ARALING ARTIKULO 2
Purihin si Jehova sa Kongregasyon
“Sa gitna ng kongregasyon ay pupurihin kita.”—AWIT 22:22.
AWIT 59 Papurihan si Jehova!
NILALAMANa
1. Ano ang nadarama ni David para kay Jehova, at pinakilos siya nito na gawin ang ano?
ISINULAT ni Haring David: “Si Jehova ay dakila at lubhang marapat na purihin.” (Awit 145:3) Mahal niya si Jehova, at ito ang nagpakilos sa kaniya na purihin ang Diyos “sa gitna ng kongregasyon.” (Awit 22:22; 40:5) Tiyak na mahal mo rin si Jehova at sang-ayon ka sa sinabi ni David: “Pagpalain ka nawa, O Jehova na Diyos ng Israel na aming ama, mula sa panahong walang takda at maging hanggang sa panahong walang takda.”—1 Cro. 29:10-13.
2. (a) Paano natin mapupuri si Jehova? (b) Anong mga hamon ang napapaharap sa ilan, at ano ang tatalakayin natin?
2 Sa ngayon, ang isang paraan para purihin si Jehova ay ang pagkokomento sa mga Kristiyanong pagpupulong. Pero nagiging hamon ito sa ilang kapatid. Gusto nilang makibahagi sa pulong, pero natatakot sila. Paano nila ito madaraig? At para maging nakapagpapatibay ang mga komento natin, anong mga mungkahi ang makatutulong? Bago natin sagutin ang mga iyan, talakayin muna natin ang apat na mahahalagang dahilan kung bakit tayo nagkokomento sa pulong.
KUNG BAKIT TAYO NAGKOKOMENTO SA PULONG
3-5. (a) Gaya ng ipinaliwanag sa Hebreo 13:15, bakit tayo nagkokomento sa pulong? (b) Dapat bang pare-pareho ang uri ng ating komento? Ipaliwanag.
3 Tayong lahat ay binigyan ni Jehova ng pribilehiyong purihin siya. (Awit 119:108) Ang mga komento natin sa pulong ay bahagi ng ating “hain ng papuri,” at walang sinuman ang makapaghahandog ng haing iyan para sa atin. (Basahin ang Hebreo 13:15.) Humihiling ba si Jehova ng pare-parehong uri ng hain, o komento, mula sa bawat isa sa atin? Hindi naman!
4 Alam ni Jehova na iba-iba ang ating kakayahan at kalagayan, at lubos niyang pinahahalagahan ang mga haing kaya nating ibigay sa kaniya. Isipin na lang ang uri ng mga haing tinatanggap niya mula sa mga Israelita. Ang ilan ay nakapaghahandog ng kordero o ng kambing. Pero ang isang mahirap na Israelita ay puwedeng maghandog ng “dalawang batu-bato o dalawang inakáy na kalapati.” At kung hindi pa rin niya kayang maghandog ng dalawang ibon, tinatanggap ni Jehova kahit ang “ikasampu ng isang epa ng mainam na harina.” (Lev. 5:7, 11) Mas mura nga ang harina, pero pahahalagahan pa rin ni Jehova ang haing iyon, basta’t ito ay “mainam na harina.”
5 Ganiyan pa rin sa ngayon ang ating mabait na Diyos. Kapag nagkokomento tayo, hindi niya tayo inoobligang maging kasinghusay ni Apolos sa pagsasalita o maging mapanghikayat gaya ni Pablo. (Gawa 18:24; 26:28) Ang gusto lang ni Jehova ay makapagbigay tayo ng pinakamagandang komentong kaya natin. Alalahanin ang balo na nagbigay ng dalawang maliliit na barya. Pinahalagahan siya ni Jehova dahil ibinigay niya ang kaniyang buong makakaya.—Luc. 21:1-4.
6. (a) Ayon sa Hebreo 10:24, 25, ano ang epekto sa atin ng komento ng iba? (b) Paano mo maipakikitang pinahahalagahan mo ang mga sagot na nakapagpatibay sa iyo?
