Liham sa mga Taga-Roma
6 Ano ngayon ang sasabihin natin? Patuloy ba tayong gagawa ng kasalanan para sumagana ang walang-kapantay na kabaitan? 2 Huwag naman! Alam nating napalaya* na tayo sa kasalanan,+ kaya bakit pa tayo patuloy na gagawa ng kasalanan?+ 3 O hindi ba ninyo alam na tayong lahat na binautismuhan kay Kristo Jesus+ ay binautismuhan sa kaniyang kamatayan?+ 4 Inilibing tayong kasama niya sa pamamagitan ng ating bautismo sa kaniyang kamatayan+ para makapagsimula tayo ng bagong buhay kung paanong binuhay-muli si Kristo sa pamamagitan ng kapangyarihan* ng Ama.+ 5 Kung naging kaisa niya tayo dahil namatay tayong gaya niya,+ tiyak na magiging kaisa rin niya tayo dahil bubuhayin tayong muli na gaya niya.+ 6 Dahil alam natin na ang ating lumang personalidad ay ipinako sa tulos na kasama niya+ para hindi na tayo madaig ng makasalanan nating katawan,*+ at sa gayon ay hindi na tayo maging mga alipin ng kasalanan.+ 7 Dahil ang taong namatay ay napawalang-sala na.
8 Bukod diyan, kung namatay tayong kasama ni Kristo, naniniwala tayo na mabubuhay rin tayong kasama niya. 9 Dahil alam nating si Kristo ay hindi na mamamatay ngayong binuhay na siyang muli;+ ang kamatayan, na gaya ng isang panginoon, ay wala nang kontrol* sa kaniya. 10 Dahil namatay siya nang minsanan para maalis ang kasalanan,+ pero nabubuhay siya ngayon para magawa ang kalooban ng Diyos. 11 Gayon din kayo. Tandaan ninyong namatay* na kayo sa kasalanan pero buháy kayo ngayon para gawin ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus.+
12 Kaya huwag ninyong hayaang patuloy na maghari ang kasalanan sa inyong mortal na katawan+ para hindi kayo maging sunod-sunuran sa mga pagnanasa nito. 13 Huwag na rin ninyong iharap sa kasalanan ang inyong katawan para maging kasangkapan* sa kasamaan, kundi iharap ninyo sa Diyos ang inyong sarili na gaya ng mga binuhay-muli at iharap din ninyo sa Diyos ang inyong katawan bilang kasangkapan* sa katuwiran.+ 14 Hindi ninyo dapat maging* panginoon ang kasalanan, dahil wala na kayo sa ilalim ng kautusan+ kundi nasa ilalim na kayo ng walang-kapantay* na kabaitan.+
15 Kaya gagawa na ba tayo ng kasalanan dahil wala tayo sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng walang-kapantay na kabaitan?+ Siyempre hindi! 16 Hindi ba ninyo alam na kung inihaharap ninyo sa sinuman ang inyong sarili bilang masunuring alipin, kayo ay alipin ng sinusunod ninyo?+ Kaya puwede kayong maging alipin ng kasalanan+ na nagdudulot ng kamatayan+ o ng pagkamasunurin na umaakay sa katuwiran. 17 Pero salamat sa Diyos dahil kahit alipin kayo ng kasalanan noon, kayo ngayon ay naging masunurin mula sa puso sa turong iyon, sa parisan na ibinigay sa inyo para sundan. 18 Oo, dahil pinalaya kayo mula sa kasalanan,+ naging alipin kayo ng katuwiran.+ 19 Gumagamit ako ngayon ng mga salitang maiintindihan ng mga tao dahil sa kahinaan ng inyong laman; iniharap ninyo noon ang inyong katawan bilang alipin ng karumihan at kasamaan para gumawa ng kasamaan, pero ngayon, iharap ninyo ang inyong katawan bilang alipin ng katuwiran para gumawa ng kabanalan.+ 20 Dahil noong alipin kayo ng kasalanan, wala kayo sa ilalim* ng katuwiran.
21 At ano ang bunga ng mga gawa ninyo noon? Mga bagay na ikinahihiya ninyo ngayon. Dahil umaakay ang mga iyon sa kamatayan.+ 22 Pero ngayong pinalaya na kayo mula sa kasalanan at naging alipin ng Diyos, ang bunga ng mga gawa ninyo ay kabanalan,+ at umaakay ito sa buhay na walang hanggan.+ 23 Dahil ang kabayaran para sa kasalanan ay kamatayan,+ pero ang regalo ng Diyos ay buhay na walang hanggan+ sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.+