“Ang Ipinanata Mo ay Tuparin Mo”
“Tuparin mo ang iyong mga panata kay Jehova.”—MAT. 5:33.
1. (a) Ano ang pagkakatulad ni Hukom Jepte at ni Hana? (Tingnan ang mga larawan sa simula ng artikulo.) (b) Anong mga tanong ang sasagutin sa artikulong ito?
SI Hukom Jepte ay isang magiting na lider at matapang na mandirigma. Si Hana, na asawa ni Elkana, ay isang mapagpasakop at mapagpakumbabang maybahay. Bukod sa pareho silang sumasamba sa iisang Diyos, ano pa ang pagkakatulad nina Jepte at Hana? Pareho silang may panata sa Diyos, at pareho nilang tinupad iyon nang may katapatan. Napakahusay nilang halimbawa sa mga lalaki at babae ngayon na gumawa ng mga panata kay Jehova. Pero ano ba ang isang panata? Gaano kaseryoso ang paggawa ng panata sa Diyos? Anong mga aral ang matututuhan natin kina Jepte at Hana?
2, 3. (a) Ano ang isang panata? (b) Ano ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa paggawa ng mga panata sa Diyos?
2 Sa Bibliya, ang panata ay isang taimtim na pangako sa Diyos. Nangangako ang isa na magsasagawa ng isang pagkilos, maghahandog ng kaloob, papasok sa isang uri ng paglilingkod, o iiwas sa ilang bagay. Ang panata ay ginagawa nang kusang-loob at bukal sa kalooban. Pero sagrado ito at may bisa sa paningin ng Diyos dahil kasimbigat ito ng isang sumpa—isang sinumpaang kapahayagan—na nangangakong gagawin o hindi gagawin ng isa ang isang partikular na bagay. (Gen. 14:22, 23; Heb. 6:16, 17) Ano ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa pagiging seryoso ng paggawa ng mga panata sa Diyos?
3 Sinasabi sa Kautusang Mosaiko: “Kung ang isang lalaki ay manata kay Jehova o sumumpa ng isang sumpa na magtalaga sa kaniyang kaluluwa ng isang panata . . . , huwag niyang lalabagin ang kaniyang salita. Gagawin niya ang ayon sa lahat ng lumabas sa kaniyang bibig.” (Bil. 30:2) Kinasihan din si Solomon na isulat: “Kailanma’t nanata ka ng isang panata sa Diyos, huwag kang mag-atubiling tuparin iyon, sapagkat walang kaluguran sa mga hangal. Ang ipinanata mo ay tuparin mo.” (Ecles. 5:4) Ipinakita ni Jesus na seryoso ang paggawa ng mga panata nang sabihin niya: “Sinabi sa mga tao noong sinaunang mga panahon, ‘Huwag kang susumpa nang hindi mo gagawin, kundi tuparin mo ang iyong mga panata kay Jehova.’”—Mat. 5:33.
4. (a) Gaano kaseryoso ang paggawa ng panata sa Diyos? (b) Ano ang matututuhan natin kina Jepte at Hana?
4 Kaya maliwanag na napakaseryosong bagay ang paggawa ng mga pangako sa Diyos. Makaaapekto sa kaugnayan natin kay Jehova ang pananaw natin sa ating mga panata. Isinulat ni David: “Sino ang makaaakyat sa bundok ni Jehova, at sino ang makatitindig sa kaniyang dakong banal? Ang sinumang . . . hindi nagdala ng Aking kaluluwa [o, ng buhay ni Jehova] sa lubos na kawalang-kabuluhan, ni nanumpa man nang may panlilinlang.” (Awit 24:3, 4) Ano ang ipinanata ni Jepte at ni Hana, at madali ba para sa kanila na tuparin ang kanilang panata?
TINUPAD NILA NANG MAY KATAPATAN ANG KANILANG PANATA SA DIYOS
5. Ano ang ipinanata ni Jepte, at ano ang resulta?
5 May-katapatang tinupad ni Jepte ang pangako niya kay Jehova nang makipagdigma siya sa mga Ammonita, na naniniil sa bayan ng Diyos. (Huk. 10:7-9) Sa kagustuhang magtagumpay, nanata si Jepte: “Kung walang pagsalang ibibigay mo ang mga anak ni Ammon sa aking kamay, mangyayari rin nga na yaong lalabas, na lalabas sa mga pinto ng aking bahay upang salubungin ako kapag bumalik ako nang payapa mula sa mga anak ni Ammon, ay magiging kay Jehova nga.” Ang resulta? Natalo ang mga Ammonita, at ang minamahal na anak na babae ni Jepte ang lumabas para salubungin siya sa kaniyang matagumpay na pagbabalik. Siya ang “magiging kay Jehova.” (Huk. 11:30-34) Ano ang kahulugan nito para sa anak ni Jepte?
