Mga Saksi ni Jehova
Kahulugan: Ang pandaigdig na Kristiyanong lipunan ng mga tao na aktibong nagbibigay-patotoo hinggil sa Diyos na Jehova at sa kaniyang mga layunin kaugnay ng sangkatauhan. Tanging sa Bibliya lamang nila isinasalig ang kanilang mga paniniwala.
Anong mga paniwala ng mga Saksi ni Jehova ang nagtatangi sa kanila sa ibang mga relihiyon?
(1) Ang Bibliya: Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na ang buong Bibliya ay siyang kinasihang Salita ng Diyos, at sa halip na manghawakan sa isang turo na salig sa tradisyon ng tao, sila’y nanghahawakan sa Bibliya bilang pamantayan ukol sa lahat ng kanilang mga paniwala.
(2) Ang Diyos: Sinasamba nila si Jehova bilang iisang tunay na Diyos at malaya silang nakikipag-usap sa iba tungkol sa kaniya at sa maibigin niyang mga layunin para sa sangkatauhan. Sinomang hayagang nagpapatotoo tungkol kay Jehova ay karaniwan nang kinikilala na kabilang sa iisang grupo—“Mga Saksi ni Jehova.”
(3) Si Jesu-Kristo: Naniniwala sila, hindi sa pagiging bahagi ni Jesus sa isang Trinidad, kundi, gaya ng sinasabi ng Bibliya, siya ang Anak ng Diyos, ang kaunaunahan sa mga lalang ng Diyos; na siya’y umiiral na bago naging tao at na ang kaniyang buhay ay inilipat mula sa langit tungo sa bahay-bata ng isang dalaga, si Maria; na ang kaniyang sakdal na buhay-tao na inihandog bilang isang hain ang naglalaan ng kaligtasan tungo sa walang-hanggang buhay para sa mga nagsisisampalataya; na si Kristo’y kasalukuyan nang nagpupuno bilang Hari, taglay ang bigay-Diyos na kapamahalaan sa buong lupa mula noong 1914.
(4) Ang Kaharian ng Diyos: Naniniwala sila na ang Kaharian ng Diyos ang tanging pag-asa ukol sa sangkatauhan; na ito’y isang tunay na pamahalaan; na malapit na nitong lipulin ang kasalukuyang balakyot na pamamalakad ng mga bagay, kalakip na ang mga pamahalaan ng tao, at na ito ang magluluwal ng isang bagong sistema na kung saan mananaig ang katuwiran.
(5) Makalangit na buhay: Naniniwala sila na 144,000 pinahiran ng espiritung mga Kristiyano ang makikibahagi kay Kristo sa kaniyang makalangit na Kaharian, at mangagpupuno bilang mga haring kasama niya. Hindi sila naniniwala na ang langit ang gantimpalang naghihintay sa lahat ng “mabuti.”
(6) Ang lupa: Naniniwala sila na ang orihinal na layunin ng Diyos ukol sa lupa ay matutupad; na ang lupa ay lubusang mapananahanan ng mga mananamba ni Jehova at na ang mga ito’y makapagtatamasa ng walang-hanggang buhay sa kasakdalan ng tao; na maging ang mga patay ay magsisibangon upang makabahagi sa mga pagpapalang ito.
(7) Ang kamatayan: Naniniwala sila na ang mga patay ay walang anomang nalalaman; na ang mga ito’y walang nararanasang hirap ni ginhawa sa isang daigdig ng mga espiritu; na ang mga ito’y hindi umiiral maliban na sa alaala ng Diyos, kaya ang pag-asa ukol sa kanilang hinaharap na buhay ay nasasalig sa pagkabuhay-muli mula sa mga patay.
