
Ang pagpapakita ng konsiderasyon ay nangangailangan ng pagiging timbang at makatuwiran. Halimbawa, bago ipagluto o dalhan ng bulaklak ang isang may-sakit na kaibigan, magtanong muna kung may alerdyi siya. Kung may ubo’t sipon ka, mas maganda kung magpapagaling ka muna bago dumalaw.
Maging nakapagpapatibay
MGA SIMULAIN SA BIBLIYA:
“Ang dila ng marurunong ay kagalingan.”—KAWIKAAN 12:18.
“Ang inyong pananalita nawa ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin.”—COLOSAS 4:6.
◼ Kung positibo ang pananaw mo sa iyong kaibigang may sakit, makikita ito sa iyong pananalita at kilos. Isiping siya pa rin ang iyong kaibigan na may mga katangiang nagustuhan mo kaya naging malapít kayo sa isa’t isa. Hindi dapat magbago ang pakikitungo mo sa kaniya dahil lamang sa kaniyang sakit. Kung kakausapin mo ang iyong kaibigan na parang kaawa-awa siya, baka gayon nga ang madama niya. Sinabi ni Roberta na may malalang sakit sa buto: “Pakitunguhan n’yo ako na gaya ng normal na tao. May diperensiya nga ako, pero may mga opinyon at hangarin pa rin ako. Huwag ninyo akong kaawaan. Huwag ninyo akong kausapin na para bang ako’y mangmang.”
Tandaan na mahalaga hindi lamang kung ano ang sasabihin mo kundi kung paano mo ito sasabihin. Puwedeng makaapekto kahit ang tono ng iyong boses. Pagkatapos masuri na may kanser siya, tinawagan si Ernesto ng isang kaibigan mula sa ibang bansa, na nagsabi: “Hindi ako makapaniwala, ikaw, may kanser?” Naalaala ni Ernesto: “Kinilabutan ako sa pagkakasabi niya ng ‘ikaw’ at ‘kanser.’”
Nagbigay pa ng isang halimbawa ang awtor na si Lori Hope: “Maaaring iba-iba ang datíng sa isang pasyente ng pagtatanong ng ‘Kumusta ka na?’ Depende iyan sa tono ng boses, galaw ng katawan, kung gaano kayo kalapít sa isa’t isa at, siyempre pa, sa tiyempo. Maaari itong makaaliw, makasakit, o makatakot.”
Gustong madama ng kaibigan mong may sakit na siya’y pinagmamalasakitan, nauunawaan, at iginagalang. Tiyakin sa kaniya na napakahalaga niya sa iyo at nariyan ka para tumulong. Si Rosemary, isang pasyenteng may tumor sa utak, ay nagsabi: “Talagang nakapagpapalakas sa akin na marinig ang aking mga kaibigan na nagsasabing mahal nila ako at nariyan sila para sa akin anuman ang mangyari.”—Kawikaan 15:23; 25:11.
Maging matulungin
SIMULAIN SA BIBLIYA:
“Umibig tayo, huwag sa salita ni sa dila man, kundi sa gawa at katotohanan.”—1 JUAN 3:18.
◼ Magbabago ang pangangailangan ng iyong kaibigan mula sa pagsusuri sa kaniya hanggang sa paggamot. Ngunit sa buong panahong ito, baka kailanganin niya ang tulong mo. Sa halip na basta sabihing, ‘Kung may kailangan ka, tawagan mo lang ako,’ maging espesipiko. Ang pag-aalok ng tulong sa araw-araw na gawain gaya ng pagluluto, paglilinis, paglalaba, pamamalantsa, pamimili, at paghahatid-sundo sa klinika o sa ospital ay ilang paraan lamang para maipakita mo na nagmamalasakit ka. Maging maaasahan at nasa oras. Tuparin ang iyong mga pangako.—Mateo 5:37.
“Anumang tulong ang ating gawin, maliit man o malaki, ay may magagawa upang bumuti ang pakiramdam ng pasyente,” ang sabi ng awtor na si Rosanne Kalick. Sumasang-ayon dito si Sílvia na dalawang beses nang gumaling sa kanser. “Nakakarelaks kapag iba-ibang kaibigan ang naghahatid sa akin araw-araw para sa radyasyon. Sa daan, pinag-uusapan namin ang iba’t ibang paksa, at pagkatapos ng paggamot, lagi kaming nagkakape. Pakiramdam ko, parang wala akong sakit.”
Huwag isiping alam mo na kung ano ang kailangan ng kaibigan mo. “Magtanong, magtanong, magtanong,” ang payo ni Kalick. Sinabi pa niya: “Kung gusto mong tumulong, huwag kontrolin ang lahat ng bagay. Imbes na makatulong, makasasamâ ito. Kung wala na akong gagawin, para bang sinasabi mo na inutil ako. Gusto kong madama na may silbi pa rin ako at hindi ako isang biktima. Tulungan mo akong gawin ang kaya ko.”
Malamang na gusto ng iyong kaibigan na madamang mayroon pa rin siyang magagawa. Si Adilson, na may AIDS, ay nagsabi: “Kapag may sakit ka, ayaw mong binabale-wala ka, na para bang inutil ka o walang silbi. Gusto mong makatulong kahit sa maliliit na bagay. Masarap sa pakiramdam na may nagagawa ka pa, kaya gusto mo pa ring mabuhay. Gusto ko na ako ang nagpapasiya—at igagalang ang aking mga desisyon. Hindi komo may sakit kami ay hindi na namin magagampanan ang aming papel bilang ama, ina, o anupaman.”
Manatiling malapít
SIMULAIN SA BIBLIYA:
“Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.”—KAWIKAAN 17:17.
◼ Kung hindi mo madalaw ang iyong kaibigan dahil sa malayo ka o sa iba pang kadahilanan, maaari mo siyang tawagan, sulatan, o padalhan ng e-mail. Ano naman ang isusulat mo? Ipinayo ni Alan D. Wolfelt, isang sikologo: “Alalahanin ang masasayang araw ninyo noon. Mangakong susulat ka uli . . . sa lalong madaling panahon—at tuparin mo ito.”
Huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa isang may-sakit na kaibigan dahil sa takot na baka may masabi o magawa kang mali. Kadalasan, ang mahalaga ay nariyan ka para sa kaniya. Isinulat ni Lori Hope sa kaniyang aklat: “Lahat tayo ay may nasasabi o nagagawang maaaring di-maunawaan ng iba o nakasasakit sa kanila. Hindi problema iyan. Nagkakaproblema lang kung dahil sa takot mong magkamali ay lumalayo ka sa isa na nangangailangan ng tulong mo.”
Higit kailanman, maaaring ngayon ka kailangan ng isang kaibigang may malubhang karamdaman. Maging isang “tunay na kaibigan.” Maaaring hindi lubusang mapawi ng iyong mga pagsisikap ang kirot na kaniyang nadarama, pero makatutulong ka para mas makayanan ng iyong mahal sa buhay ang hirap na dinaranas niya.
[Talababa]
a Binago ang ilang pangalan.