Tulungan ang mga Dayuhan na ‘Maglingkod kay Jehova Nang May Pagsasaya’
“Binabantayan ni Jehova ang mga naninirahang dayuhan.”—AWIT 146:9.
1, 2. (a) Anong mga pagsubok ang nararanasan ng ilan sa ating mga kapatid? (b) Anong mga tanong ang bumabangon?
“NASA asamblea ang pamilya namin nang magsimula ang gera sibil sa Burundi,” ang sabi ng brother na si Lije. “Nakita naming nagtatakbuhan ang mga tao, nagbabarilan. Tumakas kaming 11 magkakapatid kasama ng aming mga magulang. Halos wala kaming dala maliban sa damit na suot namin. Ang ilang kapamilya namin ay nakarating sa isang refugee camp sa Malawi matapos maglakbay nang 1,600 kilometro. Napahiwalay naman kami sa kanila.”
2 Sa buong daigdig, ang mga refugee na nagsilikas dahil sa digmaan o pag-uusig ay mahigit nang 65,000,000—ang pinakamataas na bilang na naitala kailanman.a Kasama sa kanila ang libo-libong Saksi ni Jehova. Marami ang nawalan ng mga mahal sa buhay at halos lahat ng kanilang pag-aari. Ano pang mga hamon ang napapaharap sa kanila? Paano natin matutulungan ang mga kapatid na ito na ‘maglingkod kay Jehova nang may pagsasaya’ sa kabila ng mga pagsubok? (Awit 100:2) At paano natin maibabahagi ang mabuting balita sa mga refugee na hindi pa nakakakilala kay Jehova?
ANG BUHAY NG MGA REFUGEE
3. Paano naging refugee si Jesus at ang marami sa kaniyang mga alagad?
3 Matapos magbabala ang anghel ni Jehova kay Jose tungkol sa planong pagpatay ni Haring Herodes kay Jesus, ang batang si Jesus at ang kaniyang mga magulang ay tumakas at naging mga refugee sa Ehipto hanggang sa mamatay si Herodes. (Mat. 2:13, 14, 19-21) Pagkaraan ng ilang dekada, ang unang mga alagad ni Jesus ay “nangalat sa lahat ng mga pook ng Judea at Samaria” dahil sa pag-uusig. (Gawa 8:1) Nakini-kinita ni Jesus na marami sa mga tagasunod niya ang mapipilitang magsilikas. Sinabi niya: “Kapag pinag-uusig nila kayo sa isang lunsod, tumakas kayo patungo sa iba.” (Mat. 10:23) Talagang hindi madali ang lumikas, anuman ang kadahilanan.
4, 5. Anong mga panganib ang napapaharap sa mga refugee habang sila ay (a) lumilikas? (b) nakatira sa refugee camp?
4 Maaaring mapaharap sa panganib ang mga refugee habang sila ay lumilikas o nakatira sa refugee camp. “Ilang linggo kaming naglakad, at daan-daang bangkay ang nadaanan namin,” ang kuwento ni Gad, nakababatang kapatid ni Lije. “Dose anyos lang ako noon. Magang-maga na ang mga paa ko kaya sabi ko sa pamilya ko na iwan na lang nila ako. Ayaw ni Itay dahil baka kunin ako ng mga rebelde, kaya binuhat niya ako. Nakaraos kami araw-araw, sa tulong ng pananalangin at pagtitiwala kay Jehova, kahit kung minsan, mga mangga lang na nakatanim sa tabing-daan ang kinakain namin.”—Fil. 4:12, 13.
