Ano ang Bautismo?
Ang sagot ng Bibliya
Ang bautismo ay paglulubog sa tubig.a Maraming ulat ng bautismo sa Bibliya. (Gawa 2:41) Isa na rito ang bautismo ni Jesus, kung saan lumubog siya sa Ilog Jordan. (Mateo 3:13, 16) Makalipas ang ilang taon, binautismuhan ang isang Etiope sa “isang lugar na may tubig” malapit sa daang nilalakbay niya.—Gawa 8:36-40.
Itinuro ni Jesus na kailangang mabautismuhan ang mga tagasunod niya. (Mateo 28:19, 20) Iyan din ang idiniin ni apostol Pedro sa sulat niya.—1 Pedro 3:21.
Sa artikulong ito
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa binyag o pagbabautismo sa mga sanggol?
Ano ang ibig sabihin ng bautismo sa pangalan ng Ama, Anak, at banal na espiritu?
Ano ang ibig sabihin ng bautismo?
Kapag nagpabautismo ang isa, ipinapakita niya sa mga tao na nagsisi na siya sa mga kasalanan niya at nangangako siyang tutuparin niya ang kalooban ng Diyos anuman ang mangyari. Kasama rito ang laging pagsunod sa Diyos at kay Jesus sa lahat ng desisyon niya sa buhay. Kapag nabautismuhan na ang isang tao, may pag-asa na siyang mabuhay magpakailanman.
Ang paglubog sa tubig ay napakagandang paghahambing sa mga ginawang pagbabago ng isang tao. Bakit? Ikinumpara ng Bibliya ang bautismo sa paglilibing. (Roma 6:4; Colosas 2:12) Kapag lumubog sa tubig ang isang tao, para siyang namatay sa dati niyang pamumuhay. At kapag umahon na siya, nagsimula na ang bago niyang buhay bilang isang nakaalay na Kristiyano.
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa binyag o pagbabautismo sa mga sanggol?
Walang mababasang “binyagán” at “pagbibinyag” sa Bibliya.b Hindi rin nito itinuturo na dapat magpabautismo ang mga sanggol.
Ang pagbabautismo sa mga sanggol ay hindi nakabase sa mga itinuturo ng Bibliya. Sinasabi kasi nito na may mga dapat gawin ang isang tao para mabautismuhan. Halimbawa, dapat naiintindihan niya ang mga basic na turo ng Salita ng Diyos at namumuhay ayon sa mga natututuhan niya. Nagsisi na siya sa mga kasalanan niya. At inialay na niya ang buhay niya sa Diyos sa panalangin. (Gawa 2:38, 41; 8:12) Hindi iyan kayang gawin ng mga sanggol.
Ano ang ibig sabihin ng bautismo sa pangalan ng Ama, Anak, at banal na espiritu?
Iniutos ni Jesus sa mga tagasunod niya na “gumawa ng mga alagad . . . , na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, at itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Ang pananalitang “sa pangalan ng” ay nangangahulugang kinikilala ng taong binabautismuhan ang awtoridad at posisyon ng Ama at ng Anak, pati na ang nagagawa ng banal na espiritu ng Diyos. Halimbawa, sinabi ni apostol Pedro sa isang lalaking pilay mula pagkapanganak: “Sa ngalan ni Jesu-Kristo na Nazareno, lumakad ka!” (Gawa 3:6) Malinaw na kinilala ni Pedro ang awtoridad ni Kristo, at na si Jesus ang nagpagaling sa lalaki.
“Ang Ama” ay ang Diyos na Jehova.c Dahil siya ang Maylalang, Tagapagbigay-Buhay, at Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat, si Jehova ang may pinakamataas na awtoridad.—Genesis 17:1; Apocalipsis 4:11.
“Ang Anak” ay si Jesu-Kristo, na nagbigay ng buhay niya para sa atin. (Roma 6:23) Hindi tayo maliligtas kung hindi natin kikilalanin at papahalagahan ang mahalagang papel ni Jesus sa layunin ng Diyos para sa mga tao.—Juan 14:6; 20:31; Gawa 4:8-12.
