Ang Sanlibutan ay Hindi Karapat-dapat sa Kanila
“Sila’y pinagbabato, pinagtutukso, . . . at ang sanlibutan ay hindi karapat-dapat sa kanila.”—HEBREO 11:37, 38.
1, 2. Sa ilalim ng anong mga kalagayan nanatiling tapat ang mga saksi ni Jehova noong sinaunang panahon, at paanong ang kanilang mga ginawa ay may epekto sa mga lingkod ng Diyos ngayon?
ANG mga Saksi ni Jehova noong sinaunang mga panahon ay nanatiling tapat sa Diyos sa kabila ng maraming mga pagsubok na idinulot sa kanila ng di-matuwid na lipunan ng sangkatauhan. Halimbawa, ang mga lingkod ng Diyos ay pinagbabato at pinagpapatay ng tabak. Sila’y dumanas ng karahasan at kapighatian. Gayunman ay hindi nagbago ang kanilang pananampalataya. Tiyak, kung gayon, gaya ng sinabi ni apostol Pablo: “Ang sanlibutan ay hindi karapat-dapat sa kanila.”—Hebreo 11:37, 38.
2 Ang pumupukaw-pananampalatayang mga gawa ng maka-Diyos na mga tao noong bago bumaha, ng mga patriarka, at ni Moises ay nag-uudyok sa modernong-panahong mga Saksi ni Jehova na maglingkod sa Diyos sa pananampalataya. Kumusta naman ang mga iba na binanggit sa Hebreo kabanata 11 at 12? Paano tayo makikinabang sa pagsasaalang-alang ng mga katangian ng kanilang pananampalataya?
Ang Pananampalataya ng mga Hukom, mga Hari, at mga Propeta
3. Paanong ang mga nangyari sa Jerico at kay Rahab ay nagpapakita na ang pananampalataya ay kailangang patunayan ng mga gawa?
3 Ang pananampalataya ay hindi lamang paniniwala; ito’y kailangang patunayan sa pamamagitan ng mga gawa o mga aksiyon. (Basahin ang Hebreo 11:30, 31.) Pagkamatay ni Moises, ang pananampalataya ang nagdala sa mga Israelita ng sunud-sunod na tagumpay sa Canaan, subalit ito’y nangailangan ng kanilang pagpapagal. Halimbawa, sa pananampalataya ni Josue at ng mga iba pa “ang mga pader ng Jerico ay bumagsak pagkatapos na kubkubin ng pitong araw.” Subalit “sa pananampalataya si Rahab na patutot ay hindi napahamak kasama niyaong [walang pananampalatayang mga taga-Jerico] na sumuway.” Bakit? “Sapagkat kaniyang tinanggap ang [Israelitang] mga espiya sa isang mapayapang paraan,” at pinatunayan ang kaniyang pananampalataya sa pamamagitan ng pagkukubli sa kanila buhat sa mga Canaaneo. Ang pananampalataya ni Rahab ay may matatag na batayan sa mga ulat na “pinaurong ni Jehova ang tubig ng Mapulang Dagat” sa harap ng mga Israelita at sila’y pinapagtagumpay sa mga haring Amoreo na si Sihon at si Og. Si Rahab ay gumawa ng nararapat na mga pagbabago sa kaniyang pamumuhay at pinagpala dahil sa kaniyang aktibong pananampalataya sa pamamagitan ng pagliligtas sa kaniya at sa kaniyang sambahayan nang bumagsak ang Jerico at siya’y naging isang ninuno ni Jesu-Kristo.—Josue 2:1-11; 6:20-23; Mateo 1:1, 5; Santiago 2:24-26.
4. Sa mga karanasan ni Gideon at ni Barak ano ang idinidiin tungkol sa pagpapakita ng pananampalataya sa harap ng panganib?
4 Ang pananampalataya ay ipinakikita sa pamamagitan ng lubos na pagtitiwala kay Jehova sa harap ng panganib. (Basahin ang Hebreo 11:32.) Inamin ni Pablo na kakapusin siya ng panahon kung ipagpapatuloy niya ang pagsasalaysay tungkol kay “Gideon, Barak, Samson, Jepte, David at pati na rin si Samuel at ang mga ibang propeta,” na ang mga tagumpay ay saganang patotoo ng pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos samantalang nakaharap sa mga panganib. Sa gayon, sa pananampalataya at kasama ang isang pangkat na binubuo lamang ng 300 lalaki, si Hukom Gideon ay binigyang-lakas ng Diyos na igupo ang lakas militar ng mapaniil na mga Midianita. (Hukom 7:1-25) Palibhasa’y pinalakas-loob ng propetisang si Debora, si Hukom Barak at ang isang impantirya na may 10,000 mga lalaking kapos ng armas ang nagtagumpay laban sa lalong malakas na hukbo ni Haring Jabin at binubuo ng 900 armadong mga karong pandigma na pinangungunahan ni Sisera.—Hukom 4:1–5:31.
