Sumulong Bilang Taong Espirituwal!
“Patuloy na lumakad ayon sa espiritu.”—GAL. 5:16.
1, 2. Ano ang napansin ng isang brother na kulang sa kaniyang espirituwalidad, at ano ang ginawa niya?
TIN-EDYER si Robert nang mabautismuhan, pero hindi niya talaga sineryoso ang katotohanan. Sinabi niya: “Wala naman akong ginagawang masama, pero parang sumasabay lang ako sa agos. Mukha akong malakas sa espirituwal, regular ako sa pagpupulong at ilang beses ding nag-o-auxillary pioneer taon-taon. Pero may kulang pa rin.”
2 Saka lang nalaman ni Robert kung ano iyon nang mag-asawa siya. Paminsan-minsan kasi, bilang katuwaan, nagtatanungan silang mag-asawa tungkol sa mga paksa sa Bibliya. Mahusay sa espirituwal ang misis niya at agad nitong nasasagot ang mga tanong. Pero laging napapahiya si Robert kasi hindi niya alam ang sagot. Sinabi niya: “Parang wala akong alam. Naisip ko, ‘Para magampanan ko ang papel ko bilang ulo ng asawa ko, dapat may gawin ako.’” Ano ang ginawa niya? Sinabi niya: “Pinag-aralan ko nang pinag-aralan ang Bibliya hanggang sa mapag-ugnay-ugnay ko ang mga natututuhan ko. Nagkaroon ako ng unawa, at ang pinakamahalaga, naging malapít ako kay Jehova.”
3. (a) Ano ang matututuhan natin sa karanasan ni Robert? (b) Anong mahahalagang punto ang tatalakayin natin ngayon?
3 May matututuhan tayo sa karanasan ni Robert. Baka mayroon tayong ilang kaalaman sa Bibliya at regular tayo sa pagdalo sa mga pulong at sa ministeryo. Pero hindi tayo awtomatikong nagiging taong espirituwal dahil sa mga ito. Posibleng nakagawa na tayo ng ilang pagsulong, pero kung susuriin natin ang ating sarili, baka puwede pa nating mapasulong ang ating espirituwalidad. (Fil. 3:16) Para tulungan tayong patuloy na sumulong, sasagutin ng artikulong ito ang tatlong mahahalagang tanong: (1) Ano ang makatutulong para masuri natin ang totoong kalagayan ng ating espirituwalidad? (2) Paano natin patuloy na mapatitibay ang ating espirituwalidad? (3) Paano makatutulong ang matibay na espirituwalidad sa ating pang-araw-araw na pamumuhay?
SURIIN ANG SARILI
4. Kanino kumakapit ang payo sa Efeso 4:23, 24?
4 Nang maging lingkod tayo ng Diyos, gumawa tayo ng pagbabagong nakaapekto sa bawat bahagi ng ating buhay. Pero kahit bautisado na tayo, dapat pa rin tayong patuloy na magbago “sa puwersa na nagpapakilos sa [ating] pag-iisip.” (Efe. 4:23, 24) At dahil hindi tayo sakdal, lahat tayo ay kailangang patuloy na gumawa ng mga pagbabago. Kahit ang matatagal nang lingkod ni Jehova ay kailangang magsikap na ingatan ang kanilang espirituwalidad.—Fil. 3:12, 13.
5. Anong mga tanong ang tutulong para masuri natin ang ating sarili?
5 Para mapasulong at maingatan ang ating espirituwalidad, tapatan nating suriin ang ating sarili. Anuman ang ating edad, puwede nating itanong: ‘May nakikita ba akong mga indikasyon na mas nagiging palaisip na ako sa espirituwal? Nagiging tulad-Kristo na ba ang personalidad ko? Ano ang ipinakikita ng saloobin at paggawi ko sa mga pulong tungkol sa lalim ng espirituwalidad ko? Paano masasalamin sa pakikipag-usap ko sa iba ang laman ng aking puso? Ano ang isinisiwalat ng kaugalian ko sa pag-aaral, ng aking pananamit at pag-aayos, at ng paraan ng pagtugon ko sa payo? Ano ang ginagawa ko kapag napapaharap ako sa tukso? Nagiging may-gulang na Kristiyano na ba ako?’ (Efe. 4:13) Makatutulong ang mga tanong na ito para masukat natin ang ating pagsulong sa espirituwal.
