“Isang Mansanas Araw-Araw Walang Doktor na Dadalaw”
TINGNAN mo ang maganda’t mapupulang mansanas na iyon. Hindi ba ito nakatutukso? Gayon nga—at tiyak na may mabuting dahilan. Ang mga mansanas ay dinisenyo upang makatulong sa iyong kapakanan at mabuting kalusugan. Kabilang sa maraming uri ng prutas na kapaki-pakinabang kainin, ang mansanas ay isa sa nangunguna. Kaya naman, hinihimok ka nitong maging mabait sa iyong sarili.
Ang puno ng mansanas ay kabilang sa pamilya ng mga rosas (Rosaceae), gaya ng peras, quince, whitethorn, at ng service tree. Ang dagta ng lahat ng punong ito ay mayaman sa asukal. Ang kanilang napakabangong mga prutas ay may iba’t ibang kulay ng berde, dilaw, at pula, na ang lasa ay mula sa maasim hanggang sa matamis.
Sa buong daigdig halos dalawang bilyong bushel ng mansanas ang naaani sa bawat taon—sa pagitan ng 17 at 18 milyong tonelada. Sa Estados Unidos, halos kalahati ay kinakain nang hilaw. Ang iba pa ay ginagamit sa paggawa ng mga bagay na gaya ng palaman na mansanas, katas ng mansanas, sarsa na mansanas, jelly na mansanas, brandy na mansanas, apple cider, mga pie at iba pang kakanin na mansanas, sukang mansanas, at alak na mansanas. Sa Europa ang malaking bahagi ng ani ay ginagawang cider, alak, at brandy. Sa kabuuang ani ng daigdig, halos sangkapat ang ginagawang cider.
Subalit bago maging katakam-takam ang prutas sa ating panlasa, ang puno ng mansanas na punô ng bulaklak ay nakasisiya sa paningin. Ito’y nagagayakan ng saganang puting mga bulaklak na rosas ang gilid anupat kung ang lahat ng ito’y maging mansanas, ang puno ay bibigay sa bigat nito. Ang maagang bagyo ng tag-araw ay karaniwang tumatangay sa ilan sa mga bulaklak.
Pagtatanim ng Mansanas
Ang punong mansanas ay pinakamabuting tumutubo sa mga Temperate Zone (mga dakong hindi masyadong malamig o masyadong mainit). At ito’y itinanim na mula pa noong unang panahon. Ang mga puno ng mansanas at mga mansanas ay anim na beses na binanggit sa Bibliya.a Gustung-gusto ito ng mga Romano, at sa kanilang maraming militar na pananakop, ipinakilala nila ang pagtatanim ng iba’t ibang uri ng mansanas sa buong Inglatera at sa iba pang bahagi ng Europa. Ang unang mga nanakop sa Amerika ay nagdala ng mga buto ng mansanas at mga punong mansanas mula sa Inglatera.
Sa pamamagitan ng maraming pag-eeksperimento, napagbuti ng mga salinlahi ng tagapagtanim ang kalidad ng mga mansanas sa pamamagitan ng breeding. Gayunman, ito ay hindi isang mabilis na proseso. Ang pag-aani ng mabiling bagong tatak ng mansanas ay maaaring gumugol ng mga 20 taon. Subalit ngayon, dahil sa tiyaga ng mga tagapagtanim, mayroon tayo ng sari-saring makatas at makulay na mga mansanas na mapagpipilian.
Pag-aani
Ang panahon ng mansanas ay nagsisimula sa Hulyo o Agosto sa Hilagang Hemispero. Subalit ang unang mga uri na mahinog, gaya ng James Grieve o ang Transparent, ay hindi maaaring iimbak nang matagal. Ito’y dapat na kainin agad, nang hilaw o niluto. Subalit, pinasisidhi nito ang ating gana ng mga kasunod: Summerred, Gravenstein, Cox’s Orange, Jonathan, Boskop, Red Delicious, Golden Delicious, McIntosh, Granny Smith—upang banggitin lamang ang ilan sa libu-libong klase ng mansanas.
Ang mga mansanas ay dapat na anihin sa tuyong panahon. Ang mga ito’y dapat na pitasing maingat upang ang bagong mga usbong at ang mga dahon nito ay hindi masira. Kapag hinog nang talaga ang mga mansanas, ang pagpihit nang bahagya ay agad na puputol dito mula sa sanga. Mahalagang ingatan na ang tangkay ay huwag maputol mula sa mansanas, yamang ito’y maaaring makasugat, sisira sa buhay ng prutas.