(8) Mga huling araw: Naniniwala sila na mula noong 1914, tayo ay nabubuhay ngayon sa mga huling araw ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay; na ang ilan sa mga nakakita ng mga pangyayari noong 1914 ay makasasaksi pa rin sa lubusang pagkawasak ng kasalukuyang balakyot na sanlibutan; na ang mga umiibig sa katuwiran ay makaliligtas patawid sa isang nilinis na lupa.
(9) Pagiging-hiwalay sa sanlibutan: Taimtim nilang sinisikap na maging hiwalay sa sanlibutan, gaya ng sinabi ni Jesus na siyang pagkakakilanlan sa kaniyang mga tagasunod. Nagpapakita sila ng tunay na pag-ibig Kristiyano para sa kanilang kapuwa, subali’t hindi sila nakikibahagi sa mga politika o mga digmaan ng alinmang bansa. Inilalaan nila ang materyal na mga pangangailangan ng kanilang mga pamilya subali’t tinatanggihan nila ang masugid na pagtataguyod ng sanlibutan sa materyal na mga bagay at sa personal na katanyagan at ang labis-labis nitong pagkahumaling sa kalayawan.
(10) Pagkakapit ng payo ng Bibliya: Naniniwala sila na mahalagang ikapit sa ngayon ang payo ng Salita ng Diyos sa araw-araw na buhay—sa tahanan, sa paaralan, sa hanapbuhay, sa kanilang kongregasyon. Anoman ang mga dating paraan ng pamumuhay ng isa, maaari siyang maging isa sa mga Saksi ni Jehova kung tatalikdan niya ang mga kaugalian na hinahatulan ng Salita ng Diyos at ikakapit ang maka-diyos na payo nito. Subali’t kung pagkaraan nito ang sinoman ay mamimihasa sa pangangalunya, pakikiapid, homoseksuwalidad, pag-aabuso sa droga, paglalasing, pagsisinungaling, o pagnanakaw, siya ay matitiwalag mula sa organisasyon.
(Ang talaan sa itaas ay nagsasaad sa maikli sa ilang namumukod-tanging paniwala ng mga Saksi ni Jehova subali’t kailanman ay hindi lamang ito ang siyang pagkakaiba ng kanilang mga paniwala sa paniwala ng ibang grupo. Ang maka-Kasulatang saligan sa mga paniwalang ito ay maaaring masumpungan sa pamamagitan ng Indise ng aklat na ito.)
Ang mga Saksi ni Jehova ba ay isang relihiyong Amerikano?
Sila’y mga tagapagtaguyod ng Kaharian ng Diyos, hindi ng alinmang sistemang pampolitika, pangkabuhayan, o panlipunan ng alinmang bansa sa matandang sanlibutang ito.
Totoo na ang mga Saksi ni Jehova ay nagkaroon ng makabagong-panahong pasimula sa Estados Unidos. Ang kinaroroonan ng kanilang pandaigdig na tanggapan ay nakatulong nang malaki sa paglilimbag at pagpapadala ng mga babasahin sa Bibliya sa maraming dako ng daigdig. Subali’t ang mga Saksi ay hindi nagtatangi ng alinmang bansa; masusumpungan sila sa halos lahat ng bansa, at may mga tanggapan sila sa maraming dako ng daigdig upang pangasiwaan ang kanilang gawain sa mga dakong yaon.
Isaalang-alang: Si Jesus ay isinilang bilang isang Judio sa Palestina, subali’t ang Kristiyanismo ay hindi isang relihiyong Palestinyo, hindi ba? Ang dakong sinilangan ni Jesus bilang tao ay hindi siyang pinakamahalagang salik na dapat isaalang-alang. Ang itinuro ni Jesus ay nagbuhat sa kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova, na nakikitungo nang walang pagkiling sa mga tao ng lahat ng bansa.—Juan 14:10; Gawa 10:34, 35.
Papaano tinutustusan ang gawain ng mga Saksi ni Jehova?