6. (a) Madali ba para kay Jepte at sa anak niya na tuparin ang kaniyang panata sa Diyos? (b) Ano ang matututuhan mo sa Deuteronomio 23:21, 23 at Awit 15:4 tungkol sa paggawa ng panata sa Diyos?
6 Para matupad ang panata ng kaniyang ama, ang anak ni Jepte ay kailangang maglingkod kay Jehova nang buong panahon sa santuwaryo. Nagpadalos-dalos ba si Jepte sa panata niya? Hindi, dahil malamang na alam niyang ang kaniyang anak ang posibleng lalabas ng bahay para salubungin siya. Pero napakalungkot pa rin nito para sa mag-ama—isang tunay na sakripisyo para sa kanila. Nang makita siya ni Jepte, “hinapak niya ang kaniyang mga kasuutan” at sinabing nadurog ang puso niya. ‘Tinangisan naman ng anak niya ang kaniyang pagkadalaga.’ Bakit? Walang anak na lalaki si Jepte, at hindi na puwedeng mag-asawa ang kaniyang kaisa-isang anak na babae at magbigay ng mga apo para kay Jepte. Hindi na maipapasa ang pangalan at mana ng pamilya. Pero hindi iyon ang pinakamahalaga. Sinabi ni Jepte: “Ibinuka ko ang aking bibig kay Jehova, at hindi ko na mababawi pa.” Tumugon ang anak niya: “Gawin mo sa akin ang ayon sa lumabas sa iyong bibig.” (Huk. 11:35-39) Dahil tapat si Jepte at ang anak niya, hindi nila magagawang sirain ang isang panatang ginawa sa Kataas-taasang Diyos—anumang sakripisyo ang kapalit nito.—Basahin ang Deuteronomio 23:21, 23; Awit 15:4.
7. (a) Ano ang ipinanata ni Hana, at bakit? Ano ang resulta nito sa kaniya? (b) Ano ang naging epekto nito kay Samuel? (Tingnan ang talababa.)
7 May-katapatan ding tinupad ni Hana ang kaniyang panata kay Jehova. Ginawa niya ang pangakong ito noong nababalisa siya sa kaniyang pagkabaog at sa walang-tigil na pang-iinsultong nararanasan niya. (1 Sam. 1:4-7, 10, 16) Ibinuhos ni Hana sa Diyos ang kaniyang niloloob at nanata: “O Jehova ng mga hukbo, kung walang pagsalang titingnan mo ang kapighatian ng iyong aliping babae at aalalahanin mo nga ako, at hindi mo kalilimutan ang iyong aliping babae at bibigyan mo nga ang iyong aliping babae ng isang supling na lalaki, ibibigay ko siya kay Jehova sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay, at walang labaha ang daraan sa kaniyang ulo.”a (1 Sam. 1:11) Sinagot ang kahilingan ni Hana, at nagsilang siya ng isang anak na lalaki. Tiyak na napakasaya niya! Pero hindi niya nakalimutan ang panata niya sa Diyos. Matapos isilang ang kaniyang sanggol, sinabi niya: “Hiniling ko siya mula kay Jehova.”—1 Sam. 1:20.
8. (a) Madali ba para kay Hana na tuparin ang kaniyang panata? (b) Paano ipinaaalaala sa atin ng pananalita ni David sa Awit 61 ang mahusay na saloobin ni Hana?
8 Nang maawat sa suso ang batang si Samuel, na mga tatlong taóng gulang noon, ginawa ni Hana ang ipinanata niya sa Diyos. Hindi man lang sumagi sa isip niya na talikuran iyon. Dinala niya si Samuel sa mataas na saserdoteng si Eli sa tabernakulo sa Shilo, at sinabi niya: “May kaugnayan sa batang ito ay nanalangin ako na ipagkaloob sa akin ni Jehova ang aking pakiusap na hiniling ko sa kaniya. At sa ganang akin naman ay ipinahihiram ko siya kay Jehova. Sa lahat ng mga araw na kaniyang ikabubuhay, siya ay hiniling para kay Jehova.” (1 Sam. 1:24-28) Doon, “ang batang si Samuel ay patuloy na lumaki sa harap ni Jehova.” (1 Sam. 2:21) Ano ang ibig sabihin nito para kay Hana? Mahal na mahal niya ang bata, pero hindi na niya ito makakasama araw-araw. Tiyak na gustong-gusto niya itong yakapin, makalaro, at alagaan—magkaroon ng mga alaala ng isang maibiging ina habang nakikita niyang lumalaki ang kaniyang anak. Pero hindi pinagsisihan ni Hana na tinupad niya ang kaniyang panata sa Diyos. Sa halip, ang kaniyang puso ay nagbunyi dahil kay Jehova.—1 Sam. 2:1, 2; basahin ang Awit 61:1, 5, 8.
