Pakikipag-usap sa Iba—Lahat ba ng Mabubuting Tao ay Pupunta sa Langit?
NATUTUWA ang mga Saksi ni Jehova na ipakipag-usap ang Bibliya sa iba. May gusto ka bang malaman tungkol sa Bibliya? May tanong ka ba hinggil sa mga paniniwala o gawain ng mga Saksi ni Jehova? Kung oo, huwag kang mahiyang magtanong kapag may nakausap kang Saksi. Matutuwa siyang sagutin ang mga tanong mo.
Ang sumusunod ay ang karaniwang eksena kapag nakikipag-usap sa iba ang isang Saksi ni Jehova. Kunwari, si Marcus ang Saksing dumadalaw kay Robert.
Ano ang Gagawin sa Langit ng mga Pupunta Roon?
Marcus: Sa palagay mo, anong kinabukasan ang naghihintay sa mabubuting tao?
Robert: Dito sa lupa, parang wala nang pag-asa. Pero naniniwala akong darating ang panahon na pupunta sila sa langit.
Marcus: Maganda ’yan. Maraming sinasabi ang Bibliya tungkol sa langit at sa pribilehiyong makapunta roon. Pero napag-isipan mo na ba kung ano ang gagawin sa langit ng mga pupunta roon?
Robert: Makakasama ang Diyos at pupurihin siya magpakailanman.
Marcus: Maganda ’yan. Pero alam mo, bukod sa mga pribilehiyo ng mga pupunta sa langit, may binabanggit din ang Bibliya tungkol sa mahalagang pananagutan nila.
Robert: Pananagutan?
Marcus: Mababasa natin ’yan sa Apocalipsis 5:10: “Ginawa mo [Jesus] silang isang kaharian at mga saserdote sa ating Diyos, at mamamahala sila bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.” Napansin mo ba, Robert, kung ano ang magiging pananagutan ng mga pupunta sa langit?
Robert: Ang sabi, mamamahala sila bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.
Marcus: Ano kaya ibig sabihin n’yan?
Sino ang Pamamahalaan Nila?
Marcus: Kung ang mga pupunta sa langit ay mamamahala roon bilang mga hari, dapat lang na may pamamahalaan sila. Kasi, ano ang halaga ng pamamahala kung wala namang mga sakop?
Robert: Oo nga ’no.
Marcus: Kaya ang tanong, Sino ang pamamahalaan nila?
Robert: Siguro, y’ong mga taong nandito pa sa lupa.
Marcus: Makatuwiran iyan kung ang lahat ng mabubuting tao ay pupunta nga sa langit. Pero posible kayang may ilang tao—ilang mabubuting tao—na hindi pupunta sa langit?
Robert: Ngayon ko lang narinig sa isang Kristiyano ang ganiyang ideya.
Marcus: Pakibasa mo ang Awit 37:29.
Robert: Sige. Ang sabi: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”
Marcus: Salamat. Napansin mo ba kung saan maninirahan ang maraming mabubuting tao?
Robert: Ang sabi rito, tatahan sila sa lupa.
Marcus: Tama—at hindi lang sandaling panahon. Ang sabi riyan: “Tatahan sila roon magpakailanman.”
Robert: Baka naman ang ibig sabihin n’yan ay hindi mawawalan ng mabubuting tao sa lupa. Kasi mamatay man tayo at pumunta sa langit, may ipinapanganak namang mabubuting tao.
Marcus: Marami nga siguro ang may ganiyang unawa sa talatang ’yan. Pero puwede rin kayang mangahulugan ’yan na ang mabubuting tao ay maninirahan sa lupa magpakailanman?
Robert: Teka, bago sa akin ’yan ah.
Isang Paraiso sa Lupa sa Hinaharap
Marcus: May isa pang talata sa Bibliya na bumabanggit tungkol sa magiging buhay sa lupa sa hinaharap. Pansinin mo ang sinasabi ng Apocalipsis 21:4 tungkol sa mga taong mabubuhay sa panahong iyon: “Papahirin niya [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” Ano ang masasabi mo rito?
Robert: Hindi kaya ang tinutukoy n’yan ay ang magiging buhay sa langit?
Marcus: Kung sa bagay, totoong ganiyan ang mararanasan ng mga pupunta sa langit. Pero tingnan mo ulit y’ong binasa natin. Ano raw ang mangyayari sa kamatayan?
Robert: Ang sabi, “hindi na magkakaroon ng kamatayan.”
Marcus: Tama. Kaya kapag sinabing hindi na magkakaroon ng isang bagay, ibig sabihin, nagkaroon nito dati.
Robert: Oo nga.
Marcus: Pero hindi naman nagkaroon ng kamatayan sa langit, ’di ba? Dito lang sa lupa iyon nangyayari.
