ARALING ARTIKULO 41
Tulungan ang mga Bible Study na Sumulong at Magpabautismo—Bahagi 1
“Malinaw na kayo ay isang liham ni Kristo na isinulat namin bilang mga lingkod.”—2 COR. 3:3.
AWIT 78 Itinuturo ang Salita ng Diyos
NILALAMANa
1. Paano nakakatulong ang 2 Corinto 3:1-3 para mapahalagahan natin ang pribilehiyong magturo ng Bibliya sa iba at makita silang nagpabautismo? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
ANO ang naramdaman mo nang makita mong nabautismuhan ang isang Bible study sa kongregasyon ninyo? Siguradong napakasaya mo. (Mat. 28:19) Lalo na kung ikaw ang nag-Bible study sa kaniya! (1 Tes. 2:19, 20) Ang bagong bautisadong mga alagad ay “mga liham ng rekomendasyon” hindi lang sa mga nagturo sa kanila kundi pati na rin sa buong kongregasyon.—Basahin ang 2 Corinto 3:1-3.
2. (a) Anong mahalagang tanong ang kailangan nating pag-isipan, at bakit? (b) Kailan masasabing nagba-Bible study ka na? (Tingnan ang talababa.)
2 Nakakatuwang makita na sa nakalipas na apat na taon, sa average, mga 10,000,000 Bible studyb sa buong mundo ang inirereport buwan-buwan. At nang mga taon ding iyon, sa average, mahigit 280,000 ang nababautismuhan taon-taon bilang mga Saksi ni Jehova at mga bagong alagad ni Jesu-Kristo. Paano natin matutulungang magpabautismo ang iba pa sa milyon-milyong Bible study? Hangga’t binibigyan pa ni Jehova ng panahon at pagkakataon ang mga tao na maging mga alagad ni Kristo, gusto nating gawin ang buong makakaya natin para matulungan silang sumulong agad at magpabautismo. Napakaikli na ng panahon!—1 Cor. 7:29a; 1 Ped. 4:7.
3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito tungkol sa pagba-Bible study?
3 Napakahalaga ng paggawa ng alagad sa ngayon kaya tinanong ang mga tanggapang pansangay kung ano ang kailangang gawin para mas marami pang Bible study ang sumulong at magpabautismo. Sa artikulong ito at sa kasunod nito, matututo tayo sa mga makaranasang payunir, misyonero, at tagapangasiwa ng sirkito.c (Kaw. 11:14; 15:22) Sinabi nila ang puwedeng gawin ng mga nagtuturo ng Bibliya at ng mga study nito para mas maging kapaki-pakinabang ang pagba-Bible study. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang limang bagay na kailangang gawin ng mga Bible study para sumulong at magpabautismo.
MAG-STUDY LINGGO-LINGGO
4. Ano ang dapat nating tandaan tungkol sa pagba-Bible study sa may pinto?
4 Maraming kapatid ang nagba-Bible study sa may pinto ng bahay. Magandang pasimula ito para mas maging interesado sa Bibliya ang kausap, pero kadalasan nang sandali lang ito at baka hindi pa nga magawa linggo-linggo. Para hindi mawala ang interes ng kausap, hinihingi ng ilang kapatid ang contact information nito para matawagan o matext tungkol sa Bibliya. Ang ganoong mga pag-uusap ay puwedeng magpatuloy nang ilang buwan. Talaga bang matutulungan ang Bible study na mag-alay at magpabautismo kung ganoon lang ang panahon at pagsisikap na ibinibigay niya sa pag-aaral ng Salita ng Diyos? Malamang na hindi.
5. Sa Lucas 14:27-33, ano ang sinabi ni Jesus na makakatulong sa atin sa paggawa ng alagad?
5 Minsan, gamit ang isang ilustrasyon, ipinaliwanag ni Jesus ang dapat gawin ng isa na gustong maging alagad niya. Sinabi niya ang tungkol sa isang tao na gustong magtayo ng bahay at tungkol sa isang hari na gustong makipagdigma. Sinabi ni Jesus na ang gustong magtayo ay dapat munang ‘umupo at kuwentahin ang gastusin’ para matapos ang bahay at ang hari naman ay dapat munang ‘umupo at humingi ng payo’ para malaman kung matatalo ng kaniyang hukbo ang kalaban. (Basahin ang Lucas 14:27-33.) Sa katulad na paraan, alam ni Jesus na dapat munang alaming mabuti ng isang taong gustong maging alagad niya kung ano ang kailangan nitong gawin. Kaya kailangan nating himukin ang mga Bible study natin na makipag-aral sa atin linggo-linggo. Paano?
