Unang Liham sa mga Taga-Corinto
11 Tularan ninyo ako, kung paanong tinutularan ko si Kristo.+
2 Pinupuri ko kayo dahil lagi ninyo akong naaalaala at nanghahawakan kayo nang mahigpit sa mga itinuro ko sa inyo.+ 3 Pero gusto kong malaman ninyo na ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo;+ ang ulo ng babae ay ang lalaki;+ at ang ulo ng Kristo ay ang Diyos.+ 4 Ang bawat lalaki na nananalangin o nanghuhula na may anumang bagay sa ulo niya ay humihiya sa kaniyang ulo; 5 pero ang bawat babae na nananalangin o nanghuhula+ nang walang lambong ang ulo ay humihiya sa kaniyang ulo, dahil para na rin siyang babaeng ahit ang ulo. 6 Dahil kung hindi naglalambong* ang isang babae, magpagupit na rin siya; pero kung kahiya-hiya na magupitan o maahitan ang isang babae, dapat siyang maglambong.
7 Ang isang lalaki ay hindi dapat maglambong,* dahil siya ay larawan at kaluwalhatian ng Diyos,+ samantalang ang babae ay kaluwalhatian ng lalaki. 8 Dahil ang lalaki ay hindi nanggaling sa babae, kundi ang babae ang nagmula sa lalaki.+ 9 Isa pa, ang lalaki ay hindi nilalang* alang-alang sa babae, kundi ang babae alang-alang sa lalaki.+ 10 Kaya naman ang babae ay dapat magkaroon ng tanda ng awtoridad sa ulo niya, dahil sa mga anghel.+
11 Bukod diyan, sa kaayusan ng Panginoon, walang babae kung walang lalaki at walang lalaki kung walang babae. 12 Dahil kung paanong ang babae ay nagmula sa lalaki,+ ang lalaki naman ay ipinanganak ng babae; pero ang lahat ng bagay ay nagmula sa Diyos.+ 13 Kayo ang humatol: Tama bang manalangin sa Diyos ang isang babae nang hindi nakalambong? 14 Hindi ba natural lang isipin na kahiya-hiya ang isang lalaki kapag mahaba ang buhok niya? 15 Pero kung babae ang may mahabang buhok, kaluwalhatian ito sa kaniya. Dahil ang buhok niya ang ibinigay sa kaniya sa halip na isang lambong. 16 Pero kung ipagpilitan ng isang tao ang ibang kaugalian, sabihin mo sa kaniya na ito lang ang kaugalian natin at ng mga kongregasyon ng Diyos.
17 Pero habang ibinibigay ko ang mga tagubiling ito, hindi ko kayo pinupuri, dahil nagtitipon kayo para sa ikasasama at hindi sa ikabubuti. 18 Halimbawa, nabalitaan ko* na kapag nagtitipon kayo sa kongregasyon, may pagkakabaha-bahagi sa gitna ninyo;+ at mukhang may katotohanan nga iyon. 19 Tiyak na magkakaroon din ng mga sekta sa gitna ninyo,+ at sa gayon ay makikilala ang mga taong may pagsang-ayon ng Diyos.+
20 Kapag nagtitipon kayo sa isang lugar, hindi naman talaga kayo nagtitipon para sa Hapunan ng Panginoon.+ 21 Dahil kapag kakainin na ninyo ito, may mga nauna nang kumain ng sarili nilang hapunan, kaya ang iba ay gutom, pero ang iba naman ay lasing. 22 Wala ba kayong sariling bahay para doon kumain at uminom? Wala ba kayong respeto sa kongregasyon ng Diyos at gusto ninyong hiyain ang mahihirap? Ano ang sasabihin ko sa inyo? Papuri? Hindi ko kayo pupurihin.
23 Dahil ang itinuturo ko sa inyo ay galing sa Panginoon. Noong gabing+ pagtataksilan ang Panginoong Jesus, kumuha siya ng tinapay, 24 at nang makapagpasalamat, pinagpira-piraso niya ito at sinabi: “Sumasagisag ito sa aking katawan+ na ibibigay ko alang-alang sa inyo. Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.”+ 25 Gayon din ang ginawa niya sa kopa+ pagkatapos nilang maghapunan. Sinabi niya: “Ang kopang ito ay sumasagisag sa bagong tipan+ na magkakabisa sa pamamagitan ng aking dugo.+ Patuloy ninyong gawin ito, at sa tuwing iinumin ninyo ito, alalahanin ninyo ako.”+ 26 Dahil sa tuwing kakainin ninyo ang tinapay na ito at iinuman ang kopang ito, patuloy ninyong inihahayag ang kamatayan ng Panginoon,+ hanggang sa dumating siya.
27 Dahil dito, ang sinumang kumakain ng tinapay o umiinom sa kopa ng Panginoon nang di-karapat-dapat ay magkakasala may kinalaman sa katawan at dugo ng Panginoon. 28 Suriin muna ng isang tao ang sarili niya at tiyaking karapat-dapat siya,+ at pagkatapos ay puwede na siyang kumain ng tinapay at uminom sa kopa. 29 Dahil siya na kumakain at umiinom pero hindi nakauunawa sa katawan ay nagdadala ng hatol sa sarili niya. 30 Iyan ang dahilan kung bakit marami sa inyo ang mahina at may sakit, at marami ang namatay na.+ 31 Pero kung masusuri natin kung ano talaga tayo, hindi tayo mahahatulan. 32 Gayunman, kapag hinatulan tayo, dinidisiplina tayo ni Jehova+ para hindi tayo mahatulan kasama ng sanlibutan.+ 33 Dahil dito, mga kapatid ko, kapag nagtitipon kayo para kainin ito, maghintayan kayo. 34 Kung may gutom sa inyo, kumain siya sa bahay, para hindi siya mahatulan kapag nagtitipon kayo.+ Pero ang iba pang bagay ay aayusin ko pagdating ko diyan.