Sa pamamagitan ng mga kusang-loob na abuloy, gaya ng ginawa ng mga sinaunang Kristiyano. (2 Cor. 8:12; 9:7) Walang ginagawang anomang koleksiyon sa kanilang mga pulong; sila’y hindi nangingilak ng salapi mula sa madla. Ang mga abuloy para sa babasahin tungkol sa Bibliya ay panakip sa gastos ng paglilimbag at pagpapadala.
Ang mga Saksi ay hindi binabayaran upang magbahay-bahay at mag-alok ng babasahin tungkol sa Bibliya sa mga lansangan. Ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ang siyang nag-uudyok sa kanila na magsalita tungkol sa maibiging mga paglalaan ng Diyos ukol sa sangkatauhan.
Ang Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, isang legal na relihiyosong korporasyon na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova, ay ginawang korporasyon noong 1884 alinsunod sa Nonprofit Corporation Law ng Commonwealth of Pennsylvania, E.U.A. Dahil dito, alinsunod sa batas, ito ay hindi maaari, at talaga namang hindi naging isang proyekto ukol sa pagpapatubo, ni nakikinabang kaya ang sinomang indibiduwal mula sa Samahan. Ganito ang isinasaad ng karta ng Samahan: “Ito [ang Samahan] ay hindi nag-iisip ng pakikinabang o pagpapatubo sa pananalapi, sinasadya man o hindi, ukol sa mga kasapi, direktor o mga opisyales nito.”
Ang mga Saksi ni Jehova ba ay isang sekta o kulto?
Ang katuturan na ibinibigay ng iba sa sekta ay isang grupo na humiwalay mula sa isang tatag na relihiyon. Ikinakapit naman ito ng iba sa isang grupo na sumusunod sa isang partikular na pinuno o gurong tao. Ang pamagat ay karaniwan nang ginagamit sa isang paraan na may pagtuya. Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi isang sanga ng alinmang iglesiya kundi kabilang dito ang mga tao mula sa lahat ng antas ng pamumuhay at iba’t-ibang relihiyosong pinagmulan. Hindi sila umaasa sa sinomang tao, kundi kay Jesu-Kristo lamang, bilang kanilang pinuno.
Ang isang kulto ay isang relihiyon na itinuturing na unorthodox o na nagdidiin ng pagsamba na naaayon sa isang ipinag-uutos na rituwal. Maraming kulto ang sumusunod sa isang nabubuhay na pinunong tao, at madalas ang kanilang mga kasapi ay namumuhay sa mga grupo na nakabukod sa lipunan. Gayumpaman, ang dapat maging pamantayan ukol sa kung ano ang orthodox ay ang Salita ng Diyos, at ang mga Saksi ni Jehova ay buong-higpit na nanghahawakan sa Bibliya. Ang kanilang pagsamba ay isang paraan ng pamumuhay, hindi isang rituwal na debosyon. Hindi sila sumusunod sa sinomang tao ni ibinubukod kaya nila ang kanilang sarili mula sa lipunan. Sila ay naninirahan at nagtatrabaho sa gitna ng ibang mga tao.
Gaano na katanda ang relihiyon ng mga Saksi ni Jehova?
Ayon sa Bibliya, ang hanay ng mga saksi ni Jehova ay umaabot pabalik sa tapat na si Abel. Ang Hebreo 11:4–12:1 ay nagsasabi: “Sa pananampalataya si Abel ay naghandog sa Diyos ng isang hain na nakahihigit sa kay Cain . . . Sa pananampalataya si Noe, matapos bigyang babala hinggil sa mga bagay na hindi pa nakikita, ay nagpamalas ng maka-diyos na takot . . . Sa pananampalataya si Abraham, nang siya’y tawagin, ay tumalima upang pumaroon sa isang dako na nakatakdang tanggapin niya bilang mana . . . Sa pananampalataya si Moises, nang lumaki na, ay tumangging siya’y tawaging anak ng anak na babae ni Paraon, na pinili pa ang siya’y tampalasanin na kasama ng bayan ng Diyos sa halip na magtamo ng pansamantalang pagtatamasa ng kasalanan . . . Kaya nga, yamang nakukubkob tayo ng napakakapal na ulap ng mga saksi, itabi nating walang liwag ang bawa’t pasan at ang pagkakasalang pumipigil sa atin, at takbuhing may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harapan natin.”
