Talaga Bang Nalulugod Ka sa Salita ng Diyos?
“NANG simulan ko ang regular na pagbabasa ng Bibliya, nahirapan ako sa halip na masiyahan,” ang sabi ni Lorraine. “Mahirap itong maintindihan kaya kung saan-saan lumilipad ang isip ko.”
Aminado ang iba na hindi rin sila nasiyahan nang magsimula silang magbasa ng Bibliya. Pero nagtiyaga pa rin sila dahil alam nilang ito ang dapat gawin. Sinabi ni Marc: “Madaling masira ang konsentrasyon ko kapag nagbabasa at nag-aaral ng Bibliya. Kinailangan kong manalangin nang madalas at magsikap para makapagbasa ako ng Bibliya araw-araw.”
Ano ang puwede mong gawin para mas mapahalagahan mo ang nasusulat na Salita ng Diyos, ang Bibliya? Paano magiging kasiya-siya ang pagbabasa mo nito? Isaalang-alang ang sumusunod na mga mungkahi.
Mga Tunguhin at Pamamaraan
Manalangin at magpokus sa iyong pagbabasa ng Bibliya. Hilingin kay Jehova na tulungan kang magkaroon ng pananabik na pag-aralan ang kaniyang Salita. Magsumamo sa kaniya na buksan ang iyong isip at puso para higit mong maunawaan ang kaniyang karunungan. (Awit 119:34) Kung hindi mo ito gagawin, maaaring maging rutin na lang ang iyong pag-aaral ng Bibliya at baka tamarin ka nang magpatuloy. Sinabi ni Lynn: “Minsan, sa sobrang bilis kong magbasa, nalalampasan ko ang mahahalagang punto. Kadalasan nang hindi ko nakukuha ang pangunahing mga ideya. Pero nananalangin ako na sana’y makontrol ko ang aking sarili, at nakakatulong ito para makapagpokus ako.”
Pahalagahan ang iyong natututuhan. Tandaan na nakadepende ang buhay mo sa pagkaunawa at pagkakapit ng mga katotohanan sa Bibliya. Kaya sikaping humanap ng praktikal na mga punto at ikapit ang mga ito. “Humahanap ako ng mga punto na makakatulong para makita ko ang aking mga maling saloobin at motibo,” ang sabi ni Chris. “Natutuwa ako dahil personal na nakakatulong sa akin ang mga impormasyon sa Bibliya at sa ating mga publikasyon kahit hindi ako kilala ng mga sumulat nito.”
Magtakda ng makatotohanang mga tunguhin. Sikaping higit na makilala ang mga tauhan sa Bibliya. Makakakuha ka ng magagandang impormasyon tungkol sa kanila mula sa Kaunawaan sa Kasulatan o sa Watch Tower Publications Index. Habang natututuhan mo ang pagkatao at damdamin ng mga karakter sa Bibliya, magiging buháy na buháy sila sa isip mo.
Humanap ng mga bagong paraan ng pangangatuwiran tungkol sa Kasulatan. (Gawa 17:2, 3) Iyan ang ginagawa ni Sophia kapag nag-aaral siya. “Gustung-gusto kong matuto at makaisip ng mga bagong pangangatuwiran na magagamit ko sa ministeryo at sa iba pang pagkakataon para maipaliwanag kong mabuti ang mga katotohanan sa Bibliya. Napakalaking tulong dito ang Bantayan,” ang sabi niya.—2 Tim. 2:15.
Ilarawan sa isip ang mga ulat sa Bibliya. “Ang salita ng Diyos ay buháy,” ang sabi ng Hebreo 4:12. Kapag nagbabasa ng Bibliya, gawin mong buháy sa iyong isip ang mensahe ng Diyos. Gunigunihin ang nakikita ng mga tauhan sa Bibliya. Pakinggan ang kanilang naririnig at damhin ang kanilang nadarama. Iugnay ang kanilang karanasan sa mga sitwasyon sa iyong buhay. Tingnan kung ano ang matututuhan mo sa pagharap nila sa mga sitwasyon. Tutulong ito para mas maunawaan mo at matandaan ang mga ulat sa Bibliya.
Maglaan ng panahon sa mahihirap na teksto at sa mga paliwanag dito para maintindihan mo itong mabuti. Gumugol ng sapat na panahon sa bawat pag-aaral. Baka may makita kang magagandang tanong na nangangailangan ng higit na pagsasaliksik. Alamin ang kahulugan ng di-pamilyar na mga salita, isaalang-alang ang apendise sa likod ng Bibliya, at tingnan ang mga cross-reference nito. Habang nauunawaan mo at ikinakapit ang iyong nababasa, lalo kang malulugod sa Salita ng Diyos. Kaya masasabi mo rin ang sinabi ng salmista kay Jehova: “Tinanggap ko ang iyong mga paalaala bilang pag-aari hanggang sa panahong walang takda, sapagkat ang mga iyon ang ipinagbubunyi ng aking puso.”—Awit 119:111.
