Dapat Bang Magpabautismo ang mga Kabataan?
“MASAYANG-MASAYA ako dahil isa nang lingkod ni Jehova ang anak ko, at alam kong masaya rin siya,” ang sabi ni Carlos,a isang ama sa Pilipinas. Isang ama naman mula sa Gresya ang sumulat: “Natutuwa kaming mag-asawa dahil nabautismuhan bilang Saksi ni Jehova ang aming tatlong anak noong tin-edyer sila. Sumusulong sila at masayang naglilingkod kay Jehova.”
Natural lang na matuwa ang mga magulang na Kristiyano kapag nabautismuhan ang kanilang mga anak. Pero kung minsan, ang kagalakan ay may kasamang pagkabahala. “Magkahalong saya at pag-aalala ang nadarama ko,” ang sabi ng isang ina. Bakit kaya? “Alam ko kasing may personal na pananagutan na ngayon kay Jehova ang anak ko.”
Ang paglilingkod kay Jehova bilang bautisadong Saksi ay isang tunguhing dapat abutin ng lahat ng kabataan. Pero baka iniisip ng makadiyos na mga magulang, ‘Alam kong maganda ang pagsulong ng anak ko, pero ganoon na kaya siya katatag para malabanan ang mga tuksong gumawa ng imoralidad at makapanatiling malinis sa harap ni Jehova?’ Baka iniisip din ng iba, ‘Kapag napaharap sa tukso ng materyalismo, maglilingkod pa rin kaya sa Diyos ang anak ko nang may sigasig at kagalakan?’ Anong patnubay mula sa Bibliya ang makatutulong sa mga magulang para matiyak kung handa nang magpabautismo ang kanilang mga anak?
Pagiging Alagad—Pangunahing Kahilingan
Sa halip na magtakda ng edad kung kailan dapat magpabautismo, sinasabi ng Bibliya ang kuwalipikasyon ng mga puwede nang magpabautismo. Tinagubilinan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod: “Gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila.” (Mat. 28:19) Samakatuwid, ang bautismo ay para sa mga naging alagad ni Kristo.
Ano ba ang isang alagad? Ang Kaunawaan sa Kasulatan ay nagpapaliwanag: “Ang terminong ito ay pangunahing tumutukoy sa lahat niyaong naniniwala sa mga turo ni Kristo at maingat ding sumusunod sa mga iyon.” Puwede bang maging tunay na mga alagad ni Kristo ang mga kabataan? Isang misyonera na mahigit 40 taon nang naglilingkod sa Latin Amerika ang sumulat tungkol sa kaniya at sa dalawa niyang kapatid na babae: “Nasa edad na kami noon para malaman na gusto naming maglingkod kay Jehova at mabuhay sa Paraiso. Nakatulong ang pag-aalay namin para maging matatag kami sa harap ng mga tuksong karaniwan sa mga kabataan. Hindi namin pinagsisisihan ang aming pag-aalay sa Diyos sa murang edad.”
Paano mo malalaman kung isa nang alagad ni Kristo ang iyong anak? Sinasabi sa Bibliya: “Sa pamamagitan nga ng kaniyang mga gawa ay ipinakikilala ng isang bata kung ang kaniyang gawain ay dalisay at matuwid.” (Kaw. 20:11) Tingnan natin ang ilang gawaing ‘naghahayag sa pagsulong’ ng isang kabataan bilang alagad.—1 Tim. 4:15.
Katibayan ng Pagiging Alagad
Sinusunod ka ba ng iyong anak? (Col. 3:20) Ginagawa ba niya ang kaniyang mga gawain sa bahay? Ganito ang sinabi ng Bibliya tungkol sa 12-anyos na si Jesus: “Patuloy siyang nagpasakop sa [kaniyang mga magulang].” (Luc. 2:51) Siyempre pa, walang anak na lubusang makasusunod sa kaniyang mga magulang. Pero ang mga tunay na Kristiyano ay dapat na ‘maingat na sumunod sa mga yapak ni Jesus.’ Kaya ang mga kabataang interesadong magpabautismo ay dapat na kilaláng masunurin sa kanilang mga magulang.—1 Ped. 2:21.
Pag-isipan ang sumusunod na mga tanong: Patuloy bang hinahanap muna ng iyong anak ang Kaharian sa pamamagitan ng lubusang pakikibahagi sa ministeryo? (Mat. 6:33) Kusa ba niyang ibinabahagi sa iba ang mabuting balita, o kailangan pa siyang kumbinsihing lumabas sa larangan at makipag-usap sa may-bahay? Palaisip ba siya sa kaniyang responsibilidad bilang di-bautisadong mamamahayag? Binabalikan ba niya ang mga interesadong nakakausap niya sa teritoryo? Sinasabi ba niya sa kaniyang mga kaeskuwela at guro na siya’y Saksi ni Jehova?