5 Ilang taon ding nanirahan sa mga refugee camp ng United Nations ang karamihan sa kapamilya ni Lije. Pero hindi sila ligtas doon. Sinabi ni Lije, na ngayon ay isa nang tagapangasiwa ng sirkito: “Karamihan ay walang trabaho. Nagtsitsismisan sila, umiinom, nagsusugal, nagnanakaw, at mga imoral.” Para maiwasan ang masasamang impluwensiya, ang mga Saksi ay kailangang maging lubusang abala sa mga gawain ng kongregasyon. (Heb. 6:11, 12; 10:24, 25) Para manatiling malusog sa espirituwal, ginamit nila ang kanilang panahon sa mabungang paraan. Marami ang nagpayunir. Nanatili silang positibo at inisip na gaya ng mga Israelitang naglalakbay sa ilang, magwawakas din ang kanilang paninirahan sa refugee camp.—2 Cor. 4:18.
MAGPAKITA NG PAG-IBIG SA MGA REFUGEE
6, 7. (a) Paano pinakikilos ng “pag-ibig sa Diyos” ang mga Kristiyano na tulungan ang mga kapatid na nangangailangan? (b) Magbigay ng halimbawa.
6 “Pag-ibig sa Diyos” ang nag-uudyok sa atin na magpakita ng pag-ibig sa isa’t isa, lalo na sa panahon ng kagipitan. (Basahin ang 1 Juan 3:17, 18.) Noong unang siglo, nang manganib ang mga Kristiyano sa Judea dahil sa taggutom, nag-organisa ng tulong ang kongregasyon. (Gawa 11:28, 29) Pinasigla rin nina apostol Pablo at Pedro ang mga Kristiyano na maging mapagpatuloy sa isa’t isa. (Roma 12:13; 1 Ped. 4:9) Kung malugod na tinatanggap ng mga Kristiyano ang mga kapatid na dumadalaw, hindi ba lalo nilang dapat na malugod na tanggapin ang mga kapananampalatayang nanganganib ang buhay o pinag-uusig dahil sa kanilang pananampalataya?—Basahin ang Kawikaan 3:27.b
7 Kamakailan, libo-libong Saksi ni Jehova—mga lalaki, babae, at mga bata—ang napilitang lumikas dahil sa labanan at pag-uusig sa silangang Ukraine. Nakalulungkot na may ilang napatay. Pero karamihan sa kanila ay kinupkop ng kanilang espirituwal na mga kapatid sa ibang bahagi ng Ukraine, at marami pang iba ang pinatuloy ng mga kapuwa Saksi sa Russia. Sa dalawang bansang ito, nananatili silang neutral sa politika at ‘hindi bahagi ng sanlibutan,’ at masigasig nilang “ipinahahayag ang mabuting balita ng salita.”—Juan 15:19; Gawa 8:4.
TULUNGAN ANG MGA REFUGEE NA PATIBAYIN ANG KANILANG PANANAMPALATAYA
8, 9. (a) Anong mga hamon ang maaaring mapaharap sa mga refugee sa kanilang bagong lugar? (b) Bakit kailangan tayong maging matiyaga sa pagtulong sa kanila?
8 Bagaman may mga nagsilikas sa loob mismo ng kanilang bansa, marami ang napadpad sa ibang lupain na di-pamilyar sa kanila. Maaaring paglaanan sila ng gobyerno ng pagkain, damit, at tirahan, pero baka wala roon ang pagkaing nakasanayan nila. Ang mga refugee mula sa mga bansang may mainit na klima ay baka makaranas ng malamig na panahon sa unang pagkakataon at baka hindi nila alam kung paano mananamit nang angkop dito. Kung malayo naman sa kabihasnan ang pinanggalingan nila, baka hindi sila marunong gumamit ng modernong mga appliance sa bahay.
9 Ang ilang gobyerno ay may mga programang tumutulong para makapag-adjust ang mga refugee sa kanilang bagong kalagayan. Pero kadalasan, sa loob lang ng ilang buwan, inaasahan ng gobyerno na masusuportahan na ng mga refugee ang kanilang sarili. Baka napakahirap nito para sa kanila. Hindi lang nila kailangang mag-aral ng ibang wika, kailangan din nilang sumunod sa bagong mga batas at gawin ang inaasahan sa kanila pagdating sa kagandahang-asal, pagiging nasa oras, pagbabayad ng buwis at mga bayarin, pagpasok sa paaralan, at pagdidisiplina sa mga anak—nang sabay-sabay! Matiyaga at may-paggalang mo bang tutulungan ang mga kapatid na napapaharap sa gayong mga hamon?—Fil. 2:3, 4.