6. Ano ang puwedeng gawin para sumulong ang Bible study natin?
6 Unti-unting pahabain ang pagba-Bible study sa may pinto. Baka puwede kang magdagdag ng isa pang tekstong tatalakayin sa bawat pagdalaw mo. Kapag nasanay na ang kausap mo sa mas mahabang pag-aaral, tanungin siya kung may lugar na puwede kayong makaupo at ituloy ang pag-uusap. Makikita mo sa sagot niya kung seryoso siya sa pagba-Bible study. Para bumilis ang pagsulong niya, baka puwede mo pa ngang itanong kung gusto niyang gawing dalawang beses sa isang linggo ang pag-aaral. Pero hindi lang iyan ang kailangan.
PAGHANDAAN ANG BAWAT PAG-AARAL
7. Paano paghahandaang mabuti ng nagtuturo ang bawat pag-aaral?
7 Bilang tagapagturo, kailangan mong paghandaang mabuti ang bawat pag-aaral. Puwede mo munang basahin ang pag-aaralan at ang mga teksto. Kailangang maging malinaw sa iyo ang mga pangunahing punto. Pag-isipan ang pamagat ng aralin, mga subtitulo, mga tanong, mga tekstong dapat basahin, mga larawan, at anumang videong makakatulong para maging mas malinaw ang paksa. Pagkatapos, pag-isipan kung paano mo ito ipapaliwanag sa Bible study mo sa simple at malinaw na paraan para madali niya itong maintindihan at maisabuhay.—Neh. 8:8; Kaw. 15:28a.
8. Ano ang matututuhan natin sa sinabi ni apostol Pablo sa Colosas 1:9, 10 tungkol sa pananalangin para sa mga Bible study natin?
8 Bilang bahagi ng iyong paghahanda, ipanalangin kay Jehova ang Bible study mo at ang mga kailangan niya. Hilingin kay Jehova na tulungan kang makapagturo mula sa Bibliya sa paraang maaabot ang puso ng study mo. (Basahin ang Colosas 1:9, 10.) Pag-isipan kung may mga bagay na mahihirapan siyang maintindihan o matanggap. Tandaan na gusto mo siyang sumulong at magpabautismo.
9. Paano matutulungan ng tagapagturo ang Bible study niya na maghanda sa pag-aaral? Ipaliwanag.
9 Gusto natin na sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng Bibliya, mapahalagahan ng Bible study ang mga nagawa ni Jehova at ni Jesus. Bilang resulta, gugustuhin niyang matuto pa. (Mat. 5:3, 6) Para makinabang nang husto sa pag-aaral, kailangang pag-isipan ng Bible study ang mga natututuhan niya. Para magawa iyan, idiin sa kaniya na napakahalagang paghandaan niya ang bawat pag-aaral. Magagawa niya iyan kung patiuna niyang babasahin ang aralin at pag-iisipan kung paano niya ito maisasabuhay. Paano makakatulong ang tagapagturo? Maghanda ng isang aralin kasama ang Bible study para ipakita kung paano ito ginagawa.d Ituro kung paano hahanapin ang direktang sagot sa mga tanong, at ipakita kung paanong ang pagha-highlight ng ilang salita ay makakatulong sa kaniya para maalala ang sagot. Pagkatapos, hilingin sa kaniya na sumagot sa sarili niyang salita. Kapag ginawa niya iyon, makikita mo kung talagang naiintindihan niya ang pinag-aaralan. Pero mayroon ka pang puwedeng imungkahi sa kaniya na gawin.
TURUAN SIYANG MAKINIG AT MAKIPAG-USAP KAY JEHOVA ARAW-ARAW
10. Bakit mahalaga ang pagbabasa ng Bibliya araw-araw, at ano ang kailangang gawin para makinabang dito nang husto?
10 Bukod sa pagba-Bible study linggo-linggo, may puwede pang gawin araw-araw ang study mo nang siya lang. Kailangan niyang makinig at makipag-usap kay Jehova. Nakikinig siya sa Diyos kapag nagbabasa siya ng Bibliya araw-araw. (Jos. 1:8; Awit 1:1-3) Ipakita sa kaniya kung paano gagamitin ang “Iskedyul sa Pagbabasa ng Bibliya” na nasa jw.org.e Siyempre, para makinabang siya nang husto sa pagbabasa ng Bibliya, himukin siyang pag-isipang mabuti kung ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol kay Jehova at kung paano niya maisasabuhay ang mga natututuhan niya.—Gawa 17:11; Sant. 1:25.