Mahalaga ba sa kaniya ang pagdalo sa mga pulong? (Awit 122:1) Gustung-gusto ba niyang magkomento sa Pag-aaral sa Bantayan at sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya? Nasasabik ba siyang gampanan ang kaniyang bahagi sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo?—Heb. 10:24, 25.
Nagsisikap ba ang iyong anak na manatiling malinis sa moral, anupat umiiwas sa masasamang kasama sa paaralan at sa ibang lugar? (Kaw. 13:20) Ano ang pinipili niyang musika, pelikula, palabas sa telebisyon, video game, at site sa Internet? Nakikita ba sa kaniyang salita at gawa na gusto niyang sundin ang mga pamantayan ng Bibliya?
Gaano kalawak ang kaalaman ng iyong anak sa Bibliya? Masasabi ba niya sa sariling pananalita ang mga natututuhan niya sa inyong Pampamilyang Pagsamba? Maipaliliwanag ba niya ang mga pangunahing turo sa Bibliya? (Kaw. 2:6-9) Interesado ba siyang basahin ang Bibliya at pag-aralan ang mga publikasyon ng uring tapat at maingat na alipin? (Mat. 24:45) Nagtatanong ba siya tungkol sa mga turo at teksto sa Bibliya?
Ang mga tanong na ito ay makatutulong sa iyo para masukat ang espirituwal na pagsulong ng iyong anak. Matapos itong pag-isipan, baka makita mong may dapat pa siyang pasulungin bago magpabautismo. Pero kung nakikita naman sa kaniyang buhay na isa na siyang alagad at nakapag-alay na siya sa Diyos, baka puwede mo na siyang payagang magpabautismo.
Maaaring Purihin ng mga Kabataan si Jehova
Maraming lingkod ng Diyos ang nagpakita ng katapatan noong sila’y mga kabataan pa. Nariyan sina Jose, Samuel, Josias, at Jesus. (Gen. 37:2; 39:1-3; 1 Sam. 1:24-28; 2:18-20; 2 Cro. 34:1-3; Luc. 2:42-49) Ang apat na anak na babae ni Felipe, na mga propetisa, ay tiyak na sinanay mula pa sa pagkabata.—Gawa 21:8, 9.
Isang Saksing taga-Gresya ang nagsabi: “Dose anyos ako nang mabautismuhan. Hinding-hindi ko pinagsisisihan ang aking desisyon. Mula noon, 24 na taon na ang lumipas, at 23 rito ang ginugol ko sa buong-panahong paglilingkod. Dahil sa pag-ibig ko kay Jehova, naharap ko ang mga problemang karaniwan sa mga kabataan. Sa edad 12, wala pa akong gaanong kaalaman sa Bibliya, di-gaya ngayon. Pero alam kong mahal ko si Jehova at gusto ko siyang paglingkuran magpakailanman. Natutuwa ako na tinulungan niya akong magpatuloy sa paglilingkod sa kaniya.”
Bata man o matanda, ang isang taong nagpapakita ng katibayan ng pagiging tunay na alagad ay dapat magpabautismo. Sumulat si apostol Pablo: “Sa pamamagitan ng puso ang isa ay nananampalataya ukol sa katuwiran, ngunit sa pamamagitan ng bibig ang isa ay gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaligtasan.” (Roma 10:10) Kapag nagpabautismo ang isang kabataang alagad ni Kristo, malaking tagumpay ito para sa kaniya at sa kaniyang mga magulang. Wala sanang makahadlang sa iyo at sa iyong mga anak sa pagtatamo ng kagalakang naghihintay sa inyo.
[Talababa]
a Binago ang ilang pangalan.
[Kahon sa pahina 5]
Tamang Pangmalas sa Bautismo
Sa tingin ng ilang magulang, ang pagpapabautismo ng kanilang mga anak ay isang hakbang na kapaki-pakinabang pero may panganib din—katulad ng pagkuha ng lisensiya sa pagmamaneho. Pero maituturing bang panganib sa kinabukasan ng isang tao ang bautismo at sagradong paglilingkod? Ang sagot ng Bibliya ay hindi. Sinasabi sa Kawikaan 10:22: “Ang pagpapala ni Jehova—iyon ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.” Isinulat naman ni Pablo sa kabataang si Timoteo: “Ang totoo, ito ay isang paraan ng malaking pakinabang, itong makadiyos na debosyon kalakip ang kasiyahan sa sarili.”—1 Tim. 6:6.
