ARALING ARTIKULO 1
“Humayo Kayo at Gumawa ng mga Alagad”
TAUNANG TEKSTO PARA SA 2020: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad . . . , na binabautismuhan sila.”—MAT. 28:19.
AWIT 79 Turuan Mo Silang Maging Matatag
NILALAMANa
1-2. Ano ang sinabi ng isang anghel sa mga babaeng nasa libingan ni Jesus, at ano naman ang sinabi ni Jesus sa kanila?
UMAGA noon ng Nisan 16, 33 C.E. Isang grupo ng mga babaeng may takot sa Diyos ang malungkot na pumunta sa libingan kung saan 36 na oras nang nakalibing ang Panginoong Jesu-Kristo. Gusto sana nilang lagyan ng mabangong langis at iba pang mababangong sangkap ang katawan ni Jesus. Pero nagulat sila nang makita nilang walang laman ang libingan! Sinabi sa kanila ng isang anghel na si Jesus ay binuhay-muli, at idinagdag pa nito: “Papunta na siya sa Galilea. Doon ninyo siya makikita.”—Mat. 28:1-7; Luc. 23:56; 24:10.
2 Pagkaalis ng mga babae sa libingan, nilapitan sila ni Jesus at sinabi: “Pumunta kayo sa mga kapatid ko at balitaan sila para makapunta sila sa Galilea, at makikita nila ako roon.” (Mat. 28:10) Ang pagkikitang ito ang unang isinaayos ni Jesus matapos siyang buhaying muli. Kaya siguradong may mahalaga siyang tagubilin na sasabihin sa mga alagad!
SINO ANG INUTUSAN NI JESUS?
3-4. Bakit natin masasabing hindi lang para sa mga apostol ang utos na nakaulat sa Mateo 28:19, 20? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
3 Basahin ang Mateo 28:16-20. Sa pagkikitang isinaayos ni Jesus, sinabi niya ang isang mahalagang gawaing isasagawa ng mga alagad niya noon. Ito rin ang gawaing isinasagawa natin ngayon. Sinabi ni Jesus: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa, na . . . itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng iniutos ko sa inyo.”
4 Gusto ni Jesus na mangaral ang lahat ng tagasunod niya. Hindi lang niya ito iniutos sa 11 tapat na apostol. Paano tayo nakakasiguro? Mga apostol lang ba ang nasa bundok ng Galilea nang iutos ni Jesus ang paggawa ng mga alagad? Alalahanin ang sinabi ng anghel sa mga babae: “[Sa Galilea] ninyo siya makikita.” Kaya siguradong nandoon din ang tapat na mga babae. Bukod diyan, sinabi ni apostol Pablo na “nagpakita [si Jesus] sa mahigit 500 kapatid sa isang pagkakataon.” (1 Cor. 15:6) Saan ito nangyari?
5. Bakit natin masasabing ang pagkikita sa Galilea ang tinutukoy sa 1 Corinto 15:6?
5 May magaganda tayong dahilan para isipin na ang tinutukoy ni Pablo sa 1 Corinto 15:6 ay ang pagkikita sa Galilea na nakaulat sa Mateo kabanata 28. Ano-ano ang dahilang iyon? Una, mga taga-Galilea ang karamihan sa mga alagad ni Jesus. At dahil marami sila, mas magandang sa isang bundok sa Galilea sila magkita-kita imbes na sa isang bahay sa Jerusalem. Ikalawa, nakipagkita na ang binuhay-muling si Jesus sa kaniyang 11 apostol sa isang bahay sa Jerusalem. Kaya kung ang mga apostol lang ang inutusan ni Jesus na mangaral at gumawa ng mga alagad, sinabi na sana niya ito sa kanila noong magkakasama sila sa Jerusalem imbes na papuntahin pa sila sa Galilea, kasama ang mga babae, at ang iba pa.—Luc. 24:33, 36.
6. Paano ipinapakita ng Mateo 28:20 na para din sa mga Kristiyano sa ngayon ang utos na gumawa ng mga alagad, at paano ito sinusunod?
6 Pansinin ang ikatlong dahilan. Ang utos ni Jesus na gumawa ng mga alagad ay hindi lang para sa mga Kristiyano noon. Paano natin nalaman? Sa huling bahagi ng tagubilin ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod, sinabi niya: “Makakasama ninyo ako sa lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistemang ito.” (Mat. 28:20) Gaya ng sinabi ni Jesus, talaga ngang marami ang gumagawa ng mga alagad sa ngayon! Sa katunayan, halos 300,000 ang nababautismuhan taon-taon bilang Saksi ni Jehova at nagiging alagad ni Jesu-Kristo!