Kung tungkol kay Jesu-Kristo, ang Bibliya ay nagsasaad: “Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng Siya Nawa, ang saksing tapat at totoo, ang pasimula ng paglalang ng Diyos.” Kanino siya naging saksi? Siya mismo ang nagsabi na ipinahayag niya ang pangalan ng kaniyang Ama. Siya ang pangunahing saksi ni Jehova.—Apoc. 3:14; Juan 17:6.
Kapansinpansin, may ilang Judio na nagtanong kung baga ang gawain ni Jesu-Kristo ay “isang bagong turo.” (Mar. 1:27) Nang maglaon, inakala ng ilang Griyego na ang apostol na si Pablo ay naghaharap ng isang “bagong aral.” (Gawa 17:19, 20) Ito ay bago sa pandinig niyaong mga nakarinig nito, subali’t ang mahalaga ay na ito ang katotohanan, lubusang kasuwato ng Salita ng Diyos.
Ang makabagong-panahong kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova ay nagpasimula sa pamamagitan ng pagbuo ng isang grupo ng pag-aaral ng Bibliya sa Allegheny, Pennsylvania, E.U.A., noong pasimula ng mga taong 1870. Sa pasimula nakilala lamang sila bilang mga Estudyante ng Bibliya, subali’t noong 1931 ay tinanggap nila ang maka-Kasulatang pangalan na Mga Saksi ni Jehova. (Isa. 43:10-12) Ang kanilang mga paniwala at gawain ay hindi bago kundi isang pagpapanumbalik sa unang-siglong Kristiyanismo.
Naniniwala ba ang mga Saksi ni Jehova na ang kanilang relihiyon lamang ang siyang tama?
Ang Bibliya ay hindi sumasang-ayon sa makabagong paniwala na maraming wastong paraan ng pagsamba sa Diyos. Ang Efeso 4:5 ay nagsasabi na may “isang Panginoon, isang pananampalataya.” Sinabi ni Jesus: “Makipot ang pintuan at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nangakakasumpong noon. . . . Hindi ang lahat ng magsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng mga langit, kundi siya na gumaganap sa kalooban ng aking Ama na nasa mga langit.”—Mat. 7:13, 14, 21; tingnan din ang 1 Corinto 1:10.
Paulit-ulit na tinutukoy ng mga Kasulatan ang kalipunan ng tunay na mga turong Kristiyano bilang “ang katotohanan,” at ang Kristiyanismo ay tinatagurian bilang “ang daan ng katotohanan.” (1 Tim. 3:15; 2 Juan 1; 2 Ped. 2:2) Palibhasa’y isinasalig ng mga Saksi ni Jehova sa Bibliya ang lahat ng kanilang mga paniwala, mga pamantayan sa paggawi, at organisasyonal na mga pamamaraan, ang kanila mismong pananampalataya sa Bibliya bilang Salita ng Diyos ay nagbibigay sa kanila ng pagtitiwala na ang taglay nila’y tunay ngang ang katotohanan. Kaya ang kanilang paninindigan ay hindi isang paghahambog kundi nagtatanghal sa kanilang pagtitiwala na ang Bibliya ang siyang wastong pamantayan na dapat gamiting sukatan sa relihiyon ng isa. Sila ay hindi mapagpahalaga-sa-sarili kundi sabik sila na ibahagi ang kanilang paniniwala sa iba.
Hindi ba’t ang ibang relihiyon ay sumusunod din sa Bibliya?