10. Paano natin mapatitibay ang pananampalataya ng mga refugee na bagong dating? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
10 Kung minsan, ginagawang mahirap ng mga awtoridad para sa ating mga kapatid na refugee na makontak ang kongregasyon. May mga ahensiya pa nga na nagbantang ititigil ang pagbibigay ng tulong o hindi tatanggapin ang ating mga kapatid kung tatanggihan nila ang trabahong humihiling na lumiban sila sa mga pulong. Dahil sa takot at panghihina ng loob, may ilang kapatid na nagpadala sa gayong panggigipit. Kaya naman, mahalagang puntahan agad ang mga kapatid na refugee pagdating na pagdating nila. Kailangan nilang madama na nagmamalasakit tayo sa kanila. Mapatitibay ng ating habag at praktikal na tulong ang kanilang pananampalataya.—Kaw. 12:25; 17:17.
MAGBIGAY NG PRAKTIKAL NA TULONG SA MGA REFUGEE
11. (a) Sa umpisa, ano ang kailangan ng mga refugee? (b) Paano makapagpapakita ng pasasalamat ang mga refugee?
11 Sa umpisa, baka kailangan nating bigyan ng karagdagang pagkain, damit, o iba pang pangunahing pangangailangan ang ating mga kapatid.c Kahit ang simpleng bagay, gaya ng pagbibigay ng kurbata sa isang brother, ay napakahalaga. At kapag ang mga refugee ay mapagpasalamat at hindi mapaghanap, natutulungan nila ang mga kapatid na maranasan ang kaligayahan sa pagbibigay. Siyempre pa, baka mawalan ng respeto sa sarili ang mga refugee kung patuloy na lang silang aasa sa pagkabukas-palad ng iba. Baka makasira din ito sa kaugnayan nila sa mga kapatid. (2 Tes. 3:7-10) Pero kailangan pa rin nila ng praktikal na tulong.
12, 13. (a) Paano tayo makapagbibigay ng praktikal na tulong sa mga refugee? (b) Magbigay ng halimbawa.
12 Hindi kailangan ng maraming pera para matulungan ang mga refugee. Pero kailangan nila ang ating panahon at malasakit. Baka kasama rito ang simpleng mga bagay gaya ng pagtuturo sa kanila kung paano sasakay sa pampublikong transportasyon, kung paano bibili ng mura pero masustansiyang pagkain, o kung paano makakakuha ng kagamitan—gaya ng makinang panahi at iba pa—para mayroon silang pagkakitaan. Higit sa lahat, matutulungan mo silang lubusang makibahagi sa kanilang bagong kongregasyon. Kung posible, mag-alok ng masasakyan papunta sa mga pulong. Turuan din sila kung paano ipakikipag-usap ang mensahe ng Kaharian sa mga tao sa inyong teritoryo. Isama ang mga kapatid na refugee sa iyong ministeryo.
13 Nang dumating sa isang kongregasyon ang apat na binatilyong refugee, tinuruan sila ng mga elder na magmaneho, mag-type, at gumawa ng mga résumé, at mag-iskedyul ng kanilang panahon para lubusang makapaglingkod kay Jehova. (Gal. 6:10) Di-nagtagal, lahat sila ay nagpayunir. Ang paggabay na iyon, pati na ang pagsisikap nilang umabót ng espirituwal na mga tunguhin, ang nakatulong sa kanila na sumulong at huwag malamon ng sistema ni Satanas.
14. (a) Anong tukso ang kailangang paglabanan ng mga refugee? (b) Magbigay ng halimbawa.
