ARALING ARTIKULO 53
Mga Kabataang Brother—Sumulong at Maging Maygulang
“Magpakatatag ka at magpakalalaki.”—1 HARI 2:2.
AWIT BLG. 135 “Magpakarunong Ka, Anak Ko”
NILALAMANa
1. Ano ang dapat gawin ng mga brother?
IPINAYO ni Haring David kay Solomon: “Magpakatatag ka at magpakalalaki.” (1 Hari 2:1-3) Kailangan ding gawin iyan ng mga brother ngayon. Para magawa iyan, kailangan nilang sundin ang mga utos ng Diyos at isabuhay ang mga prinsipyo sa Bibliya. (Luc. 2:52) Bakit napakahalaga na sumulong at maging maygulang ang mga kabataang brother?
2-3. Bakit mahalagang sumulong at maging maygulang ang mga kabataang brother?
2 Mahalaga ang papel ng mga brother sa pamilya at sa kongregasyon. Mga kabataang brother, napag-isipan na ba ninyo kung anong mga pananagutan ang posibleng gampanan ninyo sa hinaharap? Baka goal ninyong maging payunir, ministeryal na lingkod, o elder sa kongregasyon. Baka gusto rin ninyong magkaroon ng asawa at mga anak. (Efe. 6:4; 1 Tim. 3:1) Para maabot ang mga goal na iyan at maging matagumpay, kailangan ninyong sumulong at maging maygulang.b
3 Ano ang tutulong sa inyo na maging maygulang? May mahahalagang kakayahan na kailangan ninyong matutuhan. Isa pa, paano kayo magiging handa at matagumpay sa mga magiging pananagutan ninyo sa hinaharap?
MGA DAPAT GAWIN PARA SUMULONG AT MAGING MAYGULANG
4. Saan ka makakahanap ng magagandang halimbawa na puwede mong tularan? (Tingnan din ang larawan.)
4 Tularan ang magagandang halimbawa. Maraming magagandang halimbawa sa Bibliya na dapat tularan ng mga kabataang brother. Minahal nila ang Diyos at humawak sila ng iba’t ibang pananagutan para pangalagaan ang mga lingkod niya. May mga brother din na mahusay na halimbawa sa loob ng pamilya at kongregasyon ninyo. (Heb. 13:7) At siyempre, nandiyan ang perpektong halimbawa ni Jesu-Kristo. (1 Ped. 2:21) Habang pinag-aaralan mo ang mga halimbawa nila, pag-isipan mo ang magaganda nilang katangian at kung paano mo sila matutularan.—Heb. 12:1, 2.
5. Paano ka magkakaroon ng kakayahang mag-isip, at bakit ito mahalaga? (Awit 119:9)
5 Magkaroon ng “kakayahang mag-isip.” (Kaw. 3:21) Ang taong may kakayahang mag-isip ay hindi padalos-dalos. Nag-iisip muna siya bago magdesisyon. Kaya sikapin mong magkaroon ng kakayahang mag-isip at panatilihin ito. Bakit? Kasi maraming kabataan ngayon ang nagdedesisyon base sa sarili nilang ideya. Nagpapadala naman ang iba sa damdamin nila. (Kaw. 7:7; 29:11) Malaki rin ang puwedeng maging impluwensiya sa iyo ng media at Internet. Kaya paano ka magkakaroon ng kakayahang mag-isip? Pag-aralan mo ang mga prinsipyo sa Bibliya at alamin kung bakit makakabuti sa iyo ang mga ito. Pagkatapos, sundin mo ang mga prinsipyong ito kapag gumagawa ka ng mga desisyon para mapasaya mo si Jehova. (Basahin ang Awit 119:9.) Mahalagang magkaroon ng kakayahang mag-isip para sumulong at maging maygulang ka. (Kaw. 2:11, 12; Heb. 5:14) Tingnan kung paano ito makakatulong sa iyo sa dalawang sitwasyon: (1) sa pakikitungo mo sa mga sister at (2) sa pananamit mo at hitsura.