5. Paanong si Samson at si Jepte ay nagpakita ng pananampalataya na nagpatunay ng lubos na pagtitiwala kay Jehova?
5 Ang isa pang halimbawa ng pananampalataya magmula noong mga kaarawan ng mga hukom sa Israel ay si Samson, na makapangyarihang kaaway ng mga Filisteo. Totoo, nang bandang huli kanilang binulag at binihag siya. Subalit si Samson ang nagdala ng kamatayan sa marami sa kanila nang kaniyang ibagsak ang mga haligi ng bahay na kanilang pinaghahandugan ng dakilang hain sa kanilang diyus-diyosan na si Dagon. Oo, si Samson ay namatay na kasama niyaong mga Filisteo ngunit hindi gaya ng pagkamatay ng isang wala nang pag-asang nagpatiwakal. Sa pananampalataya ay nagtiwala siya kay Jehova at siya’y nanalangin na bigyan siya ng lakas na kailangan upang makapaghiganti sa mga kaaway ng Diyos at ng Kaniyang bayan. (Hukom 16:18-30) Si Jepte, na pinagkalooban ni Jehova ng tagumpay laban sa mga Amonita, ay nagpakita rin ng pananampalataya na nagpatunay ng kaniyang lubos na pagtitiwala kay Jehova. Tanging sa pamamagitan lamang ng gayong pananampalataya matutupad niya ang kaniyang panata sa Diyos na pagtatalaga ng kaniyang anak na babae sa paglilingkod kay Jehova bilang isang panghabang panahon na dalaga.—Hukom 11:29-40.
6. Paano ipinakita ni David ang kaniyang pananampalataya?
6 Ang isa pa ring napabantog dahil sa kaniyang pananampalataya ay si David. Siya’y isa lamang bata nang makipagbaka siya sa Filisteong higante na si Goliat. ‘Ikaw ay naparito sa akin na may tabak, sibat, at kalasag,’ sabi ni David, ‘ngunit ako’y naparito sa iyo sa pangalan ni Jehova ng mga hukbo.’ Oo, si David ay nagtiwala sa Diyos, kaniyang pinatay ang higanteng Filisteo, at siya’y naging isang matapang na mandirigmang-hari na nakikipagbaka sa kapakanan ng bayan ng Diyos. At dahilan sa pananampalataya ni David, siya ay isang taong kalugud-lugod sa puso ni Jehova. (1 Samuel 17:4, 45-51; Gawa 13:22) Sa buong buhay nila, si Samuel at ang iba pang mga propeta ay nagpakita rin ng malaking pananampalataya at lubos na pagtitiwala sa Diyos. (1 Samuel 1:19-28; 7:15-17) Anong inam na mga halimbawa para sa kasalukuyang-panahong mga lingkod ni Jehova, mga bata at mga matatanda!
7. (a) Sino “sa pamamagitan ng pananampalataya ang nagsilupig ng mga kaharian sa pagbabaka”? (b) Sino ang “nagsigawa ng katuwiran” sa pamamagitan ng pananampalataya?
7 Sa pananampalataya ay napagtatagumpayan natin ang bawat pagsubok ng ating katapatan at maisasagawa natin ang anumang kasuwato ng banal na kalooban. (Basahin ang Hebreo 11:33, 34.) Sa pagbanggit sa iba pang mga gawa ng pananampalataya, maliwanag na ang nasa isip ni Pablo ay mga Hebreong hukom, mga hari, at mga propeta, sapagkat kababanggit lamang niya ng gayong mga tao. “Sa pamamagitan ng pananampalataya” ang mga hukom na gaya nina Gideon at Jepte ay “nagsilupig ng mga kaharian sa pagbabaka.” Gayundin si Haring David, na sumupil sa mga Filisteo, Moabita, Siryano, Edomita, at mga iba pa. (2 Samuel 8:1-14) Gayundin sa pamamagitan ng pananampalataya, ang matuwid na mga hukom ay “nagsigawa ng katuwiran,” at dahil sa matuwid na payo ni Samuel at mga iba pang propeta ang mga iba ay naudyukan na umiwas o umalis sa gawang masama.—1 Samuel 12:20-25; Isaias 1:10-20.
8. Anong pangako ang natamo ni David, at paano natupad iyon?
8 Si David ay isa na sa pamamagitan ng pananampalataya ay “nagtamo ng mga pangako.” Si Jehova ay nangako sa kaniya: “Ang iyong mismong trono ay matibay na mapapatatag hanggang sa panahong walang takda.” (2 Samuel 7:11-16) At tinupad ng Diyos ang pangakong iyon sa pamamagitan ng pagtatatag ng Mesiyanikong Kaharian noong 1914.—Isaias 9:6, 7; Daniel 7:13, 14.
9. Sa ilalim ng anong mga kalagayan ‘napatikom ang mga bibig ng mga leon sa pamamagitan ng pananampalataya’?
9 Ang propetang si Daniel ay nagtagumpay sa pagsubok ng katapatan nang siya’y patuloy na nanalangin sa Diyos ayon sa kaniyang araw-araw na kinaugalian sa kabila ng isang pag-uutos na nagmula sa hari. Taglay ang pananampalataya ng isang nag-iingat ng katapatan, ganoon “nagtikom [si Daniel] ng mga bibig ng mga leon” sa bagay na iningatan siyang buháy ni Jehova sa kulungan ng mga leon na pinaghagisan sa kaniya.—Daniel 6:4-23.