14 Gaya ng iba pang mga Kristiyano, kailangang paglabanan ng mga refugee ang tukso at panggigipit na ikompromiso ang kanilang kaugnayan kay Jehova kapalit ng materyal na mga bagay.d Naalaala ni Lije, na binanggit kanina, at ng kaniyang mga kapatid, ang mga aral tungkol sa pananampalataya na itinuro ng kanilang ama habang lumilikas sila. “Isa-isa niyang itinapon ang iilang di-kinakailangang pag-aari na dala namin. Pagkatapos, itinaas niya ang bag na wala nang laman at nakangiting sinabi: ‘Nakita n’yo? Ito lang ang kailangan n’yo!’”—Basahin ang 1 Timoteo 6:8.
ASIKASUHIN ANG PINAKAMAHALAGANG PANGANGAILANGAN NG MGA REFUGEE
15, 16. Paano natin masusuportahan ang mga refugee (a) sa espirituwal na paraan? (b) sa emosyonal na paraan?
15 Kumpara sa materyal na tulong, mas kailangan ng mga refugee ang espirituwal at emosyonal na suporta. (Mat. 4:4) Maaaring kumuha ang mga elder ng publikasyon sa wika ng mga refugee at tulungan silang makipag-ugnayan sa mga kapatid na nagsasalita ng kanilang wika. Maraming refugee ang nawalay sa kanilang malalapít na kapamilya, komunidad, at kongregasyon. Kailangan nilang madama sa kanilang mga kapuwa Kristiyano ang pag-ibig at habag ni Jehova. Kung hindi, baka maging malapít sila sa mga di-sumasampalatayang kamag-anak at kababayan na nakauunawa sa kanilang kultura at mga pinagdaanan. (1 Cor. 15:33) Kapag ipinadarama natin na talagang tinatanggap sila ng kongregasyon, nakikipagtulungan tayo kay Jehova para ‘mabantayan ang mga naninirahang dayuhan.’—Awit 146:9.
16 Tulad ng batang si Jesus at ng kaniyang pamilya, baka hindi na makabalik sa kanilang sariling lupain ang mga refugee hangga’t nasa kapangyarihan ang mga naniniil sa kanila. Karagdagan pa, ayon kay Lije, “hindi maatim ng maraming magulang na ibalik ang kanilang mga anak sa lupain kung saan nasaksihan nilang ginahasa at pinatay ang mga kapamilya nila.” Para matulungan ang mga dumanas ng gayong trauma, ang mga kapatid sa mga lupaing tumatanggap ng mga refugee ay kailangang magpakita ng ‘pakikipagkapuwa-tao, pagmamahal na pangkapatid, maging mahabagin na may paggiliw, at mapagpakumbaba sa pag-iisip.’ (1 Ped. 3:8) Dahil sa pag-uusig, naging malayo ang loob ng ilang refugee, at baka nahihiya silang pag-usapan ang pinagdaanan nila, lalo na kung kaharap ang kanilang mga anak. Tanungin ang sarili, ‘Kung ako ang nasa kalagayan nila, ano ang gusto kong maging pakikitungo sa akin?’—Mat. 7:12.
MANGARAL SA MGA REFUGEE NA HINDI SAKSI
17. Paano nagdudulot ng ginhawa sa mga refugee ang ating pangangaral?
17 Maraming refugee ang nagmula sa mga bansa kung saan ipinagbabawal ang ating gawaing pangangaral. Dahil sa masisigasig na Saksi sa mga lupaing tumatanggap ng mga refugee, libo-libong refugee ang nakaririnig ng “salita ng kaharian” sa unang pagkakataon. (Mat. 13:19, 23) Sa ating mga pulong, maraming “nabibigatan” ang nakararanas ng espirituwal na kaginhawahan kung kaya nasasabi nila: “Ang Diyos ay tunay ngang nasa gitna ninyo.”—Mat. 11:28-30; 1 Cor. 14:25.
18, 19. Paano tayo makapagpapakita ng karunungan kapag nangangaral sa mga refugee?
