Kabanata 13
Nakilala sa Pamamagitan ng Ating Pag-uugali
TAYO’Y nabubuhay sa isang panahon na ang pamantayang moral na matagal nang iginalang ay iniwawaksi na ng kalakhang bahagi ng sangkatauhan. Karamihan sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay gumaya rin, maaaring dahil sa pagpapabaya o sa pangangatuwirang ang panahon ay iba na ngayon at ang mga bawal noon ay hindi na kapit ngayon. Kung tungkol sa resulta, si Samuel Miller, dean ng Harvard Divinity School, ay nagsabi: “Ang simbahan ay hindi na nangunguna. Tinanggap nito ang kultura ng ating kapanahunan at tinularan ito.” Ang epekto sa buhay niyaong mga umasa ng patnubay mula sa ganitong mga simbahan ay masaklap.
Sa kabaligtaran, bilang pagtukoy sa mga Saksi ni Jehova, ang L’Eglise de Montréal, lingguhang pahayagan ng Katolikong archdiócesis ng Montreal, Canada, ay nagsabi: “Sila’y may pambihirang pamantayan sa moral.” Malaking bilang ng mga guro sa paaralan, mga may pagawaan, at mga opisyales ng gobyerno ang sumasang-ayon doon. Ano ang dahilan ng ganitong reputasyon?
Higit pa sa panghahawakan lamang sa isang partikular na kalipunan ng makadoktrinang paniniwala at pagpapatotoo sa iba tungkol sa paniniwalang ito ang nasasangkot sa pagiging isa sa mga Saksi ni Jehova. Ang sinaunang Kristiyanismo ay kilala bilang “Ang Daan,” at ang mga Saksi ni Jehova ay naniniwala na ang tunay na relihiyon sa ngayon ay dapat na maging isang paraan ng pamumuhay. (Gawa 9:2) Gayunman, gaya ng nangyari sa ibang mga bagay, hindi agad natamo ng modernong mga Saksi ang isang balanseng pagpapahalaga sa kung ano ang nasasangkot dito.
“Pagkatao o Tipan—Alin?”
Bagaman sila’y nagsimula taglay ang mahusay na payo mula sa Kasulatan tungkol sa pangangailangan na maging tulad-Kristo, ang pagpapahalaga na iniukol ng ilan sa sinaunang mga Estudyante ng Bibliya sa “pagpapasulong ng pagkatao,” gaya ng tawag nila, ay naging dahilan upang maliitin ang ilang bahagi ng tunay na Kristiyanismo. Ang ilan sa kanila ay nag-akala na ang pagiging mapitagan—laging mukhang mabait at mabuti, banayad sa pagsasalita, umiiwas sa anumang pagpapakita ng galit, nagbabasa ng Bibliya araw-araw—ay titiyak sa kanilang pag-akyat sa langit. Subalit nakaligtaan ng mga ito na si Kristo ay nagbigay sa kaniyang mga alagad ng isang atas na gawain.
Ang suliraning ito ay iniharap sa artikulong “Pagkatao o Tipan—Alin?” sa isyu ng The Watch Tower,a Mayo 1, 1926. Ito’y nagpakita na ang mga pagsisikap na magtaglay ng isang “sakdal na pagkatao” samantalang nasa laman pa ay naging dahilan upang ang ilan ay sumuko dahil sa kawalang-pag-asa, ngunit kasabay nito, ang iba naman ay nagkaroon ng “nag-aaring-banal” na saloobin at naging dahilan upang ipagwalang-bahala nila ang halaga ng hain ni Kristo. Pagkatapos idiin ang pananampalataya sa itinigis na dugo ni Kristo, itinawag-pansin ng artikulo ang kahalagahan ng ‘paggawa’ sa masiglang paglilingkuran sa Diyos upang magpatunay na ang isa ay nagtataguyod ng isang hakbanging kasiya-siya sa Diyos. (2 Ped. 1:5-10) Noong panahong iyon, nang ang kalakhang bahagi ng Sangkakristiyanuhan ay nagkukunwari pa ring nanghahawakan sa mga pamantayang moral ng Bibliya, ang pagdiriing ito sa paggawa ay nagpatingkad sa pagkakaiba ng mga Saksi ni Jehova at ng Sangkakristiyanuhan. Higit na nahayag ang pagkakaiba habang ang mga isyu sa moral na nagiging palasak na ay kinakaharap ng lahat ng nag-aangking Kristiyano.
“Lumayo sa Pakikiapid”
Malaon nang inilalahad ng Bibliya sa simpleng pangungusap ang Kristiyanong pamantayan tungkol sa moralidad sa sekso. “Ito ang kalooban ng Diyos, ang pagpapakabanal ninyo, na kayo’y lumayo sa pakikiapid . . . Sapagkat tayo’y tinawag ng Diyos, hindi sa ikarurumi, kundi may kinalaman sa pagpapakabanal. Kaya, ang taong nagtatakwil ay nagtatakwil, hindi sa tao, kundi sa Diyos.” (1 Tes. 4:3-8) “Maging marangal nawa sa lahat ang pag-aasawa, at huwag nawang marungisan ang higaan ng mag-asawa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya.” (Heb. 13:4) “Hindi ba ninyo alam na ang mga taong liko ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos? Huwag kayong padaya. Kahit ang mga mapakiapid, . . . ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking ukol sa di-natural na layunin, ni ang mga lalaking sumisiping sa mga kapuwa lalaki . . . ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”—1 Cor. 6:9, 10.
Sa Watch Tower, itinawag ang pansin sa pamantayang ito para sa tunay na mga Kristiyano noon pang Nobyembre ng 1879. Subalit hindi ito paulit-ulit o masinsinang tinalakay na waring isang malaking suliranin sa gitna ng sinaunang mga Estudyante ng Bibliya. Gayunman, habang nagiging maluwag ang pangmalas ng sanlibutan, higit na pansin ang ibinigay sa kahilingang ito, lalo na sa mga taon bago at pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II. Kinailangan ito sapagkat ang ilan sa mga Saksi ni Jehova ay may palagay na basta abala ka sa pagpapatotoo, ang kaunting luwag sa moralidad sa sekso ay isa lamang personal na bagay. Totoo na sa Ang Bantayan ng Marso 1, 1935 (sa Ingles), maliwanag na binanggit na ang pakikibahagi sa paglilingkod sa larangan ay hindi nagbibigay ng pahintulot para sa imoral na pag-uugali. Subalit hindi ito dinibdib ng bawat isa. Kaya sa isyu nito ng Mayo 15, 1941, Ang Bantayan ay muling tumalakay sa bagay na ito, nang detalyado, sa isang artikulong pinamagatang “Ang Kaarawan ni Noe.” Ipinaliwanag nito na ang kahalayan sa sekso noong kaarawan ni Noe ay isang dahilan kung kaya niwasak noon ng Diyos ang sanlibutan, at ipinakita nito na ang ginawa noon ng Diyos ay nagbibigay ng parisan ng kaniyang gagawin sa ating kaarawan. Sa malinaw na pangungusap ay nagbabala ito na ang isang tapat na lingkod ng Diyos ay hindi maaaring gumugol ng bahagi ng isang araw sa paggawa ng kalooban ng Panginoon at pagkatapos, sa dakong gabi, ay magpakalabis naman sa “mga gawa ng laman.” (Gal. 5:17-21) Ito’y sinundan pa, sa Ang Bantayan ng Hulyo 1, 1942 (sa Ingles), ng isang artikulo na sumusumpa sa pag-uugaling taliwas sa mga pamantayan sa moral ng Bibliya para sa mga walang asawa at mga may-asawa. Hindi dapat isipin ng sinuman na ang pakikibahagi sa pangmadlang pangangaral ng mensahe ng Kaharian bilang isang Saksi ni Jehova ay nagbibigay-dahilan upang maging pabaya sa pamumuhay. (1 Cor. 9:27) Darating ang panahon na magkakaroon ng mas mahihigpit na alituntunin upang mapangalagaan ang moral na kalinisan ng organisasyon.
