KABANATA 8
“Maglalaan Ako . . . ng Isang Pastol”
POKUS: Apat na hula tungkol sa Mesiyas na natupad kay Kristo
1-3. Bakit hirap na hirap ang kalooban ni Ezekiel, at ginabayan siya para isulat ang ano?
ITO ang ikaanim na taon ni Ezekiel bilang tapon.a Hirap na hirap ang kalooban niya dahil sa kalagayan ng pamamahala sa Juda, ang pinakamamahal niyang lupain na daan-daang kilometro ang layo. Marami na siyang nakitang namahala bilang hari.
2 Si Ezekiel ay ipinanganak sa kalagitnaan ng paghahari ng tapat na si Josias. Malamang na natuwa siya nang malaman niya ang tungkol sa kampanya ni Josias na wasakin ang inukit na mga imahen at ibalik ang dalisay na pagsamba sa Juda. (2 Cro. 34:1-8) Pero hindi naging permanente ang epekto nito dahil ang karamihan sa mga haring kasunod ni Josias ay nagsagawa ng idolatriya. Kaya ang bayan ay lalong sumamâ at nadungisan sa espirituwal. Wala na bang pag-asa? Mayroon!
3 Ginabayan ni Jehova si Ezekiel na isulat ang una sa mga hulang ihahayag niya tungkol sa Mesiyas, ang darating na Tagapamahala at Pastol na permanenteng magbabalik ng dalisay na pagsamba at mangangalaga sa mga tupa ni Jehova. Magandang pag-aralan ang mga hulang ito dahil ang katuparan nito ay makakaapekto sa ating walang-hanggang kinabukasan. Kaya suriin natin ang apat na hula tungkol sa Mesiyas sa aklat ng Ezekiel.
Ang “Murang Supang” ay Naging “Magandang Sedro”
4. Anong hula ang isiniwalat ni Ezekiel, at paano sinimulan ni Jehova ang hula?
4 Noong mga 612 B.C.E., ang “salita ni Jehova” ay dumating kay Ezekiel, at humula siya tungkol sa lawak ng sakop ng pamamahala ng Mesiyas at sa pangangailangan na magtiwala sa Kaharian niya. Para simulan ang hula, sinabi ni Jehova kay Ezekiel na ilahad sa iba pang tapon ang isang palaisipan na naglalarawan sa pagiging di-tapat ng mga tagapamahala ng Juda at nagpapakitang talagang kailangan ang matuwid na Mesiyanikong Tagapamahala.—Ezek. 17:1, 2.
5. Ano ang buod ng palaisipan?
5 Basahin ang Ezekiel 17:3-10. Ito ang buod ng palaisipan: Pinutol ng isang “malaking agila” ang supang na nasa pinakatuktok ng punong sedro at inilagay “sa isang lunsod ng mga negosyante.” Pagkatapos, kumuha ang agila ng “ilang binhi ng lupain” at itinanim ito sa matabang lupa “sa tabi ng katubigan.” Sumibol ang binhi at naging “gumagapang na punong ubas.” Pagkatapos, may ikalawang “malaking agila” na dumating. “Agad na iniunat” ng punong ubas ang ugat nito patungo sa ikalawang agila sa kagustuhang maitanim sa iba pang lugar na nadidiligang mabuti. Hindi natuwa si Jehova sa ginawa ng punong ubas, at ipinahiwatig niyang bubunutin ang ugat nito at “lubusan itong matutuyot.”
6. Ipaliwanag ang ibig sabihin ng palaisipan.
6 Ano ang ibig sabihin ng palaisipan? (Basahin ang Ezekiel 17:11-15.) Noong 617 B.C.E., ang Jerusalem ay kinubkob ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya (ang unang “malaking agila”). Pinutol, o inalis, niya sa trono ang hari ng Juda na si Jehoiakin (ang ‘supang na nasa pinakatuktok’) at dinala sa Babilonya (“isang lunsod ng mga negosyante”). Iniluklok ni Nabucodonosor si Zedekias (isa sa mga “binhi ng lupain,” o isang maharlikang supling) sa trono sa Jerusalem. Ang bagong haring ito ng Juda ay pinanumpa sa pangalan ng Diyos na siya ay magiging tapat na basalyong hari. (2 Cro. 36:13) Pero hinamak ni Zedekias ang pangako niya; nagrebelde siya sa Babilonya at humingi ng tulong para sa pakikipagdigma mula sa Paraon ng Ehipto (ang ikalawang “malaking agila”), pero hindi naman ito nakatulong. Hinatulan ni Jehova si Zedekias dahil hindi niya tinupad ang pangako niya. (Ezek. 17:16-21) Nang bandang huli, inalis si Zedekias sa trono at namatay sa bilangguan sa Babilonya.—Jer. 52:6-11.
