Liham Mula sa Grenada
Isang Araw sa Dalampasigan
KUNG aatasan kang maging misyonero sa ibang bansa, tiyak na mapapatalon ka sa tuwa. Tulad ng isang munting bata na nanlalaki ang mata sa pananabik, iniisip mo ang mga makikilala mo, ang kapaligiran, at ang mga karanasan sa ministeryo na naghihintay sa iyo.
Nang maatasan kaming mag-asawa sa Grenada, na napalilibutan ng mga 45 pagkagagandang dalampasigan, sabik na sabik kaming makita kung ano ang hitsura ng mga dalampasigang iyon. Sa wakas, makakapunta na rin kami sa isa sa mga ito. Masayang-masaya kami. Pero higit pa sa magandang araw at dagat ang nagpapaligaya sa amin.
Sandali lang ang biyahe mula sa tirahan namin sa Grenada papuntang Grand Anse Beach, pero talagang nasiyahan kami rito! Paliku-liko ang daan kaya nakikita namin ang kahanga-hangang mga tanawin. Berdeng-berde ang mga dalisdis ng burol. Kahit saan kami tumingin, nakakakita kami ng mga bundok, maulang kagubatan, talon, at pagkaganda-gandang karagatan. Kaya pala ito dinarayo ng mga turista mula sa buong daigdig! Sa ganda ng tanawin, dapat mag-ingat ang drayber dahil baka malingat siya. At kung minsan, napakakipot ng paliku-likong daan kaya para bang magkakabanggaan na kayo ng kasalubong mong sasakyan.
Nakarating din kami sa Grenada Trade Center na malapit sa Grand Anse Beach. Halos 600 Saksi ni Jehova ang nagkatipun-tipon doon para sa isang araw ng masayang pagsasamahan at pagtuturo mula sa Bibliya. Lalo nang natatangi ang araw na ito para kina Lesley at Daphne, mag-asawa na mga edad 70. Babautismuhan na kasi si Lesley. Matagal nang hinihintay ni Daphne ang araw na ito, dahil noong 1958 pa siya nabautismuhan bilang Saksi ni Jehova.
Para sa mga Saksi, napakahalaga ng bautismo—isinasagawa sa pamamagitan ng lubusang paglulubog sa tubig. Ginagawa ito ng isa kapag nagkaroon na siya ng tumpak na kaalaman sa Bibliya at namumuhay na ayon dito. Sa pamamagitan nito, ipinakikita niya sa publiko na inialay na niya ang kaniyang sarili sa Diyos na Jehova.
Ako ang naatasang magpaliwanag sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa bautismo. Sa pagtatapos ng pahayag, tumayo si Lesley kasama ang dalawa pang babautismuhan. Plantsadung-plantsado ang kaniyang puting polo, may suot siyang kurbata, at napakaganda ng kaniyang ngiti. Nagtanong ako: “Pinagsisihan mo na ba ang iyong mga kasalanan at inialay ang iyong sarili kay Jehova upang gawin ang kaniyang kalooban?” Madarama mo ang kataimtiman at debosyon sa buong-pusong pagsagot nila ng “Oo!”
Kilala ko si Lesley kaya tuwang-tuwa ako na nagpabautismo siya. Sa loob ng maraming taon, ayaw niyang mag-aral ng Bibliya hanggang sa pumunta silang mag-asawa sa ibang isla. Habang naroon sila, nagpasiya silang dumalo sa kani-kaniyang simbahan. “Doon ka sa simbahan n’yo, ako naman sa amin,” ang sabi ni Lesley kay Daphne.
Inihatid ni Lesley si Daphne sa Kingdom Hall at nagpunta naman siya sa simbahang Anglikano sa lugar ding iyon. Pagkatapos magsimba, sinundo ni Lesley ang kaniyang asawa. Sa Kingdom Hall, mainit siyang sinalubong at binati ng mababait at palakaibigang mga tao bagaman noon lamang nila siya nakilala. Naantig si Lesley. Sa kanilang simbahan, wala man lang bumati sa kaniya. “Hinding-hindi na ako babalik sa simbahang iyon,” ang sabi ni Lesley kay Daphne. “Wala man lang pumansin sa akin, kahit ang pari. Walang bumati sa akin. Para bang hindi nila ako nakita.” Kaya iniwan na ni Lesley ang dati niyang relihiyon.
Pagkatapos nito, seryosong nag-aral ng Salita ng Diyos si Lesley. At ngayon, magpapabautismo na siya. Nagpunta na sa dalampasigan ang mga babautismuhan, at sinamahan namin sila. Pagtawid lang ng kalsada, dagat na, kaya hindi na kailangan ng baptism pool gaya ng ginagamit sa karamihan ng mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova.
Ang Grand Anse Beach ay may mga tatlong kilometrong puting buhanginan at mainit-init at asul na tubig sa buong taon. Nagtataka ang mga turista nang dumating ang grupo namin sa dalampasigan—ang mga lalaki ay nakapolo at nakakurbata, at ang mga babae ay nakabestida o nakapalda’t blusa. Nagpalit na si Lesley ng T-shirt at short. Gunigunihin ang nadama ni Daphne nang makita niyang binautismuhan ang kaniyang asawa mga 50 taon pagkatapos niyang mabautismuhan! Nagniningning ang araw nang tanghaling iyon, gayundin ang kaniyang ngiti. Pati ang mga turista ay nakigalak at nakipalakpak habang iniaahon ang bawat nabautismuhan.
Bughaw na langit, puting buhangin, at banayad na alon—sa dalampasigan pa lang na ito ay naluluwalhati na ang Maylalang. Lalo pa nga nang umahon sa tubig ang tatlong bagong nabautismuhan. Nag-uumapaw ang aming kagalakan nang makita namin sila. Talagang napakaespesyal ng araw na ito. Para kina Lesley at Daphne, ito ang pinakamasayang araw nila—isang araw sa dalampasigan.