Malalakas na Lindol—Ano ang Inihula ng Bibliya Tungkol Dito?
Taon-taon, napakaraming beses lumilindol. Karamihan sa mga ito ay mahihina, pero may malalakas na lindol rin na nagdudulot ng malaking pinsala, pagdurusa, at kamatayan. Minsan, lumilikha pa nga ang mga ito ng mga tsunami na pumipinsala sa mga lugar na nasa mga baybayin. At marami ring namamatay dahil dito. Inihula ba ng Bibliya ang malalakas na lindol?
Sa artikulong ito
Inihula ba ng Bibliya ang mga lindol?
Binanggit ng Bibliya ang mga lindol sa hula ni Jesus. Mababasa natin iyan sa tatlong aklat sa Bibliya, gaya ng sumusunod:
“Maglalabanan ang mga bansa at mga kaharian, at magkakaroon ng taggutom at lindol sa iba’t ibang lugar.”—Mateo 24:7.
“Maglalabanan ang mga bansa at mga kaharian; lilindol sa iba’t ibang lugar; magkakaroon din ng taggutom.”—Marcos 13:8.
“Magkakaroon ng malalakas na lindol, gayundin ng mga epidemya at taggutom sa iba’t ibang lugar.”—Lucas 21:11.
Inihula ni Jesus na magkakaroon ng “malalakas na lindol” sa “iba’t ibang lugar” at kasabay nito, may mangyayari ding mga digmaan, taggutom, at mga epidemya. Kapag sabay-sabay nang nangyayari iyan, ipinapakita nito na nabubuhay na tayo sa “katapusan ng sistemang ito,” o “mga huling araw.” (Mateo 24:3; 2 Timoteo 3:1) Base sa Bibliya, nagsimula na noong 1914 ang “mga huling araw” at hindi pa ito tapós.
Katuparan ba ng hula sa Bibliya ang mga lindol ngayon?
Oo. Kitang-kita natin na nangyayari na sa panahon natin ang mga inihula ni Jesus kasama na ang mga lindol. Mula noong 1914, nagkaroon na ng mahigit 1,950 malalakas na lindol. Kapag pinagsama-sama ang bilang ng namatay sa mga ito, aabot iyon nang mahigit sa dalawang milyong tao.a Tingnan natin ang ilan sa mga ito.
2004—Indian Ocean. Isang 9.1 magnitude na lindol ang nagdulot ng tsunami sa maraming bansa at pumatay ng mga 225,000 tao.
2008—China. Isang 7.9 magnitude na lindol ang sumira ng mga nayon at bayan at tinatayang pumatay ng 90,000 tao, at mga 375,000 ang sugatán. Milyon-milyon din ang nawalan ng tirahan.
2010—Haiti. Isang 7.0 magnitude na lindol na sinundan ng malalakas na aftershock ang pumatay ng mahigit 300,000 tao at milyon-milyon ang nawalan ng tirahan.
2011—Japan. Isang 9.0 magnitude na lindol na nagdulot ng mga tsunami ang pumatay ng mga 18,500 tao, at libo-libo ang lumikas. Nasira ang Fukushima power plant na naging dahilan ng pagtagas ng mapaminsalang radiation. Kahit 10 taon na ang nakakalipas, hindi pa rin nakakabalik ang mga 40,000 tao sa tirahan nila malapit sa planta dahil napakataas pa rin ng level ng radiation doon.
Ano ang dapat na maging epekto sa atin ng mga lindol na inihula sa Bibliya?
Tinutulungan tayo ng hula ng Bibliya tungkol sa lindol na malaman kung ano ang malapit nang mangyari sa hinaharap. Sinabi ni Jesus: “Kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga ito, makakatiyak kayong malapit na ang Kaharian ng Diyos.”—Lucas 21:31.
Ipinapaliwanag ng Bibliya na totoong gobyerno sa langit ang Kaharian ng Diyos, at si Jesu-Kristo ang Hari nito. Ang Kahariang ito ang itinuro ni Jesus sa mga tagasunod niya na dapat nilang ipanalangin.—Mateo 6:10.
Kapag namahala na sa lupa ang Kaharian ng Diyos, kokontrolin ng Diyos ang likas na mga sakuna, kasama na ang lindol, para hindi na ito makapaminsala sa tao. (Isaias 32:18) Aalisin din niya ang pisikal at emosyonal na pinsalang idinulot ng mga lindol ngayon. (Isaias 65:17; Apocalipsis 21:3, 4) Para sa higit pang impormasyon, basahin ang artikulong “Ano ang Gagawin ng Kaharian ng Diyos?”
a Ang mga datos ay mula sa Global Significant Earthquake Database na kumukuha ng impormasyon sa United States National Geophysical Data Center.