Ang ilan sa mga nagnanais noon na maging mga Saksi ni Jehova ay lumaki sa mga lugar na pinahihintulutan ang pagsubok muna sa pag-aasawa, na ang pagtatalik ng magnobyo ay pangkaraniwan, o na ang pagsasama ng mga taong hindi kasal ay ipinagpapalagay na normal lamang. Ang ilang mag-asawa ay nagsisikap na huwag magtalik. Ang ibang tao naman, kahit hindi diborsiyado, ay hiwalay sa kani-kanilang asawa. Upang maglaan ng kinakailangang patnubay, noong dekada ng 1950, isinaalang-alang ng Ang Bantayan ang lahat ng mga kalagayang ito, tinalakay ang mga pananagutan ng mag-asawa, idiniin ang pagbabawal ng Bibliya sa pakikiapid, at ipinaliwanag kung ano ang pakikiapid, upang huwag magkaroon ng maling pangangahulugan.b—Gawa 15:19, 20; 1 Cor. 6:18.
Sa mga lugar na doo’y hindi gaanong minamahalaga ng mga baguhang nakikisama sa organisasyon ni Jehova ang mga pamantayang moral ng Bibliya, ito’y binigyan ng pantanging atensiyon. Kaya, noong 1945, nang si N. H. Knorr, ang ikatlong presidente ng Samahang Watch Tower, ay nasa Costa Rica, siya’y nagbigay ng isang pahayag hinggil sa Kristiyanong moralidad na doo’y sinabi niya: “Kayong lahat na naririto ngayong gabi na nakikisama sa isang babae gayong hindi pa kayo kasal, mayroon akong payo para sa inyo. Pumunta kayo sa Simbahang Katoliko at ipalista ninyo ang inyong pangalan bilang miyembro, sapagkat doon ay maaari ninyong gawin ang mga bagay na ito. Subalit ito ay organisasyon ng Diyos, at dito ay hindi ninyo maaaring gawin ang mga bagay na ito.”
Sa pagsisimula ng dekada ng 1960, nang ang mga homoseksuwal ay naging mas hayagan na sa kanilang paggawi, maraming simbahan ang nagtalu-talo sa bagay na ito, at pagkatapos ay tinanggap sila bilang mga miyembro. Ang ilang simbahan sa ngayon ay nag-oorden pa man din sa mga homoseksuwal bilang mga klerigo. Upang matulungan ang mga taong tapat na may mga katanungan tungkol sa bagay na ito, tinalakay rin ng mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova ang mga isyung ito. Subalit sa gitna ng mga Saksi, walang anumang pag-aalinlangan sa kung papaano mamalasin ang homoseksuwalidad. Bakit wala? Sapagkat hindi nila ipinalalagay na ang mga kahilingan ng Bibliya ay galing lamang sa opinyon ng mga tao noong una. (1 Tes. 2:13) Sila’y malugod na nakikipag-aral ng Bibliya sa mga homoseksuwal upang sila man ay makaalam ng mga kahilingan ni Jehova, at ang ganitong mga tao ay maaaring dumalo sa mga pagpupulong ng mga Saksi upang makinig, subalit walang sinuman na patuloy na gumagawa ng homoseksuwalidad ang maaaring maging isa sa mga Saksi ni Jehova.—1 Cor. 6:9-11; Jud. 7.
Noong nakaraang mga taon lamang, ang pagpapakalabis sa sekso ng mga walang asawang kabataan ay naging karaniwan sa sanlibutan. Nakadama ng panggigipit ang mga kabataan na nasa mga pamilya ng mga Saksi ni Jehova, at ang ilan ay nagsimulang gumaya sa paraan ng sanlibutan na nakapaligid sa kanila. Papaano hinarap ng organisasyon ang situwasyong ito? Ang mga artikulong sinadya upang tulungan ang mga magulang at mga kabataan na malasin ang mga bagay-bagay ayon sa Kasulatan ay inilathala sa Ang Bantayan at Gumising! Ang ayon sa tunay na buhay na mga drama ay itinanghal sa mga kombensiyon upang tulungan ang bawat isa na mabatid ang magiging bunga ng pagtanggi sa mga pamantayang moral ng Bibliya at ang mga pakinabang ng pagsunod sa mga utos ng Diyos. Ang isa sa pinakauna sa mga ito, na itinanghal noong 1969, ay pinamagatang “Mga Tinik at mga Bitag ang Nasa Daan ng Isang Nagsasarili.” Inihanda ang pantanging mga aklat upang tulungan ang mga kabataan na pahalagahan ang karunungan ng payo ng Bibliya. Dito’y kabilang Ang Iyong Kabataan—Pagkakamit ng Pinakamainam Dito (inilathala sa Ingles noong 1976) at Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas (inilathala noong 1989). Nagbigay ng personal na espirituwal na tulong ang lokal na mga elder sa mga indibiduwal at sa mga pamilya. Ipinagsanggalang din ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng pagtitiwalag sa mga di-nagsisising manggagawa ng kasalanan.
Ang pagguho ng moral sa sanlibutan ay hindi umakay sa isang mapagkunsinting kaisipan sa gitna ng mga Saksi ni Jehova. Sa kabaligtaran, ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay higit na nagdiin sa pangangailangan na umiwas hindi lamang sa bawal na pagtatalik kundi rin naman sa mga impluwensiya at mga situwasyon na nagpapababa sa mga pamantayan sa moral. Noong nakaraang tatlong dekada, ito’y naglaan ng instruksiyon upang patibayin ang mga indibiduwal laban sa “lihim na mga kasalanan” gaya ng masturbasyon at upang babalaan sila sa panganib ng pornograpya, mga dramang de-serye, at musikang nakapagpapababa ng moral. Kaya, habang pababa ang kalakaran ng moral ng sanlibutan, pataas naman ang sa mga Saksi ni Jehova.
Buhay Pampamilya sa Ilalim ng Maka-Diyos na mga Pamantayan
Ang panghahawakang mahigpit sa pamantayan ng Bibliya hinggil sa moralidad sa sekso ay nagdulot ng malaking kapakinabangan sa buhay pampamilya ng mga Saksi ni Jehova. Subalit ang pagiging isa sa mga Saksi ni Jehova ay hindi garantiya na ang isang tao ay hindi na magkakaroon ng mga suliranin sa sambahayan. Gayunpaman, kumbinsido ang mga Saksi na ang Salita ng Diyos ay nagbibigay ng pinakamagaling na payo kung papaano mapagtatagumpayan ang ganitong mga suliranin. Marami silang mga paglalaan mula sa organisasyon upang matulungan silang ikapit ang payong iyan; at kapag sinunod nila iyon, ang mga resulta ay tunay na kapaki-pakinabang.
Sing-aga ng 1904, ang ikaanim na tomo ng Studies in the Scriptures ay naglaan ng isang malawakang pagtalakay sa mga pananagutan ng mag-asawa at mga obligasyon ng magulang. Mula noon, daan-daang artikulo ang inilathala at maraming pahayag ang binigkas sa bawat kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova upang tulungan ang bawat miyembro ng pamilya na pahalagahan ang kaniyang bigay-Diyos na papel. Ang pagtuturong ito hinggil sa kapaki-pakinabang na buhay pampamilya ay hindi lamang para sa mga bagong kasal kundi isang patuluyang programa na nagsasangkot sa buong kongregasyon.—Efe. 5:22–6:4; Col. 3:18-21.
Pahihintulutan Kaya ang Poligamya?
Kahit na ang mga kostumbre na umaapekto sa pag-aasawa at buhay pampamilya ay nagkakaiba-iba sa iba’t ibang lupain, kinikilala ng mga Saksi ni Jehova na ang mga pamantayang iniulat sa Bibliya ay kapit kahit saan. Nang magpasimula ang kanilang gawain sa Aprika sa ika-20 siglong ito, nagturo roon ang mga Saksi, gaya ng ginagawa nila saanman, na ang Kristiyanong pag-aasawa ay nagpapahintulot lamang sa iisang asawa. (Mat. 19:4, 5; 1 Cor. 7:2; 1 Tim. 3:2) Gayunman, daan-daan ang tumanggap sa paghahantad ng Bibliya sa idolatriya at maligayang niyakap ang itinuro ng mga Saksi ni Jehova hinggil sa Kaharian ng Diyos ngunit nagpabautismo nang hindi nilalayuan ang poligamya. Upang ituwid ang kalagayang ito, ang Ang Bantayan ng Enero 15, 1947 (sa Ingles), ay nagdiin na ang Kristiyanismo ay hindi nagpapahintulot sa poligamya, anuman ang lokal na kostumbre. Isang liham ang ipinadala sa mga kongregasyon na nagsasaad na sinuman na nagpapakilalang mga Saksi ni Jehova ngunit poligamo ay binibigyan ng anim na buwang palugit upang iayon ang kanilang buhay may-asawa sa pamantayan ng Bibliya. Ito’y pinatibay pa ng isang pahayag na ibinigay ni Brother Knorr sa panahon ng kaniyang dalaw sa Aprika nang taon ding iyon.
