TULARAN ANG KANILANG PANANAMPALATAYA
Tiniis Niya ang Kawalang-Katarungan
NAGLALAKAD si Elias sa Libis ng Jordan. Ilang linggo na siyang naglalakbay pahilaga mula sa malayong Bundok Horeb. Sa wakas, nakabalik na siya sa Israel at nakita niya ang mga pagbabago sa kaniyang sariling lupain. Nawawala na ang mga epekto ng mahabang tagtuyot. Nagsimula na ang ulan sa taglagas, at ang mga magsasaka ay nag-aararo na ng bukid. Maaaring ikinatuwa ng propeta ang gumagandang kalagayan ng lupain, pero higit niyang ikinababahala ang kalagayan ng kaniyang mga kababayan. Napakahina ng espirituwalidad nila. Laganap pa rin ang pagsamba kay Baal, kaya marami pang dapat gawin si Elias.a
Malapit sa bayan ng Abel-mehola, nakita ni Elias ang malaking proyekto ng pagsasaka. May 24 na magkatuwang na barakong baka, at ang 12 pareha ay magkakasunod na nag-aararo, na gumagawa ng mga tudling sa mamasa-masang lupa. Ang lalaki sa huling pareha ang hinahanap ni Elias. Ito si Eliseo, ang lalaking pinili ni Jehova na hahalili kay Elias. Inakala ni Elias na nag-iisa na lang siyang matapat sa Diyos, kaya tiyak na sabik siyang makita ang taong ito.—1 Hari 18:22; 19:14-19.
Medyo nag-atubili rin ba si Elias na iatas ang ilan sa kaniyang pananagutan, ibahagi ang kaniyang mga pribilehiyo, o balang-araw ay palitan siya bilang propeta? Hindi natin masasabi; ni matututulan man natin ang posibilidad na naisip niya ito. Tutal, siya ay “isang taong may damdaming tulad ng sa atin.” (Santiago 5:17) Sa paanuman, sinasabi ng Bibliya: “Tumawid si Elias patungo sa kaniya at inihagis sa kaniya ang opisyal na kasuutan niya.” (1 Hari 19:19) Ang opisyal na kasuutan ni Elias—malamang na balat ng tupa o balat ng kambing—ay ibinabalabal at nagpapahiwatig ng kaniyang pantanging atas mula kay Jehova. Kaya ang paghahagis nito sa balikat ni Eliseo ay punung-puno ng kahulugan. Handang sumunod si Elias sa utos ni Jehova na hirangin si Eliseo bilang kahalili niya. Nagtiwala at sumunod si Elias sa kaniyang Diyos.
Sabik namang tumulong si Eliseo sa nakatatandang propeta. Hindi niya kaagad hahalinhan si Elias. Sa halip, sa loob ng mga anim na taon, mapagpakumbaba niya itong sinamahan at tinulungan. Nang maglaon, nakilala siya bilang ang isa “na nagbuhos ng tubig sa mga kamay ni Elias.” (2 Hari 3:11) Nakapagpapatibay nga kay Elias na magkaroon ng gayong may kakayahan at matulunging tagapaglingkod! Naging matalik silang magkaibigan. Tiyak na napatibay-loob nila ang isa’t isa na magbata sa kabila ng matinding kawalang-katarungan na laganap sa lupain. Ang kasamaan ni Haring Ahab ay lalo pang lumala.
Nakaranas ka na ba ng kawalang-katarungan? Karamihan sa atin ay nakaranas na nito sa masamang daigdig na ito. Ang pagkakaroon ng isang kaibigan na nagmamahal sa Diyos ay makatutulong sa iyo na magtiis. Marami ka ring matututuhan sa pananampalataya ni Elias kapag dumaranas ka ng kawalang-katarungan.
“BUMANGON KA, BUMABA KA UPANG SALUBUNGIN SI AHAB”
Sinikap nina Elias at Eliseo na patibayin sa espirituwal ang bayan. Maliwanag na nanguna sila sa pagsasanay ng ibang propeta, na maaaring inorganisa sa ilang uri ng paaralan. Pero nang maglaon, tumanggap si Elias ng isang bagong atas mula kay Jehova: “Bumangon ka, bumaba ka upang salubungin si Ahab na hari ng Israel.” (1 Hari 21:18) Ano ang ginawa ni Ahab?
