KUWENTO 32
Ang 10 Salot
TINGNAN mo ang mga larawan. Bawa’t isa’y nagpapakita ng salot na ipinadala ni Jehova sa Ehipto. Sa unang larawan makikita mo si Aaron na hinahampas ng tungkod ang Ilog Nilo. Kaya, ang tubig sa ilog ay naging dugo at namatay lahat ang isda.
Pagkatapos, nagpalabas si Jehova ng mga palaka mula sa Ilog Nilo. Lahat ng lugar ay mayroon nito, at nang mamatay ang mga ito ang lupain ay bumaho.
Sumunod ay hinampas ni Aaron ang lupa sa pamamagitan ng kaniyang tungkod, at ang alikabok ay naging mga kuto. Ito ay maliliit na kulisap na nangangagat.
Ang sumunod na mga salot ay nagpahirap lamang sa mga Ehipsiyo, hindi sa mga Israelita. Ang ikaapat na salot ay malalaking bangaw na dumagsa sa bahay ng lahat ng mga Ehipsiyo. Ang ikalimang salot ay humampas sa mga hayop. Marami sa mga baka at tupa at kambing ng mga Ehipsiyo ay namatay.
Pagkatapos, kumuha sina Moises at Aaron ng kaunting abo at inihagis ito nang paitaas. Nagdulot ito ng mga sugat sa mga tao at mga hayop.
Sumunod dito, ay itinaas ni Moises sa langit ang kamay niya, at ipinadala ni Jehova ang pinakamalakas na ulan ng graniso sa buong kasaysayan ng Ehipto.
Ang ikawalong salot ay ang pagdagsa ng makapal na balang. Kinain nila ang lahat ng itinira ng graniso. Ang ikasiyam na salot ay pusikit na kadiliman. Tatlong araw na nagdilim sa lupain, pero ang mga bahay ng mga Israelita ay may liwanag.
Sa wakas, sinabi ng Diyos sa kaniyang bayan na wisikan ang kanilang mga pintuan ng dugo ng isang batang kambing o tupa. Dumaan ang anghel ng Diyos sa buong Ehipto. Sa lahat ng mga bahay na walang dugo sa pinto ay pinatay niya ang panganay sa mga tao at hayop. Ito ang ikasampung salot.
Pagkatapos ng salot na ito, sinabi ni Paraon sa mga Israelita na umalis na sila. Nang gabi ring yaon ay nagmartsa sila papalabas sa Ehipto.