Sa Nigeria, maraming mga tao ng sanlibutan ang humula na ang pagsisikap na alisin ang poligamya sa gitna ng mga Saksi ni Jehova ay mangangahulugang walang matitirang Saksi. At totoo nga na hindi lahat ng poligamo na nabautismuhan noon bilang mga Saksi ay gumawa ng kinakailangang mga pagbabago kahit na noong 1947. Halimbawa, si Asuquo Akpabio, isang naglalakbay na tagapangasiwa, ay nagkukuwento na isang Saksi na tinuluyan niya sa Ifiayong ang gumising sa kaniya isang hatinggabi at iniutos na baguhin niya ang ipinatalastas hinggil sa kahilingan na magkaroon lamang ng isang asawa. Sa dahilang tumanggi siya, pinalayas siya ng kaniyang tinutuluyan sa gitna ng ulan noong gabing iyon.
Subalit ang pag-ibig kay Jehova ay nagbigay sa iba ng kinakailangang lakas upang sundin ang kaniyang mga utos. Narito ang ilan lamang sa kanila. Sa Zaire isang lalaki na kapuwa isang Katoliko at isang poligamo ang nagpaalis sa dalawa sa kaniyang mga asawa upang maging isa sa mga Saksi ni Jehova, kahit na ang pagpapaalis sa isang pinakamamahal dahilan sa hindi siya ang ‘asawa ng kaniyang kabataan’ ay isang malaking pagsubok sa kaniyang pananampalataya. (Kaw. 5:18) Sa Dahomey (ngayo’y Benin) isang dating Methodista na may lima pang asawa ang nakapagtagumpay sa maraming legal na hadlang upang makakuha ng kinakailangang diborsiyo at sa gayo’y maging kuwalipikado siya sa bautismo. Gayunman, patuloy na sinustentuhan niya ang kaniyang dating mga asawa at ang kanilang mga anak, gaya rin ng ginawa ng iba na nagpaalis ng sekundaryong mga asawa. Si Warigbani Whittington, isang taga-Nigeria, ay ikalawa sa dalawang asawa ng kaniyang kabiyak. Nang ipasiya niyang ang pagpapalugod kay Jehova, ang tunay na Diyos, ang pinakamahalaga sa kaniya, hinarap niya ang galit ng kaniyang asawa at saka ng kaniyang pamilya. Pinayagan siyang umalis ng kaniyang asawa, kasama ang kaniyang dalawang anak, ngunit walang pinansiyal na tulong—kahit man lamang pamasahe. Gayunman, sinabi niya: ‘Walang anumang materyal na pakinabang na aking iniwan ang makapapantay sa pagpapalugod kay Jehova.’
Kumusta Naman ang Diborsiyo?
Sa mga Kanluraning lupain ang poligamya ay hindi gaanong ginagawa, ngunit ang ibang mga saloobin na salungat sa Kasulatan ay nauuso. Ang isa rito ay ang palagay na mas mabuti pa ang magdiborsiyo kaysa magkaroon ng isang di-maligayang pag-aasawa. Nang lumipas na mga taon ang ilan sa mga Saksi ni Jehova ay nagsimulang tumulad sa ganitong espiritu, humihiling ng diborsiyo sa mga kadahilanang tulad ng “di-pagkakasundo.” Papaano ito hinarap ng mga Saksi? Isang mabisang kampanya ng pagtuturo sa kung ano ang pangmalas ni Jehova sa diborsiyo ang regular na isinasagawa ng organisasyon upang makinabang ang datihan nang mga Saksi gayundin ang daan-daan libong napaparagdag sa kanila taun-taon.
Sa anong mga alituntunin sa Bibliya itinuon ng Ang Bantayan ang pansin? Ang sumusunod, bukod sa iba pa: Sa ulat ng Bibliya hinggil sa pag-aasawa ng unang tao, ang pagiging iisa ng mag-asawa ay idiniin; sinabi nito: ‘Ang lalaki’y pipisan sa kaniyang asawa, at sila’y magiging iisang laman.’ (Gen. 2:24) Nang malaunan, sa Israel, ang Batas ay nagbawal sa pangangalunya at humatol ng kamatayan sa sinumang masasangkot dito. (Deut. 22:22-24) Pinahintulutan ang diborsiyo sa iba pang mga kadahilanan bukod sa pakikiapid, ngunit dahil lamang sa ‘katigasan ng kanilang puso,’ gaya ng ipinaliwanag ni Jesus. (Mat. 19:7, 8) Papaano minalas ni Jehova ang ugali na basta na lamang iiwan ang asawa upang magpakasal sa iba? Sinasabi ng Malakias 2:16: ‘Kinapootan niya ang paghihiwalay.’ Gayunman, pinahintulutan niya yaong nakipagdiborsiyo na manatili sa kongregasyon ng Israel. Kung kanilang tatanggapin ang pagdisiplina ni Jehova sa kaniyang bayan, ang kanilang pusong bato ay papalitan ng malambot na puso pagsapit ng panahon, isa na makapagpapakita ng tunay na pag-ibig sa kaniyang mga daan.—Ihambing ang Ezekiel 11:19, 20.
Madalas na sinasabi ng Ang Bantayan na nang tinatalakay ni Jesus ang diborsiyo na ginagawa sa sinaunang Israel, ipinakita niya na dapat magtatag ng mas mataas na pamantayan sa gitna ng kaniyang mga tagasunod. Sinabi niya na sinumang humiwalay sa kaniyang asawa malibang dahil sa pakikiapid (por·neiʹa, “bawal na pakikipagtalik”) at magpakasal sa iba, ay nagkakasala ng pangangalunya; at kahit na hindi siya mag-asawang-muli, iniuumang niya ang kaniyang asawa sa pangangalunya. (Mat. 5:32; 19:9) Kaya, ipinaliwanag ng Ang Bantayan na para sa mga Kristiyano ang diborsiyo ay higit na maselan kaysa noon sa Israel. Bagaman ang Kasulatan ay hindi nag-uutos na bawat nagdidiborsiyo ay alisin sa kongregasyon, yaong mga nangangalunya at hindi nagsisisi ay itinitiwalag ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova.—1 Cor. 6:9, 10.
Malalaking pagbabago ang naganap sa saloobin ng sanlibutan noong nakalipas na mga taon hinggil sa pag-aasawa at buhay pampamilya. Sa kabila nito, ang mga Saksi ni Jehova ay nagpapatuloy na sumunod sa mga pamantayan na inilaan ng Diyos, ang Tagapagtatag ng pag-aasawa, gaya ng nakaulat sa Bibliya. Sa paggamit ng mga alituntuning iyon, sila’y nagsisikap na matulungan ang tapat-pusong mga tao na mapagtagumpayan ang mahihirap na kalagayan na kinasuungan ng marami.
Bilang resulta, nagkaroon ng malaking pagbabago sa buhay ng marami na tumanggap ng turo ng Bibliya mula sa mga Saksi ni Jehova. Ang mga lalaking dati’y nambubugbog ng asawa, mga lalaking hindi nagsasabalikat ng kanilang pananagutan, mga lalaking naglalaan sa materyal ngunit hindi sa emosyonal at espirituwal—libu-libo sa kanila ang naging mapagmahal na mga asawa at mga ama na nangangalaga sa kani-kanilang sambahayan. Ang mga babaing labis na mapagsarili, mga babaing nagpapabaya sa kanilang mga anak at hindi pinangangalagaan ang kanilang sarili o ang kanilang tahanan—marami sa kanila ang naging mga asawang gumagalang sa pagkaulo at gumagawi sa paraan na sila’y lubos na mamahalin ng kani-kanilang asawa at mga anak. Ang mga kabataan na walang-pitagang sumusuway sa kanilang mga magulang at nagrerebelde laban sa lipunan sa pangkalahatan, mga kabataang nagwawasak ng kanilang sariling mga buhay dahil sa mga bagay na kanilang ginagawa at sa gayo’y nagdadala ng pamimighati sa kanilang mga magulang—hindi iilan sa kanila ang nagkaroon ng maka-Diyos na layunin sa buhay, at ito’y tumulong upang mabago ang kanilang personalidad.