“Ang banal na espiritu” ay ang aktibong puwersa o kapangyarihan ng Diyos.d Ginamit niya ang banal na espiritu para lumalang, magbigay ng buhay, maihatid ang mensahe niya sa mga propeta at iba pa, at para bigyan sila ng lakas para gawin ang kalooban niya. (Genesis 1:2; Job 33:4; Roma 15:18, 19) Ginamit din niya ang banal na espiritu para gabayan ang mga tao na isulat ang kaisipan niya, ang Bibliya.—2 Pedro 1:21.
Kasalanan ba ang magpabautismo ulit?
Maraming tao ang nagpapalit ng relihiyon. Pero paano kung nabautismuhan na sila sa dati nilang relihiyon? Kasalanan ba kung magpapabautismo sila ulit? Sabi ng ilan, “Oo.” Iyan daw kasi ang sinasabi ng Efeso 4:5: “Iisang Panginoon, iisang pananampalataya, iisang bautismo.” Pero hindi iyan ang ibig sabihin ng Efeso 4:5. Bakit?
Konteksto. Sa konteksto ng Efeso 4:5, idinidiin ni apostol Pablo na dapat magkaisa ang mga tunay na Kristiyano sa paniniwala at pananampalataya. (Efeso 4:1-3, 16) Mangyayari lang ito kung si Jesu-Kristo lang ang Panginoon na susundin nila; iisa ang pananampalataya, o unawa nila sa mga turo ng Bibliya; at iisa ang sinusunod nilang mga kahilingan sa bautismo, na nakabase sa Bibliya.
Sinabihan ni apostol Pablo ang ilan sa mga nabautismuhan na na magpabautismo ulit. Bakit? Kasi nabautismuhan sila noon nang hindi pa lubos na naiintindihan ang mga turo ni Jesus.—Gawa 19:1-5.
Tamang basehan ng pagpapabautismo. Para tanggapin ng Diyos, dapat nakabase ang bautismo sa tumpak na kaalaman sa katotohanan ng Bibliya. (1 Timoteo 2:3, 4) Kung ang sinusunod na turo ng isang tao ay iba sa sinasabi ng Bibliya at nagpabautismo siya, hindi tatanggapin ng Diyos ang bautismo niya. (Juan 4:23, 24) Kahit seryoso at mula sa puso ang ginawa niya, hindi pa rin siya nagpabautismo “ayon sa tumpak na kaalaman.” (Roma 10:2) Kaya para tanggapin ito ng Diyos, kailangan niyang malaman ang tamang mga turo ng Bibliya, isabuhay ang mga natutuhan niya, ialay ang buhay niya sa Diyos, at magpabautismo ulit. Sa ganitong sitwasyon, hindi kasalanan na magpabautismo ulit. At ang totoo, iyon ang tamang gawin.
Iba pang bautismo sa Bibliya
May mga bautismo sa Bibliya na may ibang kahulugan. Ito ang ilang halimbawa:
Pagbautismo ni Juan Bautista.e Nagpabautismo ang mga Judio at Judiong proselita kay Juan para ipakitang nagsisi na sila sa mga kasalanan nila kasi hindi nila nasunod ang Kautusang Mosaiko—ang Kautusang ibinigay ng Diyos kay Moises para sa mga Israelita. Inihanda sila ng bautismong ginawa ni Juan para kilalanin at tanggapin ang Mesiyas, si Jesus ng Nazaret.—Lucas 1:13-17; 3:2, 3; Gawa 19:4.
Bautismo ni Jesus. Iba ang pagpapabautismo ni Jesus. Perpekto siya at walang nagawang kasalanan. (1 Pedro 2:21, 22) Kaya hindi niya kailangang magsisi o ‘humiling sa Diyos ng isang malinis na konsensiya’ para mabautismuhan. (1 Pedro 3:21) Nagpabautismo siya para ipakita sa Diyos na handa siyang gawin ang kalooban Niya bilang Mesiyas, o Kristo. Kasama na rito ang pagbibigay ng buhay niya para sa atin.—Hebreo 10:7-10.
