Ang Buhay Noong Panahon ng Bibliya—Ang Mangingisda
“Sa paglalakad sa tabi ng dagat ng Galilea ay nakita niya [ni Jesus] ang dalawang magkapatid, si Simon na tinatawag na Pedro at si Andres na kaniyang kapatid, na naghuhulog ng pangisdang lambat sa dagat, sapagkat sila ay mga mangingisda. At sinabi niya sa kanila: ‘Sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mga mangingisda ng mga tao.’”—MATEO 4:18, 19.
ANG isda, pangingisda, at mga mangingisda ay madalas banggitin sa mga ulat ng Ebanghelyo. Sa katunayan, ang ilan sa mga ilustrasyon ni Jesus ay tungkol sa pangingisda. Hindi naman ito kataka-taka dahil madalas siyang magturo malapit sa Dagat ng Galilea o sa mismong baybayin nito. (Mateo 4:13; 13:1, 2; Marcos 3:7, 8) Ang magandang lawang ito ay may haba na mga 21 kilometro at lapad na mga 11 kilometro. Maaaring pito sa mga apostol ni Jesus—sina Pedro, Andres, Santiago, Juan, Felipe, Tomas, at Natanael—ay mangingisda.—Juan 21:2, 3.
Ano kaya ang buhay ng mga mangingisda noong panahon ni Jesus? Alamin natin ang ilang bagay tungkol sa kanila at sa kanilang hanapbuhay. Tiyak na mas lalo mong mapahahalagahan ang mga apostol at higit na mauunawaan ang mga ginawa at ilustrasyon ni Jesus. Isaalang-alang natin ang buhay ng mga mangingisda sa Dagat ng Galilea.
“Isang Malaking Daluyong ang Bumangon sa Dagat”
Ang Dagat ng Galilea ay nasa isang rift valley at mga 210 metro na mas mababa kaysa sa kapantayan ng dagat. Mababatong dalisdis ang makikita sa may baybayin nito, at nasa hilaga nito ang mataas na Bundok Hermon. Kapag taglamig, ang napakalamig na hangin ay lumilikha ng maliliit at sunud-sunod na mga alon. Kapag tag-araw naman, mainit ang hangin sa ibabaw ng tubig. Mula sa nakapalibot na kabundukan, bigla-biglang dumadaluyong ang bagyo at nananalanta sa mga naglalayag sa dagat. Nakaranas din si Jesus at ang kaniyang mga alagad ng gayong bagyo.—Mateo 8:23-27.
Ang bangka ng mga mangingisda ay gawa sa kahoy. Ito ay may haba na mga 8 metro at lapad na mga 2 metro. Karamihan sa kanilang mga bangka ay may isang palo at kompartment na tulad-cabin sa ilalim ng kubyerta sa popa. (Marcos 4:35-41) Sinasalo ng layag at palo ang hangin at naitutulak nito ang mabagal na bangka sa isang direksiyon, habang nahahatak naman ng bigat ng lambat ang bangka sa kabilang direksiyon.
Minamaniobra ng mga mangingisda ang bangka gamit ang mga sagwan sa magkabilang gilid. Maaaring anim o higit pa ang sakay ng isang bangka. (Marcos 1:20) Malamang na ang bangka ay may lulan ding layag na lino (1), lubid (2), mga sagwan (3), batong angkla (4), mga damit (5), pagkain (Marcos 8:14) (6), mga basket (7), unan (Marcos 4:38) (8), at lambat (9). Puwedeng may lulan din itong ekstrang mga palutang (10), pati na mga pabigat (11), kagamitan sa pagkukumpuni (12), at mga sulo (13).
“Sila ay Nakahuli ng Napakaraming Isda”
Gaya noong unang siglo, ang pinakamagandang lokasyon para mangisda sa Dagat ng Galilea ay malapit sa bukana ng mga sapa at ilog na umaagos patungo sa dagat. Nanginginain kasi roon ang mga isda ng inanod na mga halaman. Kadalasan nang sa gabi nangingisda ang mga tao noong panahon ni Jesus kaya gumagamit sila ng mga sulo. Minsan, magdamag na nangisda ang ilang alagad ni Jesus pero wala silang nahuli. Kinabukasan, inutusan sila ni Jesus na ilaglag muli ang kanilang lambat at nakahuli nga sila ng napakaraming isda, anupat halos lumubog ang kanilang mga bangka.—Lucas 5:6, 7.