6 Pinapatibay natin ang isa’t isa mula sa ating mga komento. (Basahin ang Hebreo 10:24, 25.) Gustong-gusto nating mapakinggan ang iba’t ibang komento sa ating mga pulong. Natutuwa tayo sa simpleng sagot ng mga bata na mula sa puso. Napapatibay tayo kapag narinig natin ang komento ng isa na gustong-gustong maibahagi ang isang magandang punto na bago sa kaniya. At humahanga tayo sa mga “nag-ipon . . . ng katapangan” para makapagkomento kahit nahihiya sila o nag-aaral pa lang ng ating wika. (1 Tes. 2:2) Paano natin maipakikitang pinahahalagahan natin ang kanilang pagsisikap? Puwede natin silang pasalamatan pagkatapos ng pulong. At puwede rin tayong magbigay ng komento. Sa gayon, hindi lang tayo ang napapatibay; napapatibay rin natin sila.—Roma 1:11, 12.
7. Paano tayo nakikinabang kapag nagkokomento tayo?
7 Tayo mismo ay nakikinabang sa ating komento. (Isa. 48:17) Paano? Una, kung plano nating magkomento, lalo tayong ginaganahan na maghandang mabuti para sa pulong. Kapag naghahanda tayong mabuti, lumalalim ang ating pagkaunawa sa Salita ng Diyos. At habang lumalalim ang ating pagkaunawa, mas maisasabuhay natin ang mga natututuhan natin. Ikalawa, malamang na mas ma-enjoy natin ang pulong dahil nakikibahagi tayo sa talakayan. Ikatlo, dahil pinagsikapan nating makapagkomento, kadalasan nang naaalaala natin ang mga puntong sinabi natin kahit matagal na natin itong ikinomento.
8-9. (a) Gaya ng ipinapakita sa Malakias 3:16, ano sa palagay mo ang nadarama ni Jehova sa ating mga komento? (b) Ano pa rin ang hamon sa ilan?
8 Napapasaya natin si Jehova kapag ipinahahayag natin ang ating pananampalataya. Makatitiyak tayong nakikinig si Jehova sa atin, at pinahahalagahan niya ang ating pagsisikap na magkomento sa pulong. (Basahin ang Malakias 3:16.) At para ipakita ang kaniyang pagpapahalaga, pinagpapala niya ang ating pagsisikap na mapasaya siya.—Mal. 3:10.
9 Maliwanag, may magagandang dahilan tayo para magkomento sa pulong. Pero baka takót pa ring magtaas ng kamay ang ilan. Kung iyan ang nadarama mo, huwag masiraan ng loob. Talakayin natin ang ilang simulain sa Bibliya, ilang halimbawa, at ilang praktikal na mungkahi para mas makapagkomento tayo sa pulong.
DAIGIN ANG TAKOT
10. (a) Ano ang ikinatatakot ng marami sa atin? (b) Bakit masasabing isang magandang senyales ang takot sa pagkokomento?
10 Kinakabahan ka ba kahit iniisip mo pa lang na magtataas ka ng kamay para magkomento? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Ang totoo, karamihan sa atin ay kinakabahan kapag nagkokomento. Para madaig ito, kailangan mong matukoy ang dahilan ng takot mo. Natatakot ka bang malimutan ang gusto mong sabihin o baka mali ang masabi mo? Nag-aalala ka ba na baka hindi kasinghusay ng komento ng iba ang ikokomento mo? Ang totoo, magandang senyales iyan. Ipinakikita nitong mapagpakumbaba ka at itinuturing mo ang iba na nakatataas sa iyo. Gustong-gusto ni Jehova ang katangiang iyan. (Awit 138:6; Fil. 2:3) Pero gusto rin ni Jehova na purihin mo siya at patibayin ang iyong mga kapatid sa pagpupulong. (1 Tes. 5:11) Mahal ka ni Jehova, at palalakasin niya ang loob mo.
11. Anong paalaala mula sa Bibliya ang makatutulong sa atin?
11 Pansinin ang ilang paalaala mula sa Bibliya. Binabanggit dito na tayong lahat ay nagkakamali sa ating sinasabi at sa paraan ng pagsasabi natin nito. (Sant. 3:2) Alam ni Jehova na hindi tayo perpekto, at alam din iyan ng mga kapatid. (Awit 103:12-14) Sila ang ating espirituwal na pamilya, at mahal nila tayo. (Mar. 10:29, 30; Juan 13:35) Naiintindihan nila na kung minsan, hindi natin masabi ang gusto nating sabihin.
12-13. Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa nina Nehemias at Jonas?
