PAMUMUHAY BILANG KRISTIYANO
Sundin ang mga Pamantayan ni Jehova Hinggil sa Moral
Nagtakda ang Diyos na Jehova ng pamantayan hinggil sa moral para sa mga tao. Halimbawa, nilayon niya na ang pag-aasawa ay permanenteng pagsasama ng lalaki at babae. (Mat 19:4-6, 9) Hinahatulan niya ang lahat ng uri ng seksuwal na imoralidad. (1Co 6:9, 10) Nagbigay rin siya ng mga simulain tungkol sa pananamit at pag-aayos na nagpapakitang naiiba ang kaniyang bayan.—Deu 22:5; 1Ti 2:9, 10.
Sa daigdig ngayon, marami ang ayaw sumunod sa mga pamantayan ni Jehova. (Ro 1:18-32) Nagpapadala lang sila sa opinyon ng nakararami tungkol sa pananamit, pag-aayos, at paggawi. Hindi ikinahihiya ng marami ang kanilang napakasasamang gawain at tinutuya nila ang mga taong may naiibang pamantayan.—1Pe 4:3, 4.
Bilang Saksi ni Jehova, dapat nating sundin ang mga pamantayan ng Diyos hinggil sa moral. (Ro 12:9) Paano? Dapat nating mataktikang ipaalam sa iba kung ano ang katanggap-tanggap sa kaniya. Pero dapat din tayong patuloy na mamuhay ayon sa matataas na pamantayang ito. Halimbawa, kapag pumipili ng istilo ng pananamit at pag-aayos, tanungin ang sarili: ‘Ang pinipili ko ba ay kaayon ng pamantayan ni Jehova o ng sanlibutan? Ipinakikita ba ng aking pananamit at pag-aayos na isa akong Kristiyano na may-takot sa Diyos?’ O kapag pumipili ng palabas o pelikula, tanungin ang sarili: ‘Sinasang-ayunan ba ito ni Jehova? Kaninong pamantayang moral ang itinataguyod nito? Ang pinipili ko bang libangan ay nagpapahina ng aking determinasyong gawin ang tama? (Aw 101:3) Makatitisod ba ito sa aking kapamilya o sa iba?’—1Co 10:31-33.
Bakit napakahalagang sundin ang mga pamantayan ni Jehova hinggil sa moral? Malapit nang puksain ni Kristo Jesus ang mga bansa at ang lahat ng masama. (Eze 9:4-7) Ang mga gumagawa lang ng kalooban ng Diyos ang mananatili. (1Ju 2:15-17) Kaya sundin natin ang mga pamantayan ni Jehova hinggil sa moral. Maaaring ang mga makakakita nito ay lumuwalhati sa Diyos.—1Pe 2:11, 12.
PANOORIN ANG VIDEO NA MAGING KAIBIGAN NI JEHOVA—ISANG LALAKI, ISANG BABAE, AT SAKA SAGUTIN ANG SUMUSUNOD NA MGA TANONG:
Bakit isang katalinuhan na mamuhay ayon sa mga pamantayan ni Jehova?
Habang bata pa ang mga anak, bakit dapat na silang turuan ng kanilang mga magulang tungkol sa pamantayan ni Jehova hinggil sa moral?
Paano matutulungan ng mga bata’t matanda ang iba na makinabang sa kabutihan ng Diyos?