9. Anong mga tanong ang kailangan pang sagutin?
9 Ngayong naiintindihan na natin na napakaseryoso ng paggawa ng panata sa Diyos, talakayin natin ang mga tanong na ito: Anong mga panata ang maaaring gawin nating mga Kristiyano? At gaano tayo dapat kadeterminado sa pagtupad sa mga ito?
ANG IYONG PANATA SA PAG-AALAY
10. Ano ang pinakamahalagang panata na magagawa ng isang Kristiyano, at ano ang kaugnay rito?
10 Ang pinakamahalagang panata na magagawa ng isang Kristiyano ay ang pag-aalay ng buhay niya kay Jehova. Bakit? Dahil sa pamamagitan ng panalangin, nangangako siya kay Jehova na gagamitin niya ang kaniyang buhay sa paglilingkod sa Kaniya magpakailanman, anuman ang mangyari. Ang sabi nga ni Jesus, ang taong nag-alay ay ‘nagtatwa na ng kaniyang sarili,’ na isinusuko ang lahat ng kaniyang karapatan, at nananatang uunahin ang kalooban ng Diyos sa kaniyang buhay. (Mat. 16:24) Mula sa araw na iyon, siya ay “kay Jehova” na. (Roma 14:8) Kailangang seryosohin ng sinumang nag-alay ang kaniyang panata, gaya ng sinabi ng salmista: “Ano ang igaganti ko kay Jehova sa lahat ng mga pakinabang ko mula sa kaniya? Ang aking mga panata ay tutuparin ko kay Jehova, oo, sa harap ng kaniyang buong bayan.”—Awit 116:12, 14.
11. Ano ang naganap noong araw ng iyong bautismo?
11 Inialay mo na ba kay Jehova ang iyong buhay at sinagisagan ito ng bautismo sa tubig? Kung oo, mahusay iyan. Alalahanin na noong araw ng iyong bautismo, tinanong ka sa harap ng mga saksi kung nag-alay ka na ng iyong sarili kay Jehova at kung nauunawaan mo na “ang iyong pag-aalay at bautismo ay nagpapakilala sa iyo bilang isa sa mga Saksi ni Jehova na kaugnay sa organisasyon ng Diyos na pinapatnubayan ng espiritu.” Ang positibong mga sagot mo ay nagsilbing pangmadlang pagpapahayag ng iyong walang-pasubaling pag-aalay at nagpakita na kuwalipikado ka para sa bautismo bilang ordenadong ministro ni Jehova. Tiyak na napasaya mo si Jehova!
12. (a) Ano ang makabubuting itanong natin sa sarili? (b) Ayon kay Pedro, anong mga katangian ang dapat nating taglayin?
12 Pero ang bautismo ay simula pa lang. Kailangan nating patuloy na mamuhay ayon sa pag-aalay natin sa pamamagitan ng tapat na paglilingkod sa Diyos. Kaya puwede nating itanong: ‘Kumusta ang pagsulong ng espirituwalidad ko mula nang mabautismuhan ako? Buong-puso pa rin ba akong naglilingkod kay Jehova? (Col. 3:23) Regular ba akong nananalangin, nagbabasa ng Bibliya, dumadalo sa mga pulong, at nakikibahagi sa ministeryo? O nabawasan na ang pakikibahagi ko sa espirituwal na mga gawaing ito?’ Ipinaliwanag ni apostol Pedro na maiiwasan nating maging di-aktibo sa paglilingkod kung idaragdag natin sa ating pananampalataya ang kaalaman, pagbabata, at makadiyos na debosyon.—Basahin ang 2 Pedro 1:5-8.
