Ang Pangmalas ng Bibliya
Dapat Mo Bang Sundin ang Sampung Utos?
TAONG 1513 B.C.E.a noon nang ang daliri ng Diyos ay sumulat sa bato. Mula noon ang Sampung Utos ay kinopya ng mga tao at kumalat sa buong daigdig. Daan-daang angaw na mga tao ang nakabasa nito, at kabisado ito ng marami. Marahil ay wala nang iba pang set ng mga kautusan ang tumanggap ng gayon kalaganap na pansin. Ang tanong ay, sa ika-3,500 anibersaryo nito sa 1988: Ang Sampung Utos ba ay ipinatutupad pa rin anupa’t dapat mong sundin ito?—Exodo 20:1-17; 31:18.
Kanino ba Ito Ibinigay?
Ibinigay ng Diyos ang Sampung Utos sa kaniyang bayan na kilala bilang mga Israelita. Sa kaniyang panimulang mga salita, nilinaw niya na sa bansang ito siya nakikipag-usap: “Ako si Jehova mong Diyos, na naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto, sa bahay ng pagkaalipin.” Ito’y nagpapahiwatig na ang Sampung Utos ay dinisenyo upang maging bahagi ng isang pambansang kodigo ng mga kautusan.—Exodo 20:2.
Ipinasa sa mga Kristiyano?
Gayunman, ang Sampung Utos ba na may gayong pansansinukob na kalikasan ay laging ipatutupad at kapit din sa mga di-Israelita? Hindi. Mga dantaon pagkatapos maitatag ang kongregasyong Kristiyano, ang kodigong ito ng Kautusan ay hindi ipinasa rito. Bakit? Sapagkat sinasabi ng Bibliya na “si Kristo ang katapusan ng Batas.” (Roma 10:4) Ano ang kahulugan niyan?
Upang ilarawan, noong 1912 ang pandaigdig na rekord sa panlabas na mataas na lundag ay 2.01 m. Pagkalipas ng pitumpu’t limang taon, noong 1987, ang rekord ay 2.41 m. Gayunman, dapat ay mayroong sukdulang takda sa kung gaano kataas ang maaaring lundagin ng isang tao sa ibabaw ng isang baras na bakal na sinusuhayan ng dalawang poste. Ang kampeon na makaaabot sa takdang ito ang magwawakas sa lahat ng pandaigdig na rekord sa mataas na lundag. Masasabing siya rin “ang wakas” nito. Ngayon, paano ito kumakapit sa Sampung Utos?
Nang gawin ng Diyos “ang Batas,” na sumasakop sa Sampung Utos pati na ang mahigit na 600 iba pang mga kautusan at mga batas, at ibinigay ito sa mga Israelita, naglagay siya ng sukdulang tunguhin o pamantayan ng kasakdalan. Inilagay niya ang baras na bakal sa pinakamataas na antas, wika nga. Ang Batas na ito ng Diyos ay gayon na lamang kataas ang pamantayan sa moralidad anupa’t tanging isang sakdal na tao lamang ang makaaabot nito. Ang Eclesiastes 7:20 ay nagsasabi: “Walang matuwid na tao sa lupa na patuloy na gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala.”
Kaya ang baras na bakal—ang matuwid na pamantayan ng Diyos—ay inilagay nang napakataas para sa di-sakdal na mga Israelita, o mga Judio. Bakit? Ang Kristiyanong apostol na Pablo ay nagpaliwanag: “Idinagdag ito [ang Batas] upang mahayag ang mga pagsalansang, hanggang sa dumating ang binhi [ang Mesiyas, o Kristo] na siyang pinangakuan.” (Galacia 3:19) Sa pamamagitan ng Batas, ipinakita ng Diyos sa mga Judio na silang lahat ay di-sakdal na mga mananalansang, hindi maabot ang tunguhin na maipahayag na matuwid dahil sa kanila mismong mga gawa.
Iisa lamang ang maaaring makalampas sa baras ng bakal na iyon: ang dumarating na ipinangakong Mesiyas, o Kristo. Samakatuwid, ang mataas na pamantayang iyon ay inilagay sa harap ng mga Judio bilang isang bagay na dapat abutin habang hinihintay na lampasan ito ng pangwakas na Kampeon, ang Mesiyas, minsan at magpakailanman.
“Patungo kay Kristo”
Kasuwato nito, si Pablo ay nagpapatuloy sa ikatlong kabanata ng Galacia, talatang Gal 3:24: “Anupa’t ang Batas ang naging guro natin patungo kay Kristo, upang tayo’y maipahayag na matuwid dahil sa pananampalataya [sa kaniya].” Sinasamahan ng isang tiyutor noong panahon ng Bibliya ang bata sa guro nito ay maaari ring magturo at magdisiplina sa bata.
Sa gayon ang Sampung Utos, gayundin ang iba pang Batas, ay maghahanda sa mga Judio sa Mesiyas at aakayin sila sa kaniya. Nang dumating si Jesus, namuhay sa gitna nila, at namatay na ganap na masunurin sa Batas, siya ay naging “ang katapusan ng Batas.” Pagkatapos para bang inalis ng Diyos ang baras na bakal at binigyan ang mga Judio ng isang bagay na mas mainam. Ngayon “bilang isang walang bayad na kaloob” sila sa wakas ay maaaring “ariing matuwid sa pamamagitan ng di-sana nararapat na awa na dumating dahil sa katubusan na binayaran ng pantubos ni Kristo Jesus.”—Roma 3:24.
Sinabi rin ni Pablo, “Wala kayo sa ilalim ng kautusan kundi sa ilalim ng di-sana nararapat na kagandahang-loob” at, “Kung kayo’y inaakay ng espiritu, kayo’y wala sa ilalim ng kautusan.”—Roma 6:14; Galacia 5:18.
Kung Ano ang Dapat Mong Sundin
Ngayon, yamang ang mga Kristiyano ay wala sa “ilalim ng kautusan,” sila ba’y malaya na buhat sa lahat ng moral na pagbabawal? Hindi naman. Gaya ng ipinakikita ni Pablo, ang mga Kristiyano ay inaakay ng banal na espiritu ng Diyos, at hindi nito inaakay ang sinuman sa kasalanan. Hinihimok nito sila na lumayo rin sa mga kasalanan na binabanggit sa Sampung Utos. Halimbawa, kung babasahin mo ang 1 Corinto 6:9, 10, masusumpungan mo ang ilang mga kautusang Kristiyano ay kahawig ng ilan sa Sampung Utos. Ang mga ito ay ang mga pagbabawal laban sa pagsamba sa diyus-diyosan, pangangalunya, pagnanakaw, at kaimbutan.
Binuod din ni Kristo ang matandang kodigo ng Batas, na kinabibilangan ng Sampung Utos, sa dalawang utos na ito: “Iibigin mo si Jehova mong Diyos ng iyong buong puso at ng iyong buong kaluluwa at ng iyong buong pag-iisip” at, “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Mateo 22:37-39) Sa pagsisikap na sundin ang mga ito, humihingi ng kapatawaran kapag nagkakamali, at nananampalataya sa hain ni Kristo, tatanggap ka ng di-sana nararapat na kagandahang-loob mula sa Diyos at sa Kaniyang pagsang-ayon para sa buhay na walang-hanggan.—2 Tesalonica 2:16.
[Talababa]
a Tingnan ang mga detalye sa publikasyon ng Samahang Watch Tower Society na Aid to Bible Understanding, pahina 333.