Siyempre pa, ang isang mahalagang salik sa ikapagtatagumpay ng pamilya ay ang katapatan sa isa’t isa. Mahalaga rin ang katapatan sa iba pang pagsasamahan.
Hanggang Saan ang Kahilingan ng Katapatan?
Alam ng mga Saksi ni Jehova na ang katapatan ay kailangan sa lahat ng kanilang ginagawa. Bilang saligan ng kanilang paniniwala, tumutukoy sila sa mga kasulatan gaya ng sumusunod: Si Jehova mismo ay “Diyos ng katotohanan.” (Awit 31:5) Sa kabilang dako, gaya ng sabi ni Jesus, ang Diyablo “ang ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Kung gayon, maliwanag na ang isa sa mga bagay na kinamumuhian ni Jehova ay “ang sinungaling na dila.” (Kaw. 6:16, 17) Ang kaniyang Salita ay nagsasabi sa atin: “Kaya ngayon na itinakwil na ninyo ang kasinungalingan, magsalita ng katotohanan.” (Efe. 4:25) At hindi lamang dapat na magsalita ang mga Kristiyano ng katotohanan kundi, gaya ni apostol Pablo, sila’y dapat na ‘mag-ugaling mapagtapat sa lahat ng bagay.’ (Heb. 13:18) Walang bahagi ng buhay ng mga Saksi ni Jehova ang wastong mapagkakapitan ng ibang pamantayan ng Bibliya liban dito.
Nang dumalaw si Jesus sa tahanan ng maniningil ng buwis na si Zaqueo, inamin ng lalaki na ang kaniyang paraan ng paghahanapbuhay ay hindi tama, at siya’y gumawa ng hakbang upang pagbayaran ang dating gawang pangingikil. (Luc. 19:8) Noong nakalipas na mga taon, upang magkaroon ng malinis na budhi sa harap ng Diyos, ang ilang tao na nagsimulang makisama sa mga Saksi ni Jehova ay kumuha rin ng ganitong hakbangin. Halimbawa, sa Espanya isang pusakal na magnanakaw ang nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Di-nagtagal ay binagabag siya ng kaniyang budhi; kaya isinauli niya ang mga bagay na ninakaw sa kaniyang dating pinagtatrabahuhan at sa kaniyang mga kapitbahay, pagkatapos ay dinala ang iba pang mga bagay sa pulis. Siya’y pinagbayad ng multa at nabilanggo nang maigsing panahon, ngunit ngayon siya’y may malinis na budhi. Sa Inglatera, pagkatapos lamang ng dalawang buwang pakikipag-aral ng Bibliya sa isa sa mga Saksi ni Jehova, ang isang dating magnanakaw ng brilyante ay sumuko sa pulis, na nagtaka; anim na buwan na nila siyang hinahanap. Sa loob ng dalawa at kalahating taon na itinigil niya sa piitan, siya’y masigasig na nag-aral ng Bibliya at natutong ibahagi ang katotohanan ng Bibliya sa iba. Nang siya’y makalaya inialay niya ang kaniyang sarili sa bautismo bilang isa sa mga Saksi ni Jehova.—Efe. 4:28.
Kilalang-kilala ang reputasyon ng mga Saksi ni Jehova sa katapatan. Alam ng mga pinagtatrabahuhan na ang mga Saksi ay hindi lamang kailanman magnanakaw sa kanila kundi hindi rin sila magsisinungaling o papalsipikahin ang mga papeles sa udyok ng kanilang pinagtatrabahuhan—hindi, kahit pagbantaan pa na aalisin sa trabaho. Sa mga Saksi ni Jehova ang isang mabuting relasyon sa Diyos ay higit na mahalaga kaysa sa pagsang-ayon ng sinumang tao. At natalos din nila na, saanman sila naroroon, o anuman ang kanilang ginagawa, “lahat ng bagay ay hubad at nakalantad sa harapan ng mga mata niyaong ating pagsusulitan.”—Heb. 4:13; Kaw. 15:3.
Sa Italya ganito ang sabi ng pahayagang La Stampa tungkol sa mga Saksi ni Jehova: “Isinasagawa nila ang kanilang ipinangangaral . . . Ang moral na mga huwaran ng pag-ibig sa kapuwa, pagtanggi sa kapangyarihan, pagkawalang karahasan at personal na katapatan (na para sa maraming Kristiyano ay mga ‘patakaran kung Linggo’ na sinasabi lamang sa pulpito) ay makikita sa kanilang ‘pang-araw-araw’ na paraan ng pamumuhay.” At sa Estados Unidos, si Louis Cassels, patnugot sa relihiyon para sa United Press International, Washington, D.C., ay sumulat: “Ang mga Saksi ay naninindigan nang buong katapatan sa kanilang mga paniniwala, kahit na ito’y magbunga ng kawalan sa kanila.”
Kung Bakit Hindi Naging Isyu sa Kanila ang Pagsusugal
Noon, ang katapatan ay karaniwan nang kaakibat ng pagnanais na magtrabaho. Ang pagsusugal, alalaong baga’y, ang pagtayâ ng isang halaga ng salapi sa isang pustahan sa kalalabasan ng isang laro o iba pang labanan, ay hinamak ng lipunan sa pangkalahatan. Subalit habang ang espiritu ng kasakiman at pagyaman-agad ay lumaganap sa ika-20 siglo, ang pagsusugal—legal at ilegal—ay naging palasak. Ito’y tinatangkilik hindi lamang ng masasamang-loob kundi madalas na pati ng mga simbahan at ng sekular na mga pamahalaan upang makalikom ng salapi. Papaano pinakitunguhan ng mga Saksi ni Jehova ang pagbabagong ito ng kalakaran sa lipunan? Batay sa mga prinsipyo ng Bibliya.
Gaya ng naipaliwanag na sa kanilang mga publikasyon, walang tiyakang utos sa Bibliya na nagsasabing, Huwag kang magsusugal. Subalit ang dulot ng pagsusugal ay palaging masama, at ang bulok na bungang ito ay nailantad na ng Ang Bantayan at Gumising! sa loob ng kalahating siglo. Isa pa, ipinakita na ng mga magasing ito na ang pagsusugal anumang uri ay nagsasangkot sa mga saloobing ibinababala ng Bibliya. Halimbawa, pag-ibig sa salapi: “Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uring kasamaan.” (1 Tim. 6:10) At pag-iimbot: “Ni huwag mong iimbutin . . . ang anumang bagay ng iyong kapuwa.” (Deut. 5:21; ihambing ang 1 Corinto 10:24.) Gayundin ang kasakiman: “Huwag kayong makisama sa kanino mang tinatawag na kapatid kung siya’y . . . isang taong sakim.” (1 Cor. 5:11) Karagdagan pa, ang Bibliya ay nagbababala laban sa pananalig sa “Mabuting Kapalaran” na para bang ito’y isang uri ng makahimalang puwersa na magkakaloob ng mga pakinabang. (Isa. 65:11) Dahil isinasapuso nila ang mga babalang ito sa Kasulatan, matatag na nilalayuan ng mga Saksi ni Jehova ang pagsusugal. At mula noong 1976 sila’y nagsikap na iwasang sinuman sa kanilang mga kasamahan ay magkaroon ng sekular na trabahong maliwanag na may kaugnayan sa sugal.
Hindi kailanman naging malaking isyu ang pagsusugal sa gitna ng mga Saksi ni Jehova. Alam nila na sa halip na pagyamanin ang espiritu na makinabang sa kapinsalaan ng iba, hinihimok sila ng Bibliya na magtrabaho, maging tapat sa pangangalaga sa ipinagkatiwala sa kanila, maging mapagbigay, bahaginan ang mga nangangailangan. (Efe. 4:28; Luc. 16:10; Roma 12:13; 1 Tim. 6:18) Ito ba’y napapansin agad ng iba na nakikitungo sa kanila? Oo, lalo na yaong nakikipagnegosyo sa kanila. Madalas na hinahanap ng mga sekular na may-ari ng pagawaan ang mga Saksi ni Jehova bilang mga empleyado dahil alam nila ang kanilang pagiging tapat at maaasahan. Napagtanto nila na ang relihiyon ng mga Saksi ang dahilan kung bakit sila gayon.
Kumusta Naman ang Tabako at Pag-abuso sa Droga?
