Ayon kay Mateo
10 Pagkatapos, tinawag niya ang kaniyang 12 alagad at binigyan sila ng awtoridad na magpalayas ng masasamang* espiritu+ at magpagaling ng bawat uri ng sakit at kapansanan.
2 Ito ang 12 apostol:+ Si Simon, na tinatawag na Pedro,+ at si Andres+ na kapatid niya; si Santiago na anak ni Zebedeo at ang kapatid niyang si Juan;+ 3 si Felipe at si Bartolome;+ si Tomas+ at si Mateo+ na maniningil ng buwis; si Santiago na anak ni Alfeo at si Tadeo; 4 si Simon na Cananeo; at si Hudas Iscariote, na bandang huli ay nagtraidor sa kaniya.+
5 Ang 12 ito ay isinugo ni Jesus matapos bigyan ng ganitong tagubilin:+ “Huwag kayong pumunta sa rehiyon ng mga banyaga, at huwag kayong pumasok sa anumang lunsod ng mga Samaritano;+ 6 sa halip, pumunta lang kayo sa nawawalang mga tupa ng sambahayan ng Israel.+ 7 Humayo kayo at mangaral. Sabihin ninyo: ‘Ang Kaharian ng langit ay malapit na.’+ 8 Magpagaling kayo ng mga maysakit,+ bumuhay ng mga patay, magpagaling ng mga ketongin, magpalayas ng mga demonyo. Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.+ 9 Huwag kayong magdala* ng ginto, o pilak, o tanso,+ 10 o ng lalagyan ng pagkain para sa paglalakbay, o ekstrang* damit, o sandalyas, o tungkod,+ dahil ang mga manggagawa ay karapat-dapat tumanggap ng pagkain.+
11 “Saanmang lunsod o nayon kayo pumasok, hanapin ninyo kung sino ang karapat-dapat, at manatili kayo sa bahay niya habang naroon kayo sa lugar na iyon.+ 12 Kapag pumapasok kayo sa bahay, batiin ninyo ang sambahayan. 13 Kung karapat-dapat ang sambahayan, magkaroon nawa sila ng kapayapaang hinangad ninyo para sa kanila;+ pero kung hindi sila karapat-dapat, manatili nawa sa inyo ang kapayapaan. 14 Saanmang lugar hindi tanggapin o pakinggan ang sinasabi ninyo, kapag umalis kayo sa bahay o sa lunsod na iyon, ipagpag ninyo ang alikabok mula sa inyong mga paa.+ 15 Sinasabi ko sa inyo, mas magaan pa ang magiging parusa sa Sodoma at Gomorra+ sa Araw ng Paghuhukom kaysa sa lunsod na iyon.
16 “Isinusugo ko kayong gaya ng mga tupa sa gitna ng mga lobo;*+ kaya maging maingat kayong gaya ng ahas pero walang muwang na gaya ng kalapati.+ 17 Mag-ingat kayo sa mga tao, dahil dadalhin nila kayo sa mga hukuman,+ at hahagupitin nila kayo+ sa mga sinagoga nila.+ 18 At dadalhin kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari+ dahil sa akin, at makapagpapatotoo kayo sa kanila at sa mga bansa.+ 19 Pero kapag dinala nila kayo roon, huwag kayong mag-alala kung ano ang sasabihin ninyo o kung paano ninyo ito sasabihin, dahil ipaaalam sa inyo ang sasabihin ninyo sa oras na iyon;+ 20 ang magsasalita ay hindi lang kayo, kundi ang espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.+ 21 Bukod diyan, ipapapatay ng kapatid ang kapatid niya, at ng ama ang anak niya, at ang mga anak ay lalaban sa mga magulang nila at ipapapatay ang mga ito.+ 22 At kapopootan kayo ng lahat ng tao dahil sa pangalan ko,+ pero ang makapagtitiis hanggang sa wakas ay maliligtas.+ 23 Kapag pinag-uusig nila kayo sa isang lunsod, tumakas kayo papunta sa ibang lugar;+ dahil sinasabi ko sa inyo, hindi ninyo malilibot ang lahat ng lunsod sa Israel hanggang sa dumating ang Anak ng tao.
24 “Ang estudyante ay hindi nakahihigit sa guro niya, at ang alipin ay hindi nakahihigit sa panginoon niya.+ 25 Sapat na para sa estudyante na maging gaya ng guro niya, at sa alipin na maging gaya ng panginoon niya.+ Kung tinawag ng mga tao na Beelzebub+ ang panginoon ng sambahayan, paano pa kaya ang mga kasama niya sa bahay? 26 Kaya huwag kayong matakot sa kanila, dahil walang anumang natatakpan na hindi malalantad, at walang lihim na hindi malalaman.+ 27 Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, sabihin ninyo sa liwanag, at ang ibinubulong ko sa inyo,* ipangaral ninyo mula sa mga bubungan ng bahay.+ 28 Huwag kayong matakot sa makapapatay sa katawan pero hindi makapupuksa sa buhay;+ sa halip, matakot kayo sa makapupuksa sa buhay at katawan sa Gehenna.+ 29 Hindi ba ang dalawang maya ay ipinagbibili sa isang barya na maliit ang halaga? Pero walang isa man sa mga ito ang nahuhulog* sa lupa nang hindi nalalaman ng inyong Ama.+ 30 At kayo, biláng niya kahit ang mga buhok ninyo sa ulo.+ 31 Kaya huwag kayong matakot; mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.+
32 “Bawat isa na kumikilala sa akin sa harap ng mga tao+ ay kikilalanin ko rin sa harap ng Ama ko na nasa langit.+ 33 Pero kung ikinakaila ako ng sinuman sa harap ng mga tao, ikakaila ko rin siya sa harap ng Ama ko na nasa langit.+ 34 Huwag ninyong isipin na dumating ako para magdala ng kapayapaan sa lupa; dumating ako para magdala, hindi ng kapayapaan, kundi ng espada.+ 35 Dahil dumating ako para maging sanhi ng pagkakabaha-bahagi, ng anak na lalaki at ng kaniyang ama, at ng anak na babae at ng kaniyang ina, at ng manugang na babae at ng kaniyang biyenang babae.+ 36 Kaya ang magiging kaaway ng isa ay ang sarili niyang pamilya. 37 Kung mas mahal ng isa ang kaniyang ama o ina kaysa sa akin, hindi siya karapat-dapat sa akin; at kung mas mahal ng isa ang kaniyang anak na lalaki o anak na babae kaysa sa akin, hindi siya karapat-dapat sa akin.+ 38 At sinumang ayaw pumasan sa kaniyang pahirapang tulos at ayaw sumunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin.+ 39 Sinumang nagsisikap magligtas ng buhay* niya ay mamamatay,* at sinumang mamatay alang-alang sa akin ay muling mabubuhay.+
40 “Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap din sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap din sa nagsugo sa akin.+ 41 Ang tumatanggap sa isang propeta dahil ito ay propeta ay tatanggap ng gantimpala para sa isang propeta,+ at ang tumatanggap sa isang taong matuwid dahil ito ay taong matuwid ay tatanggap ng gantimpala para sa taong matuwid. 42 At sinumang nagbibigay sa isa sa mga hamak na ito ng kahit isang baso ng malamig na tubig na maiinom dahil isa siyang alagad, sinasabi ko sa inyo, tiyak na tatanggap siya ng gantimpala.”+