ARALING ARTIKULO 33
Binabantayan ni Jehova ang Bayan Niya
“Ang mata ni Jehova ay nagbabantay sa mga may takot sa kaniya.”—AWIT 33:18.
AWIT 4 “Si Jehova ang Aking Pastol”
NILALAMANa
1. Bakit hiniling ni Jesus kay Jehova na bantayan ang mga tagasunod niya?
NOONG gabi bago siya mamatay, may hiniling si Jesus sa kaniyang Ama sa langit. Hiniling niya kay Jehova na bantayan ang mga tagasunod niya. (Juan 17:15, 20) Lagi namang binabantayan ni Jehova ang kaniyang bayan—pinapangalagaan at pinoprotektahan niya sila. Pero alam ni Jesus na mapapaharap ang mga tagasunod niya sa matinding pagsalansang ni Satanas. Alam din ni Jesus na kailangan nila ang tulong ni Jehova para malabanan ang pag-atake ng Diyablo.
2. Ayon sa Awit 33:18-20, bakit hindi tayo dapat matakot sa mga pagsubok?
2 Maraming nararanasang problema ang mga tunay na Kristiyano ngayon dahil sa panggigipit ng sanlibutan ni Satanas. May mga pagsubok na nagpapahina ng loob natin at sumusubok pa nga sa katapatan natin kay Jehova. Pero gaya ng makikita natin sa artikulong ito, hindi tayo dapat matakot. Binabantayan tayo ni Jehova. Nakikita niya ang mga problemang pinagdaraanan natin, at gusto niya tayong tulungan. Tingnan natin ang dalawang halimbawa sa Bibliya na nagpapakitang “nagbabantay [si Jehova] sa mga may takot sa kaniya.”—Basahin ang Awit 33:18-20.
KAPAG NADARAMA NATING NAG-IISA TAYO
3. Sa anong mga pagkakataon puwede nating madama na nag-iisa tayo?
3 Kahit bahagi tayo ng malaking pamilya ng mananamba ni Jehova, baka maramdaman natin kung minsan na nag-iisa tayo. Halimbawa, baka maramdaman ng isang kabataan na nag-iisa siya kapag kailangan niyang ipaliwanag ang paniniwala niya sa mga kaklase niya sa paaralan o kapag lumipat siya ng ibang kongregasyon. Baka naman nalulungkot ang ilan sa atin at nade-depress kasi iniisip natin na nag-iisa tayo at walang karamay. Baka nag-aalangan tayong sabihin sa iba ang nararamdaman natin dahil natatakot tayo na baka hindi nila tayo maintindihan. Baka nga iniisip natin minsan kung talaga bang may nagmamalasakit sa atin. Kapag ganiyan ang nararamdaman natin, baka sobra tayong mag-alala at mawalan ng pag-asa. Ayaw ni Jehova na maramdaman natin iyan. Bakit natin nasabi iyan?
4. Bakit sinabi ni propeta Elias: “Ako na lang ang natitira”?
4 Tingnan ang halimbawa ng tapat na si Elias. Mahigit 40 araw na siyang tumatakas kay Jezebel kasi gusto siyang patayin nito. (1 Hari 19:1-9) Noong nag-iisa siya sa kuweba, sinabi niya kay Jehova: “Ako na lang ang [propeta na] natitira.” (1 Hari 19:10) May iba pang propeta sa lupain; iniligtas ni Obadias ang 100 propeta mula sa kamay ni Jezebel. (1 Hari 18:7, 13) Pero bakit naramdaman ni Elias na nag-iisa siya? Inisip ba niya na patay na ang lahat ng propetang iniligtas ni Obadias? Pakiramdam ba niya, nag-iisa siya kasi walang sumama sa kaniya sa paglilingkod kay Jehova kahit noong patunayan ni Jehova na siya ang tunay na Diyos sa Bundok Carmel? Inisip ba niya na walang nakakaalam na nanganganib ang buhay niya o kung may nagmamalasakit ba sa kaniya? Hindi sinabi ng ulat kung bakit ganoon ang naramdaman ni Elias. Pero nakakatiyak tayo na naiintindihan ni Jehova ang naramdaman ni Elias at alam niya kung paano ito tutulungan.