Bautismo sa banal na espiritu. Binanggit ni Juan Bautista ang tungkol sa bautismo sa pamamagitan ng banal na espiritu at sinabi naman ni Jesus ang tungkol sa bautismo sa banal na espiritu. (Mateo 3:11; Lucas 3:16; Gawa 1:1-5) Pero hindi pareho ang mga ito sa bautismo sa pangalan ng banal na espiritu. (Mateo 28:19) Bakit?
Iilan lang sa mga tagasunod ni Jesus ang mababautismuhan sa banal na espiritu. Pinahiran sila ng banal na espiritu para maglingkod kasama ni Jesus sa langit bilang mga hari at saserdote.f (1 Pedro 1:3, 4; Apocalipsis 5:9, 10) Pamamahalaan nila ang milyon-milyong tagasunod ni Jesus sa lupa na may pag-asang mabuhay nang walang hanggan sa Paraiso.—Mateo 5:5; Lucas 23:43.
Binautismuhan kay Kristo Jesus at sa kaniyang kamatayan. Ang mga binautismuhan sa banal na espiritu ay “binautismuhan [din] kay Kristo Jesus.” (Roma 6:3) Kaya para lang ito sa mga pinahirang tagasunod ni Jesus, na makakasama niya sa langit. Dahil binautismuhan sila kay Jesus, bahagi na sila ng pinahirang kongregasyon. Si Jesus ang Ulo, at sila ang katawan.—1 Corinto 12:12, 13, 27; Colosas 1:18.
Ang mga pinahirang Kristiyano rin ay “binautismuhan sa kaniyang [Jesus] kamatayan.” (Roma 6:3, 4) Tinutularan nila si Jesus kasi nagpopokus sila sa pagsunod sa Diyos at alam nilang hindi sila mabubuhay nang walang hanggan sa lupa. Matatapos ang bautismo nila sa kamatayan ni Jesus kapag namatay na sila at binuhay muli sa langit bilang mga espiritung nilalang.—Roma 6:5; 1 Corinto 15:42-44.
Bautismo sa pamamagitan ng apoy. Sinabi ni Juan Bautista: “[Si Jesus] ay magbabautismo sa inyo sa pamamagitan ng banal na espiritu at ng apoy. Hawak niya ang kaniyang palang pantahip, at lilinisin niyang mabuti ang giikan niya at titipunin sa kamalig ang kaniyang trigo, pero ang ipa ay susunugin niya sa apoy na hindi mapapatay.” (Mateo 3:11, 12) Pansinin na magkaiba ang bautismo sa pamamagitan ng apoy at bautismo sa pamamagitan ng banal na espiritu. Ano ang ibig sabihin ng ilustrasyong ito ni Juan?
Ang trigo ay lumalarawan sa mga nakikinig at sumusunod kay Jesus. May pag-asa silang mabautismuhan sa pamamagitan ng banal na espiritu. Ang ipa naman ay lumalarawan sa mga hindi nakikinig kay Jesus. Mababautismuhan sila sa pamamagitan ng apoy, o mapupuksa sila.—Mateo 3:7-12; Lucas 3:16, 17.
a Ang Griegong salita para sa “bautismo” ay tumutukoy sa “pagpunta, paglubog, at pag-ahon sa tubig,” ayon sa Vine’s Complete Expository Dictionary of Old and New Testament Words.
b Ang “pagbibinyag” ay tumutukoy sa isang seremonyang ginagawa ng ilang simbahan kung saan binibigyan ng pangalan ang isang sanggol at “binabautismuhan” sa pamamagitan ng pagwiwisik o pagbubuhos ng tubig sa ulo.
c Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?”
d Tingnan ang artikulong “Ano ang Banal na Espiritu?”
e Tingnan ang artikulong “Sino si Juan Bautista?”
f Tingnan ang artikulong “Sino ang Aakyat sa Langit?”
g Ginamit din ng Bibliya ang salitang “bautismo” para sa ilang seremonyal na paglilinis, gaya ng paglubog sa tubig ng mga gamit. (Marcos 7:4; Hebreo 9:10; mga talababa) Pero iba ito sa paglubog sa tubig ni Jesus at ng mga tagasunod niya.