7. Ano ang matututuhan natin sa palaisipan?
7 Ano ang matututuhan natin sa palaisipan? Una, bilang tunay na mga mananamba, dapat na may isang salita tayo. “Tiyakin ninyo na ang inyong ‘Oo’ ay oo at ang inyong ‘Hindi’ ay hindi,” ang sabi ni Jesus. (Mat. 5:37) Kung sumumpa tayo sa harap ng Diyos na magsasabi tayo ng totoo—halimbawa, kapag tetestigo sa korte—itinuturing natin itong isang seryosong bagay. Ikalawa, dapat tayong mag-ingat kung kanino tayo magtitiwala. Nagbababala ang Bibliya: “Huwag kayong umasa sa mga pinuno o sa anak ng tao, na hindi makapagliligtas.”—Awit 146:3.
8-10. Paano inilarawan ni Jehova ang darating na Mesiyanikong Tagapamahala, at paano natupad ang hula? (Tingnan din ang kahong “Hula Tungkol sa Mesiyas—Ang Magandang Punong Sedro.”)
8 Pero may isang tagapamahala na karapat-dapat sa ating tiwala. Ginamit ni Jehova ang palaisipan tungkol sa supang para ilarawan ang darating na Mesiyanikong Tagapamahala.
9 Ang hula. (Basahin ang Ezekiel 17:22-24.) Ngayon naman, si Jehova ang kikilos, hindi ang malalaking agila. Puputol siya ng isang murang supang “sa tuktok ng napakataas na sedro at itatanim ito . . . sa isang napakataas na bundok.” Lalago ang supang at magiging “isang magandang sedro” na paninirahan ng “lahat ng klase ng ibon.” Malalaman ng “lahat ng puno sa parang” na si Jehova ang dahilan ng paglago ng puno.
10 Ang katuparan ng hula. Sa diwa, pinutol ni Jehova ang kaniyang Anak na si Jesu-Kristo mula sa maharlikang angkan ni David (ang “napakataas na sedro”) at itinanim sa Bundok Sion sa langit (“isang napakataas na bundok”). (Awit 2:6; Jer. 23:5; Apoc. 14:1) Kaya dinakila ni Jehova si Jesus, na itinuturing ng mga kaaway niya na “pinakamababa sa mga tao,” sa pamamagitan ng paglalagay sa kaniya sa “trono ni David na kaniyang ama.” (Dan. 4:17; Luc. 1:32, 33) Mula sa langit, pamamahalaan ng Mesiyanikong Hari na si Jesu-Kristo ang buong lupa at pagpapalain niya ang lahat ng sakop niya. Ito ang Tagapamahalang karapat-dapat sa ating tiwala. Sa lilim ng pamamahala ni Jesus, ang masunuring mga tao sa buong mundo ay “mamumuhay nang panatag at hindi matatakot sa anumang kapahamakan.”—Kaw. 1:33.
11. Anong mahalagang aral ang matututuhan natin sa hula tungkol sa “murang supang” na naging “magandang sedro”?
11 Ang matututuhan natin sa hula. Makakatulong ang hula tungkol sa “murang supang” na naging “magandang sedro” para masagot ang isang mahalagang tanong: Kanino tayo dapat magtiwala? Maling-mali na magtiwala sa gobyerno at hukbong militar ng tao. Para maging tunay na panatag, dapat tayong lubos na magtiwala sa Mesiyanikong Hari, si Jesu-Kristo. Ang gobyerno sa langit na pinamamahalaan niya ang tanging pag-asa ng mga tao.—Apoc. 11:15.