5. Paano tiniyak ni Jehova kay Elias na hindi siya nag-iisa?
5 Maraming ginawa si Jehova para tulungan si Elias. Pinasigla niya si Elias na sabihin ang niloloob nito. Dalawang beses niyang tinanong si Elias: “Ano ang ginagawa mo rito?” (1 Hari 19:9, 13) Sa bawat pagkakataon, nakinig na mabuti si Jehova kay Elias. Ipinadama ni Jehova kay Elias na kasama niya siya, at ipinakita niya rito ang kapangyarihan niya. Tiniyak din ni Jehova kay Elias na marami pang Israelita na sumasamba sa Kaniya. (1 Hari 19:11, 12, 18) Tiyak na gumaan ang loob ni Elias nang sabihin niya kay Jehova ang nilalaman ng puso niya at nang marinig niya ang sagot ni Jehova sa kaniya. Binigyan ni Jehova si Elias ng ilang mahahalagang atas. Inutusan niya si Elias na atasan si Hazael bilang hari ng Sirya, si Jehu bilang hari ng Israel, at si Eliseo bilang propeta. (1 Hari 19:15, 16) Ibinigay ni Jehova ang mga atas na ito kay Elias para tulungan siyang maging positibo. Binigyan din siya ng Diyos ng kasama, si Eliseo. Paano ka tinutulungan ni Jehova kapag nararamdaman mong nag-iisa ka?
6. Ano ang puwede mong ipanalangin kapag nararamdaman mong nag-iisa ka? (Awit 62:8)
6 Gusto ni Jehova na manalangin ka sa kaniya. Alam niya ang pinagdaraanan mo, at tinitiyak niya na pakikinggan niya ang panalangin mo anumang oras. (1 Tes. 5:17) Nalulugod siyang pakinggan ang mga mananamba niya. (Kaw. 15:8) Ano ang puwede mong ipanalangin kapag nararamdaman mong nag-iisa ka? Ibuhos kay Jehova ang laman ng puso mo gaya ng ginawa ni Elias. (Basahin ang Awit 62:8.) Sabihin sa kaniya ang mga álalahanín mo at kung ano ang epekto nito sa iyo. Hilingin kay Jehova na tulungan ka niya sa nararamdaman mo. Halimbawa, kung nararamdaman mong nag-iisa ka at natatakot kapag nagpapatotoo sa paaralan, humingi ng lakas ng loob kay Jehova para magawa ito. Puwede mo pa ngang hilingin sa kaniya na bigyan ka ng karunungan para mataktika mong maipaliwanag ang mga paniniwala mo. (Luc. 21:14, 15) Kung nade-depress ka naman o pinanghihinaan ng loob, hilingin kay Jehova na tulungan kang ipakipag-usap ito sa isang may-gulang na Kristiyano. Hilingin kay Jehova na sana ay maintindihan ng lalapitan mo ang nararamdaman mo. Sabihin kay Jehova ang niloloob mo, tingnan kung paano niya sasagutin ang panalangin mo, at tanggapin ang tulong ng iba. Kapag ginawa mo iyan, hindi mo na mararamdamang nag-iisa ka.