Nag-apostata na ang hari, na hanggang noong panahong iyon ay ang pinakamasama sa mga naging hari ng Israel. Napangasawa niya si Jezebel, kung kaya lumaganap sa lupain ang pagsamba kay Baal, at ang hari mismo ay nakibahagi rito. (1 Hari 16:31-33) Kasali sa pagsamba kay Baal ang mga ritwal sa pag-aanak, ritwal sa prostitusyon, at paghahain pa nga ng kanilang anak. At hindi pa natatagalan, sinuway ni Ahab ang utos ni Jehova na patayin ang napakasamang hari ng Sirya na si Ben-hadad. Maliwanag, ang pagtanggi niya ay may kinalaman sa inaasahan niyang kikitain. (1 Hari, kabanata 20) Lalo pang lumala ang kasakiman, materyalismo, at karahasan nina Ahab at Jezebel.
Si Ahab ay may pagkalaki-laking palasyo sa Samaria! May palasyo rin siya sa Jezreel, mga 37 kilometro ang layo. Katabi nito ang isang ubasan. Gustong angkinin ni Ahab ang kapirasong lupang iyon na pag-aari ni Nabot. Ipinatawag siya ni Ahab at inalok na bibigyan ng pera o kalakal kapalit ng ubasan. Gayunman, sinabi ni Nabot: “Malayong mangyari sa ganang akin, mula sa pangmalas ni Jehova, na ibigay ko sa iyo ang minanang pag-aari ng aking mga ninuno.” (1 Hari 21:3) Nagmamatigas ba si Nabot? Padalus-dalos ba siya? Iyan ang akala ng marami. Pero ang totoo, sinusunod niya ang Kautusan ni Jehova, na hindi nagpapahintulot sa mga Israelita na permanenteng ipagbili ang lupain na minanang pag-aari ng kanilang pamilya. (Levitico 25:23-28) Para kay Nabot, imposible niyang labagin ang Kautusan ng Diyos. Isa siyang taong may matibay na pananampalataya at lakas ng loob, sapagkat alam niyang mapanganib kalabanin si Ahab.
Hindi naman iniisip ni Ahab ang Kautusan ni Jehova. Umuwi siya, “naninimdim at nalulumbay” dahil hindi niya nakuha ang kaniyang gusto. Mababasa natin: “Humiga siya sa kaniyang higaan at pinanatiling nakapihit ang kaniyang mukha, at hindi siya kumain.” (1 Hari 21:4) Nang makita ni Jezebel ang kaniyang asawa na nakasimangot na gaya ng isang nagmamaktol na bata, agad siyang nagplano upang ibigay ang gusto nito—at kasali rito ang pagpatay sa isang matuwid na pamilya.
Talagang mangingilabot ka kapag nabasa mo kung gaano kasama ang pakana niya. Alam ni Reyna Jezebel na hinihiling ng Kautusan ng Diyos ang patotoo ng dalawang saksi para mapagtibay ang isang seryosong paratang. (Deuteronomio 19:15) Kaya sumulat siya ng mga liham sa pangalan ni Ahab na nag-uutos sa prominenteng mga lalaki sa Jezreel na humanap ng dalawang lalaki na handang gumawa ng maling akusasyon laban kay Nabot—pamumusong, na may hatol na kamatayan. Nakalulungkot, nagtagumpay ang plano ni Jezebel. Dalawang “walang-kabuluhang tao” ang nagpatotoo laban kay Nabot, kaya binato siya hanggang mamatay. Hindi lamang iyan—pinatay rin ang mga anak na lalaki ni Nabot!b (1 Hari 21:5-14; Levitico 24:16; 2 Hari 9:26) Sa diwa, ipinaubaya ni Ahab ang kaniyang pagkaulo nang pahintulutan niya ang kaniyang asawa na gawin kung ano ang maibigan nito at patayin ang walang-salang mga taong iyon.
Isip-isipin ang nadama ni Elias nang isiwalat sa kaniya ni Jehova ang ginawa ng hari at ng reyna. Talagang nakapanghihina ng loob kapag waring nananaig ang mga taong napakasama laban sa mga walang-sala. (Awit 73:3-5, 12, 13) Ngayon, madalas nating nakikita ang ginagawang kakila-kilabot na kawalang-katarungan—kung minsan kahit ng makapangyarihang mga tao na nag-aangking kinatawan ng Diyos. Gayunman, maaari tayong makasumpong ng kaaliwan sa ulat na ito. Ipinaaalaala sa atin ng Bibliya na walang naililihim kay Jehova. Lahat ay nakikita niya. (Hebreo 4:13) At ano ang kaniyang ginagawa sa kasamaang nakikita niya?