Marami ang gumagamit din nito. Subali’t talaga bang itinuturo nila at ikinakapit ang nilalaman nito? Isaalang-alang: (1) Mula sa karamihan ng kanilang mga salin ng Bibliya ay kanilang inalis ang pangalan ng tunay na Diyos nang libu-libong ulit. (2) Ang doktrina ng Trinidad, ang paniwala nila hinggil sa Diyos mismo, ay hiram sa mga pagano at binuo sa kasalukuyang anyo nito maraming dantaon pagkatapos na maisulat ang Bibliya. (3) Ang paniwala nila hinggil sa kawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao bilang saligan ng patuluyang pamumuhay ay hindi halaw sa Bibliya; nag-uugat ito sa sinaunang Babilonya. (4) Ang tema ng pangangaral ni Jesus ay ang Kaharian ng Diyos, at isinugo niya ang kaniyang mga alagad upang personal na makipag-usap sa iba tungkol dito; subali’t bihirang banggitin ngayon ng mga simbahan ang Kaharian at ang kanilang mga miyembro ay hindi gumagawa ng pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian.” (Mat. 24:14) (5) Sinabi ni Jesus na ang kaniyang tunay na mga alagad ay madaling makikilala dahil sa kanilang mapagsakripisyong pag-ibig sa isa’t-isa. Totoo ba ito kung tungkol sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan kapag ang mga bansa ay humahayo sa digmaan? (6) Sinasabi ng Bibliya na ang mga alagad ni Kristo ay hindi magiging bahagi ng sanlibutan, at nagbabala ito na sinomang mag-ibig na maging kaibigan ng sanlibutan ay ginagawa ang sarili na isang kaaway ng Diyos; subali’t ang mga iglesiya sa Sangkakristiyanuhan at ang kanilang mga miyembro ay lubusang nasasangkot sa makapolitikang mga gawain ng mga bansa. (Sant. 4:4) Sa liwanag ng ulat na ito, buong-katapatan bang masasabi na sila’y tunay na nanghahawakan sa Bibliya?
Ano ang saligan ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang pagpapaliwanag sa Bibliya?
Ang isang pangunahing salik ay sapagka’t ang mga Saksi ay tunay na naniniwala na ang Bibliya ay Salita ng Diyos at na ang nilalaman nito ay ukol sa ating ikatututo. (2 Tim. 3:16, 17; Roma 15:4; 1 Cor. 10:11) Kaya hindi sila bumabaling sa maka-pilosopong mga pangangatuwiran bilang pag-iwas sa malinaw na mga kapahayagan nito hinggil sa katotohanan o upang ipagmatuwid ang paraan ng pamumuhay ng mga tao na tumalikod sa moral na mga pamantayan nito.
Sa pagpapaliwanag sa kahulugan ng makasagisag na mga pangungusap sa Bibliya, hinahayaan nila ang Bibliya na maglaan ng sariling paliwanag nito, sa halip na ibigay ang sarili nilang mga teoriya hinggil sa kahulugan nito. (1 Cor. 2:13) Ang mga pahiwatig hinggil sa kahulugan ng makasagisag na mga pangungusap ay madalas na masusumpungan din sa ibang bahagi ng Bibliya. (Bilang halimbawa, tingnan ang Apocalipsis 21:1; pagkatapos, tungkol sa kahulugan ng “dagat,” basahin ang Isaias 57:20. Upang makilala ang “Kordero” na tinutukoy sa Apocalipsis 14:1, tingnan ang Juan 1:29 at 1 Pedro 1:19.)
Kung tungkol naman sa katuparan ng hula, ikinakapit nila ang sinabi ni Jesus tungkol sa pagiging gising sa mga pangyayari na makakatugma niyaong inihula. (Luc. 21:29-31; ihambing ang 2 Pedro 1:16-19.) Maingat nilang itinuturo ang mga pangyayaring ito at inaakay ang pansin sa kung ano ang sinasabi ng Bibliya na kahulugan nito.