Totoo, hindi madaling maglingkod kay Jehova. Maraming hirap na dinanas si Jeremias bilang propeta ng Diyos. Pero isinulat niya tungkol sa kaniyang pagsamba sa tunay na Diyos: “Sa akin ang iyong salita ay naging pagbubunyi at pagsasaya ng aking puso; sapagkat ang iyong pangalan ay itinatawag sa akin, O Jehova na Diyos ng mga hukbo.” (Jer. 15:16) Alam ni Jeremias na ang paglilingkod sa Diyos ang pinagmumulan ng kaniyang kagalakan. Ang sanlibutan naman ni Satanas ang pinagmumulan ng paghihirap. Kailangang tulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na makita ang pagkakaibang ito.—Jer. 1:19.
[Kahon/Larawan sa pahina 6]
Dapat Bang Ipagpaliban ng Aking Anak ang Pagpapabautismo?
Kung minsan, kahit kuwalipikado nang magpabautismo ang kanilang mga anak, ipinagpapaliban pa rin ito ng mga magulang. Bakit kaya?
Nag-aalala ako na kapag nabautismuhan ang anak ko, baka makagawa siya ng malubhang pagkakasala at matiwalag. Makatuwiran bang isipin na hindi mananagot sa Diyos ang isang kabataan dahil lang sa hindi siya bautisado? Sinabi ni Solomon sa mga kabataan: “Alamin mo na dahil sa [iyong mga gawa] ay dadalhin ka ng tunay na Diyos sa kahatulan.” (Ecles. 11:9) At anuman ang ating edad, ipinaaalaala ni Pablo: “Ang bawat isa sa atin ay magsusulit sa Diyos para sa kaniyang sarili.”—Roma 14:12.
Ang lahat ng mananamba ng Diyos, bautisado man o di-bautisado, ay mananagot sa kaniya. Huwag kalilimutan na iniingatan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod, anupat ‘hindi niya hinahayaang tuksuhin sila nang higit sa matitiis nila.’ (1 Cor. 10:13) Hangga’t ‘pinananatili nila ang kanilang katinuan’ at nilalabanan nila ang tukso, makaaasa sila sa tulong ng Diyos. (1 Ped. 5:6-9) Isinulat ng isang ina: “Mas maraming dahilan ang mga batang bautisado para umiwas sa masasamang bagay sa sanlibutan. Para sa aking anak, na nabautismuhan sa edad 15, ang bautismo ay isang proteksiyon. ‘Hindi mo iisiping labagin ang kautusan ni Jehova,’ ang sabi niya. Magpupursige kang gawin ang tama kung bautisado ka na.”
Kung sinanay mo ang iyong mga anak na sundin si Jehova, anupat ginawa ito sa pamamagitan ng salita at halimbawa, makaaasa kang patuloy nilang gagawin iyon pagkatapos ng bautismo. Sinasabi sa Kawikaan 20:7: “Ang matuwid ay lumalakad sa kaniyang katapatan. Maligaya ang kaniyang mga anak na kasunod niya.”
Gusto ko munang maabot ng anak ko ang ilang tunguhin sa buhay. Ang mga kabataan ay dapat matutong magtrabaho para matustusan nila ang kanilang sarili balang-araw. Pero mapanganib kung hihimukin silang isentro ang kanilang buhay sa edukasyon at pinansiyal na seguridad sa halip na sa tunay na pagsamba. May kinalaman sa “binhi,” o salita ng Kaharian, na hindi tumutubo, sinabi ni Jesus: “Kung tungkol sa isa na naihasik sa gitna ng mga tinik, ito yaong nakikinig sa salita, ngunit ang kabalisahan ng sistemang ito ng mga bagay at ang mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan ay sumasakal sa salita, at siya ay nagiging di-mabunga.” (Mat. 13:22) Kung gagawing priyoridad ng isang kabataan ang makasanlibutang mga tunguhin sa halip na espirituwal na mga bagay, sisirain nito ang pagnanais niyang maglingkod sa Diyos.
Tungkol sa mga kabataang kuwalipikado nang magpabautismo pero ayaw pang payagan ng kanilang mga magulang, sinabi ng isang makaranasang elder: “Kung hahadlangan ang isang kabataan sa pagpapabautismo, mauudlot ang kaniyang espirituwal na pagsulong at panghihinaan siya ng loob.” Isang naglalakbay na tagapangasiwa naman ang sumulat: “Baka manghina sa espirituwal ang isang kabataan. Baka isipin niyang sa sanlibutan matatagpuan ang tagumpay.”
[Larawan]
Dapat bang unahin ang pag-aaral sa unibersidad?
[Larawan sa pahina 3]
Maipakikita ng isang kabataan ang katibayan ng pagiging alagad
[Mga larawan sa pahina 3]
Paghahanda at pakikibahagi sa mga pulong
[Larawan sa pahina 4]
Pagsunod sa mga magulang
[Larawan sa pahina 4]
Pakikibahagi sa ministeryo
[Larawan sa pahina 4]
Pananalangin