“NASUMPUNGAN MO BA AKO, O AKING KAAWAY?”
Isinugo ni Jehova si Elias kay Ahab. Sinabi ng Diyos: “Naroon siya sa ubasan ni Nabot.” (1 Hari 21:18) Nang sabihin ni Jezebel kay Ahab na sa kaniya na ang ubasan, agad itong bumangon at nagpunta sa kaniyang bagong pag-aari. Hindi man lang niya naisip na pinagmamasdan siya ni Jehova. Isip-isipin ang ekspresyon niya habang nasa ubasan siya, ang isipan niya ay punô ng pangarap tungkol sa magandang hardin na gagawin niya rito. Pero biglang dumating si Elias! Nagbago ang masayang mukha ni Ahab, at habang nagngingitngit sa galit at poot, sinabi niya: “Nasumpungan mo ba ako, O aking kaaway?”—1 Hari 21:20.
Dalawang bagay ang isiniwalat ng mga pananalita ni Ahab. Una, sa pagsasabi kay Elias na “Nasumpungan mo ba ako?,” isiniwalat ni Ahab na hindi niya naiisip si Jehova. “Nasumpungan” na siya ni Jehova. Nakita niyang inabuso ni Ahab ang kalayaang magpasiya at nasiyahan sa resulta ng napakasamang pakana ni Jezebel. Nabasa ng Diyos ang puso ni Ahab, kung saan naging mas mahalaga ang materyal na bagay kaysa sa awa, katarungan, o habag. Ikalawa, sa pagsasabi kay Elias na “O aking kaaway,” isiniwalat ni Ahab ang pagkapoot niya sa lalaking kaibigan ng Diyos na Jehova at isa na makatutulong sana sa kaniya na talikuran ang kapaha-pahamak na landasin.
May mahahalagang aral tayong matututuhan dito. Dapat nating tandaan na nakikita ng Diyos na Jehova ang lahat. Bilang maibiging Ama, alam niya kapag tayo ay lumilihis sa tamang landas at nasasabik siyang makita tayong magbago. Upang tulungan tayo, kadalasan nang ginagamit niya ang kaniyang mga kaibigan—tapat na mga taong gaya ni Elias na nagdadala ng mga salita ng Diyos sa kanilang kapuwa. Kaylaking pagkakamali nga na ituring na mga kaaway ang mga kaibigan ng Diyos!—Awit 141:5.
Isipin si Elias na sumasagot kay Ahab: “Nasumpungan kita.” Nakilala niya kung ano talaga si Ahab—magnanakaw, mamamatay-tao, at lumalaban sa Diyos na Jehova. Nangailangan si Elias ng lakas ng loob na harapin ang napakasamang taong iyon! Ipinahayag ni Elias ang hatol ng Diyos kay Ahab. Nakita ni Jehova ang buong pangyayari—ang labis na kasamaan ay lumalaganap sa pamilya ni Ahab at nakaiimpluwensiya ito sa bayan. Kaya sinabi ni Elias kay Ahab na iniutos ng Diyos na ‘lubos na palisin,’ o lipulin ang buong dinastiya. Pananagutin din si Jezebel.—1 Hari 21:20-26.
Hindi naman inisip ni Elias na basta na lang malulusutan ng mga tao ang kanilang napakasama at di-makatarungang paggawi. Madaling isipin iyan sa daigdig ngayon. Ipinaaalaala sa atin ng ulat na ito ng Bibliya na nakikita ng Diyos na Jehova kung ano ang nangyayari at naggagawad siya ng kahatulan sa kaniyang takdang panahon. Tinitiyak sa atin ng kaniyang Salita na wawakasan niya ang lahat ng kawalang-katarungan! (Awit 37:10, 11) Pero baka maitanong mo: ‘Ang kahatulan ba ng Diyos ay puro lamang parusa? May kasama ba itong awa?’
“NAKITA MO BA KUNG PAANONG NAGPAKUMBABA SI AHAB?”
Marahil nagtaka si Elias sa reaksiyon ni Ahab sa hatol ng Diyos. Ang ulat ay nagsasabi: “Nang marinig ni Ahab ang mga salitang ito, hinapak niya ang kaniyang mga kasuutan at nagsuot ng telang-sako sa kaniyang laman; at nag-ayuno siya at laging nakahiga na may suot na telang-sako at naglalakad nang may kalumbayan.” (1 Hari 21:27) Nagsisisi ba si Ahab?