11. Paano maituturo sa Bible study ang tamang pananalangin, at bakit mahalaga na lagi siyang manalangin kay Jehova?
11 Himukin ang Bible study mo na makipag-usap kay Jehova sa pamamagitan ng pananalangin araw-araw. Taos-pusong manalangin sa pasimula at pagtatapos ng bawat pag-aaral, at banggitin ang study mo sa mga panalanging iyon. Habang nakikinig siya sa mga panalangin mo, natututo siyang manalangin kay Jehova mula sa puso at sa pangalan ni Jesu-Kristo. (Mat. 6:9; Juan 15:16) Ang pagbabasa ng Bibliya araw-araw (pakikinig kay Jehova) at pananalangin (pakikipag-usap kay Jehova) ay talagang makakatulong sa study mo na mapalapít sa Diyos! (Sant. 4:8) Kung lagi niyang gagawin iyan, may iba pa siyang makukuhang pakinabang na tutulong sa kaniya para mag-alay at magpabautismo.
TULUNGAN SIYANG MAGING KAIBIGAN NI JEHOVA
12. Paano matutulungan ng tagapagturo ang Bible study niya na maging kaibigan ni Jehova?
12 Gusto nating matuto ang Bible study natin tungkol kay Jehova pero dapat itong tumagos sa puso niya. Bakit? Dahil ang ating puso—na pinagmumulan ng ating mga kagustuhan at emosyon—ang nagpapakilos sa atin na isabuhay ang mga natututuhan natin. Nagustuhan ng mga tao ang mga itinuro ni Jesus. Pero kaya sila sumunod sa kaniya ay dahil naabot niya ang puso nila. (Luc. 24:15, 27, 32) Kailangang maging totoong-totoo sa study mo si Jehova, ang Isa na puwede niyang lapitan bilang kaniyang Ama, Diyos, at Kaibigan. (Awit 25:4, 5) Kapag nagba-Bible study kayo, itampok ang mga katangian ng Diyos. (Ex. 34:5, 6; 1 Ped. 5:6, 7) Anumang paksa ang tinatalakay ninyo, ipakita kung anong uri ng Diyos si Jehova. Tulungan ang Bible study mo na pahalagahan ang mga katangian ng Diyos—ang kaniyang pag-ibig, kabaitan, at pagmamalasakit. Sinabi ni Jesus na “ang pinakamahalaga at unang utos” ay “ibigin si Jehova na iyong Diyos.” (Mat. 22:37, 38) Tulungan siyang ibigin ang Diyos nang buong puso.
13. Magbigay ng halimbawa kung paano matutulungan ang Bible study na makita ang mga katangian ni Jehova.
13 Sa pag-uusap ninyo, sabihin mo kung gaano mo kamahal si Jehova. Makakatulong iyan para maisip ng Bible study mo na kailangan din niyang mahalin ang Diyos. (Awit 73:28) Halimbawa, mayroon bang pangungusap sa pinag-aaralan ninyo o sa isang teksto na may itinuturo tungkol kay Jehova—ang kaniyang pag-ibig, karunungan, katarungan, o kapangyarihan—na nakaantig sa iyo? Banggitin ito sa study mo, at sabihin sa kaniya na isa ito sa maraming dahilan kung bakit mahal mo ang ating Ama sa langit. Mayroon pang kailangang gawin ang mga study para sumulong at magpabautismo.