6. Ano pa ang kailangan para masuri natin ang kalagayan ng ating espirituwalidad?
6 Para masuri ang kalagayan ng ating espirituwalidad, kung minsan, kailangan natin ang tulong ng iba. Sinabi ni apostol Pablo na hindi nakikita ng taong makalaman na ang paraan ng pamumuhay nito ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos. Pero alam ng taong espirituwal ang pananaw ng Diyos at ang maling landasin ng taong makalaman. (1 Cor. 2:14-16; 3:1-3) Kadalasan, nakikita ng mga elder, na may pag-iisip ni Kristo, ang unang senyales ng makalamang kaisipan. Kung itawag-pansin nila ito sa atin, tatanggapin ba natin ang kanilang payo at susundin iyon? Kung oo, ipinakikita natin na gusto nating mapasulong ang ating espirituwalidad.—Ecles. 7:5, 9.
PATIBAYIN ANG ESPIRITUWALIDAD
7. Bakit hindi sapat ang kaalaman sa Bibliya para maging taong palaisip sa espirituwal?
7 Tandaan na hindi sapat ang kaalaman sa Bibliya para maging taong palaisip sa espirituwal. Halimbawa, maraming alam si Haring Solomon tungkol sa mga daan ni Jehova, at naging bahagi pa nga ng Bibliya ang mga pananalita niya. Pero hindi siya nanatiling tapat kay Jehova bilang taong espirituwal. (1 Hari 4:29, 30; 11:4-6) Kaya ano pa ang kailangan bukod sa kaalaman sa Bibliya? Kailangan tayong patuloy na sumulong sa espirituwal. (Col. 2:6, 7) Paano?
8, 9. (a) Ano ang tutulong para maging matatag tayo sa espirituwal? (b) Ano ang tunguhin natin kapag nag-aaral tayo at nagbubulay-bulay? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
8 Noong unang siglo, pinasigla ni Pablo ang mga Kristiyano na “sumulong . . . tungo sa pagkamaygulang.” (Heb. 6:1) Anong mga hakbang ang puwede nating gawin para masunod ang payong iyan? Ang isang importanteng hakbang ay ang pag-aaral ng aklat na Manatili sa Pag-ibig ng Diyos. Kapag natapos mong pag-aralan ang aklat na ito, makikita mo kung paano ikakapit ang mga simulain ng Bibliya sa iyong buhay. Kung tapós mo na itong pag-aralan, puwede ka bang pumili ng ibang materyal na makapagpapatatag ng iyong pananampalataya? (Col. 1:23) Binubulay-bulay mo ba at ipinapanalangin kung paano mo maikakapit ang iyong natututuhan?
9 Tandaan na ang tunguhin ng ating pag-aaral at pagbubulay-bulay ay para magkaroon ng taimtim na pagnanais na palugdan si Jehova at sundin ang kaniyang mga utos. (Awit 40:8; 119:97) Kasabay nito, sinisikap din nating iwasan ang mga bagay na makahahadlang sa ating espirituwal na pagsulong.—Tito 2:11, 12.
10. Ano ang tutulong sa mga kabataan na mapatibay ang kanilang espirituwalidad?
10 Kung isa kang kabataan, mayroon ka bang espirituwal na mga tunguhin? Sa mga pansirkitong asamblea, kaugalian ng isang brother na naglilingkod sa Bethel na kausapin ang mga mababautismuhan. Marami sa mga ito ay kabataan. Tinatanong sila ng brother kung ano ang espirituwal na mga tunguhin nila. Makikita sa sagot ng marami na napag-isipan na nila ang mga tunguhin nila sa paglilingkod kay Jehova—marahil ay isang uri ng buong-panahong paglilingkod o ang paglipat kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga tagapaghayag ng Kaharian. Pero may ilang kabataan din na walang maisagot. Posible kayang hindi pa sila nagpasiya sa kanilang puso na kailangan nilang magkaroon ng espirituwal na mga tunguhin? Kung kabataan ka, tanungin ang sarili: ‘Nakikibahagi lang ba ako sa espirituwal na mga gawain dahil ito ang inaasahan ng mga magulang ko? Sinisikap ko bang maging mas malapít sa Diyos?’ Siyempre, hindi lang mga kabataan ang dapat magkaroon ng espirituwal na mga tunguhin. Tutulong ito sa ating lahat bilang mga lingkod ni Jehova na mapalalim ang ating espirituwalidad.—Ecles. 12:1, 13.