13. Ano ang dapat tandaan ng isang nakaalay at bautisadong Kristiyano?
13 Hindi na mababawi ang panata sa pag-aalay na ipinangako natin sa Diyos. Kung manghimagod ang isa sa paglilingkod kay Jehova o sa pamumuhay bilang Kristiyano, hindi niya puwedeng sabihin na hindi naman talaga siya nag-alay o na walang-bisa ang kaniyang bautismo.b Anuman ang sabihin niya, iniharap niya ang kaniyang sarili bilang ganap na nakaalay sa Diyos. Mananagot siya sa harap ni Jehova at ng kongregasyon sa anumang malubhang kasalanang gagawin niya. (Roma 14:12) Huwag sanang masabi sa atin na ‘iniwan natin ang pag-ibig na taglay natin noong una.’ Sa halip, gusto nating masabi ni Jesus tungkol sa atin: “Alam ko ang iyong mga gawa, at ang iyong pag-ibig at pananampalataya at ministeryo at pagbabata, at na ang iyong mga gawa nitong huli ay higit kaysa sa mga nauna.” (Apoc. 2:4, 19) Patuloy sana tayong mamuhay ayon sa ating panata sa pag-aalay para mapasaya si Jehova.
ANG IYONG PANATA SA PAG-AASAWA
14. Ano ang ikalawang pinakamahalagang panatang magagawa ng isa, at bakit?
14 Ang ikalawang pinakamahalagang panatang magagawa ng isang tao ay ang panata sa pag-aasawa. Bakit? Dahil ang pag-aasawa ay sagrado. Sa harap ng Diyos at ng mga saksi, binibigkas ng mga ikinakasal ang kanilang mga panata. Kadalasan nang nangangako sila na iibigin, pakamamahalin, at igagalang ang isa’t isa at na gagawin nila iyon “habang [sila] ay kapuwa magkasamang nabubuhay sa lupa ayon sa kaayusan ng Diyos sa pag-aasawa.” Hindi man ganito ang eksaktong sinabi ng ibang nagpakasal, gumawa pa rin sila ng panata sa harap ng Diyos. Pagkatapos, ipinahahayag na sila ay mag-asawa na, at inaasahan na magiging panghabambuhay ang kanilang pagsasama. (Gen. 2:24; 1 Cor. 7:39) “Kaya nga,” ang sabi ni Jesus, “ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao”—kahit ng asawang lalaki o ng asawang babae o ng sinuman. Kaya para sa mga nagpapakasal, dapat nilang isaisip na hindi opsyon ang pagdidiborsiyo.—Mar. 10:9.
15. Bakit hindi dapat gayahin ng mga Kristiyano ang mababaw na pananaw ng sanlibutan sa pag-aasawa?
15 Siyempre, walang sakdal na pag-aasawa. Ang bawat pag-aasawa ay binubuo ng dalawang di-sakdal na tao. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi ng Bibliya na kung minsan, ang mga may asawa ay “magkakaroon ng kapighatian sa kanilang laman.” (1 Cor. 7:28) Nakalulungkot sabihin na marami sa sanlibutan ang may mababaw na pananaw sa pag-aasawa. Kapag problemado na ang kanilang pagsasama, sumusuko sila at iniiwan ang kanilang kabiyak. Pero hindi dapat maging ganiyan sa gitna ng mga Kristiyano. Ang pagsira sa panata sa pag-aasawa ay katumbas ng pagsisinungaling sa Diyos, at napopoot ang Diyos sa mga sinungaling! (Lev. 19:12; Kaw. 6:16-19) Isinulat ni apostol Pablo: “Nakatali ka ba sa isang asawang babae? Huwag mo nang hangaring lumaya.” (1 Cor. 7:27) Masasabi iyan ni Pablo dahil alam niya na napopoot din si Jehova sa pagdidiborsiyo nang may kataksilan.—Mal. 2:13-16.
16. Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagdidiborsiyo at paghihiwalay?
16 Itinuro ni Jesus na ang tanging makakasulatang saligan para mapawalang-bisa ang panata sa pag-aasawa ay kapag nagpasiya ang pinagkasalahang asawa na huwag patawarin ang asawang nangalunya. (Mat. 19:9; Heb. 13:4) Pero kumusta naman ang tungkol sa paghihiwalay? Malinaw rin ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito. (Basahin ang 1 Corinto 7:10, 11.) Hindi nagbibigay ang Bibliya ng mga saligan para sa paghihiwalay ng mag-asawa. Pero itinuturing ng ilang may-asawang Kristiyano ang ilang sitwasyon bilang dahilan para makipaghiwalay, gaya ng malubhang pagsasapanganib ng kanilang buhay o espirituwalidad dahil sa isang mapang-abuso o apostatang asawa.c
