Mula sa Aming mga Mambabasa
Pang-aabuso sa Bata
Salamat sa labas na may kaugnayan sa pang-aabuso sa bata. (Hunyo 22, 1985 sa Tagalog) Natitiyak kong ito’y tutulong sa maraming magulang na ingatan ang kanilang mga anak sa bulok na sistemang ito ng mga bagay. Hindi ako nabigyan ng aking mga magulang ng anumang payo tungkol sa sekso. Noong minsan ako ay seksuwal na inabuso ng isang kaklase na mas matanda sa akin. Kahit na ngayon sa gulang na 28 anyos mayroon pa rin akong sikolohikal na mga problemang nauugnay rito. Sana’y nagkaroon ako ng impormasyon mula sa inyong mga artikulo noon.
R. S., Brazil
Walang Pakiramdam na mga Artikulo?
Nais kong malaman ninyo kung ano ang palagay ko sa inyong artikulo tungkol sa pagtutuli sa mga babae pati na ang iba pang kahawig na mga artikulo na lumabas noon. Nais kong iwasan ang kirot na nararamdaman ko kapag nagbabasa ng kasindak-sindak na mga artikulo. Dapat ba naming basahin ang mga bagay na ito, gaya ng artikulo na nabanggit o ang pag-uulat ng pagpapahirap sa mga piitang kampo? (“Mula sa Kamatayan Tungo sa Buhay sa Dachau,” Hulyo 8, 1985 sa Tagalog) Hindi ba salungat ito sa payo sa Filipos 4:8, na dapat na patuloy nating isaalang-alang ang mga bagay na matuwid, malinis, kaaya-aya, kapuri-puri?
B. D., Canada
Hindi namin nais na sugatan ang damdamin ng sinuman sa aming mga mambabasa. Tinatanggap namin na ang ilang mga artikulo ay hindi nga kawili-wiling basahin, subalit may mga ilang katotohanan sa daigdig na kailangang harapin, ngayo’y hinaharap, o kakaharapin ng maraming tao. Inaakala namin na pananagutan naming iharap ang impormasyon sa gayong mga paksa para sa kanilang pakinabang. Walang gayong artikulo ang walang dahilan, detalyadong inilagay namin upang umakit sa kahindik-hindik, sa marahas, sa nakatatakot, o sa kalaswaan. Sinikap naming iharap ang gayong mga paksa sa isang marangal, kapaki-pakinabang na paraan, at sa tuwina’y may matatag na paninindigan sa kung ano ang tama. Sinisikap din naming magbigay ng pampatibay-loob at nakapagpapatibay na payo. Sa aming artikulo tungkol sa pagtutuli ng mga babae, naglaan kami ng sapat na impormasyon upang maunawaan niyaong mga nangangailangang makaalam kung ano ang pinag-uusapan at upang ang lahat ay masuklam sa pagsasagawa ng gayong gawain.
Taglay natin ang halimbawa ng kinasihang Salita ng Diyos, ang Bibliya, na napakaprangka at espisipiko kung kinakailangan. Tingnan ang Genesis mga kabanatang 19, 34, 38, 39; Levitico 15:16-33; 18:19-24; Mga Hukom kabanatang 19; 2 Samuel kabanatang 13; Jeremias 5:7-9; Ezekiel kabanata 23. Wala sa mga paglalarawang ito ang may layunin na pukawin ang mahalay na interes o saktan ang damdamin ng sinuman, kundi ito ay nagsisilbi sa isang mahalaga, kapaki-pakinabang, at nakapagpapatibay na layunin.—ED
Ako’y sumusulat upang ipahayag ang aking pagpapahalaga sa inyong artikulong “Mula sa Kamatayan Tungo sa Buhay sa Dachau.” Mayroon akong nakilalang isang lalaki na galit na galit dahil sa kaniyang mga karanasan sa Dachau at gayundin tungkol sa bagay na mayroong mga tao sa Canada na nagsasabing ang malaking kapahamakan ay isang panlilinlang. Kinuha niya ang labas na iyon at binasa. Sumang-ayon siya na ang isinulat ng babae ay totoo, subalit hindi binanggit ng babae ang maraming kasindakan. Ang lalaki ay nagpahayag ng matinding galit laban sa mga nagpahirap sa kaniya, kaya binanggit ko ang payo ni Else: “Huwag mo silang kapootan. Hindi mo sila masasaktan. Sasaktan mo lamang ang iyong sarili!” Nang maglaon ang taong ito ay hindi na gaanong galit. Ang ulat ni Else ay nakatulong sa marami upang makasumpong muli ng pag-asa at tibay ng loob.
D. R., Canada
Lubhang naantig ang aking damdamin nang basahin ko ang artikulong “Mula sa Kamatayan Tungo sa Buhay sa Dachau.” Awang-awa ako sa kaniya. Natutuwa ako na ang lahat ay naging mabuti para sa kaniya, salamat kay Else! Inaasam-asam ko ang araw kapag niwakasan na ng Diyos ang lahat ng kabalakyutan sa lupa na may kamaliang isinisisi sa kaniya ng mga tao. Maraming salamat sa kawili-wiling magasin.
S. V. A., Zimbabwe