7. Ano ang tatalakayin natin, at bakit?
7 Marami sa mga nag-aaral ng Bibliya ang sumusulong at nagpapabautismo. Pero may ilang regular na nag-aaral ng Bibliya ang parang nag-aalangang maging alagad ni Kristo. Masaya naman sila sa pag-aaral, pero hindi pa rin sila sumusulong. Kung may Bible study ka, siguradong gusto mo siyang tulungang maisabuhay ang mga natututuhan niya at maging alagad ni Kristo. Tatalakayin sa artikulong ito kung paano maaabot ang puso ng Bible study natin at kung paano siya matutulungang sumulong. Bakit kailangan natin itong pag-usapan? Dahil baka dumating ang pagkakataong kailangan na nating magdesisyon kung itutuloy o ihihinto na natin ang pakikipag-aral sa kanila.
ABUTIN ANG PUSO
8. Bakit mahirap abutin ang puso ng ilang Bible study?
8 Gusto ni Jehova na maglingkod sa kaniya ang mga tao dahil mahal nila siya. Kaya tunguhin nating makita ng mga Bible study na talagang nagmamalasakit si Jehova sa kanila bilang indibidwal at mahal na mahal niya sila. Gusto nating ituring nila si Jehova bilang “ama ng mga batang walang ama at tagapagtanggol ng mga biyuda.” (Awit 68:5) Kapag nakita nila kung gaano sila kamahal ng Diyos, malamang na maantig sila at mahalin din nila siya. Baka nahihirapan ang ilang Bible study na ituring si Jehova bilang mapagmahal na Ama dahil hindi sila nakadama ng pagmamahal mula sa sarili nilang ama. (2 Tim. 3:1, 3) Kaya habang nagdaraos ka ng pag-aaral, itampok ang mga katangian ni Jehova. Ipaunawa sa mga Bible study mo na gusto ng ating maibiging Diyos na mabuhay sila magpakailanman, at tutulungan niya silang maabot ang tunguhing iyan. Ano pa ang puwede nating gawin?
9-10. Anong mga publikasyon ang dapat gamitin sa Bible study, at bakit?
9 Gamitin ang mga aklat na “Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya?” at “Kung Paano Mananatili sa Pag-ibig ng Diyos.” Dinisenyo ang mga publikasyong ito para maabot natin ang puso ng mga Bible study. Halimbawa, sinasagot sa kabanata 1 ng aklat na Itinuturo ang mga tanong na: Mahal ba tayo ng Diyos o malupit siya?, Ano ang nararamdaman ng Diyos kapag nagdurusa ang tao?, at Puwede ka bang maging kaibigan ni Jehova? Ang aklat naman na Manatili sa Pag-ibig ay makakatulong sa Bible study na makitang kapag isinabuhay niya ang mga prinsipyo sa Bibliya, mapapabuti siya at mas mapapalapít kay Jehova. Kahit nagamit mo na sa iba ang mga aklat na ito, maghanda ka pa ring mabuti sa bawat pag-aaral at isaisip ang pangangailangan ng Bible study mo.
10 Pero paano kung ang paksang gusto ng Bible study ay nasa isang publikasyon na wala sa Toolbox sa Pagtuturo? Puwede mong sabihin sa kaniya na basahin iyon sa ibang pagkakataon para maituloy ninyo ang pag-aaral sa isa sa mga publikasyong binanggit kanina.
11. Kailan makakabuting buksan at sarhan sa panalangin ang pag-aaral, at paano mo ito maipapaliwanag?
11 Simulan sa panalangin ang pag-aaral. Karaniwan na, kahit ilang linggo pa lang idinaraos nang regular ang pag-aaral, makakabuting buksan at sarhan na ito sa panalangin. Dapat nating tulungan ang Bible study na makitang kailangan ang espiritu ng Diyos para maintindihan ang Kaniyang Salita. Ginagamit ng ilang nagtuturo ng Bibliya ang Santiago 1:5 para ipaliwanag kung bakit tayo nananalangin kapag nag-aaral. Sinasabi nito: “Kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, patuloy siyang humingi sa Diyos.” Pagkatapos, itatanong ng nagtuturo, “Paano tayo hihingi ng karunungan sa Diyos?” Malamang na sasang-ayon ang Bible study na dapat tayong manalangin sa Diyos.
12. Paano mo gagamitin ang Awit 139:2-4 para tulungan ang isang Bible study na mapasulong ang kalidad ng mga panalangin niya?