“Ang Isa na May Legal na Karapatan”
12. Paano nilinaw ni Jehova na hindi niya iniwan ang tipan niya kay David?
12 Sa paliwanag ng Diyos sa palaisipan tungkol sa dalawang agila, naunawaan ni Ezekiel na aalisin sa trono si Zedekias—isang di-tapat na hari sa linya ni David—at dadalhin itong bihag sa Babilonya. Baka naisip ng propeta, ‘Paano na ang tipan ng Diyos kay David, ang tipan na nangangakong mamamahala magpakailanman ang isang hari mula sa angkan ni David?’ (2 Sam. 7:12, 16) Kung naisip iyan ni Ezekiel, di-nagtagal ay nalaman din niya ang sagot. Noong mga 611 B.C.E., sa ikapitong taon ng pagkatapon at habang namamahala pa rin sa Juda si Zedekias, “dumating [kay Ezekiel] ang salita ni Jehova.” (Ezek. 20:2) Inutusan siya ni Jehova na ihayag ang isa pang Mesiyanikong hula para linawing hindi Niya iniwan ang tipan Niya kay David. Sa katunayan, ipinahiwatig ng hula na ang darating na Mesiyanikong Tagapamahala ay may legal na karapatang mamahala bilang tagapagmana ni David.
13, 14. Ano ang buod ng hulang nakaulat sa Ezekiel 21:25-27? Paano ito natupad?
13 Ang hula. (Basahin ang Ezekiel 21:25-27.) Sa pamamagitan ni Ezekiel, deretsahang kinausap ni Jehova ang “napakasamang pinuno ng Israel,” na malapit nang parusahan. Sinabi ni Jehova sa haring ito na kukunin ang kaniyang “turbante” at “korona,” o diadema (simbolo ng maharlikang kapangyarihan). Pagkatapos, ang mga namamahala na “mababa” ay itataas, at ang mga “mataas” ay ibababa. Patuloy na mamamahala ang mga itinaas, pero kapag “dumating ang isa na may legal na karapatan,” ibibigay sa kaniya ni Jehova ang Kaharian.
14 Ang katuparan ng hula. Ibinaba ang “mataas” na kaharian ng Juda, na ang sentro ay ang lunsod ng Jerusalem, nang wasakin ng mga Babilonyo ang lunsod noong 607 B.C.E. at dalhing bihag ang inalis na haring si Zedekias. Pagkatapos, noong walang namamahalang hari sa Jerusalem mula sa angkan ni David, itinaas ang ‘mababang’ mga kapangyarihang Gentil at pansamantalang kinontrol ng mga ito ang lupa. Ang Panahon ng mga Gentil, o ang “mga takdang panahon ng mga bansa,” ay nagwakas noong 1914 nang ibigay ni Jehova kay Jesu-Kristo ang pamamahala. (Luc. 21:24) Bilang inapo ni Haring David, talagang “may legal na karapatan” si Jesus sa Mesiyanikong Kaharian.b (Gen. 49:10) Kaya sa pamamagitan ni Jesus, tinupad ni Jehova ang pangako niyang bibigyan si David ng isang permanenteng tagapagmana para sa Kahariang mananatili magpakailanman.—Luc. 1:32, 33.
15. Bakit lubos tayong makapagtitiwala sa Haring si Jesu-Kristo?
15 Ang matututuhan natin sa hula. Lubos tayong makapagtitiwala sa Haring si Jesu-Kristo. Bakit? Dahil di-gaya ng mga tagapamahala sa mundo na ibinoboto ng mga tao o nang-aagaw ng pamamahala, si Jesus ay pinili ni Jehova at “binigyan . . . ng isang kaharian” na may karapatan siyang pamahalaan. (Dan. 7:13, 14) Tiyak na karapat-dapat sa ating tiwala ang Hari na si Jehova mismo ang pumili!
“Ang Lingkod Kong si David” ang “Magiging Pastol Nila”
16. Ano ang nadarama ni Jehova sa mga tupa niya, at paano pinakitunguhan ng “mga pastol ng Israel” ang kawan noong panahon ni Ezekiel?
16 Talagang nagmamalasakit si Jehova, ang Pinakadakilang Pastol, sa mga tupa niya—ang mga mananamba niya sa lupa. (Awit 100:3) Ipinagkatiwala niya ang kaniyang mga tupa sa mga tao na nagsisilbing mga katulong na pastol—ang mga nangangasiwa—at binabantayan niyang mabuti kung paano nila pinapakitunguhan ang mga tupa niya. Isipin na lang ang nadarama ni Jehova habang tinitingnan ang “mga pastol ng Israel” noong panahon ni Ezekiel. Sila ay “naging mabagsik at malupit” na mga lider. Dahil dito, nagdusa ang kawan at iniwan ng marami ang dalisay na pagsamba.—Ezek. 34:1-6.