12 Pag-isipan ang ilang halimbawa sa Bibliya na makatutulong sa iyo na daigin ang takot. Alalahanin si Nehemias. Siya ay naglilingkod noon sa korte ng isang makapangyarihang hari. Nalungkot si Nehemias nang mabalitaan niyang giba ang pader at ang mga pintuang-daan ng Jerusalem. (Neh. 1:1-4) Isip-isipin na lang ang kaba niya nang tanungin siya ng hari kung bakit napakalungkot niya! Nanalangin agad si Nehemias at saka sumagot. Nang marinig ito ng hari, nagbigay siya ng malaking tulong para sa bayan ng Diyos. (Neh. 2:1-8) Alalahanin din si Jonas. Nang utusan siya ni Jehova na magsalita sa mga taga-Nineve, takot na takot si Jonas kaya tumakas siya papunta sa kabilang direksiyon. (Jon. 1:1-3) Pero sa tulong ni Jehova, nagampanan ni Jonas ang atas niya. At lubos na nakinabang ang mga taga-Nineve sa mga sinabi niya. (Jon. 3:5-10) Natutuhan natin kay Nehemias ang kahalagahan ng pananalangin bago sumagot. Natutuhan naman natin kay Jonas na matutulungan tayo ni Jehova na makapaglingkod sa kaniya sa kabila ng matinding takot. Sa totoo lang, mas nakakatakot ba ang mga kapatid sa kongregasyon kaysa sa mga Ninevita?
13 Anong mga mungkahi ang makatutulong sa iyo para makapagkomento sa pulong? Talakayin natin ang ilan sa mga ito.
14. Bakit kailangan nating maghandang mabuti para sa ating pulong, at kailan ito maaaring gawin?
14 Maghanda sa bawat pulong. Kapag nagpaplano ka nang patiuna at naghahandang mabuti, mas may kumpiyansa kang magkomento. (Kaw. 21:5) Siyempre, hindi magkakapareho ang ating iskedyul. Si Eloise, isang biyuda na mga 80 anyos na, ay naghahanda ng pag-aaral sa Bantayan tuwing umpisa ng linggo. Sinabi niya, “Mas nakikinabang ako sa mga pulong kapag maaga akong nakakapaghanda.” Si Joy, na nagtatrabaho nang full-time, ay naglalaan ng panahon tuwing Sabado para makapag-aral ng Bantayan. “Gusto ko na sariwa pa sa isip ko ang pag-aaralang materyal,” ang sabi niya. Sinabi ni Ike na isang abalang elder at isa ring payunir, “Napansin kong mas magandang mag-aral ako nang pakonti-konti sa buong linggo kaysa sa isang minsanang pag-aaral.”
15. Paano ka makapaghahandang mabuti para sa pulong?
15 Ano ang kasama sa paghahandang mabuti para sa pulong? Bago mag-aral, humiling kay Jehova ng banal na espiritu. (Luc. 11:13; 1 Juan 5:14) Pagkatapos, tingnan sandali ang kabuoan ng aralin. Suriin ang pamagat, mga subtitulo, larawan, at mga kahon sa pagtuturo. Habang pinag-aaralan mo ang bawat parapo, basahin ang lahat ng siniping teksto hangga’t maaari. Bulay-bulayin ang mga impormasyon, at magtuon ng pansin sa mga punto na gusto mong komentuhan. Kapag mas nakapaghanda ka, mas makikinabang ka at mas madali kang makapagkokomento.—2 Cor. 9:6.
16. Anong mga tool ang maaari mong gamitin, at paano mo ito ginagamit?
16 Kung posible, gamitin ang mga digital tool na available sa wikang alam mo. Si Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon, ay nagbigay ng mga digital tool na makatutulong sa ating maghanda para sa pulong. Sa JW Library® app, mada-download natin ang mga publikasyong ginagamit sa pag-aaral. Kaya makapag-aaral tayo—o mababasa o mapapakinggan natin ang materyal—kahit kailan at kahit saan. Ginagamit ito ng ilan para mag-aral kapag lunch break sa trabaho o sa paaralan o habang nagbibiyahe. Mas madaling mag-research ng mga puntong gusto nating palawakin sa tulong ng Watchtower Library at Watchtower ONLINE LIBRARY™.
17. (a) Bakit magandang maghanda ng higit sa isang komento? (b) Ano ang natutuhan mo sa video na Maging Kaibigan ni Jehova—Maghanda ng Komento?