17. Ano ang tutulong sa mag-asawang Kristiyano para maging panghabambuhay ang kanilang pagsasama?
17 Kapag may lumalapit sa mga elder para humingi ng payo tungkol sa problemang pangmag-asawa, makabubuting itanong ng mga elder kung napanood na ng mag-asawa ang video na Ano ang Tunay na Pag-ibig? at kung napag-aralan na nilang magkasama ang brosyur na Puwedeng Maging Masaya ang Iyong Pamilya. Bakit? Dahil itinatampok ng mga ito ang makadiyos na mga simulain na nakatulong sa marami para tumibay ang kanilang pagsasama. Sinabi ng isang mag-asawa: “Mula nang pag-aralan namin ang brosyur na ito, naging mas masaya ang pagsasama namin.” Ganito naman ang sabi ng isang misis tungkol sa kanilang 22-taóng pagsasama na muntik nang mauwi sa hiwalayan: “Pareho kaming bautisado, pero magkaibang-magkaiba ang damdamin namin. Sakto ang labas ng video! Mas maganda na ang pagsasama namin ngayon.” May asawa ka na ba? Kung oo, pagsikapang sundin ang mga simulain ni Jehova sa pag-aasawa. Tutulong ito sa iyo na mamuhay ayon sa iyong panata sa pag-aasawa—nang masaya!
ANG PANATA NG MGA NASA PANTANGING BUONG-PANAHONG PAGLILINGKOD
18, 19. (a) Ano ang sinisikap gawin ng maraming Kristiyanong magulang? (b) Ano ang masasabi tungkol sa mga nasa pantanging buong-panahong paglilingkod?
18 Ano pa ang pagkakatulad nina Jepte at Hana? Dahil sa mga panata nila, naitalaga ang kani-kanilang anak sa pantangi at sagradong paglilingkod sa tabernakulo. Talagang kasiya-siyang buhay iyon. Sa ngayon, pinasisigla ng maraming Kristiyanong magulang ang kanilang mga anak na pasukin ang buong-panahong ministeryo at isentro ang buhay nila sa paglilingkod sa Diyos. Karapat-dapat sila sa komendasyon!—Huk. 11:40; Awit 110:3.
19 Sa kasalukuyan, mga 67,000 ang miyembro ng Worldwide Order of Special Full-Time Servants of Jehovah’s Witnesses. Ang ilan ay naglilingkod sa Bethel, sa konstruksiyon, o sa gawaing pansirkito, o bilang mga field instructor, special pioneer, misyonero, at mga lingkod sa Assembly Hall at mga pasilidad ng Bible school. Nasa ilalim sila ng “Vow of Obedience and Poverty” dahil sumang-ayon sila na gawin ang anumang atas para sa ikasusulong ng interes ng Kaharian, mamuhay nang simple, at umiwas sa sekular na trabaho nang walang pahintulot. Hindi sila ang espesyal kundi ang kanilang atas. Kinikilala nila na seryoso ang pamumuhay ayon sa kanilang panata hangga’t nasa pantanging buong-panahong paglilingkod sila.
20. Ano ang dapat nating gawin “araw-araw,” at bakit?
20 Ilan sa mga panatang tinalakay natin ang ginawa mo sa Diyos—isa, dalawa, o tatlo? Tiyak na alam mong hindi dapat maliitin ang mga panatang iyon. (Kaw. 20:25) Masaklap ang magiging resulta kung hindi tutuparin ng isa ang kaniyang pangako at panata kay Jehova. (Ecles. 5:6) Masaya nawa tayong ‘umawit sa pangalan ni Jehova magpakailanman, upang matupad natin ang ating mga panata sa araw-araw.’—Awit 61:8.
a Ayon sa panata ni Hana, kung magkakaanak siya, ito ay magiging Nazareo habambuhay. Ibig sabihin, ito ay magiging pinili, nakaalay, at nakabukod para sa sagradong paglilingkod kay Jehova.—Bil. 6:2, 5, 8.
b Kung isasaalang-alang ang mga hakbang na ginagawa ng mga elder para matiyak kung kuwalipikado ang isa sa bautismo, napakabihirang mangyari na ang bautismo ng sinuman ay walang-bisa.
c Tingnan ang artikulong “Ang Pananaw ng Bibliya sa Diborsiyo at Paghihiwalay” sa Apendise ng aklat na Manatili sa Pag-ibig ng Diyos.