12 Turuang manalangin ang Bible study mo. Ipaliwanag sa kaniya na gustong marinig ni Jehova ang kaniyang taimtim na mga panalangin. Sabihin na puwedeng ibuhos kay Jehova ang laman ng ating puso na hindi natin masabi sa iba. Tutal, alam naman ni Jehova ang lahat ng iniisip natin. (Basahin ang Awit 139:2-4.) Puwede rin nating pasiglahin ang ating Bible study na humingi ng tulong sa Diyos na maalis ang maling kaisipan at masasamang bagay na nakasanayan niya. Halimbawa, baka gustong-gusto ng Bible study ang isang selebrasyong may paganong pinagmulan. Alam niyang mali iyon, pero may mga bagay rito na nae-enjoy niya. Patibayin siyang sabihin kay Jehova ang totoong nararamdaman niya at humingi ng tulong na ibigin lang ang mga iniibig ng Diyos.—Awit 97:10.
13. (a) Bakit dapat nating imbitahan agad sa pulong ang Bible study natin? (b) Paano mas magiging komportable ang isang Bible study sa mga pulong?
13 Imbitahan agad ang Bible study mo na dumalo sa mga pulong. Ang mga napapakinggan niya at naoobserbahan sa mga Kristiyanong pagpupulong ay makakatulong sa kaniya na sumulong. Ipakita ang video na Ano’ng Mayroon sa Kingdom Hall? at imbitahan siyang sumama sa iyo. Mag-alok sa kaniya ng transportasyon kung posible. Makakabuti rin kung magsasama ka ng iba’t ibang kapatid sa pag-aaral ninyo. Sa gayon, magkakaroon siya ng mga kakilala sa kongregasyon at mas magiging komportable siya kapag dumalo siya sa mga pulong.
TULUNGAN ANG BIBLE STUDY NA SUMULONG SA ESPIRITUWAL
14. Ano ang puwedeng makatulong sa Bible study na sumulong sa espirituwal?
14 Tunguhin natin na sumulong sa espirituwal ang Bible study natin. (Efe. 4:13) Kapag may pumayag makipag-aral ng Bibliya, posibleng ang iniisip niya ay kung paano siya makikinabang dito. Pero habang lumalalim ang pag-ibig niya kay Jehova, malamang na isipin na niya kung paano siya makakatulong sa iba, pati na sa mga kapatid sa kongregasyon. (Mat. 22:37-39) Sa tamang panahon, huwag mag-alangang sabihin sa kaniya na may pribilehiyo tayong sumuporta sa gawaing pang-Kaharian sa pinansiyal na paraan.
15. Paano natin matutulungan ang isang Bible study kapag nagkaproblema?
15 Turuan ang Bible study mo kung ano ang gagawin kapag nagkaproblema. Ipagpalagay nang sinabi sa iyo ng Bible study mo, na isang di-bautisadong mamamahayag, na sumamâ ang loob niya sa isang kakongregasyon ninyo. Imbes na may kampihan ka, mas mabuting sabihin mo sa kaniya ang mga payo ng Bibliya. Puwedeng palampasin na lang niya iyon, o kung hindi niya kaya, kausapin niya ang kapatid sa mabait na paraan at sikaping maibalik ang ugnayan nila. (Ihambing ang Mateo 18:15.) Tulungan siyang maghanda ng sasabihin niya. Ipakita sa kaniya kung paano gagamitin ang JW Library® app, ang Tulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova, at ang jw.org® para makita niya ang mga praktikal na paraan sa paglutas ng problema. Kapag nasanay siyang gawin ito bago magpabautismo, magiging mas madali para sa kaniya na makibagay sa mga kapatid.
16. Bakit magandang magsama ng ibang mamamahayag sa pag-aaral ninyo?
16 Isama sa pag-aaral ang ibang mamamahayag mula sa kongregasyon ninyo at ang tagapangasiwa ng sirkito kapag dalaw niya. Bakit? Bukod sa mga nabanggit kanina, baka may maibigay na tulong sa Bible study mo ang ibang mamamahayag na hindi mo maibibigay. Halimbawa, baka ilang beses nang sinikap ng Bible study mo na itigil ang paninigarilyo, pero lagi siyang bigo. Magsama ng isang Saksi na may karanasang gaya ng sa kaniya. Baka makapagbigay ang Saksing iyon ng praktikal na payo sa Bible study mo. Kung nahihiya kang magdaos ng Bible study kapag may kasamang makaranasang brother, siya ang hilingan mong magdaos nito. Samantalahin ang karanasan ng iba. Tandaan, tunguhin nating tulungan ang Bible study na sumulong.