Hindi binabanggit ng Bibliya ang tabako, ni tinutukoy ang maraming iba pang mga droga na inaabuso ngayon sa ating kapanahunan. Subalit naglalaan ito ng mga alituntunin na nakatutulong sa mga Saksi ni Jehova upang makilala kung anong paggawi ang nakalulugod sa Diyos. Kaya nga, kahit noon pang 1895, nang ang Watch Tower ay magkomento hinggil sa paggamit ng tabako, itinuon nito ang pansin sa 2 Corinto 7:1, na nagsasabi: “Kaya nga, yamang taglay natin ang mga pangakong ito, mga minamahal, magsipaglinis tayo sa lahat ng karumihan ng laman at ng espiritu, na pinasasakdal ang kabanalan sa takot sa Diyos.”
Sa loob ng maraming taon ang payong iyan ay waring nakasapat na. Ngunit habang ang mga kompanya ng tabako ay nag-aanunsiyo upang gawing kaakit-akit ang paninigarilyo, at pagkatapos ay naging palasak ang pag-abuso sa “ilegal” na mga droga, higit pa ang kinailangan. Ang iba pang prinsipyo ng Bibliya ay itinampok: paggalang kay Jehova, ang Tagapagbigay ng buhay (Gawa 17:24, 25); pag-ibig sa kapuwa (Sant. 2:8), at ang bagay na ang isang taong hindi umiibig sa kaniyang kapuwa ay hindi talagang umiibig sa Diyos (1 Juan 4:20); gayundin ang pagsunod sa makasanlibutang mga pinunò (Tito 3:1). Ipinaliwanag na ang Griegong salita na phar·ma·kiʹa, na sa diwa’y nangangahulugang “pagdodroga,” ay ginamit ng mga manunulat ng Bibliya upang tumukoy sa “paggawa ng espiritismo” dahil sa paggamit ng droga sa mga gawaing espiritistiko.—Gal. 5:20.
Noong 1946, ibinunyag ng magasing Consolation ang mapandayang uri ng binayarang mga pahayag na ginamit sa mga anunsiyo ng sigariliyo. Nang lumabas ang katibayan ng siyensiya, ang pumalit sa Consolation, ang Gumising!, ay naglathala rin ng patotoo na ang paggamit ng tabako ay dahilan ng kanser, sakit sa puso, pinsala sa di pa naipanganganak na sanggol ng nagdadalantaong babae, at pinsala sa mga di-naninigarilyo na sapilitang nakalalanghap ng mausok na hangin, gayundin ang ebidensiya na ang nikotina ay nakasusugapa. Pinansin ang nakalalangong epekto ng marijuana at ang ebidensiya na ang paggamit nito ay maaaring magdulot ng pinsala sa utak. Gayundin ang malubhang panganib ng iba pang nakasusugapang mga droga ay paulit-ulit nang tinalakay para sa kapakinabangan ng mga mambabasa ng mga publikasyon ng Watch Tower.
Matagal na bago pa napagkasunduan ng mga ahensiya ng pamahalaan kung ano ang dapat gawin upang babalaan ang mga tao sa pinsalang dulot ng paggamit ng tabako, niliwanag ng Ang Bantayan, sa isyu nito ng Marso 1, 1935 (sa Ingles), na walang sinumang gumagamit ng tabako ang maaaring maging miyembro ng punong tanggapan ng Watch Tower Bible and Tract Society o maging isa sa mga hinirang na kinatawan nito. Pagkatapos hirangin ng Samahan ang lahat ng mga lingkod sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova (kaayusang nagsimula noong 1938), binanggit ng Ang Bantayan ng Hulyo 1, 1942 (sa Ingles), na ang pagbabawal sa paggamit ng tabako ay kapit din sa lahat ng hinirang na mga lingkod na ito. Sa ilang lugar lumipas ang ilang taon bago lubusang naisakatuparan ito. Gayunman, karamihan sa mga Saksi ni Jehova ay sumunod sa payo ng Kasulatan at sa mabuting halimbawa niyaong mga nangunguna sa kanila.
Bilang pagpapasulong pa sa di-nagbabagong pagpapairal sa payong iyan ng Bibliya, walang sinumang naninigarilyo ang tinanggap para sa bautismo mula 1973 patuloy. Nang sumunod na mga buwan, yaong tuwirang kasangkot sa paggawa ng tabako o sa pagbibili ng tabako ay tinulungang maunawaan na hindi sila matatanggap bilang mga Saksi ni Jehova kung magpapatuloy sila sa gawaing iyan. Dapat na patuloy na ikapit ang Salita ng Diyos sa bawat pitak ng buhay. Ang pagkakapit na iyan ng mga prinsipyo ng Bibliya hinggil sa paggamit ng tabako, marijuana, at ang tinatawag na matatapang na droga ay nagsanggalang sa mga Saksi. Sa paggamit ng Kasulatan, natulungan din nila ang libu-libong tao na ang mga buhay ay niwasak ng pag-aabuso sa droga.
Naiiba ba ang mga Inuming De-Alkohol?
Ang mga publikasyon ng Watch Tower ay hindi sumusunod sa palagay na ang pag-inom ng mga inuming de-alkohol ay katulad din ng pag-abuso sa droga. Bakit hindi? Nagpaliwanag sila: Alam ng Maylikha kung papaano tayo ginawa, at ang kaniyang Salita ay nagpapahintulot sa katamtamang paggamit ng mga inuming de-alkohol. (Awit 104:15; 1 Tim. 5:23) Subalit nagbababala rin ang Bibliya laban sa ‘labis na pag-inom,’ at mahigpit na ipinagbabawal nito ang paglalasing.—Kaw. 23:20, 21, 29, 30; 1 Cor. 6:9, 10; Efe. 5:18.
Sa dahilang ang walang-patumanggang pag-inom ng nakalalasing na mga inumin ay sumisira ng mga buhay ng maraming tao, si Charles Taze Russell mismo ay sang-ayon sa lubusang pag-iwas dito. Gayunman, inamin niya na si Jesus ay gumamit ng alak. Noong ika-19 na siglo at sa unang bahagi ng ika-20 siglo, iginigiit ng marami sa madla na legal na ipagbawal ang alak sa Estados Unidos. Lantarang nagpahayag ng pagsang-ayon ang Watch Tower sa mga nagsisikap na sugpuin ang pinsalang dulot ng alak, ngunit hindi sila nakisama sa kampanya na magpatibay ng mga batas sa pagbabawal. Gayunman, ang magasin ay matatag na tumukoy sa mga pinsalang bunga ng pagmamalabis at madalas na binanggit na mas mabuti kung iiwasan ang alak at matatapang na inumin. Yaong mga nag-iisip na maaari naman silang uminom ng kaunting alak ay hinihimok na isaalang-alang ang Roma 14:21, na nagsasabi: “Mabuti ang huwag kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anuman na katitisuran ng iyong kapatid.”
Gayunman, noong 1930, nang ang tagapamanihala ng Anti-Saloon League sa Estados Unidos ay nagmalabis sa pag-aangkin sa madla na ang kaniyang organisasyon ay “galing sa Diyos,” ginamit ng presidente noon ng Samahang Watch Tower na si J. F. Rutherford ang pagkakataon upang ipahayag sa radyo na ang gayong pag-aangkin ay parang paninirang-puri laban sa Diyos. Bakit? Sapagkat ang Salita ng Diyos ay hindi nagbabawal sa lahat ng paggamit ng alak; sapagkat ang mga batas na nagbabawal ng alak ay hindi nag-aalis ng paglalasing, na siyang hinahatulan ng Diyos; at sapagkat ang pagbabawal ay nagbunga ng pagkokontrabando ng alak at katiwalian sa pamahalaan.
Ang paggamit ng mga inuming de-alkohol o ang pag-iwas sa mga ito ay minamalas bilang isang personal na bagay para sa mga Saksi ni Jehova. Subalit sila’y naninindigan sa kahilingan ng Kasulatan na ang mga tagapangasiwa ay dapat na “katamtaman sa pag-uugali.” Ang pananalitang iyan ay isinalin mula sa Griego na ne·phaʹli·on, na sa literal ay nangangahulugang, ‘mahinahon, mapagtimpi; lubusang umiiwas sa alak o kahit man lamang sa labis na pag-inom nito.’ Ang ministeryal na mga lingkod man ay dapat na “hindi mahilig sa maraming alak.” (1 Tim. 3:2, 3, 8) Kaya, ang malalakas na manginginom ay hindi karapat-dapat sa pantanging mga pribilehiyo ng paglilingkod. Ang ipinakikitang mabuting halimbawa ng mga nangunguna sa mga Saksi ni Jehova ay nagbibigay sa kanila ng kalayaan sa pagsasalita kapag tumutulong sa iba na maaaring may hilig na umasa sa mga inuming de-alkohol upang makayanan ang panggigipit o maaaring sa totoo, ay dapat na lubusang umiwas sa pag-inom upang huwag na muling maalipin nito. Ano ang mga resulta?