11. (a) Para talagang sumulong sa espirituwal, ano ang kailangan nating gawin? (b) Kaninong halimbawa sa Bibliya ang puwede nating tularan?
11 Kapag nakita na natin ang mga kailangan nating pasulungin, dapat na tayong kumilos. Napakahalagang maging taong espirituwal dahil nakataya ang buhay natin dito. (Roma 8:6-8) Pero hindi naman kailangang maging perpekto tayo. Tutulungan tayong sumulong ng espiritu ni Jehova. Pero kailangan pa rin tayong magsikap. Si John Barr, na miyembro noon ng Lupong Tagapamahala, ay nagkomento tungkol sa Lucas 13:24: “Marami ang nabibigo dahil hindi sila masyadong masikap sa pagpapalakas [ng kanilang espirituwalidad].” Tularan natin si Jacob, na hindi sumuko sa pakikipagbuno sa isang anghel hangga’t hindi siya nakakuha ng pagpapala. (Gen. 32:26-28) Totoo, masarap pag-aralan ang Bibliya, pero hindi ito parang nobela na isinulat para malibang tayo. Kailangan tayong magsikap na tuklasin ang espirituwal na mga hiyas na makatutulong sa atin.
12, 13. (a) Ano ang tutulong para maikapit natin ang Roma 15:5? (b) Paano makatutulong sa atin ang halimbawa at payo ni apostol Pedro? (c) Ano ang puwede mong gawin para sumulong sa espirituwal? (Tingnan ang kahong “Mga Hakbang Para Sumulong Ka sa Espirituwal.”)
12 Habang sinisikap nating pasulungin ang ating espirituwalidad, tutulungan tayo ng banal na espiritu na baguhin ang paraan ng ating pag-iisip. Kaya naman unti-unti na tayong mag-iisip na gaya ni Kristo. (Roma 15:5) Tutulungan din tayo ng banal na espiritu na alisin ang makalamang mga pagnanasa at magkaroon ng mga katangiang kalugod-lugod sa Diyos. (Gal. 5:16, 22, 23) Kung mapansin nating nagiging materyalistiko na tayo o nagkakaroon ng makalamang pagnanasa, huwag tayong susuko. Patuloy nating hilingin ang espiritu ni Jehova, at tutulungan niya tayong magpokus sa tamang mga bagay. (Luc. 11:13) Tandaan si apostol Pedro. Ilang beses siyang hindi kumilos bilang taong espirituwal. (Mat. 16:22, 23; Luc. 22:34, 54-62; Gal. 2:11-14) Pero hindi siya sumuko. Sa tulong ni Jehova, unti-unting nagkaroon si Pedro ng kaisipang katulad ng kay Kristo. Magagawa rin natin iyan.
13 Sa katunayan, binanggit ni Pedro ang espesipikong mga katangian na dapat nating pasulungin. (Basahin ang 2 Pedro 1:5-8.) Habang ginagawa natin ang “lahat ng marubdob na pagsisikap” para malinang ang mga katangiang gaya ng pagpipigil sa sarili, pagbabata, at pagmamahal na pangkapatid, mas magiging palaisip tayo sa espirituwal. Sa bawat araw, bakit hindi tanungin ang sarili, ‘Ano ang puwede kong gawin ngayon para sumulong ako sa espirituwal?’
IKAPIT ANG MGA SIMULAIN SA BIBLIYA SA PANG-ARAW-ARAW NA PAMUMUHAY
14. Paano nakaaapekto sa buhay natin ang pagiging palaisip sa espirituwal?
14 Kung mag-iisip tayong tulad ni Kristo, may epekto ito sa ating pagsasalita, sa ating paggawi sa trabaho o sa paaralan, at sa mga desisyon natin sa araw-araw. Makikita sa mga desisyong iyon kung nagsisikap tayong maging tagasunod ni Kristo. Bilang mga taong espirituwal, ayaw nating may anumang makasira sa kaugnayan natin sa ating makalangit na Ama. Kapag may tukso, pakikilusin tayo ng ating tulad-Kristong saloobin na tanggihan iyon. Kapag gumagawa ng desisyon, mag-iisip muna tayo: ‘Anong mga simulain sa Bibliya ang tutulong sa akin? Ano kaya ang gagawin ni Kristo sa ganitong sitwasyon? Anong desisyon ang magpapasaya kay Jehova?’ Para masanay tayong mag-isip nang ganito, tingnan natin ang ilang sitwasyon. Pagkatapos, aalamin natin ang isang simulain sa Kasulatan na tutulong para makagawa tayo ng matalinong desisyon.
