Pribado! Huwag Papasok! Bawal Pumasok!
GINAGAWA ng tao ang lahat ng kaniyang magagawa upang pangalagaan ang kaniyang pribadong buhay. Ang iba ay magtatayo ng matataas na pader sa paligid ng kanilang lupa upang maging ligtas ang kanilang pribadong buhay. Ang iba naman ay nagbabahay sa tuktok ng bundok o sa liblib ng kagubatan o mga kilometro ang layo sa daan upang sila’y huwag pakialaman. Ang mga naninirahan sa lunsod ay maaaring umupa ng mga apartment sa pinakamataas na palapag, may teleponong hindi nakalista ang numero sa talaan, at itinatago ang pagkakakilanlan sa paggamit ng mga alyas o sa pamamagitan ng pagbabalatkayo.
Ang pribadong buhay ay nangangahulugan ng iba’t ibang bagay sa iba’t ibang tao. Maaaring naisin ng asawang babae ng panahon na mapag-isa. Kung minsan, baka igiit din ng mga asawang lalaki na mapag-isa sa kanilang sariling “panahon at lugar.” Kahit na nga ang mga bata ay nagnanais ng kanilang pribadong buhay. Karaniwang ang kanilang sariling silid ay kumakatawan ng isang kanlungan ng pribadong buhay.
May mga tao na maglalagay ng koneksiyon (tap) sa iyong telepono at makikinig sa iyong pribado at napakapersonal na mga pag-uusap sa iyong tahanan o opisina. Ang bawat kilos mo ay maaaring subaybayan sa mga locker room sa mga paaralan, sa mga pabrika, at mga opisina at irekord sa isang videotape. Sa pamamagitan ng paggamit ng mga laser beam na nakatutok sa labas ng iyong mga salamin ng bintana, ang inyong mga pag-uusap sa loob ay masasagap at mairirekord ng mga naniniktik sa ibaba sa kalye. Ginagamit na ngayon ang mga computer upang subaybayan ang iyong mga gawain sa dako ng trabaho. Kung ano ang isinusulat mo sa iyong makinilya sa opisina ay maaari na ngayong mabasa sa pamamagitan ng isang tagapagmanman (monitor) na kilu-kilometro ang layo ng mga taong gagamitin ang mga bagay na isinulat mo laban sa iyo. Ni ang lambong man kaya ng kadiliman ay isang garantiya sa pribadong buhay. Sa pamamagitan ng mga kamera na mabisang umaandar sa dilim, ang bawat kilos mo ay maaaring subaybayan samantalang ikaw ay naglalakad sa labas sa gabi. Kung ikinagagalit mo ang pagbubukas ng asawa mo ng iyong sulat, ano pa kaya ang magiging reaksiyon mo roon sa mga manghihimasok sa iyong pribadong buhay sa pamamagitan ng pagbasa ng iyong sulat nang hindi binubuksan ito?
Maaaring ikagalit mo na ikaw ay hilinging kumuha ng isang lie-detector test upang makakuha ng trabaho. Subalit isang kahawig na pagsubok ay maaaring ibigay sa iyo ng isang tagapanayam sa kabila ng mesa—nang wala kang kamalayan tungkol dito—sa pamamagitan ng paggamit ng isang voice analyzer, na ipinalalagay na makakikilala kung ikaw ay hindi nagsasabi ng totoo.
Ang mga negosyo at dambuhalang mga korporasyon ay nawawalan ng sekreto sa pamamagitan ng panghihimasok sa pribadong buhay ng walang konsensiyang mga kakompitensiya. Bunga ng modernong-teknolohiyang mga sistema sa pagmamanman na nagawa nitong nakalipas na mga taon, nasusumpungan ng mga bansa at mga kapangyarihan sa daigdig na halos imposibleng hindi panghimasukan ng ibang bansa sa malayo ang pribadong buhay ng kanilang bansa. Maaaring litratuhan mula sa kalawakan ng mga satelayt na espiya-sa-langit na nasasangkapan ng modernong mga kamera ang isang bagay na kasinliit ng isang baseball at maaaring kilalanin ang isang tao sa isang pulutong sa pamamagitan lamang ng hugis ng kaniyang balbas.
Maliwanag na ang pribadong buhay ng tao, “ang pinakamalawak na karapatan at ang karapatang labis na pinahahalagahan ng sibilisadong mga tao,” ay mabilis na maaaring maging isang kalayaang nasa panganib, gaya ng ipakikita ng ating susunod na artikulo.