Bilang halimbawa, ganito ang sabi ng isang ulat mula sa timog-sentral ng Aprika: “Mula sa lahat ng pag-uulat, yaong mga lugar kung saan ang mga Saksi ni Jehova ang pinakamalalakas sa gitna ng mga Aprikano sa ngayon ay mga lugar na mas mapayapa kaysa karaniwan. Tiyak na sila’y aktibo laban sa mga panunulsol, pangkukulam, paglalasing at anumang uri ng karahasan.”—The Northern News (Zambia).
Ang isa pang mahalagang paraan kung papaanong ang pag-uugali ng mga Saksi ni Jehova ay naiiba sa sanlibutan ay hinggil sa—
Paggalang sa Buhay
Ang gayong paggalang ay nag-ugat sa pagkilala sa katotohanan na ang buhay ay isang kaloob mula sa Diyos. (Awit 36:9; Gawa 17:24, 25) Kasali rito ang pagkaunawa na maging ang buhay ng di pa ipinanganganak ay mahalaga sa mata ng Diyos. (Exo. 21:22-25; Awit 139:1, 16) Isinasaalang-alang nito na “ang bawat isa sa atin ay magbibigay-sulit sa Diyos ng kaniyang sarili.”—Roma 14:12.
Kaalinsunod sa mga prinsipyong ito ng Bibliya, lagi nang nilalayuan ng mga Saksi ni Jehova ang aborsiyon. Upang makapaglaan ng mabuting patnubay sa mga mambabasa nito, ang magasing Gumising! ay tumutulong sa kanila upang maunawaan na ang kalinisan ay isang banal na kahilingan; detalyadong tinalakay nito ang himala ng paraan ng pag-aanak gayundin ang sikolohikal at pisyolohikal na mga salik sa pagluluwal ng sanggol. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, nang ang aborsiyon ay naging pangkaraniwan na lamang, maliwanag na ipinakita ng Ang Bantayan na ang gawaing ito ay taliwas sa Salita ng Diyos. Tahasan, ang isyu ng Disyembre 15, 1969 (sa Ingles), ay nagsabi: “Ang aborsiyon upang ilaglag ang inaayawang sanggol ay gaya rin ng kusang pagkitil sa buhay ng isang tao.”
Kung Bakit Tinatanggihan ang Pagsasalin ng Dugo
Ang paggalang sa buhay na ipinakikita ng mga Saksi ni Jehova ay nakaapekto rin sa kanilang saloobin hinggil sa pagsasalin ng dugo. Nang maging suliranin sa kanila ang pagsasalin ng dugo, sa Hulyo 1, 1945 (sa Ingles), detalyadong ipinaliwanag ng Ang Bantayan ang Kristiyanong pangmalas hinggil sa kabanalan ng dugo.c Ipinakita nito na kapuwa ang dugo ng hayop at ng tao ay kasali sa banal na pagbabawal na nagkabisa kay Noe at sa lahat ng kaniyang inapo. (Gen. 9:3-6) Ipinaliwanag nito na ang kahilingang ito’y muling idiniin noong unang siglo sa utos na ang mga Kristiyano ay dapat ‘lumayo sa dugo.’ (Gawa 15:28, 29) Niliwanag din ng artikulong iyan mula sa Kasulatan na ang paggamit lamang ng dugo sa paghahain ang siyang sinang-ayunan ng Diyos, at yamang ang paghahain ng mga hayop sa ilalim ng Batas Mosaiko ay lumalarawan sa hain ni Kristo, ang pagwawalang-bahala sa kahilingan na ang mga Kristiyano ay dapat ‘lumayo sa dugo’ ay magpapakita ng tahasang di-paggalang sa haing pantubos ni Jesu-Kristo. (Lev. 17:11, 12; Heb. 9:11-14, 22) Kaalinsunod sa pagkaunawang iyan, simula noong 1961 sinumang nagwalang-bahala sa banal na kahilingan, nagpasalin ng dugo, at nagpamalas ng di-pagsisisi ay itiniwalag mula sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova.
Sa pasimula, ang pisikal na mga epekto ng pagsasalin ng dugo ay hindi tinalakay sa mga publikasyon ng Watch Tower. Nang dakong huli, nang lumabas na ang gayong mga impormasyon, iyon man ay inilathala—hindi bilang ang dahilan kung bakit hindi nagpapasalin ng dugo ang mga Saksi ni Jehova kundi upang patibayin ang kanilang pagkaunawa sa pagbabawal na ginawa mismo ng Diyos hinggil sa paggamit ng dugo. (Isa. 48:17) Sa layuning iyan, noong 1961 ang maraming reperensiyang buklet na Blood, Medicine and the Law of God ay inilathala. Noong 1977 isa pang buklet ang inilimbag. Ang isang ito, na pinamagatang Jehovah’s Witnesses and the Question of Blood, ay nagdiin muli sa bagay na ang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova ay salig sa relihiyon, batay sa sinasabi ng Bibliya, at hindi dahil sa posibleng panganib sa kalusugan. Isa pang pagrerebisa sa paksa ang iniharap noong 1990 sa brosyur na Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay? Sa paggamit ng mga publikasyong ito, higit na pagsisikap ang inilaan ng mga Saksi ni Jehova upang matamo ang pakikipagtulungan ng mga doktor at upang tulungan silang maunawaan ang paninindigan ng mga Saksi. Gayunpaman, sa loob ng maraming taon malaki ang pagtingin ng mga doktor sa pagsasalin ng dugo.
Kahit na sabihin ng mga Saksi ni Jehova sa mga doktor na hindi sila tumatanggi sa ibang paraan ng panggagamot, ang pagtanggi sa pagpapasalin ng dugo ay hindi madali. Madalas, matinding pamimilit ang ginamit sa mga Saksi at sa kanilang mga pamilya upang sumang-ayon sa kinaugaliang ginagawa noon sa medisina. Sa Puerto Rico, noong Nobyembre ng 1976, ang 45-taóng-gulang na si Ana Paz de Rosario ay sumang-ayon sa isang operasyon at kinakailangang panggagamot subalit humiling na dahilan sa kaniyang relihiyosong paniniwala, walang gagamiting dugo. Sa kabila nito, taglay ang utos mula sa korte, limang pulis at tatlong nars ang pumunta sa kaniyang silid sa ospital nang madaling-araw, itinali siya sa kama, at pilit na sinalinan ng dugo, labag sa kaniyang kagustuhan at sa kaniyang asawa at mga anak. Labis-labis ang kaniyang pagkasindak at siya’y namatay. Hindi ito pambihirang pangyayari, at hindi lamang sa Puerto Rico nagaganap ang ganitong kalapastanganan.
Sa Denmark, tinugis ng mga pulis ang mga magulang na Saksi noong 1975 sapagkat hindi sila mapilit na pasalinan ng dugo ang kanilang anak kundi sa halip ay humanap ng ibang paraan ng paggagamot. Sa Italya, noong 1982, isang mag-asawa matapos pagsikapang ipagamot sa apat na bansa ang kanilang wala nang lunas na anak na babae ang nahatulang mabilanggo ng 14 na taon sa salang pagpatay pagkatapos na ang bata’y mamatay samantalang sinasalinan ayon sa utos ng korte.
Kadalasan, kaugnay ng pagtatangkang ipilit ang pagsasalin sa mga anak ng mga Saksi ni Jehova, ang media ay nagsusulsol sa mga tao upang maghari ang poot. Sa ilang pagkakataon, kahit walang legal na pagdinig na doo’y maaaring magpaliwanag ang mga magulang, ang mga huwes ay nag-uutos na ang kanilang mga anak ay dapat salinan. Gayunman, sa mahigit na 40 kaso sa Canada, ang sinalinang mga bata ay patay nang ibinalik sa kanilang mga magulang.