Sinabi ni Jesus na sa lupa ay magkakaroon siya ng isang “tapat at maingat na alipin” (ang kaniyang pinahirang mga tagasunod bilang isang grupo), na sa pamamagitan ng kasangkapang ito’y maglalaan siya ng espirituwal na pagkain sa mga bumubuo ng sambahayan ng pananampalataya. (Mat. 24:45-47) Kinikilala ng mga Saksi ni Jehova ang kaayusang ito. Gaya ng unang-siglong mga Kristiyano, nagtitiwala sila sa lupong tagapamahala ng uring “alipin” upang siyang lumutas sa masalimuot na mga katanungan—hindi salig sa karunungan ng tao, kundi sa pamamagitan ng pagsalok sa kanilang balon ng kaalaman sa Salita ng Diyos at sa mga pakikitungo niya sa kaniyang mga lingkod, at sa tulong ng espiritu ng Diyos, na ukol dito’y buong taimtim silang nananalangin.—Gawa 15:1-29; 16:4, 5.
Bakit sa nakalipas na mga taon ay nagkaroon ng mga pagbabago sa mga turo ng mga Saksi ni Jehova?
Ipinakikita ng Bibliya na pinangyayari ni Jehova na maunawaan ng kaniyang mga lingkod ang layunin niya sa isang pasulong na paraan. (Kaw. 4:18; Juan 16:12) Kaya, ang mga propeta na kinasihan ng Diyos upang sumulat ng mga bahagi ng Bibliya ay hindi nakaunawa sa kahulugan ng lahat ng isinulat nila. (Dan. 12:8, 9; 1 Ped. 1:10-12) Nakilala ng mga apostol ni Jesu-Kristo na marami pa ang hindi nila nauunawaan noong kanilang kapanahunan. (Gawa 1:6, 7; 1 Cor. 13:9-12) Ipinakikita ng Bibliya na sa “panahon ng kawakasan” ay magkakaroon ng malawakang paglago sa kaalaman hinggil sa katotohanan. (Dan. 12:4) Ang lumalawak na kaalaman ay madalas humihiling ng mga pagbabago sa kaisipan ng isa. Ang mga Saksi ni Jehova ay handang gawin ang mga pagbabagong ito, taglay ang buong kapakumbabaan.
Bakit nangangaral ang mga Saksi ni Jehova sa bahay-bahay?
Inihula ni Jesus ang gawaing ito para sa ating kaarawan: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayo’y darating ang wakas.” Tinuruan din niya ang kaniyang mga tagasunod: “Humayo . . . at gawing alagad ang mga tao sa lahat ng bansa.”—Mat. 24:14; 28:19.
Nang isugo ni Jesus ang kaniyang sinaunang mga alagad, inutusan niya sila na pumaroon sa tahanan ng mga tao. (Mat. 10:7, 11-13) Ang apostol na si Pablo ay nagsabi ng ganito tungkol sa kaniyang ministeryo: “Hindi ako nag-atubili sa pagsasabi sa inyo ng alinmang bagay na pakikinabangin ni ng pagtuturo sa inyo nang madlaan at sa bahay-bahay.”—Gawa 20:20, 21; tingnan din ang Gawa 5:42.
Ang mensahe na ipinapahayag ng mga Saksi ay nagsasangkot sa buhay ng mga tao; ayaw nila na makaligtaan ang sinoman. (Zef. 2:2, 3) Ang kanilang mga pagdalaw ay inuudyukan ng pag-ibig—una ukol sa Diyos, at gayon din ukol sa kapuwa.
