Mula sa Aming mga Mambabasa
Pang-aabuso sa Bata
Inaakala ko na ang inyong mga artikulo tungkol sa “Pang-aabuso sa Bata” (Hunyo 22, 1985 sa Tagalog) ay nakagawa ng higit na pinsala kaysa kabutihan. Sinasabi ninyo na dapat sabihan ng mga magulang ang kanilang mga anak tungkol sa “maling mga dako” sa kanilang mga katawan na hindi dapat hipuin ng mga estranghero. Inaakala ko na ito ay magbibigay sa mga bata ng hindi natural na pagkaunawa tungkol sa kanilang sariling katawan. Hindi kaya sila maging malungkot at magkaroon ng mga emosyonal na problema tungkol sa seksuwalidad paglaki nila? Likas na nalalaman ng mga bata kung ano ang mali at hindi na kailangan pang pagsabihan.
S. Aa. N., Denmark
Kung ang mga bata ay sasabihan sa wastong paraan na ang ilang bahagi ng kanilang mga katawan ay pribado at hindi dapat hipuin ng ibang tao, hindi naman ito nagbibigay sa kanila ng hindi natural na ideya tungkol sa kanilang sariling katawan. Hindi nito kinakailangang hadlangan ang isang mabuting pangmalas tungkol sa kanilang seksuwalidad habang sila ay lumalaki, subalit maaari nitong pangalagaan ang bata na maabuso. Ang pang-aabuso, hindi ang maling instruksiyon, ang siyang nagbibigay ng emosyonal na mga suliranin tungkol sa sekso. Ang pagbibigay ng wastong instruksiyon sa mga bata sa ganitong paraan ay iminumungkahi ng halos lahat ng awtoridad na may kaugnayan sa pang-aabuso sa bata.—ED.
Maraming salamat sa artikulo tungkol sa pang-aabuso sa bata. Tunay na isa itong kahanga-hangang pagtalakay, tahasan at tapat. Bilang isang biktima ng masakim na krimeng ito, ako ay binabagabag ng maraming damdamin. Tinulungan ako ng mga artikulong ito. Ako’y nagagalak na idiniin ninyo ang pangangailangan na tulungan ang mga bata na makita na walang sinuman ang may karapatan na hipuin sila nang di-wasto. Nailigtas sana ako nito mula sa kakila-kilabot na karanasan. Ang inyong artikulo ay nakatulong sa aming mag-asawa na ipakipag-usap ito nang husto sa aming mga anak.
T. C., Ohio
Ako’y 13 anyos at isang babae. Ako ay inabuso sa loob ng maraming taon. Nais ko kayong pasalamatan sa inyong labas tungkol sa pang-aabuso sa bata. Nakatulong ito sa akin na sabihin ito sa aking mga magulang. Ngayon ay huminto na ang pang-aabuso. Iniligtas ng inyong artikulo ang aking buhay sapagkat halos ako ay magpatiwakal. Hindi ko alam kung ano ang gagawin. Takot na takot ako.
H. H., Tennessee
Pagkasumpong ng Kaligayahan
Sa inyong labas noong Agosto 22, 1985 (sa Tagalog) ipinakita ninyo ang isang larawan ng tunay na mga kasiyahan (pahina 8.) Kalakip sa isang larawan ang isang lalaki na tinuturuan ang isang bata na mangisda. May kaibahan ba ang pangingisda bilang laro at pangingisda para sa kasiyahan?
W. H., Alabama
Tiyak na wala kaming intensiyon na himukin ang pangingisda bilang isang laro o isport. Inilarawan namin na ang lolo ng batang lalaki ay nangisda na sa loob ng maraming taon para sa pagkain ng pamilya. Ngayon tinuturuan niya ang kaniyang apo ng kasanayan sa paggamit ng pamingwit, sa pangingisda, at malamang ay kung paano lilinisin ang isda. Kapuwa ang lolo at ang apo ay nakasumpong ng kasiyahan sa simpleng karanasan na kanilang pinagsaluhan, sa tubig sa ilalim ng lilim ng isang punungkahoy sa isang mainit na tag-araw. Hindi namin nakita na inilarawan na tinuturuan ng lalaki ang bata ng katuwaan sa pangangaso, ng pagpapalalo sa nahuli at sa wakas ay ang tropeo, na nasasangkot sa larong pangingisda.—ED.
Maraming salamat sa labas na “Kaligayahan—Kung Ano ang Kinakailangan Upang Masumpungan Ito.” (Agosto 22, 1985 sa Tagalog) Mayroon itong pantanging lalim ng pagkaunawa na namumukod tangi. Ang kaligayahan ay tiyak na sinusukat sa pagkukusang makipagtalastasan at makibahagi. Ang artikulong ito ay tiyak na tutulong sa lahat na humanap ng mga pagkakataon upang ibigay at ibahagi ang ating panahon sa isa’t isa.
S. N., Inglatera