Huwag madaliin ang pag-aaral. Maging makatuwiran sa haba ng panahong inilalaan mo sa personal na pag-aaral. Tiyaking may panahon ka rin sa paghahanda sa mga pulong ng kongregasyon. “Madalas na nai-stress ako kaya hindi ako makapag-concentrate,” ang sabi ni Raquel. “Kaya mas nakikinabang ako at mas maraming natututuhan kapag maikli lang ang pag-aaral.” Inamin naman ni Chris: “Kapag minamadali ko ang pag-aaral, nakokonsiyensiya ako dahil konti lang ang natatandaan ko. Madalas na hindi ito tumatagos sa puso ko.” Kaya huwag magmadali.
Magkaroon ng higit na pananabik sa salita ng Diyos. Sinabi ni apostol Pedro: “Gaya ng mga sanggol na bagong-silang, magkaroon kayo ng pananabik sa di-nabantuang gatas na nauukol sa salita, upang sa pamamagitan nito ay lumaki kayo tungo sa kaligtasan.” (1 Ped. 2:2) Ang mga sanggol ay hindi na kailangang maglinang ng pananabik sa gatas. Likas na ito sa kanila. Pero tayo, ayon sa Bibliya, ay kailangang maglinang ng pananabik sa salita ng Diyos. Kung magbabasa ka ng kahit isang pahina lang ng Bibliya bawat araw, malilinang mo ang gayong pananabik. Kung nahihirapan ka man noon, magiging kasiya-siya na ito ngayon.
Bulay-bulayin ang mga talata sa Bibliya. Malaki rin ang pakinabang kung bubulay-bulayin mo ang iyong binabasa. Tutulong ito sa iyo na mapag-ugnay-ugnay ang mga paksang napag-aralan mo na. Di-magtatagal, makakaipon ka ng espirituwal na mga hiyas ng karunungan—isang napakahalagang kayamanan.—Awit 19:14; Kaw. 3:3.
Sulit ang Panahon
Kailangan ang pagsisikap para maging regular ang iyong pag-aaral, pero nagdudulot naman ito ng napakaraming pagpapala. Higit mong mauunawaan ang Bibliya. (Heb. 5:12-14) Ang kaunawaan at karunungang nakukuha mo sa Kasulatan ay magbibigay sa iyo ng kagalakan, kaigayahan, at kapayapaan. Ang karunungan mula sa kinasihang Salita ng Diyos ay “punungkahoy ng buhay” para sa mga kumukuha at nagkakapit nito.—Kaw. 3:13-18.
Kung masusi mong pag-aaralan ang Bibliya, magkakaroon ka ng pusong may unawa. (Kaw. 15:14) Tutulong ito para makapagbigay ka ng mga payo na matibay na nakasalig sa Bibliya. Kung gagawin mong gabay sa pagpapasiya ang mga nababasa mo sa Bibliya at sa mga publikasyong inilalaan ng “tapat at maingat na alipin,” magiginhawahan ka at mapatitibay ng kinasihang Salita ni Jehova. (Mat. 24:45) Ikaw ay magiging mas positibo at palaisip sa espirituwal. Bukod diyan, ang lahat ng gagawin mo na nagsasangkot sa iyong kaugnayan sa Diyos ay magtatagumpay.—Awit 1:2, 3.
Kung nag-uumapaw sa iyong puso ang pag-ibig sa Diyos, mapakikilos kang sabihin sa iba ang iyong mga paniniwala. Magdudulot din ito ng malaking kasiyahan. Sinisikap ni Sophia na makapagsaulo at makagamit ng iba’t ibang teksto na makaaakit sa mga may-bahay para maging epektibo at kapana-panabik ang kaniyang ministeryo. “Nakakatuwang makita ang reaksiyon ng mga tao sa mga sinasabi ng Bibliya,” ang sabi niya.
Gayunman, ang pinakamalaking pakinabang sa pag-aaral ng Salita ng Diyos ay ang pagkakaroon ng malapít na kaugnayan kay Jehova. Ang pag-aaral ng Bibliya ay tutulong sa iyo na malaman ang kaniyang mga pamantayan at mapahalagahan ang kaniyang pag-ibig, pagkabukas-palad, at katarungan. Wala nang mas mahalaga o mas kapaki-pakinabang na gawain kaysa rito. Maging abala sa pag-aaral ng Salita ng Diyos. Talagang sulit ang panahon mo rito.—Awit 19:7-11.
[Kahon/ Mga Larawan sa pahina 5]
PAGBABASA NG BIBLIYA: MGA TUNGUHIN AT PAMAMARAAN
▪ Manalangin at magpokus sa iyong pagbabasa ng Bibliya.
▪ Pahalagahan ang iyong natututuhan.
▪ Magtakda ng makatotohanang mga tunguhin.
▪ Humanap ng mga bagong paraan ng pangangatuwiran tungkol sa Kasulatan.
▪ Ilarawan sa isip ang mga ulat sa Bibliya.
▪ Maglaan ng panahon sa mahihirap na teksto at sa mga paliwanag dito para maintindihan mo itong mabuti.
▪ Huwag madaliin ang pag-aaral.
▪ Magkaroon ng higit na pananabik sa salita ng Diyos.
▪ Bulay-bulayin ang mga talata sa Bibliya.
[Larawan sa pahina 4]
Kapag nagbabasa ng Bibliya, isiping naroroon ka sa sitwasyong binabasa mo