17. Paano iniligtas ni Jehova ang mga tupa niya?
17 Ano ang gagawin ni Jehova? Sinabi ni Jehova na “mananagot” ang malulupit na tagapamahala ng Israel. Ipinangako rin niya: “Ililigtas ko ang aking mga tupa.” (Ezek. 34:10) Laging tinutupad ni Jehova ang mga pangako niya. (Jos. 21:45) Noong 607 B.C.E., iniligtas niya ang mga tupa niya gamit ang sumasalakay na mga Babilonyo na nag-alis sa makasariling mga pastol na iyon. Pagkaraan ng 70 taon, iniligtas niya ang tulad-tupang mga mananamba niya mula sa Babilonya at dinala sila sa lupain nila para maibalik ang tunay na pagsamba roon. Pero nasa panganib pa rin ang mga tupa ni Jehova, dahil nasa ilalim pa rin sila ng mga tagapamahala ng mundo. Maraming siglo pang magpapatuloy ang “mga takdang panahon ng mga bansa.”—Luc. 21:24.
18, 19. Anong hula ang inihayag ni Ezekiel noong 606 B.C.E.? (Tingnan ang larawan sa simula ng kabanata.)
18 Noong 606 B.C.E., mga isang taon matapos wasakin ang Jerusalem at mga ilang dekada bago lumaya ang mga Israelita sa Babilonya, ginabayan ni Jehova si Ezekiel na ihayag ang isang hula na nagpapakita ng matinding malasakit ng Pinakadakilang Pastol sa walang-hanggang kinabukasan ng kaniyang mga tupa. Inilalarawan ng hula kung paano papastulan ng Mesiyanikong Tagapamahala ang mga tupa ni Jehova.
19 Ang hula. (Basahin ang Ezekiel 34:22-24.) ‘Maglalaan ang Diyos ng isang pastol,’ na tinatawag niyang “lingkod kong si David.” Ipinapahiwatig ng pananalitang “isang pastol,” pati na ng salitang “lingkod” na nasa pang-isahang anyo, na ang Tagapamahala ay hindi muling magtatatag ng dinastiya ng mga hari sa linya ni David kundi siya ang magiging nag-iisang permanenteng tagapagmana ni David. Pakakainin ng Pastol na Tagapamahala ang mga tupa ng Diyos at siya ay “magiging pinuno nila.” Si Jehova ay “makikipagtipan” sa mga tupa niya “para sa kapayapaan.” “Bubuhos [sa kanila] ang pagpapala gaya ng ulan,” at masisiyahan sila sa kapanatagan at kasaganaan. At ang kapayapaan ay hindi lang sa pagitan ng mga tao kundi pati sa pagitan ng mga tao at mga hayop!—Ezek. 34:25-28.
20, 21. (a) Paano natupad ang hula tungkol sa “lingkod kong si David”? (b) Ano ang matututuhan natin tungkol sa hinaharap mula sa sinabi ni Ezekiel na ‘tipan para sa kapayapaan’?
20 Ang katuparan ng hula. Nang tawagin ng Diyos ang Tagapamahalang ito na “lingkod kong si David,” ang tinutukoy Niya ay si Jesus, ang inapo ni David na may legal na karapatang mamahala. (Awit 89:35, 36) Noong nasa lupa si Jesus, siya ay naging “mabuting pastol,” na nagbigay ng buhay niya “alang-alang sa mga tupa.” (Juan 10:14, 15) Pero ngayon, isa na siyang makalangit na Pastol. (Heb. 13:20) Noong 1914, iniluklok ng Diyos si Jesus bilang Hari at ipinagkatiwala sa kaniya ang pagpapastol at pagpapakain sa mga tupa ng Diyos sa lupa. At noong 1919, inatasan ng bagong-luklok na Hari ang “tapat at matalinong alipin” na pakainin ang “mga lingkod ng sambahayan”—ang tapat na mga mananamba ng Diyos na may makalangit o makalupang pag-asa. (Mat. 24:45-47) Sa pangunguna ni Kristo, napapakaing mabuti ng tapat na alipin ang mga tupa ng Diyos. Tumutulong ang espirituwal na pagkain para maitaguyod ang kapayapaan at kapanatagan sa espirituwal na paraisong patuloy na lumalago sa ngayon.