Ganito ang napansin ng isang komperensiya ng mga pinuno ng relihiyon sa España: “Marahil ay lubusang nakakalimutan [ng mga iglesiya] ang mismong pangunahing pinagkakaabalahan ng mga Saksi—ang pagdalaw sa tahanan, na napapaloob sa apostolikong pamamaraan ng sinaunang iglesiya. Samantalang ang mga iglesiya ay karaniwan nang nasisiyahan na lamang sa pagtatayo ng kanilang mga templo, pagpapatunog ng kanilang mga kampana upang manawagan sa mga tao at sa pangangaral sa loob ng kanilang mga dako ng sambahan, [ang mga Saksi] ay sumusunod sa apostolikong paraan ng pagbabahay-bahay at ng pagsasamantala sa bawa’t pagkakataon upang makapagbigay-patotoo.”—El Catolicismo, Bogotá, Colombia, Setyembre 14, 1975, p. 14.
Subali’t bakit paulit-ulit na dumadalaw ang mga Saksi maging sa mga tahanan niyaong hindi tumatanggap ng kanilang pananampalataya?
Hindi nila ipinipilit ang kanilang mensahe sa kaninoman. Subali’t nalalaman nila na ang mga tao ay lumilipat ng tirahan at na ang mga kalagayan ng mga tao ay nagbabago. Sa ngayon baka abalang-abala ang isa para makinig; sa ibang panaho’y baka malulugod siyang mag-ukol ng panahon. Ang isang miyembro ng pamilya ay maaaring hindi maging interesado, subali’t marahil ay mayroong iba. Ang mga tao mismo ay nagbabago; ang malulubhang suliranin sa buhay ay maaaring pumukaw ng pagiging palaisip sa espirituwal na pangangailangan.—Tingnan din ang Isaias 6:8, 11, 12.
Bakit inuusig at pinagsasalitaan ng masama ang mga Saksi ni Jehova?
Sinabi ni Jesus: “Kung kayo’y kinapopootan ng sanlibutan, ay inyong talastas na ako muna ang kinapootan bago kayo. Kung kayo ay bahagi ng sanlibutan, ay iibigin ng sanlibutan ang kaniyang sarili. Nguni’t sapagka’t kayo’y hindi bahagi ng sanlibutan, kundi kayo’y hinirang ko sa sanlibutan, kaya dahil dito’y napopoot sa inyo ang sanlibutan.” (Juan 15:18, 19; tingnan din ang 1 Pedro 4:3, 4.) Ipinakikita ng Bibliya na ang buong sanlibutan ay nasa ilalim ng panunupil ni Satanas; siya ang pangunahing tagapagbuyo sa pag-uusig.—1 Juan 5:19; Apoc. 12:17.
Sinabi din ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kayo’y magiging tudlaan ng poot ng lahat ng tao dahil sa aking pangalan.” (Mar. 13:13) Ang salitang “pangalan” ay nangangahulugan dito ng opisyal na katayuan ni Jesus, bilang Mesiyanikong Hari. Ang pag-uusig ay dumarating sapagka’t inuuna ng mga Saksi ni Jehova ang kaniyang mga utos sa halip niyaong sa kaninomang pinunong makalupa.
Kung May Magsasabi—
‘Bakit hindi kayo makipagtulungan upang ang sanlibutan (ang komunidad) ay maging isang dakong mas kaayaayang pamuhayan?’
Maaari kayong sumagot: ‘Maliwanag na ang mga kalagayan sa komunidad ay mahalaga sa inyo, at mahalaga rin sa amin ito. Matanong ko kayo, Sa palagay ninyo’y alin kayang suliranin ang dapat na unang bigyan ng pansin?’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: ‘Bakit ninyo nadadama na ito ay naging isang pangunahing pangangailangan? . . . Maliwanag na ang karakarakang pagkilos sa bagay na ito ay magiging kapakipakinabang, subali’t natitiyak ko na sasang-ayon kayo na ang nais nating makita ay isang pangmatagalang lunas. Ito ang pangmalas na kinukuha namin bilang mga Saksi ni Jehova. (Ipaliwanag kung ano ang ginagawa natin upang tulungan ang mga tao na maikapit ang mga simulain ng Bibliya sa kanilang buhay upang marating ang pinakaugat ng suliranin sa isang personal na paraan; gayon din, kung ano ang gagawin ng Kaharian ng Diyos, at kung bakit ito ang magiging walang-hanggang kalutasan ng suliranin para sa sangkatauhan.)’