18 Kapag nangangaral sa mga refugee, kailangang maging “maingat” at “matalino.” (Mat. 10:16; Kaw. 22:3) Matiyagang makinig sa mga ikinababahala nila, pero huwag pag-usapan ang politika. Sundin ang mga tagubilin ng tanggapang pansangay at ng lokal na mga awtoridad; huwag isapanganib ang iyong sarili o ang iba. Maging pamilyar sa relihiyon at kultura ng mga refugee, at igalang ang mga ito. Halimbawa, may mga nagmula sa ibang bansa na masyadong istrikto pagdating sa tamang pananamit para sa kababaihan. Kaya kapag nangangaral sa mga refugee, manamit sa paraang hindi makatitisod.
19 Gaya ng madamaying Samaritano sa ilustrasyon ni Jesus, gusto nating tulungan ang mga taong nagdurusa, kasama na ang mga hindi Saksi. (Luc. 10:33-37) Ang pinakamagandang paraan para magawa ito ay ang ibahagi sa kanila ang mabuting balita. “Sa umpisa pa lang, mahalagang linawin sa kanila na tayo ay mga Saksi ni Jehova at na ang pangunahing layunin natin ay tulungan sila sa espirituwal, hindi sa materyal na paraan,” ang sabi ng isang elder na nakatulong sa maraming refugee. “Kung hindi, baka makisama lang sa atin ang iba dahil sa pansariling pakinabang.”
MAGAGANDANG RESULTA
20, 21. (a) Ano ang magagandang resulta ng pagpapakita ng Kristiyanong pag-ibig sa mga refugee? (b) Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?
20 May magagandang resulta ang pagpapakita ng Kristiyanong pag-ibig sa “mga naninirahang dayuhan.” Ikinuwento ng isang sister na lumikas sila ng kaniyang pamilya dahil sa pag-uusig sa Eritrea. Apat sa kaniyang mga anak ang walong-araw na naglakbay sa disyerto, at nakarating ang mga ito sa Sudan. Sinabi niya: “Malapít na kamag-anak ang turing sa kanila ng mga kapatid doon. Pinaglaanan sila ng pagkain, damit, tirahan, at masasakyan. Sino ang magpapatuloy ng mga estranghero sa kanilang tahanan dahil lang sa sumasamba sila sa iisang Diyos? Mga Saksi ni Jehova lang!”—Basahin ang Juan 13:35.
21 Kumusta naman ang mga batang kasama ng kanilang mga magulang, mga refugee man o nandayuhan? Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin kung paano natin sila matutulungan na masayang maglingkod kay Jehova.
a Sa artikulong ito, ang terminong “refugee” ay tumutukoy sa mga nagsilikas—patungo man sa ibang bansa o sa ibang lugar sa sarili nilang bansa—dahil sa digmaan, pag-uusig, o sakuna. Ayon sa UNHCR (United Nations High Commissioner for Refugees), “1 sa bawat 113 katao” sa buong mundo ngayon ay “napilitang lumikas.”
b Tingnan ang artikulong “Magpakita ng Kabaitan sa mga Estranghero” sa Ang Bantayan, Oktubre 2016, p. 8-12.
c Pagdating ng isang refugee, dapat sundin agad ng mga elder ang tagubilin sa Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova, kabanata 8, parapo 30. Maaaring kontakin ng mga elder ang mga kongregasyon sa ibang bansa sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe sa sarili nilang sangay gamit ang jw.org. Samantala, puwede nilang maingat na tanungin ang refugee tungkol sa kaniyang kongregasyon at ministeryo para malaman ang espirituwal na kalagayan nito.
d Tingnan ang mga artikulong “Walang Sinumang Makapaglilingkod sa Dalawang Panginoon” at “Lakasan Mo ang Iyong Loob—Si Jehova ang Iyong Katulong!” sa Ang Bantayan, Abril 15, 2014, p. 17-26.