7. Ano ang natutuhan mo sa halimbawa ni Mauricio?
7 Lahat tayo ay binibigyan ni Jehova ng makabuluhang gawain. Makakatiyak ka na nakikita niya at pinapahalagahan ang lahat ng ginagawa mo para sa atas mo sa kongregasyon at sa ministeryo. (Awit 110:3) Kapag nararamdaman mong nag-iisa ka, paano makakatulong sa iyo ang pagiging abala sa mga gawaing ito? Tingnan ang halimbawa ng kabataang brother na si Mauricio.b Di-nagtagal, matapos ang bautismo niya, unti-unting iniwan ng isa niyang malapít na kaibigan ang katotohanan. “Nang makita kong iniwan niya si Jehova, natakot ako,” ang sabi ni Mauricio. “Naisip ko kung kaya ko bang tuparin ang pag-aalay ko at manatiling bahagi ng pamilya ni Jehova. Pakiramdam ko, nag-iisa ako at walang nakakaintindi sa nararamdaman ko.” Ano ang nakatulong kay Mauricio? “Pinalawak ko ang ministeryo ko,” sabi niya. “Dahil do’n, hindi na ako nakapokus sa sarili ko at sa negatibong damdamin ko. Hindi ko na nararamdamang nag-iisa ako at masaya ako habang gumagawang kasama ng iba sa ministeryo.” Oo, kahit hindi natin personal na nakakasama ang mga kapatid sa pangangaral, napapatibay tayo kapag kasama natin sila sa mga gawaing gaya ng letter writing at telephone witnessing. Ano pa ang nakatulong kay Mauricio? Sinabi pa niya: “Naging busy rin ako sa kongregasyon. Naghahanda akong mabuti para sa mga bahagi ko. Kapag may mga atas ako, nararamdaman kong pinapahalagahan ako ni Jehova at ng iba.”
KAPAG PARANG HINDI NA NATIN KAYA ANG MATITINDING PAGSUBOK
8. Paano puwedeng makaapekto sa atin ang matitinding pagsubok?
8 Alam nating makakaranas tayo ng mga pagsubok sa mga huling araw na ito. (2 Tim. 3:1) Pero baka dumating ito sa panahong hindi natin inaasahan. At baka ikagulat pa nga natin ang isang espesipikong pagsubok na dumating sa atin. Baka bigla tayong magkaroon ng problema sa pera, malalang sakit, o mamatayan ng mahal sa buhay. Sa ganitong mga panahon, baka ma-depress tayo at maramdaman nating hindi na natin kaya, lalo na kung sunod-sunod ang pagsubok o sabay-sabay pa nga. Pero tandaan natin na binabantayan tayo ni Jehova, at sa tulong niya, makakayanan natin ang anumang pagsubok.
9. Anong mga pagsubok ang naranasan ni Job?
9 Tingnan natin kung paano tinulungan ni Jehova ang tapat na si Job. Marami siyang dinanas na matitinding pagsubok. Sa loob lang ng isang araw, nabalitaan ni Job na ninakaw at pinatay ang lahat ng alaga niyang hayop. Pinatay rin ang mga tagapaglingkod niya. Ang mas masaklap pa, namatay rin ang mga anak niya. (Job 1:13-19) Hindi pa natatagalan, habang nagdadalamhati pa siya, nagkaroon si Job ng makirot at nakakapandiring sakit. (Job 2:7) Dahil sa tindi ng naranasan ni Job, sinabi niya: “Kinamumuhian ko ang buhay ko; ayoko nang mabuhay pa.”—Job 7:16.
10. Paano ibinigay ni Jehova ang mga kailangan ni Job para matiis niya ang mga pagsubok? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
10 Binabantayan ni Jehova si Job. Dahil mahal ni Jehova si Job, ibinigay Niya ang kailangan nito para matiis ang mga pagsubok at manatiling tapat. Nang kausapin ni Jehova si Job, ipinaalala niya rito ang kaniyang walang-hanggang karunungan at ang pag-ibig niya sa mga nilalang niya. Bumanggit siya ng maraming kahanga-hangang hayop. (Job 38:1, 2; 39:9, 13, 19, 27; 40:15; 41:1, 2) Ginamit din ni Jehova ang tapat na kabataang si Elihu para patibayin si Job. Tiniyak ni Elihu sa kaniya na laging pinagpapala ni Jehova ang mga mananamba Niya dahil sa pagtitiis nila. Pero pinakilos din ni Jehova si Elihu na maibiging payuhan si Job. Tinulungan ni Elihu si Job na huwag masyadong magpokus sa sarili niya. Ipinaalala niya kay Job na napakaliit natin kumpara kay Jehova, ang Maylalang ng uniberso. (Job 37:14) Binigyan din ni Jehova si Job ng isang atas—ang ipanalangin ang tatlong kasamahan niya na nagkasala. (Job 42:8-10) Paano tayo tinutulungan ni Jehova ngayon kapag nakakaranas tayo ng mahihirap na pagsubok?