Sa paanuman, masasabi nating gumawa siya ng ilang pagbabago. Nagpakumbaba si Ahab—isang bagay na mahirap gawin ng isang taong mapagmalaki at hambog. Ngunit tunay ba itong pagsisisi? Bilang paghahambing, isaalang-alang ang hari na mas masama pa kaysa kay Ahab—si Manases. Nang parusahan ni Jehova si Manases, nagpakumbaba ito at humingi ng tulong kay Jehova. Pero higit pa ang ginawa niya. Lubusan niyang binago ang kaniyang buhay sa pamamagitan ng pag-aalis ng idolatrosong mga imahen na ipinagawa niya, naglingkod kay Jehova, at hinimok pa nga ang kaniyang bayan na gawin din iyon. (2 Cronica 33:1-17) Ginawa ba iyon ni Ahab? Nakalulungkot, hindi.
Napansin ba ni Jehova na pakitang-tao lang ang kalungkutan ni Ahab? Sinabi ni Jehova kay Elias: “Nakita mo ba kung paanong nagpakumbaba si Ahab dahil sa akin? Sa dahilang nagpakumbaba siya dahil sa akin, hindi ko pasasapitin ang kapahamakan sa kaniyang mga araw. Sa mga araw ng kaniyang anak ay dadalhin ko ang kapahamakan sa kaniyang sambahayan.” (1 Hari 21:29) Pinatatawad ba ni Jehova si Ahab? Hindi, ang tunay na pagsisisi lamang ang karapat-dapat sa awa ng Diyos. (Ezekiel 33:14-16) Pero yamang nagpakita si Ahab ng kalungkutan, pinagpakitaan naman siya ni Jehova ng awa. Hindi makikita ni Ahab ang kakila-kilabot na pagkalipol ng kaniyang pamilya.
Gayunman, hindi nagbago ang hatol ni Jehova. Nang maglaon, sinangguni ni Jehova ang kaniyang mga anghel kung paano pinakamabuting lilinlangin si Ahab para sumama sa digmaang magwawakas sa kaniyang buhay. Di-nagtagal, natupad ang hatol ni Jehova kay Ahab. Palibhasa’y malubhang nasugatan sa digmaan, namatay si Ahab sa kaniyang karo. Sinabi pa ng ulat ang malagim na detalyeng ito: Nang hugasan ang karo ng hari, hinimod ng mga aso ang dugo nito. Kaya natupad ang mga salita ni Jehova na ipinahayag ni Elias kay Ahab: “Sa dakong pinaghimuran ng mga aso ng dugo ni Nabot, hihimurin ng mga aso ang iyong dugo.”—1 Hari 21:19; 22:19-22, 34-38.
Para kina Elias at Eliseo, pati na sa lahat ng tapat na lingkod ng Diyos, ang kamatayan ni Ahab ay tiyak na nagpapaalaala na hindi kinalilimutan ni Jehova ang lakas ng loob at pananampalataya ni Nabot. Sa malao’t madali, laging iginagawad ng Diyos ng katarungan ang kaparusahan sa kasamaan. Lagi rin niyang sinasamahan ng awa ang kaniyang hatol kung may saligan sa paggawa nito. (Bilang 14:18) Isa ngang mapuwersang aral iyon para kay Elias, na nagtiis ng ilang dekada sa ilalim ng pamamahala ng napakasamang haring iyon! Naging biktima ka na ba ng kawalang-katarungan? Nasasabik ka bang makita na ituwid ng Diyos ang mga bagay-bagay? Makabubuting tularan ang pananampalataya ni Elias. Kasama ng tapat na si Eliseo, patuloy niyang ipinahayag ang mga mensahe ng Diyos anupat tiniis ang kawalang-katarungan!
a Ginamit ni Jehova ang tatlo-at-kalahating-taóng tagtuyot upang ilantad na walang kapangyarihan si Baal, na sinasamba bilang tagapagdala ng ulan at mabungang ani sa lupain. (1 Hari, kabanata 18) Tingnan ang mga artikulong “Tularan ang Kanilang Pananampalataya” sa Ang Bantayan, isyu ng Enero 1 at Abril 1, 2008.
b Kung natatakot si Jezebel na ang pagmamay-ari sa ubasan ay maipapasa sa mga tagapagmana ni Nabot, malamang na ito ang nagtulak sa kaniya na ipapatay ang mga anak na lalaki ni Nabot. Para sa pagtalakay kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang gayong pang-aapi, tingnan ang artikulong “Tanong ng mga Mambabasa” sa isyu ring ito.