DAPAT KO NA BANG IHINTO ANG PAGDARAOS NG PAG-AARAL?
17-18. Ano ang dapat mong isaalang-alang bago magdesisyong ihinto ang pag-aaral?
17 Kapag hindi sumusulong ang Bible study mo, baka kailangan mo nang pag-isipan, ‘Dapat ko na bang ihinto ang pagdaraos ng pag-aaral?’ Bago ka magdesisyon, dapat mo munang isaalang-alang ang kakayahan ng Bible study mo. Hindi kasi pare-pareho ang bilis ng pagsulong ng mga tao. Tanungin ang sarili: ‘Makatuwiran ba ang pagsulong ng Bible study ko ayon sa kakayahan niya?’ ‘Tinutupad ba niya, o isinasabuhay, ang mga natututuhan niya?’ (Mat. 28:20) Baka mabagal nga ang pagsulong ng isang Bible study, pero dapat makita sa kaniya na unti-unti siyang nagbabago.
18 Pero paano kung hindi naman nagpapahalaga sa pag-aaral ang Bible study? Halimbawa, natapos na niya ang aklat na Itinuturo, at baka nga nasimulan na niya ang aklat na Manatili sa Pag-ibig, pero hindi pa siya nakadalo kahit minsan—kahit sa Memoryal! At madalas niyang kanselahin ang pag-aaral kahit walang mabigat na dahilan. Sa ganiyang kaso, makakabuting kausapin mo na siya nang prangkahan.b
19. Ano ang puwede mong sabihin sa isang hindi nagpapahalaga sa pag-aaral, at ano ang kailangan mong pag-isipan?
19 Puwede mong simulan sa pagtatanong, ‘Sa tingin mo, ano ang pinakamalaking hadlang para maging Saksi ni Jehova ka?’ Baka isagot ng Bible study mo, ‘Okey lang sa akin na mag-aral ng Bibliya, pero hinding-hindi ako magiging Saksi ni Jehova!’ Kung iyan ang saloobin niya kahit matagal-tagal na siyang nag-aaral, may dahilan pa ba para ipagpatuloy ito? Sa kabilang banda, baka masabi niya sa iyo kung ano ang nakakapigil sa kaniya. Halimbawa, baka iniisip niyang hindi niya kayang magbahay-bahay. Ngayong alam mo na iyan, mas matutulungan mo na siya.
20. Paano tayo matutulungan ng Gawa 13:48 sa pagdedesisyon kung itutuloy ang pag-aaral o hindi?
20 Nakakalungkot, may ilang Bible study na gaya ng mga Israelita noong panahon ni Ezekiel. Tungkol sa kanila, sinabi ni Jehova kay Ezekiel: “Para sa kanila, isa kang romantikong awitin na kinakanta ng isang mang-aawit na may magandang boses at mahusay tumugtog ng instrumentong de-kuwerdas. Pakikinggan ka nila, pero hindi sila kikilos ayon sa sinabi mo.” (Ezek. 33:32) Baka mahirap para sa atin na sabihin sa isang tao na ihihinto na natin ang pakikipag-aral sa kaniya. Pero “maikli na ang natitirang panahon.” (1 Cor. 7:29) Kaya imbes na ituloy ang di-mabungang pag-aaral, humanap tayo ng taong nagpapakitang “nakaayon [siya] sa buhay na walang hanggan.”—Basahin ang Gawa 13:48.
21. Ano ang taunang teksto para sa 2020, at paano tayo matutulungan nito?
21 Sa 2020, matutulungan tayo ng taunang teksto na sikaping maging mas epektibo sa paggawa ng alagad. Makikita roon ang ilang pananalitang ginamit ni Jesus sa mahalagang pagkikitang iyon sa isang bundok sa Galilea: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad . . . , na binabautismuhan sila.”—Mat. 28:19.
AWIT 70 Hanapin ang mga Karapat-dapat
a Pinapasigla tayo ng taunang teksto para sa 2020 na “gumawa ng mga alagad.” Ang utos na ito ay para sa lahat ng lingkod ni Jehova. Paano natin maaabot ang puso ng mga Bible study para maging alagad sila ni Kristo? Ipapakita sa artikulong ito kung paano natin matutulungan ang mga Bible study na maging malapít kay Jehova. Tatalakayin din natin kung dapat ituloy o ihinto ang pakikipag-aral sa kanila.
b Panoorin ang video na Paghinto sa Pagdaraos ng Di-mabungang mga Pag-aaral sa Bibliya sa JW Broadcasting®.