11. Paano tayo mapapatibay ng mga teksto sa Bibliya kapag may mga pagsubok?
11 Hindi direktang nakikipag-usap sa atin si Jehova, gaya ng ginawa niya kay Job. Pero nakikipag-usap Siya sa atin sa pamamagitan ng Kaniyang Salita, ang Bibliya. (Roma 15:4) Para mapatibay tayo, binigyan niya tayo ng pag-asa sa hinaharap. Pag-isipan ang ilang teksto sa Bibliya na makapagpapatibay sa atin kapag may mga pagsubok. Tinitiyak sa atin ni Jehova na walang “makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig [niya]” kahit pa ang matitinding pagsubok. (Roma 8:38, 39) Tinitiyak din niya sa atin na “malapit [siya] sa lahat ng tumatawag sa kaniya” sa panalangin. (Awit 145:18) Sinasabi rin sa atin ni Jehova na kung aasa tayo sa kaniya, matitiis natin ang anumang pagsubok at magiging masaya pa nga kahit may pagdurusa. (1 Cor. 10:13; Sant. 1:2, 12) Ipinapaalala sa atin ng Salita ng Diyos na ang mga pagsubok ay pansamantala at panandalian lang kung ikukumpara sa walang-hanggang pagpapala na ibibigay ni Jehova sa atin. (2 Cor. 4:16-18) Binibigyan tayo ng pag-asa ni Jehova na aalisin niya ang dahilan ng lahat ng ating pagsubok—si Satanas na Diyablo at ang lahat ng tumutulad sa masasamang gawa niya. (Awit 37:10) May mga kabisado ka bang teksto na tutulong sa iyo na matiis ang mga pagsubok sa hinaharap?
12. Para lubusang makinabang sa Salita ni Jehova, ano ang inaasahan niyang gagawin natin?
12 Inaasahan ni Jehova na maglalaan tayo ng panahon para regular na pag-aralan ang Bibliya at bulay-bulayin ito. Kapag isinasabuhay natin ang mga natututuhan natin, lalong titibay ang pananampalataya natin at mas mapapalapít tayo sa ating Ama sa langit. Bilang resulta, magkakaroon tayo ng lakas para matiis ang mga pagsubok. Ibinibigay rin ni Jehova ang banal na espiritu niya sa mga umaasa sa kaniyang Salita. At mabibigyan tayo ng espiritung iyon ng “lakas na higit sa karaniwan” para matiis ang anumang pagsubok.—2 Cor. 4:7-10.
13. Paano nakakatulong sa atin ang mga espirituwal na pagkain na inilalaan ng “tapat at matalinong alipin” para matiis ang mga pagsubok?
13 Sa tulong ni Jehova, naglalaan ang “tapat at matalinong alipin” ng maraming artikulo, video, at musika na tutulong sa atin na magkaroon ng matibay na pananampalataya at manatiling gising sa espirituwal. (Mat. 24:45) Kailangan nating samantalahin ang mga paglalaang ito. Pinahalagahan ng isang sister na taga-United States ang lahat ng espirituwal na pagkaing ito. Sinabi niya: “Sa loob ng 40-taóng paglilingkod ko kay Jehova, paulit-ulit na nasubok ang katapatan ko sa kaniya.” Dumanas siya ng matitinding pagsubok—napatay ng lasing na driver ang lolo niya, namatay ang mga magulang niya dahil sa malubhang sakit, at dalawang beses siyang nakipaglaban sa kanser. Ano ang nakatulong sa kaniya na magtiis? Sinabi niya: “Laging nagmamalasakit sa akin si Jehova. Nakatulong sa akin ang mga espirituwal na pagkain na inilalaan ng tapat at matalinong alipin para makapagtiis. Kaya masasabi ko rin ang sinabi ni Job: ‘Mananatili akong tapat hanggang kamatayan!’”—Job 27:5.