Kung minsan, ang mga mangingisda ay pumapalaot. Nagtutulungan sila habang nakasakay sa dalawang bangka. Iuunat nila ang isang lambat sa pagitan ng kanilang mga bangka; saka sila walang-tigil na magsasagwan sa magkaibang direksiyon hanggang sa masukol ng lambat ang mga isda. Pagkatapos ay hahatakin nila ang mga tali sa mga dulo ng lambat saka nila ito iaahon sa bangka. Maaaring ang lambat ay mahigit 30 metro ang haba at mga 3 metro ang lapad, sapat para makahuli ng isang malaking grupo ng isda. May mga palutang sa kahabaan ng isang gilid ng lambat, samantalang may mga pabigat naman ang kahabaan ng isa pang gilid nito. Oras-oras, inuulit ng mga mangingisda ang paraang ito ng panghuhuli.
Sa mababaw na katubigan, iba naman ang paraan ng mga mangingisda. Gamit ang isang bangka, hahatakin nila mula sa baybayin ang isang dulo ng lambat patungo sa dagat at saka babalik para masukol ang mga isda. Hahatakin naman ng mga tao sa baybayin ang lambat, titipunin ang mga huli, at saka pagbubukud-bukurin ang mga iyon. Ilalagay nila sa mga sisidlan ang maiinam na isda. Ang iba naman ay ibebenta nila sa mga nakatira sa aplaya. Pero ang karamihan ay dinadaing o binuburo, inilalagay sa mga banga, at iniluluwas sa Jerusalem o sa ibang mga bansa. Ang mga laman-dagat na walang kaliskis o palikpik, gaya ng igat, ay itinuturing na marumi at itinatapon. (Levitico 11:9-12) Ang paraang ito ng pangingisda ang tinutukoy ni Jesus nang ihalintulad niya sa lambat na pangubkob “ang kaharian ng langit” at sa iba’t ibang uri ng isda ang mabubuti at masasamang tao.—Mateo 13:47-50.
Ang isang mangingisda ay maaari ding gumamit ng pisi na may kawil na bronse. O puwede siyang gumamit ng isang maliit na lambat na hugis-buslo. Kailangan niyang lumusong sa tubig, ilagay ang lambat sa kaniyang braso, at ihagis ito. Maaari siyang makahuli ng ilang isda habang hinahatak niya ang lubid ng lambat.
Mahal ang lambat at mahirap mantinihin, kaya ingat na ingat ang mga mangingisda sa paggamit nito. Malaking panahon ang ginugugol ng mangingisda sa paghahayuma, paghuhugas, at pagpapatuyo ng lambat, na ginagawa niya pagkatapos mangisda. (Lucas 5:2) Si apostol Santiago at ang kapatid niyang si Juan ay nakaupo sa kanilang bangka at naghahayuma ng lambat nang anyayahan sila ni Jesus na sumunod sa kaniya.—Marcos 1:19.
Noong unang siglo, kabilang sa mga nahuhuli ng mga mangingisda ay ang tilapia. Gustung-gusto ito ng karamihan sa mga taga-Galilea at malamang na kumain din si Jesus ng masarap na isdang ito. Maaaring daing na tilapia ang ginamit niya nang makahimala niyang pakainin ang libu-libong tao sa pamamagitan ng dalawang isda. (Mateo 14:16, 17; Lucas 24:41-43) Kadalasan nang nasa bibig ng isdang ito ang kaniyang mga anak kapag ito ay lumalangoy. Pero kung wala naman, baka isang maliit na bato ang nasa bibig nito o isang makintab na barya pa nga na nakuha nito sa ilalim ng dagat.—Mateo 17:27.
Noong unang siglo, ang matatagumpay na mangingisda ay matitiyaga, masisipag, at handang magtiis para makahuli ng mga isda. Sa katulad na paraan, ang mga tumanggap sa paanyaya ni Jesus na makibahagi sa paggawa ng mga alagad ay kailangan ding magkaroon ng ganiyang mga katangian para maging mahuhusay na “mangingisda ng mga tao.”—Mateo 28:19, 20.
[Larawan sa pahina 19]
(Tingnan ang publikasyon)