21 Ano ang matututuhan natin tungkol sa hinaharap mula sa sinabi ni Ezekiel na ‘tipan para sa kapayapaan’ at na bubuhos ang pagpapala gaya ng ulan? Sa darating na bagong sanlibutan, mararanasan ng tunay na mga mananamba ni Jehova sa lupa ang lahat ng pagpapala ng ‘tipan para sa kapayapaan.’ Sa literal na pangglobong paraiso, hindi na muling manganganib ang tapat na mga tao dahil sa digmaan, krimen, taggutom, sakit, o mababangis na hayop. (Isa. 11:6-9; 35:5, 6; 65:21-23) Ang mga tupa ng Diyos ay ‘maninirahan nang panatag at walang sinumang tatakot sa kanila.’ (Ezek. 34:28) Hindi ka ba nananabik sa pag-asang mabuhay nang walang hanggan sa paraisong iyan?
22. Ano ang nadarama ni Jesus sa mga tupa? Paano matutularan ng mga katulong na pastol ang pagmamalasakit niya?
22 Ang matututuhan natin sa hula. Gaya ng kaniyang Ama, talagang nagmamalasakit si Jesus sa mga tupa. Tinitiyak ng Pastol na Hari na napapakaing mabuti ang mga tupa ng kaniyang Ama at na payapa at panatag sila sa espirituwal na paraiso. Talagang nararamdaman nating ligtas tayo sa ilalim ng ganitong Tagapamahala! Dapat tularan ng mga katulong na pastol ang pagmamalasakit ni Jesus sa mga tupa. Dapat pastulan ng mga elder ang mga tupa nang “maluwag sa loob” at “may pananabik,” at dapat silang maging halimbawa sa kawan. (1 Ped. 5:2, 3) Hinding-hindi gugustuhin ng isang elder na pagmalupitan ang tupa ni Jehova! Tandaan ang sinabi ni Jehova tungkol sa malulupit na pastol ng Israel noong panahon ni Ezekiel: “Mananagot sila.” (Ezek. 34:10) Binabantayang mabuti ng Pinakadakilang Pastol at ng kaniyang Anak kung paano pinapakitunguhan ang mga tupa.
“Ang Lingkod Kong si David ang Magiging Pinuno Nila Magpakailanman”
23. Ano ang ipinangako ni Jehova tungkol sa pagkakaisa ng bansang Israel? Paano niya ito tinupad?
23 Gusto ni Jehova na magkaisa ang mga mananamba niya. Sa isang hula tungkol sa pagbabalik ng pagkakaisa, ipinangako ng Diyos na titipunin niya ang bayan niya—ang mga kinatawan ng 2-tribong kaharian ng Juda at ng 10-tribong kaharian ng Israel—at gagawin silang “iisang bansa,” gaya ng dalawang “patpat” na pinagdikit at ‘naging iisa’ sa kaniyang kamay. (Ezek. 37:15-23) Bilang katuparan ng hula, ibinalik ng Diyos sa Lupang Pangako ang pinagkaisang bansa ng Israel noong 537 B.C.E.c Pero di-hamak na nakahihigit at magtatagal ang pagkakaisang mangyayari sa hinaharap. Matapos ipangakong pagkakaisahin ang Israel, nagbigay si Jehova kay Ezekiel ng isang hula na nagpapakita kung paano pagkakaisahin magpakailanman ng darating na Tagapamahala ang tunay na mga mananamba sa buong lupa.
24. Paano tinukoy ni Jehova ang Mesiyanikong Tagapamahala, at paano mailalarawan ang pamamahala ng Haring ito?
24 Ang hula. (Basahin ang Ezekiel 37:24-28.) Tinukoy ulit ni Jehova ang Mesiyanikong Tagapamahala bilang ang “lingkod kong si David,” “pastol,” at “pinuno,” pero ngayon, tinawag din siya ni Jehova na isang “hari.” (Ezek. 37:22) Paano mailalarawan ang pamamahala ng Haring ito? Permanente ang pamamahala niya. Ang paggamit ng terminong “magpakailanman” at ‘walang hanggan’ ay nagpapahiwatig na walang katapusan ang mga pagpapala sa ilalim ng pamamahala ng Hari.d May pagkakaisa sa ilalim ng pamamahala niya. Sa ilalim ng “isang hari,” susundin ng tapat na mga sakop ang iisang kautusan, o “hudisyal na pasiya,” at ‘maninirahan sila sa lupain’ nang sama-sama. Mas mapapalapít sa Diyos na Jehova ang mga sakop ng Hari sa ilalim ng pamamahala niya. “Makikipagtipan [si Jehova] sa kanila para sa kapayapaan.” Siya ang magiging Diyos nila, at sila ang magiging bayan niya. At ang santuwaryo niya ay mananatili “sa gitna nila . . . magpakailanman.”