6. Paano tutulong ang kakayahang mag-isip para makapagpakita ng respeto ang isang kabataang brother sa mga sister?
6 Tutulong ang kakayahang mag-isip para makapagpakita ka ng respeto sa mga babae. Normal lang na magkagusto ang isang kabataang brother sa isang sister. Pero kung may kakayahang mag-isip ang isang brother, hindi siya magsasabi, magme-message, o gagawa ng anuman na magpapahiwatig na may gusto siya sa isang sister na hindi naman niya planong ligawan at pakasalan. (1 Tim. 5:1, 2) Kung may kasintahan na ang isang brother, titiyakin niya na lagi silang may chaperone para maingatan niya ang magandang reputasyon ng sister.—1 Cor. 6:18.
7. Paano makakatulong ang kakayahang mag-isip sa isang brother kapag nagdedesisyon tungkol sa pananamit at hitsura niya?
7 Maipapakita rin ng isang kabataang brother ang kakayahang mag-isip kung maayos ang pananamit at hitsura niya. Kadalasan na, ang mga style ngayon ay dinidisenyo at pinapauso ng mga taong walang paggalang kay Jehova at namumuhay nang imoral. Kaya ang pananamit nila ay hapit na hapit o pinagmumukha nilang babae ang mga lalaki. Kapag pumipili ng damit ang isang kabataang brother na sumusulong na sa pagiging maygulang, iniisip niya ang mga prinsipyo sa Bibliya at ang magagandang halimbawa sa kongregasyon. Puwede niyang itanong sa sarili: ‘Ipinapakita ba ng damit na ito na may matino akong pag-iisip at na nirerespeto ko ang iba? Kung isusuot ko ito, ituturing ba nila ako na lingkod ng Diyos?’ (1 Cor. 10:31-33; Tito 2:6) Kung may kakayahang mag-isip ang isang kabataang brother, makukuha niya ang respeto ng mga kapatid at ni Jehova mismo.
8. Ano ang tutulong sa isang kabataang brother na maging maaasahan?
8 Maging maaasahan. Ginagampanang mabuti ng isang maaasahang brother ang lahat ng responsibilidad niya. (Luc. 16:10) Pag-isipan ang perpektong halimbawa ni Jesus. Kahit kailan, hindi siya naging iresponsable. Ginampanan niya ang lahat ng atas na ibinigay ni Jehova sa kaniya, kahit mahirap ito. Mahal niya ang mga tao—lalo na ang mga alagad niya—at handa pa nga niyang ibigay ang buhay niya para sa kanila. (Juan 13:1) Gaya ni Jesus, sikapin mong gampanan ang lahat ng atas na ibinigay sa iyo. Kung hindi ka sigurado kung paano gagampanan iyon, maging mapagpakumbaba at humingi ng tulong sa mga may-gulang na brother. Huwag makontento na basta masabing may nagagawa ka kahit paano. (Roma 12:11) Tapusin mo ang atas mo. ‘Gawin mo ito para kay Jehova, at hindi sa mga tao.’ (Col. 3:23) Siyempre, hindi ka perpekto, kaya maging mapagpakumbaba at tanggapin ang mga pagkakamali mo.—Kaw. 11:2.
MATUTO NG KAPAKI-PAKINABANG NA MGA KAKAYAHAN
9. Bakit dapat matuto ang mga kabataang brother ng kapaki-pakinabang na mga kakayahan?
9 Para maging maygulang, kailangan mong matuto ng kapaki-pakinabang na mga kakayahan. Tutulong iyan sa iyo na magampanan ang mga responsibilidad na ibibigay sa iyo sa kongregasyon. Tutulong din iyan para magkaroon ka ng trabaho na susuporta sa iyo o sa pamilya mo at ng magandang kaugnayan sa iba. Ano ang ilang mahahalagang kakayahan na dapat mong matutuhan?
10-11. Kung mahusay magbasa at magsulat ang isang kabataang brother, paano siya makikinabang at ang kongregasyon? (Awit 1:1-3) (Tingnan din ang larawan.)
10 Maging mahusay sa pagbabasa at pagsusulat. Sinasabi ng Bibliya na maligaya at matagumpay ang taong nagbabasa ng Salita ng Diyos araw-araw at nagbubulay-bulay dito. (Basahin ang Awit 1:1-3.) Kapag binabasa mo ang Bibliya araw-araw, malalaman mo ang kaisipan ni Jehova, at tutulong ito sa iyo na magkaroon ng tamang pananaw sa buhay. (Kaw. 1:3, 4) Kailangan ang ganiyang mga lalaki sa kongregasyon. Bakit?