17 Kung posible, maghanda ng higit sa isang komento sa bawat aralin. Bakit? Dahil baka hindi ka laging matawag kapag nagtaas ka ng kamay. Baka may mga kasabay kang magtaas ng kamay, at isa sa kanila ang tawagin ng konduktor. Para matapos sa tamang oras ang pulong, baka kailangang limitahan ng konduktor ang mga komento sa bawat parapo. Kaya huwag sumamâ ang loob o madismaya kapag hindi ka natawag agad. Kapag marami kang pinaghandaang komento, mas marami kang pagkakataong makibahagi sa pag-aaral. Maaari mong paghandaan ang pagbabasa ng isang teksto. Pero kung kaya mo, maaari kang magkomento sa sarili mong pananalita.b
18. Bakit dapat gawing maikli ang ating komento?
18 Magbigay ng maikling komento. Madalas, ang talagang nakapagpapatibay ay ang maikli at simpleng komento. Kaya sikaping gawing maikli ang iyong sagot, na mga 30 segundo lang. (Kaw. 10:19; 15:23) Kung maraming taon ka nang nagkokomento sa mga pulong, may mahalagang papel ka—magiging mabuting halimbawa ka kung maikli ang komento mo. Kung komplikado ang komento mo at tumatagal nang ilang minuto, baka mahiyang magkomento ang iba dahil iisipin nilang kailangan nilang magkomento nang kasinghusay mo. Isa pa, kapag maikli lang ang komento mo, mas may pagkakataong makapagkomento ang iba. Kapag ikaw ang unang tinawag para magkomento, magbigay ng simple at direktang sagot. Huwag saklawin ang lahat ng punto sa parapo. Kapag natalakay na ang pangunahing ideya ng parapo, puwede ka nang magbigay ng karagdagang punto.—Tingnan ang kahong “Ano ang Puwede Kong Ikomento?”
19. Paano ka matutulungan ng konduktor, pero ano ang kailangan mong gawin?
19 Sabihin sa konduktor na gusto mong magkomento sa isang partikular na parapo. Lapitan ang konduktor bago magsimula ang pulong. Kapag nagtanong na sa parapong gusto mong komentuhan, itaas agad ang iyong kamay para makita agad ito ng konduktor.
20. Bakit ang mga pulong ay gaya ng isang salusalo?
20 Ituring ang mga pulong natin na gaya ng isang salusalo kasama ng ating mabubuting kaibigan. Kung nagplano ng isang kainan ang mga kaibigan mo sa kongregasyon at pinakisuyuan kang maghanda ng kaunting pagkain, ano ang gagawin mo? Baka mag-alala ka, pero gagawin mo ang makakaya mo para makapagdala ng pagkaing mae-enjoy ng lahat. Si Jehova, ang ating Punong-Abala, ay naglaan ng maraming mabubuting bagay sa mga pulong. (Awit 23:5; Mat. 24:45) Natutuwa siya sa atin kapag nagdadala tayo ng simpleng regalo pero pinag-isipang mabuti. Kaya maghandang mabuti at sikaping magkomento nang higit sa isa. Sa paggawa nito, hindi lang tayo kumakain sa mesa ni Jehova; nagdadala rin tayo ng regalo na maibabahagi sa kongregasyon.
AWIT 2 Jehova ang Iyong Ngalan
a Gaya ng salmistang si David, mahal nating lahat si Jehova at gusto natin siyang purihin. Nagkakaroon tayo ng magandang pagkakataong ipahayag ang ating pag-ibig sa Diyos kapag nagkokomento tayo sa pulong kasama ng kongregasyon. Pero ang ilan sa atin ay nahihirapang magkomento. Kung ganiyan ka rin, matutulungan ka ng artikulong ito na matukoy ang takot mo at madaig ito.
b Panoorin sa jw.org/tl ang video na Maging Kaibigan ni Jehova—Maghanda ng Komento. Tingnan sa TURO NG BIBLIYA > MGA BATA.
c LARAWAN: Masayang nakikibahagi ang kongregasyon sa pag-aaral sa Bantayan.
d LARAWAN: Ang ilang nasa pulong sa naunang larawan na nakikibahagi sa pag-aaral sa Bantayan. Iba-iba man ang kanilang kalagayan, naglalaan sila ng panahon para makapaghanda para sa pulong.