Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ano ang dapat kong gawin kapag may tanong ako tungkol sa Bibliya o kailangan ko ng payo?
Hinihimok tayo ng Kawikaan 2:1-5 na ‘patuloy na saliksikin’ ang kaunawaan at pagkaunawa gaya ng “nakatagong kayamanan.” Ipinahihiwatig nito na kailangan tayong magsumikap na saliksikin ang sagot sa ating mga tanong tungkol sa Bibliya at hanapin ang solusyon sa ating mga problema. Paano natin ito magagawa?
Tinatalakay sa Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, pahina 33 hanggang 38, ang paksang “Kung Paano Gagawin ang Pagsasaliksik” gamit ang mga pantulong na inilaan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mat. 24:45) Ipinaliliwanag ng pahina 36 kung paano gagamitin ang Watch Tower Publications Index. Bawat edisyon ng Index ay may magkabukod na indise ng mga paksa at indise ng mga kasulatan. Puwede nating hanapin ang mga susing salita o mga teksto sa Bibliya at makikita natin ang listahan ng mga reperensiya. Maging matiyaga sa pagsasaliksik sa espesipikong sagot o tagubiling kailangan mo. Tandaan na “nakatagong kayamanan” ang hinahanap mo, kaya kailangan ang panahon at pagsisikap.
Siyempre, may ilang paksa at teksto na hindi pa espesipikong tinatalakay sa ating mga publikasyon. At kahit naipaliwanag na dati ang isang partikular na teksto sa Bibliya, baka hindi pa rin natatalakay ang espesipikong tanong na nasa isip mo. Bukod diyan, hindi detalyado ang ilang ulat ng Bibliya kaya may bumabangong mga tanong hinggil sa mga ito. Kaya naman hindi masasagot agad ang bawat tanong na naiisip natin. Sa gayong kaso, hindi tayo dapat bumuo ng kuru-kuro sa mga bagay na talagang hindi masasagot. Masasangkot lang tayo sa mga debate hinggil sa “mga tanong ukol sa pagsasaliksik sa halip na magkaloob ng anumang bagay mula sa Diyos may kaugnayan sa pananampalataya.” (1 Tim. 1:4; 2 Tim. 2:23; Tito 3:9) Ang tanggapang pansangay at ang pandaigdig na punong-tanggapan ay wala sa kalagayan na suriin at sagutin ang lahat ng tanong na hindi pa natatalakay sa ating literatura. Pero makapagtitiwala tayo na sapat ang impormasyong ibinibigay ng Bibliya para magabayan tayo. Hindi inilaan ng Bibliya ang lahat ng detalye para maudyukan tayong maglinang ng matibay na pananampalataya sa Banal na Awtor nito.—Tingnan ang aklat na Maging Malapít kay Jehova, pahina 185 hanggang 187.
Paano kung ginawa mo na ang makakaya mo pero hindi mo pa rin makita ang tagubilin o solusyong kailangan mo? Huwag mahiyang lumapit sa isang may-gulang na kapananampalataya, marahil sa isang elder sa inyong kongregasyon. Marami na silang kaalaman sa Bibliya at karanasan sa Kristiyanong pamumuhay. Kilala ka nila at alam nila ang kalagayan mo, kaya mabibigyan ka nila ng balanseng payo tungkol sa iyong problema o sa desisyong kailangan mong gawin. Huwag mo ring kalimutan na ipanalangin kay Jehova ang iyong ikinababahala at hilingin na gabayan ka niya sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, “sapagkat si Jehova ay nagbibigay ng karunungan . . . at kaunawaan.”—Kaw. 2:6; Luc. 11:13.