14. Paano ginagamit ni Jehova ang mga kapatid para tulungan tayo sa panahon ng mga pagsubok? (1 Tesalonica 4:9)
14 Tinuruan ni Jehova ang bayan niya na mahalin at patibayin ang isa’t isa sa mahihirap na panahon. (2 Cor. 1:3, 4; basahin ang 1 Tesalonica 4:9.) Tinutularan ng mga kapatid natin si Elihu. Handa nila tayong tulungan na manatiling tapat kapag nakakaranas tayo ng mga problema. (Gawa 14:22) Tingnan kung paano pinatibay at tinulungan ng kongregasyon si Diane na manatiling malakas sa espirituwal nang magkasakit nang malubha ang asawa niya. Sinabi niya: “Napakahirap n’on. Pero naramdaman namin ang maibiging pangangalaga ni Jehova sa mahihirap na panahong iyon. Maraming ginawa ang kongregasyon para tulungan kami. Nakatulong sa aming makapagtiis ang mga pagbisita, mga tawag, at yakap ng mga kapatid. Dahil hindi ako nakakapagmaneho, tinitiyak ng mga kapatid na makakadalo ako sa pulong at makakasama sa pangangaral kung kaya ko.” Talagang isang pagpapala na maging bahagi ng isang espirituwal na pamilya na may pagmamahal sa isa’t isa!
PINAPASALAMATAN NATIN ANG MAIBIGING PANGANGALAGA NI JEHOVA
15. Bakit kumbinsido tayo na makakayanan natin ang mga pagsubok?
15 Lahat tayo ay dumaranas ng pagsubok. Pero gaya ng natutuhan natin, hindi natin kailangang solohin ang mga pagsubok. Gaya ng isang maibiging ama, lagi tayong binabantayan ni Jehova. Lagi natin siyang kasama, handang makinig kapag humihingi tayo ng tulong, at gustong-gusto niya tayong tulungan. (Isa. 43:2) Kumbinsido tayo na makakayanan natin ang mga pagsubok dahil ibinibigay niya ang lahat ng kailangan natin para makapagtiis. Ibinigay niya sa atin ang Bibliya, ang pribilehiyong manalangin, ang saganang espirituwal na pagkain, at ang maibiging mga kapatid para tulungan tayo sa panahon ng pangangailangan.
16. Paano tayo mananatili sa maibiging pangangalaga ni Jehova?
16 Laking pasasalamat natin na binabantayan tayo ng ating Ama sa langit! “Nagsasaya ang puso natin dahil sa kaniya.” (Awit 33:21) Maipapakita natin kay Jehova na pinapahalagahan natin ang maibiging pangangalaga niya kung sasamantalahin natin ang lahat ng paglalaan niya para tulungan tayo. Kailangan din nating gawin ang bahagi natin para manatili sa pangangalaga ng Diyos. Sa ibang salita, kung gagawin natin ang lahat para sundin siya at gagawin ang tama sa paningin niya, babantayan niya tayo magpakailanman!—1 Ped. 3:12.
AWIT 30 Aking Kaibigan, Diyos, at Ama
a Kailangan natin ang tulong ni Jehova para makayanan natin ang mga problema sa ngayon. Titiyakin sa atin ng artikulong ito na binabantayan ni Jehova ang bayan niya. Nakikita niya ang pinagdaraanan ng bawat isa sa atin, at inilalaan niya ang tulong na kailangan para makayanan natin ito.
b Binago ang ilang pangalan.