11 Kailangan ng mga kapatid ng mahuhusay na brother na magtuturo at magpapayo sa kanila mula sa Bibliya. (Tito 1:9) Kung mahusay kang magbasa at magsulat, makakapaghanda ka ng magaganda at nakakapagpatibay na mga pahayag at komento. Makakapagsulat ka rin ng magagandang punto habang nag-aaral ka at nakikinig sa mga pulong, asamblea, at kombensiyon. Puwedeng makatulong sa iyo at sa iba ang mga puntong naisulat mo.
12. Ano ang tutulong sa iyo na maging mahusay sa pakikipag-usap?
12 Maging mahusay sa pakikipag-usap. Dapat matutong makipag-usap nang mahusay ang isang brother. Ibig sabihin, kailangan niyang pakinggan at maintindihan ang nararamdaman at iniisip ng iba. (Kaw. 20:5) Mahahalata niya ito sa tono ng boses, ekspresyon ng mukha, at ikinikilos ng kausap niya. Siyempre, para magawa mo iyan, kailangan mong maglaan ng panahon para sa ibang tao. Pero hihina ang kakayahan mong makipag-usap nang personal kung lagi ka lang nakikipag-usap gamit ang gadget, halimbawa, sa email o text. Kaya sikaping makahanap ng mga pagkakataon para makausap nang personal ang ibang tao.—2 Juan 12.
13. Ano pa ang dapat matutuhan ng isang kabataang brother? (1 Timoteo 5:8) (Tingnan din ang larawan.)
13 Matutong kumita. Dapat na alam ng isang may-gulang na brother kung paano susuportahan ang sarili niya at ang pamilya niya. (Basahin ang 1 Timoteo 5:8.) Sa ilang bansa, natutuhan ng ilang brother ang trabaho nila mula sa tatay nila o sa ibang kamag-anak. Sa ibang bansa naman, natututo ng skill ang mga kabataan habang nasa high school. Anuman ang sitwasyon mo, maganda na may matutuhan kang skill para makapagtrabaho ka. (Gawa 18:2, 3; 20:34; Efe. 4:28) Maging masipag at tapusin ang mga kailangan mong gawin. Tutulong iyan para makahanap ka ng trabaho at mapanatili ito. Ang mga katangian at kakayahang tinalakay natin ay tutulong din sa isang brother na magampanan ang mga magiging responsibilidad niya sa hinaharap. Pag-usapan natin ang ilan sa mga pananagutang ito.
MAGING HANDA SA MGA RESPONSIBILIDAD
14. Paano makakapaghanda ang isang kabataang brother na maging buong-panahong lingkod?
14 Buong-panahong lingkod. Maraming may-gulang na brother ang nagsimula sa buong-panahong paglilingkod noong kabataan pa sila. Sa pagpapayunir, matututo ang isang kabataang brother na makisama sa iba’t ibang uri ng tao. Matututo rin siyang mag-budget. (Fil. 4:11-13) Bago pumasok sa buong-panahong paglilingkod, magandang mag-auxiliary pioneer muna. Marami ang nag-auxiliary pioneer nang ilang panahon, at nakatulong iyon para maging handa sila na maging regular pioneer. Kapag payunir ka na, maraming uri ng buong-panahong paglilingkod ang bukás sa iyo, gaya ng pagiging construction servant o Bethelite.
15-16. Ano ang makakatulong sa isang kabataang brother na maging ministeryal na lingkod o elder?
15 Ministeryal na lingkod o elder. Dapat na maging goal ng mga brother na maglingkod bilang elder para makatulong sila sa mga kapatid. Sinasabi ng Bibliya na “magandang tunguhin iyan.” (1 Tim. 3:1) Bago maging elder ang isang brother, dapat na maging kuwalipikado muna siya na maging ministeryal na lingkod. Tumutulong ang mga ministeryal na lingkod sa mga elder sa iba’t ibang paraan. Mapagpakumbabang naglilingkod sa mga kapatid ang mga elder at ministeryal na lingkod, at masigasig sila sa ministeryo. Puwede nang maging ministeryal na lingkod ang mga brother kahit nasa huling bahagi pa lang sila ng pagiging tin-edyer. At kahit nasa early 20’s pa lang ang isang mahusay na ministeryal na lingkod, puwede na siyang maging elder.