O maaari ninyong sabihin: ‘(Matapos masaklaw ang mga punto sa sagot sa itaas . . .) Ang ibang tao ay tumutulong sa pagpapaunlad ng komunidad sa pamamagitan ng pag-aabuloy ng salapi; ang iba nama’y sa pamamagitan ng kusang pag-aalok ng kanilang paglilingkod. Ang dalawang ito ay parehong ginagawa ng mga Saksi ni Jehova. Hayaan ninyong ipaliwanag ko.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Upang maging isa sa mga Saksi ni Jehova, ang isa ay dapat na buong-pusong magbayad ng kaniyang buwis; ito ay naglalaan ng salapi upang maipagkaloob ng pamahalaan ang kinakailangang mga paglilingkod.’ (2) ‘Higit pa rito ang ginagawa namin, dumadalaw kami sa tahanan ng mga tao, at inaalok sila na mag-aral ng Bibliya nang walang bayad. Kapag natutuhan nila kung ano ang sinasabi ng Bibliya, natututo silang magkapit ng mga simulain ng Bibliya at sa gayo’y nakakayanan ang kanilang mga suliranin.’
Isa pang posibilidad: ‘Nagagalak ako at nabanggit ninyo ang bagay na ito. Maraming tao ay hindi kailanman nagtatanong kung ano ba ang aktuwal na ginagawa ng mga Saksi kaugnay ng mga gawaing pangkomunidad. Maliwanag na hindi lamang iisa ang paraan upang ang isa’y makatulong.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Ang iba ay gumagawa nito sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga institusyon—mga ospital, tahanan para sa mga may-edad, pagamutan para sa mga sugapa sa droga, at iba pa. Ang iba’y nagkukusang dumalaw mismo sa mga tahanan upang makapag-alok ng kinakailangang tulong sa abot ng makakaya nila. Ito mismo ang ginagawa ng mga Saksi ni Jehova.’ (2) ‘Natuklasan namin na mayroong isang bagay na maaaring makapagpabago sa buong pangmalas ng isang tao sa buhay, at ito ay ang kaalaman sa kung ano ang tunay na layunin ng buhay ayon sa Bibliya at kung ano ang inilalaan ng hinaharap.’
Isang karagdagang mungkahi: ‘Pinahahalagahan ko ang inyong pagtatanong. Gusto nating bumuti ang mga kalagayan, hindi po ba? Matanong ko kayo, Ano ang nadadama ninyo hinggil sa ginawa mismo ni Jesu-Kristo? Masasabi ba ninyo na ang paraan ng pagtulong niya sa mga tao ay praktikal? . . . Sinisikap naming sundin ang kaniyang halimbawa.’
‘Ang mga Kristiyano ay dapat maging mga Saksi ni Jesus, hindi ni Jehova’
Maaari kayong sumagot: ‘Kawiliwili ang punto na inyong ibinangon. At tama kayo sa pagsasabing may pananagutan tayo na maging mga saksi ukol kay Jesus. Iyon ang dahilan kung bakit ang papel ni Jesus sa layunin ng Diyos ay idinidiin sa aming mga babasahin. (Baka nais ninyong gamitin ang isang kasalukuyang aklat o magasin upang itanghal ito.) Subali’t narito ang isang bagay na baka bago sa inyong pandinig. (Apoc. 1:5) . . . Kanino naging “Saksing Tapat” si Jesus? (Juan 5:43; 17:6) . . . Inilaan ni Jesus ang halimbawa na dapat nating tularan, hindi po ba? . . . Bakit napakahalaga na makilala kapuwa si Jesus at ang kaniyang Ama? (Juan 17:3)’