15, 16. Kung may kaisipan tayong kagaya ng kay Kristo, paano ito makatutulong sa atin na magdesisyon pagdating sa (a) pagpili ng mapapangasawa? (b) pagpili ng mga kaibigan?
15 Pagpili ng mapapangasawa. Ang simulain sa Kasulatan ay nasa 2 Corinto 6:14, 15. (Basahin.) Ipinakikita ni Pablo na imposible na maging lubusang magkasuwato ang taong espirituwal at ang taong pisikal. Paano maikakapit ang simulaing ito sa pagpili ng mapapangasawa?
16 Pagpili ng mga kaibigan. Pansinin ang simulain sa 1 Corinto 15:33. (Basahin.) Ang taong makadiyos ay hindi makikipagkaibigan sa mga puwedeng magpahina ng kaniyang espirituwalidad. Pag-isipan kung paano mo masusunod ang simulaing ito. Halimbawa, paano ito maikakapit sa social networking? Paano naman kung may mag-invite sa iyo na maglaro ng online games kasama ng mga hindi mo kakilala?
17-19. Paano makatutulong ang pagiging palaisip sa espirituwal (a) para maiwasan ang walang-kabuluhang mga gawain? (b) para makapili tayo ng mga tunguhin? (c) para maayos ang mga di-pagkakasundo?
17 Mga gawaing hahadlang sa espirituwal na pagsulong. May babala si Pablo sa mga Kristiyano. (Basahin ang Hebreo 6:1.) Anong “patay na mga gawa” ang dapat nating iwasan? Anumang gawain na patay sa espirituwal, walang saysay, at walang kabuluhan. Magiging gabay natin ang simulaing ito sa maraming tanong na puwedeng bumangon sa buhay, gaya ng: ‘Kapaki-pakinabang ba talaga ang gawaing ito o walang kabuluhan? Dapat ba akong mag-invest sa negosyong ito? Bakit hindi ako dapat sumali sa mga kilos-protesta?’
18 Espirituwal na mga tunguhin. Sa kaniyang Sermon sa Bundok, nagbigay si Jesus ng malinaw na patnubay tungkol sa pagpili ng mga tunguhin. (Mat. 6:33) Espirituwal na mga tunguhin ang inaabót ng taong espirituwal. Kung tatandaan natin ang simulaing ito, masasagot natin ang mga tanong na gaya ng: ‘Dapat pa ba akong mag-aral sa unibersidad? Tatanggapin ko ba ang trabahong iniaalok sa akin?’
19 Mga di-pagkakasundo. Kapag nagkaroon tayo ng di-pagkakasundo sa iba, paano makatutulong sa atin ang ipinayo ni Pablo sa mga Kristiyano sa Roma? (Roma 12:18) Bilang mga tagasunod ni Kristo, sinisikap nating “makipagpayapaan . . . sa lahat ng tao.” Ano ang ginagawa natin kapag nagkaroon tayo ng di-pagkakaunawaan sa iba? Nahihirapan ba tayong magparaya? O kilalá ba tayong “nakikipagpayapaan”?—Sant. 3:18.
20. Bakit gusto mong sumulong sa espirituwal?
20 Ilang halimbawa lang ito na nagpapakitang makatutulong ang makadiyos na mga simulain sa paggawa ng mga desisyon. Kung palaisip tayo sa espirituwal, mas magiging masaya at kontento tayo sa buhay araw-araw. Si Robert, na binanggit kanina, ay nagsabi: “Nang magkaroon ako ng malapít na kaugnayan kay Jehova, naging mas mahusay akong asawa at ama. Naging kontento ako at maligaya.” Tatanggapin din natin ang ganiyang mga pagpapala kung magiging priyoridad natin ang pagsulong sa espirituwal. Sa gayon, mas magiging masaya ang buhay natin ngayon at makakamit natin ang “tunay na buhay” sa hinaharap.—1 Tim. 6:19.