Robert: Hmm. Napag-isip mo ako.
Marcus: Alam mo, Robert, itinuturo ng Bibliya na may ilang mabubuting tao na pupunta sa langit, pero marami ang maninirahan sa lupa magpakailanman. Sigurado akong narinig mo na ang mga salitang ito: “Mapapalad ang maaamo: sapagka’t mamanahin nila ang lupa.”—Mateo 5:5, Ang Biblia.
Robert: Ah oo, maraming beses ko nang narinig ’yan sa simbahan.
Marcus: Kung mamanahin ng maaamo ang lupa, hindi ba’t nangangahulugan ’yan na maninirahan sila rito sa lupa? Tatamasahin nila ang mga pagpapalang inihula sa Apocalipsis. Makikita nila ang malaking pagbabago sa lupa dahil aalisin ng Diyos ang lahat ng kasamaan—maging ang kamatayan.
Robert: Medyo naiintindihan ko na ang ibig mong sabihin, pero kulang ang isa o dalawang teksto para patunayan ’yan.
Marcus: Ang totoo, maraming teksto ang bumabanggit tungkol sa magiging buhay sa lupa sa hinaharap. Kung may panahon ka pa, puwede kong basahin sa ’yo ang isa sa mga paborito kong teksto.
Robert: Sige.
“Ang Balakyot ay Mawawala Na”
Marcus: Kanina, binasa natin ang Awit 37:29. Pakibasa mo naman ang talata 10 at 11.
Robert: “At kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na; at pagtutuunan mo nga ng pansin ang kaniyang dako, at siya ay mawawala na. Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”
Marcus: Salamat. Napansin mo ba sa talata 11 kung saan maninirahan ang “maaamo,” o mabubuting tao?
Robert: Sinabi roon na sila ang “magmamay-ari ng lupa.” Pero sa tingin ko, tumutukoy ’yan sa panahon ngayon kasi may mabubuting tao naman sa lupa.
Marcus: Tama naman. Pero sinasabi rin sa talatang iyon na ang mabubuting tao ay magtatamasa ng “kasaganaan ng kapayapaan.” Sa tingin mo ba, sagana ang kapayapaan sa ngayon?
Robert: Hindi.
Marcus: Kung gayon, paano matutupad ang pangakong iyon? Pag-isipan mo ito: Kunwari, may pinauupahan kang mga apartment. Ang ilan sa nangungupahan sa iyo ay mabubuting tao—may malasakit sa apartment at mababait pang kapitbahay. Gustung-gusto mo sila. Pero may iba namang masasama; sinisira na nga ang apartment mo, perhuwisyo pa sa mga kapitbahay. Kung ayaw magbago ng masasamang taong ito, ano ang gagawin mo?
Robert: Aba, paaalisin ko sila!
Marcus: Ganiyan ang gagawin ng Diyos sa masasamang tao sa daigdig ngayon. Tingnan nating muli ang talata 10: “Ang balakyot ay mawawala na.” Sa ibang salita, “paaalisin” ng Diyos ang mga namemerhuwisyo sa iba. Kaya naman ang mabubuting tao ay mabubuhay na nang payapa sa lupa. Napansin kong parang ngayon mo lang narinig ang tungkol sa ideyang ang mabubuting tao ay maninirahan sa lupa magpakailanman.
Robert: Oo, hindi iyan itinuturo sa relihiyon namin.
Marcus: Gaya ng nabanggit mo, kulang ang isa o dalawang teksto para mapatunayan ang bagay na ’yan. Kaya talagang mahalagang pag-aralan ang sinasabi ng buong Bibliya tungkol sa magiging kinabukasan ng mabubuting tao. Pero batay sa mga tekstong binasa natin ngayon, posible bang may ilang mabubuting tao na pupunta sa langit at marami ang maninirahan dito sa lupa?
Robert: Sa binasa nating mga teksto, parang ganoon nga. Pero kailangan ko pang pag-isipan ’yan.
Marcus: Habang pinag-iisipan mo ’yan, baka may bumangong mga tanong sa isip mo. Halimbawa, paano naman kaya y’ong mabubuting tao na namatay na? Napunta ba silang lahat sa langit? Kung hindi, nasaan sila?
Robert: Magandang mga tanong ’yan.
Marcus: Ganito na lang muna. Ililista ko ang ilang teksto na may kinalaman sa paksang iyan para mabasa mo at mapag-isipan.a ’Tapos, babalik ako para mapag-usapan natin ang mga tekstong iyon. Okey ba sa ’yo?
Robert: Ayos! Maraming salamat ha.
[Talababa]
a Tingnan ang Job 14:13-15; Juan 3:13; at Gawa 2:34.