Hindi lahat ng doktor at huwes ay sang-ayon sa ganitong mararahas na paraan. Ang ilan ay nagsimulang magpakita ng mas matulunging saloobin. Ang ilang doktor ay gumamit ng kanilang kakayahan upang gumamot nang walang dugo. Sa paggawa nito, natamo nila ang higit na karanasan sa lahat ng uri ng pag-oopera nang walang dugo. Unti-unting napatunayan na lahat ng uri ng operasyon ay maaaring matagumpay na maisagawa, sa kapuwa matatanda at mga sanggol, nang walang pagsasalin ng dugo.d
Upang maiwasan ang di-kinakailangang komprontasyon sa panahon ng kagipitan, maaga noong dekada ng 1960 ang mga Saksi ni Jehova ay nagsimulang bumisita sa kani-kanilang mga doktor upang ipakipag-usap ang kanilang paninindigan at magbigay sa kanila ng angkop na literatura. Nang dakong huli ay humiling sila na ilagay ang isang nasusulat na pahayag sa kani-kanilang sariling medical files na nagsasaad na hindi sila sasalinan ng dugo. Nang sumapit ang dekada ng 1970, pinagkaugalian nila na magdala sa kanilang sarili ng isang kard na magbababala sa tauhan ng medisina sa bagay na hindi sila sasalinan ng dugo ano man ang mangyari. Pagkatapos kumunsulta sa mga doktor at mga abogado, ang kaurian ng kard ay binago upang maging isang legal na dokumento.
Upang matulungan ang mga Saksi ni Jehova sa pasiyang ito na mahadlangan ang pagsasalin sa kanila ng dugo, upang maiwasan ang di-pagkakaunawaan sa panig ng mga doktor at mga ospital, at upang magkaroon ng higit na espiritu ng pagtutulungan sa pagitan ng mga institusyon sa medisina at sa mga pasyenteng Saksi, itinatag ang Hospital Liaison Committees sa pangangasiwa ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Mula sa kakaunti ng ganitong mga komite noong 1979, ang kanilang bilang ay dumami hanggang sa mahigit na 800 sa mahigit na 70 lupain. Ang mga piniling matatanda ay sinasanay at naglalaan ng gayong paglilingkod sa Hilagang Amerika, sa Dulong Silangan, pangunahing mga lupain sa Timog Pasipiko, Europa, at Latin Amerika. Bilang karagdagan sa pagpapaliwanag sa paninindigan ng mga Saksi ni Jehova, ipinaaalam ng matatandang ito sa mga tauhan ng ospital na may maaaring ipanghalili sa pagsasalin ng dugo. Sa mga panahon ng kagipitan tumutulong sila na magsaayos ng konsultasyon sa pagitan ng naunang mga doktor at ng mga siruhano na nagkaroon na ng ganitong mga kaso sa mga Saksi nang walang pagsasalin ng dugo. Kung kinakailangan, ang mga komiteng ito ay dumadalaw hindi lamang sa mga tauhan ng ospital kundi maging sa mga huwes din naman na napasangkot sa mga kaso kung saan ang mga ospital ay humingi ng utos mula sa korte para sa pagsasalin.
Kapag ang paggalang sa kanilang relihiyosong paniniwala hinggil sa kabanalan ng dugo ay hindi natiyak sa ibang paraan, kung minsan, ipinararating ng mga Saksi ni Jehova ang kasong ito ng mga doktor at ospital sa hukuman. Humihiling muna sila ng pag-awat o isang utos mula sa hukuman. Pero, sa kalilipas na mga taon lamang, kinailangan na sila’y humingi ng bayad-pinsala laban sa mga doktor at ospital na namimilit. Noong 1990 pinagtibay ng Ontario Court of Appeal, sa Canada, ang demanda para sa bayad-pinsala dahil sa niwalang-bahala ng doktor ang kard sa lukbutan ng pasyente na maliwanag na nagsasaad na ang Saksi ay hindi magpapasalin ng dugo ano man ang mangyari. Sa Estados Unidos, mula 1985, di-kukulangin sa sampung paghiling ng bayad-pinsala ang pinasimulan sa iba’t ibang panig ng bansa, at kadalasan ay nakikipagkasundo na agad sa halagang ibabayad ang idinemanda sa halip na harapin ang posibilidad na mas malaki pa ang ipabayad ng hurado. Ang mga Saksi ni Jehova ay lubusang determinado na sundin ang banal na pagbabawal sa paggamit ng dugo. Hindi nila ibig na idemanda ang mga doktor, subalit gagawin nila ito kung kinakailangan upang pigilin sila na ipilit sa mga Saksi ang panggagamot na para sa kanila’y kasuklam-suklam sa moral.
Unti-unting natatalos ng mga tao ang panganib na sanhi ng pagsasalin ng dugo. Ito, sa isang panig, ay dahil sa takot sa AIDS. Ngunit, ang mga Saksi ay pinakikilos ng masidhing pagnanais na mapaluguran ang Diyos. Noong 1987 ang pahayagan sa Pranses na Le Quotidien du Médecin ay nagsabi: “Maaaring tama ang mga Saksi ni Jehova sa pagtanggi sa paggamit ng dugo, sapagkat totoo na ang karamihan ng sakit ay maaaring mapalipat sa pamamagitan ng isinaling dugo.”
Ang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova ay hindi batay sa mataas na kaalaman sa medisina na nagmumula sa kanila. Sila’y nagtiwala lamang na ang daan ni Jehova ay matuwid at na ‘hindi siya nagkakait ng anumang mabuting bagay’ sa kaniyang tapat na mga lingkod. (Awit 19:7, 11; 84:11) Kahit na kung ang isang Saksi ay mamatay bunga ng pagkaubos ng dugo—at ito’y nangyayari kung minsan—lubusan ang pagtitiwala ng mga Saksi ni Jehova na hindi kalilimutan ng Diyos ang kaniyang mga tapat kundi isasauli sila sa buhay sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli.—Gawa 24:15.
Kapag Nagwalang-Bahala ang mga Tao sa Pamantayan ng Bibliya
Milyun-milyong tao ang nakikipag-aral na ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, subalit hindi lahat sa kanila ay naging mga Saksi. Kapag nalaman ng ilan sa kanila ang mataas na pamantayan na hinihiling, kanilang ipinapasiya na hindi ito ang uri ng buhay na gusto nila. Ang lahat ng binabautismuhan ay bibigyan muna ng kumpletong instruksiyon sa saligang mga turo ng Bibliya, at pagkatapos (lalo na mula noong 1967) ay nirerepaso ng matatanda sa kongregasyon ang mga turong iyon sa bawat kandidato sa bautismo. Ang bawat pagsisikap ay ginagawa upang maunawaang mabuti ng mga nagpapabautismo hindi lamang ang doktrina kundi ang nasasangkot na Kristiyanong pag-uugali rin naman. Subalit, ano kung ang ilan sa mga ito ay magpahintulot sa kanilang pag-ibig sa sanlibutan na akitin sila sa malubhang pagkakasala?
Sing-aga ng 1904, sa aklat na The New Creation, napansin ang pangangailangan na gumawa ng angkop na hakbang upang huwag manghina ang kongregasyon. Ang pagkaunawa ng mga Estudyante ng Bibliya noon hinggil sa paraan ng pakikitungo sa mga nagkasala gaya ng binalangkas sa Mateo 18:15-17 ay tinalakay. Kaugnay nito, bagaman bihirang mangyari, ay nagkaroon ng ‘mga paglilitis sa iglesya’ na doo’y inihaharap sa buong kongregasyon ang ebidensiya ng malubhang pagkakasala. Paglipas ng mga taon, nirepaso ng Ang Bantayan, sa isyu nito ng Mayo 15, 1944 (sa Ingles), ang paksa sa liwanag ng buong Bibliya at ipinakita na ang mga bagay na ito na nakaaapekto sa kongregasyon ay dapat na pangasiwaan ng responsableng mga kapatid na nangangasiwa sa kongregasyon. (1 Cor. 5:1-13; ihambing ang Deuteronomio 21:18-21.) Ito’y sinundan, sa Ang Bantayan ng Agosto 1, 1952 (Marso 1, 1952, sa Ingles) na may mga artikulong nagdiriin hindi lamang ng angkop na pamamaraan kundi ng pangangailangan na gumawa ng hakbang upang mapanatiling malinis ang organisasyon. Paulit-ulit mula noon, ang paksa ay isinasaalang-alang. Subalit nananatili pa rin ang mga layunin: (1) upang mapanatiling malinis ang organisasyon at (2) upang ikintal sa isip ng nagkasala ang pangangailangan ng tunay na pagsisisi.