16 Paano ka magiging kuwalipikado sa mga pribilehiyong ito? Walang formula. Pero nakabase ang mga kuwalipikasyong ito sa Bibliya at sa pag-ibig mo kay Jehova, sa pamilya mo, at sa kongregasyon. (1 Tim. 3:1-13; Tito 1:6-9; 1 Ped. 5:2, 3) Unawain mong mabuti ang bawat kuwalipikasyon, at ipanalangin kay Jehova na tulungan kang maabot ang mga iyon.c
17. Paano magiging handa ang isang kabataang brother na maging asawa at ulo ng pamilya? (Tingnan din ang larawan.)
17 Asawa at ulo ng pamilya. Gaya ng ipinahiwatig ni Jesus, may ilang may-gulang na Kristiyanong lalaki na mananatiling walang asawa. (Mat. 19:12) Pero kung mag-aasawa ka, magkakaroon ka ng karagdagang pananagutan bilang asawa at ulo ng pamilya. (1 Cor. 11:3) Inaasahan ni Jehova sa isang brother na mahalin ang asawa niya at ilaan ang pisikal, emosyonal, at espirituwal na pangangailangan nito. (Efe. 5:28, 29) Makakatulong sa iyo ang mga katangian at kakayahan na tinalakay kanina, gaya ng kakayahang mag-isip, respeto sa mga babae, at pagiging maaasahan, para maging mabuting asawa. Tutulong iyan para maging handa kang gampanan ang pananagutan mo bilang asawa at ulo ng pamilya.
18. Paano magiging handa ang isang kabataang brother sa pananagutan ng isang tatay?
18 Tatay. Kapag nag-asawa ka na, puwede kang magkaroon ng anak. Ano ang matututuhan mo kay Jehova sa pagiging mabuting ama? Marami. (Efe. 6:4) Hayagang sinabi ni Jehova sa Anak niyang si Jesus na mahal Niya siya at sinasang-ayunan. (Mat. 3:17) Kung sakaling magkaroon ka ng mga anak, lagi mong sabihin at ipadama sa kanila na mahal mo sila. Lagi mo silang purihin sa magagandang bagay na nagagawa nila. Kung tutularan ng mga tatay si Jehova, matutulungan nila ang mga anak nila na maging mahuhusay na Kristiyano. Magiging handa ka sa pananagutang ito kung ngayon pa lang, mamahalin mo na ang mga kapamilya at kakongregasyon mo at sasabihin mo sa kanila na mahal mo sila at pinapahalagahan. (Juan 15:9) Tutulong iyan sa iyo na magampanan ang magiging pananagutan mo kapag may asawa at anak ka na. Pero ngayon pa lang, makakapaglingkod ka na nang husto kay Jehova at magiging pagpapala ka sa pamilya at kongregasyon mo.
ANO ANG GAGAWIN MO NGAYON?
19-20. Ano ang tutulong sa mga kabataang brother na sumulong at maging may-gulang na Kristiyano? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
19 Mga kabataang brother, hindi awtomatiko ang pagiging may-gulang na Kristiyano. Kailangan mong tularan ang magagandang halimbawa, magkaroon ng kakayahang mag-isip, maging maaasahan, matuto ng mga skill sa trabaho, at maging handa sa mga responsibilidad.
20 Baka maisip mo kung minsan na napakahirap pasulungin ng mga katangian at kakayahang ito. Pero magagawa mo iyan. Tandaan na gustong-gusto kang tulungan ni Jehova. (Isa. 41:10, 13) Nandiyan din ang mga kapatid sa kongregasyon para alalayan ka. Kapag naabot mo ang potensiyal mo at naging may-gulang na Kristiyano ka, magiging masaya at makabuluhan ang buhay mo. Mahal namin kayo, mga kabataang brother! Pagpalain sana kayo ni Jehova habang nagsisikap kayong sumulong at maging may-gulang na Kristiyano.—Kaw. 22:4.
AWIT BLG. 65 Sulong Na!
a Kailangan ang mga may-gulang na brother sa kongregasyon. Tatalakayin sa artikulong ito kung paano susulong at magiging maygulang ang mga kabataang brother.
b Tingnan ang “Karagdagang Paliwanag” sa naunang artikulo.
c Tingnan ang Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova, kab. 5-6.