HIMUKIN SIYANG DUMALO SA PULONG
14. Ano ang sinasabi sa Hebreo 10:24, 25 tungkol sa mga pulong na makakatulong sa Bible study na sumulong?
14 Gusto nating lahat na sumulong at magpabautismo ang mga Bible study natin. Magagawa natin iyan kung hihimukin natin silang dumalo sa pulong. Sinasabi ng makaranasang mga tagapagturo na mabilis sumulong ang mga Bible study na dumadalo agad. (Awit 111:1) Kaya naman ipinapaliwanag ng ilang tagapagturo sa mga study na marami silang matututuhan sa pulong na hindi nila matututuhan sa pagba-Bible study. Basahin ang Hebreo 10:24, 25 sa study mo, at ipaliwanag sa kaniya ang mga pakinabang na makukuha niya kapag dumalo siya sa pulong. Ipapanood sa kaniya ang videong Ano’ng Mayroon sa Kingdom Hall?f Ipaunawa sa kaniya na mahalagang maging bahagi ng buhay niya ang regular na pagdalo sa pulong.
15. Paano natin matutulungan ang isang Bible study na dumalo nang regular sa pulong?
15 Ano ang puwede mong gawin kung ang Bible study mo ay hindi pa dumadalo sa pulong o paminsan-minsan lang kung dumalo? Masayang ikuwento sa kaniya ang natutuhan mo sa nakaraang pulong. Kapag nakikita niya kung gaano ka kasaya, mas maeengganyo siyang dumalo. Bigyan siya ng Bantayan o ng Workbook sa Buhay at Ministeryo na kasalukuyang pinag-aaralan sa pulong. Ipakita sa kaniya ang tatalakayin sa susunod na pulong at itanong kung anong bahagi ang nagustuhan niya. Ang mararanasan ng study mo sa una niyang pagdalo ay ibang-iba sa naranasan niya sa anumang pagtitipon ng ibang relihiyon. (1 Cor. 14:24, 25) Makakakilala siya ng mahuhusay na kapatid na puwede niyang tularan at na tutulong sa kaniya na sumulong at magpabautismo.
16. Ano ang kailangan para matulungan ang mga Bible study na sumulong at magpabautismo, at ano ang matututuhan natin sa susunod na artikulo?
16 Ano ang kailangan nating gawin para matulungan ang mga Bible study na sumulong at magpabautismo? Matutulungan natin silang seryosohin ang pag-aaral kung hihimukin natin silang mag-Bible study linggo-linggo at maghanda para sa bawat pag-aaral. Hihimukin din natin silang makinig at makipag-usap kay Jehova araw-araw at makipagkaibigan sa kaniya. Papakilusin natin silang dumalo sa pulong. (Tingnan ang kahong “Ang Kailangang Gawin ng Bible Study.”) Pero gaya ng tatalakayin sa susunod na artikulo, may lima pang bagay na puwedeng gawin ang tagapagturo para matulungan ang Bible study na sumulong at magpabautismo.
AWIT 76 Ano’ng Nadarama Mo?
a Ang pagtuturo sa isang tao ay ang pagtulong sa kaniya na “mag-isip, makadama, o gumawi sa bago o naiibang paraan.” Ipinapaalala sa atin ng Mateo 28:19, taunang teksto para sa 2020, na mahalaga ang pagtuturo ng Bibliya sa mga tao at ang pagtulong sa kanila na maging bautisadong alagad ni Jesu-Kristo. Sa artikulong ito at sa kasunod nito, tatalakayin kung paano pa natin mapapahusay ang ating kakayahan sa napakahalagang gawaing ito.
b KARAGDAGANG PALIWANAG: Kung regular at sistematiko mong ipinapakipag-usap ang Bibliya sa isang tao, nagba-Bible study ka na. Puwede mo nang ireport iyon kapag dalawang beses na kayong nakapag-study matapos mong ipakita kung paano iyon ginagawa at kapag may dahilan ka para isiping magpapatuloy ang pag-aaral ninyo.
c Isinama rin sa magkasunod na artikulong ito ang mga mungkahi mula sa seryeng “Pagdaraos ng Progresibong mga Pag-aaral sa Bibliya,” na makikita sa Hulyo 2004 hanggang Mayo 2005 na mga isyu ng Ating Ministeryo sa Kaharian.
d Panoorin ang apat-na-minutong videong Turuan ang Estudyante na Maghanda. Sa JW Library®, magpunta sa MEDIA > AMING PULONG AT MINISTERYO > PAGPAPASULONG SA ATING KAKAYAHAN.
e Magpunta sa TURO NG BIBLIYA > PANTULONG SA PAG-AARAL NG BIBLIYA.
f Sa JW Library®, magpunta sa MEDIA > AMING PULONG AT MINISTERYO > PANTULONG SA MINISTERYO.