25. Paano natupad ang hula tungkol sa Mesiyanikong Hari?
25 Ang katuparan ng hula. Noong 1919, pinagkaisa ang tapat na mga pinahiran sa ilalim ng “iisang pastol,” ang Mesiyanikong Hari na si Jesu-Kristo. Nang maglaon, naging kaisa ng mga ito ang “isang malaking pulutong” mula sa “lahat ng bansa at tribo at bayan at wika.” (Apoc. 7:9) Ang dalawang grupong ito ay naging “iisang kawan” sa ilalim ng “iisang pastol.” (Juan 10:16) Sa langit man o sa lupa ang pag-asa nila, lahat sila ay sumusunod sa mga hudisyal na pasiya ni Jehova. Bilang resulta, sama-sama silang naninirahan sa espirituwal na paraiso bilang isang nagkakaisang pandaigdig na kapatiran. Pinagpapala sila ni Jehova ng kapayapaan, at nasa gitna nila ang kaniyang santuwaryo, na lumalarawan sa dalisay na pagsamba. Si Jehova ang kanilang Diyos, at ipinagmamalaki nilang sila ay mga mananamba niya—at ipagmamalaki nila iyon magpakailanman!
26. Paano ka makadaragdag sa pagkakaisa sa espirituwal na paraiso?
26 Ang matututuhan natin sa hula. Pribilehiyo nating maging bahagi ng isang nagkakaisang pandaigdig na kapatiran na sumasamba kay Jehova sa dalisay na paraan. Pero may kasama itong pananagutan—dapat tayong makadagdag sa pagkakaisa nito. Lahat tayo ay dapat tumulong para mapanatili ang pagkakaisa sa ating mga paniniwala at pagkilos. (1 Cor. 1:10) Para magawa iyan, iisa ang kinakain nating espirituwal na pagkain at iisa ang sinusunod nating pamantayan ng paggawi ayon sa Bibliya at lahat tayo ay nakikibahagi sa mahalagang gawain ng pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad. Pero ang talagang susi sa ating pagkakaisa ay pag-ibig. Habang sinisikap nating ipakita ang pag-ibig sa maraming paraan—kasama na ang pagpapakita ng empatiya, pagmamalasakit, at pagpapatawad—nakadaragdag tayo sa ating pagkakaisa. Sinasabi ng Bibliya na ‘lubusang pinagkakaisa ng pag-ibig ang mga tao.’—Col. 3:12-14; 1 Cor. 13:4-7.
27. (a) Ano ang nadarama mo sa mga hula tungkol sa Mesiyas na nasa aklat ng Ezekiel? (b) Ano ang susuriin natin sa susunod na mga kabanata?
27 Hindi ba’t ipinagpapasalamat natin ang mga hula tungkol sa Mesiyas na nasa aklat ng Ezekiel? Sa pagbabasa at pagbubulay-bulay sa mga ito, makikita natin na karapat-dapat sa ating tiwala ang minamahal nating Hari na si Jesu-Kristo. Makikita rin natin na may legal na karapatan siyang mamahala, na maibigin niya tayong pinapastulan, at na pagkakaisahin niya tayo magpakailanman. Isa ngang pribilehiyo na maging mga sakop ng Mesiyanikong Hari! Tandaan na ang mga hulang ito ay bahagi ng tema ng pagbabalik na tinatalakay sa aklat ng Bibliya na Ezekiel. Si Jesus ang ginagamit ni Jehova para tipunin ang bayan Niya at ibalik sa gitna nila ang dalisay na pagsamba. (Ezek. 20:41) Sa susunod na mga kabanata, susuriin natin ang kapana-panabik na temang iyan at kung paano ito tinatalakay sa aklat ng Ezekiel.
a Nagsimula ang unang taon ng pagkatapon noong 617 B.C.E. nang unang magdala ng bihag na mga Judio sa Babilonya. Kaya ang ikaanim na taon ay nagsimula noong 612 B.C.E.
b Ang talaangkanan ni Jesus mula kay David ay naingatang mabuti sa mga Ebanghelyo.—Mat. 1:1-16; Luc. 3:23-31.
c Tatalakayin sa Kabanata 12 ang hula ni Ezekiel tungkol sa dalawang patpat at kung paano ito natupad.
d Tungkol sa salitang Hebreo na isinaling “magpakailanman” at “walang hanggan,” ganito ang sabi ng isang reperensiya: “Bukod sa haba ng panahon, ipinapahiwatig din ng salitang ito ang pagiging permanente, matibay, di-nasisira, di-mababawi, at di-mababago.”