Noong unang siglo, may ilan na nag-iwan ng kanilang pananampalataya dahil sa maruming pamumuhay. Ang iba ay nahiwalay dahil sa mga doktrina ng apostasya. (1 Juan 2:19) Patuloy na nagaganap ang ganitong bagay sa gitna ng mga Saksi ni Jehova sa ika-20 siglong ito. Nakalulungkot, di pa natatagalan, kinailangang itiwalag taun-taon ang sampu-sampung libong di-nagsisising nagkasala. Ang kilalang matatanda ay kabilang sa mga ito. Kapit sa lahat ang gayunding mga kahilingan sa Kasulatan. (Sant. 3:17) Natatalos ng mga Saksi ni Jehova na ang pagpapanatiling malinis ng organisasyon ay mahalaga upang patuloy na matamo ang pagsang-ayon ni Jehova.
Pagbibihis ng Bagong Pagkatao
Hinimok ni Jesus ang mga tao na maging malinis hindi lamang sa panlabas kundi rin naman sa panloob. (Luc. 11:38-41) Ipinakita niya na ang mga bagay na ating sinasabi at ginagawa ay salamin ng ating puso. (Mat. 15:18, 19) Gaya ng paliwanag ni apostol Pablo, kung tayo’y talagang naturuan ni Kristo, tayo’y ‘magbabago sa puwersang nagpapakilos ng ating isip’ at ‘magbibihis ng bagong pagkatao, na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at katapatan.’ (Efe. 4:17-24) Yaong naturuan ni Kristo ay nagnanais magtamo “ng gayunding kaisipan na gaya ng kay Kristo Jesus” upang sila’y mag-isip at kumilos na gaya niya. (Roma 15:5) Ang pag-uugali ng mga Saksi ni Jehova bilang mga indibiduwal ay nagpapaaninag kung hanggang saan na nila nagawa iyan.
Hindi inaangkin ng mga Saksi ni Jehova na ang kanilang pag-uugali ay walang kapintasan. Subalit sila’y taimtim sa kanilang pagsisikap na maging tagatulad kay Kristo habang kanilang sinusunod ang mataas na pamantayan ng Bibliya sa pag-uugali. Hindi nila ikinakaila na may iba pang mga indibiduwal na nagkakapit ng mataas na pamantayang moral sa kani-kanilang mga buhay. Subalit sa kaso ng mga Saksi ni Jehova, hindi lamang bilang mga indibiduwal kundi bilang isang pang-internasyonal na organisasyon na sila’y madaling makilala dahilan sa pag-uugali na alinsunod sa mga pamantayan ng Bibliya. Sila’y inuudyukan ng kinasihang payo na nakaulat sa 1 Pedro 2:12: “Ingatan ninyong mainam ang inyong paggawi sa gitna ng mga bansa, upang . . . dahilan sa inyong mabubuting gawa na kanilang nakikita ay luwalhatiin nila ang Diyos.”
[Mga talababa]
a Sa Ang Bantayan ng Oktubre 15, 1941 (sa Ingles), tinalakay na muli ang paksa, sa anyong pinaigsi, sa ilalim ng pamagat na “Pagkatao o Katapatan—Alin?”
b Ang Ang Bantayan ng Agosto 15, 1951 (Abril 15, 1951, sa Ingles) ay nagpaliwanag na ang pakikiapid ay ang “pagpayag ng isang walang asawa na makipagtalik sa hindi niya kasekso.” Idinagdag pa ng isyu ng Enero 1, 1952 (sa Ingles) na sa Kasulatan ang termino ay maaari ring tumukoy sa seksuwal na imoralidad ng isang may-asawa.
c Ang naunang mga pagtalakay hinggil sa kabanalan ng dugo ay lumabas sa The Watch Tower ng Disyembre 15, 1927, gayundin sa Ang Bantayan ng Disyembre 1, 1944 (sa Ingles), na tiyakang bumanggit sa pagsasalin ng dugo.
d Contemporary Surgery, Marso 1990, p. 45-9; The American Surgeon, Hunyo 1987, p. 350-6; Miami Medicine, Enero 1981, p. 25; New York State Journal of Medicine, Oktubre 15, 1972, p. 2524-7; The Journal of the American Medical Association, Nobyembre 27, 1981, p. 2471-2; Cardiovascular News, Pebrero 1984, p. 5; Circulation, Setyembre 1984.
[Blurb sa pahina 172]
“Sila’y may pambihirang pamantayang moral”
[Blurb sa pahina 174]
Nagkaroon ba ng anumang pag-aalinlangan sa kung papaano mamalasin ang homoseksuwalidad?
[Blurb sa pahina 175]
Ang pagguho ng moral sa sanlibutan ay hindi umakay sa mga Saksi upang maging kunsintidor
[Blurb sa pahina 176]
Ang ilan ay nagtangkang maging mga Saksi nang hindi tinatalikdan ang poligamya
[Blurb sa pahina 177]
Isang mabisang programa upang ituro ang pangmalas ni Jehova sa diborsiyo
[Blurb sa pahina 178]
Malalaking pagbabago sa mga buhay ng mga tao
[Blurb sa pahina 181]
Tabako—Hindi!
[Blurb sa pahina 182]
Mga inuming de-alkohol—katamtaman, kung sakaling iinom
[Blurb sa pahina 183]
Matatag na nagpasiyang hindi tatanggap ng dugo
[Blurb sa pahina 187]
Pagtitiwalag—upang mapanatili ang isang organisasyon na may malinis na moral
[Kahon sa pahina 173]
‘Pagpapasulong ng Pagkatao’—Hindi Laging Maganda ang Bunga
Isang pag-uulat sa Denmark: ‘Marami, lalo na sa mas matatanda nang kaibigan, dahil sa kanilang tapat na pagpupunyagi na makapagsuot ng Kristiyanong personalidad, ay nagsikap na umiwas sa anumang may kahit bahagyang bahid ng sanlibutan at dahil dito ay nagiging higit na karapat-dapat sila sa makalangit na Kaharian. Malimit, itinuring na hindi dapat ngumiti sa panahon ng pulong, at marami sa matatanda nang kapatid ang nagsuot ng itim na terno, itim na sapatos, itim na kurbata. Sila’y madalas na kuntento nang mabuhay nang tahimik at tiwasay sa Panginoon. Naniwala sila na sapat na ang magpulong at hayaang ang mga colporteur ang gumawa ng pagpapatotoo.’
[Kahon sa pahina 179]
Kung Ano ang Napapansin ng Iba sa mga Saksi
◆ Ang “Münchner Merkur,” isang pahayagang Aleman, ay nag-ulat tungkol sa mga Saksi ni Jehova: “Sila ang pinakatapat at pinakamaagap magbayad ng buwis sa Republika Pederal. Ang kanilang pagkamasunurin sa batas ay makikita sa paraan ng kanilang pagmamaneho gayundin sa estadistika ng krimen. . . . Sinusunod nila ang awtoridad (mga magulang, mga guro, pamahalaan). . . . Ang Bibliya, na saligan ng lahat ng kanilang ikinikilos, ay siya nilang pinagbatayan.”
◆ Sinabi ng alkalde sa Lens, Pransiya, sa mga Saksi pagkatapos na gamitin nila ang lokal na istadyum sa isa sa kanilang mga kombensiyon: “Ang nagustuhan ko ay na tinutupad ninyo ang inyong mga pangako at mga pinagkasunduan, bukod pa sa kayo’y malilinis, disiplinado, at organisado. Nagustuhan ko ang inyong samahan. Ako’y laban sa magugulo, at ayoko ng mga taong nagdurumi at naninira ng mga bagay-bagay.”
◆ Ang aklat na “Voices From the Holocaust” ay naglalaman ng mga talaarawan ng isang taga-Poland na nakaligtas sa mga kampong piitan ng Auschwitz at Ravensbrück na sumulat: “Nakita ko ang mga taong naging napakababait, at mga taong napakasasama. Ang pinakamabuting grupo ay ang mga Saksi ni Jehova. Saludo ako sa mga taong iyon. . . . Ginawa nila ang kahanga-hangang mga bagay para sa ibang tao. Tinulungan nila ang mga maysakit, pinaghatian nila ang kanilang tinapay, at pinalakas sa espirituwal ang bawat isang kalapit nila. Kinamuhian sila ng mga Aleman ngunit nirespeto rin naman. Binigyan sila ng pinakamabibigat na gawain subalit tinanggap nila ito nang taas-noo.”