Ang mga uri na huling mahinog ay dapat na iwan sa puno hangga’t maaari—kung ipahihintulot ng panahon. Kung dahil sa maagang frost ang mga mansanas ay magyelo sa puno, ang pagpitas ay dapat na inantala hanggang sa ang mga ito ay matunawan ng yelo. Matatagalan ng mga mansanas ang sobrang lamig na temperatura, depende sa antas ng pagkahinog nito at sa taglay nitong asukal, subalit minsang ito’y nagyelo at natunaw, hindi na ito maiimbak. Ang mga ito ay dapat na agad katasin, lutuin, o gawing suka; ang mga ito’y hindi maaaring patuyuin.
Pag-iimbak
Isang kawili-wiling katangian ng mga mansanas ay na ang mga ito’y humihinga. Sinisipsip nila ang oksiheno mula sa hangin at inilalabas ang carbon dioxide gayundin ang tubig. Kaya nga, mientras mainit ang kapaligiran, ang mga ito ay agad na natutuyo at kumukulubot. Sa pamamagitan din ng paghinga sinisipsip nila ang mga amoy mula sa kanilang kapaligiran. Kaya nga, pinakamabuting iimbak ang mga ito nang bukod sa isang temperatura na mga 5 digri Celsius.
Ang pag-iimbak ng mga mansanas sa isang bodega sa ilalim ng lupa na kasama ng mga patatas ay magpapangyari sa mga mansanas na mawala ang sariwa nitong lasa. Bukod pa riyan, ang iba’t ibang uri ay dapat na itago nang magkakahiwalay. At pinakamabuti kung ang mga mansanas ay isa-isang ibabalot sa papel. Pinababagal nito ang pagkatuyo at binabawasan ang panganib na mahawa ng nabubulok na katabing mansanas.
Halagang Pangkalusugan
Sinasabing ang “isang mansanas araw-araw walang doktor na dadalaw.” Bagaman iyan ay hindi naman laging totoo, ang mansanas ay may kaayaayang reputasyon. Bakit? Dahil sa mga bagay na nilalaman nito na maaaring makaapekto sa ikabubuti ng kalusugan ng isa.
Ang bawat isang mansanas ay isang maliit na bodega ng mahahalagang nutriyente. Kapag hinog, ito’y naglalaman ng mga bitamina B1, B2, B6, C, at E. Nagbibigay rin ito ng iba’t ibang uri ng asukal, gaya ng dextrose, fructose, at sucrose. Ang kombinasyon ng mga asido rito ang siyang dahilan ng lasa nito. Karagdagan pa, naglalaman din ito ng maraming mineral na sangkap, gaya ng kalsiyum, magnesiyum, potasiyum, at iba pa, gayundin ng pectin at hibla. Halos 85 porsiyento ng mansanas ay tubig.
Isa pang sangkap na masusumpungan sa mga mansanas ay ang ethylene, na nagsisilbi lalo na bilang isang likas na tagakontrol ng paglaki na nagpapahinog ng prutas. Ang gas na sangkap na ito ay mapapakinabangan kung mayroon kang berdeng kamatis o matigas pang abukado. Ilagay ang mga ito sa isang supot na kasama ng ilang hinog na mansanas, at ang mga ito’y mas mabilis na mahihinog.
Yamang ang mga mansanas ay may halagang pangkalusugan, mahalaga na malaman kung kailan at paano kakainin ang mga ito. Una sa lahat, ang mga ito’y dapat na hinog. At mas mabuting huwag kumain ng malamig na mansanas; bayaan ito sandali sa temperatura ng silid. Mahalaga rin na nguyain itong mabuti.
Kapansin-pansin, ang mga mansanas ay may mga katangian na sinasabing kapaki-pakinabang sa paglilinis ng sistema ng panunaw. Ang mga katangian ding ito ay tumutulong sa paggamot kapuwa sa pagtitibì at diarrhea.
Isang Babala
Ang mga mansanas, gaya ng iba pang prutas, ay madaling amagin. Dahil dito, kailangan ang kaunting pag-iingat. Ang mga lason na mula rito ay maaaring pagmulan ng kirot at pagsusuka. Kaya, mag-ingat sa amag, at alisin hindi lamang ang bahaging may amag kundi ang bahaging nakapaligid din sa bulok na bahagi, sapagkat ang lason ay kumakalat.
Gayunpaman, ang mga mansanas ay tumutulong sa iyong mabuting kalusugan. Kaya kung nais mong “walang doktor na dadalaw,” kung gayon ay kumain ka ng isang mansanas araw-araw!
[Talababa]
a Puno ng mansanas: Awit ni Solomon 2:3; 8:5; Joel 1:12. Mga mansanas: Kawikaan 25:11; Awit ni Solomon 2:5; 7:8.
[Mga larawan sa pahina 24]
Ang puno ng mansanas na punô ng bulaklak ay nakasisiya sa paningin