10. Sino ang “nagsipatay ng bisa ng apoy” sa pamamagitan ng pananampalataya, at ang nakakatulad na pananampalataya ay nagpapangyari na gawin natin ang ano?
10 Ang tagapag-ingat-katapatang mga Hebreong kasamahan ni Daniel na sina Shadrach, Meshach, at Abednego ay sa katunayan “nagsipatay ng bisa ng apoy.” Nang sila’y mapasapanganib ng kamatayan sa isang sukdulang-init na hurno, kanilang sinabi kay Haring Nabukodonosor na, sa iligtas man sila o hindi ng kanilang Diyos, sila’y hindi maglilingkod sa mga diyos ng hari ng Babilonya o sasamba sa imahen na kaniyang itinayo. Hindi naman pinatay ni Jehova ang apoy sa hurnong iyon, ngunit kaniyang tiniyak na hindi makapipinsala iyon sa tatlong Hebreo. (Daniel 3:1-30) Nakakatulad na pananampalataya ang nagpapangyari na tayo’y makapanatiling tapat sa Diyos hanggang sa sukdulan ng posibleng kamatayan buhat sa mga kamay ng kaaway.—Apocalipsis 2:10.
11. (a) Sa pamamagitan ng pananampalataya, sino ang “nakatanan sa talim ng tabak”? (b) Sino ang mga “pinalakas” sa pamamagitan ng pananampalataya? (c) Sino ang “naging magigiting sa digmaan” at “nagpaurong ng mga hukbong tagaibang bayan”?
11 Si David ay “nakatanan sa talim ng tabak” ng mga tauhan ni Haring Saul. (1 Samuel 19:9-17) Ang mga propetang si Elias at si Eliseo ay nakaligtas din sa kamatayan sa tabak. (1 Hari 19:1-3; 2 Hari 6:11-23) Subalit sino yaong ‘nagsilakas sa kahinaan sa pamamagitan ng pananampalataya’? Bueno, ang kaniyang sarili at ang kaniyang mga tauhan ay itinuring ni Gideon na lubhang mahina upang makapagligtas sa Israel buhat sa mga Midianita. Subalit siya’y “pinalakas” ng Diyos, na nagbigay sa kaniya ng tagumpay—sa tulong ng 300 mga lalaki lamang! (Hukom 6:14-16; 7:2-7, 22) “Buhat sa mahinang kalagayan” nang putulin ang kaniyang buhok, si Samson ay “pinalakas” ni Jehova at kaniyang pinatay ang maraming Filisteo. (Hukom 16:19-21, 28-30; ihambing ang Hukom 15:13-19.) Marahil ay naisip din ni Pablo si Haring Hezekias bilang isa na “pinalakas” buhat sa mahinang kalagayan ng kaniyang hukbo at maging ng katawan man niya. (Isaias 37:1–38:22) Kabilang sa mga lingkod ng Diyos na “naging magigiting sa digmaan” ay si Hukom Jepte at si Haring David. (Hukom 11:32, 33; 2 Samuel 22:1, 2, 30-38) At sa mga “nagpaurong ng mga hukbong tagaibang-bayan” ay kasali si Hukom Barak. (Hukom 4:14-16) Lahat ng mga dakilang gawang ito ay dapat kumumbinsi sa atin na sa pananampalataya ay mapagtatagumpayan natin ang bawat pagsubok sa ating katapatan at magagawa natin ang anuman na naaayon sa kalooban ni Jehova.
Mga Iba Pang May Ulirang Pananampalataya
12. (a) Sino yaong “mga babaing tumanggap ng kanilang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli”? (b) Paanong ang pagkabuhay-muli ng mga taong may pananampalataya ay “lalong mabuti”?
12 Kasali sa pananampalataya ang paniniwala sa pagkabuhay-muli, isang pag-asa sa tumutulong sa atin na manatiling tapat sa Diyos. (Basahin ang Hebreo 11:35.) Dahilan sa pananampalataya, “tinanggap ng mga babae ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli.” Sa pananampalataya at sa kapangyarihan ng Diyos, binuhay-muli ni Elias ang anak na lalaki ng isang biyuda sa Sarepta at binuhay naman ni Eliseo ang anak na lalaki ng isang babaing Sunamita. (1 Hari 17:17-24; 2 Hari 4:17-37) “Ngunit ang mga iba ay pinahirapan [sa literal, “ginulpe ng mga bambo”] sapagkat ayaw nilang tanggapin ang sila’y makalaya sa pamamagitan ng pantubos, upang kamtin nila ang lalong mabuting pagkabuhay-muli.” Maliwanag na ang mga saksing ito ni Jehova na hindi tinutukoy ng Kasulatan ang mga pangalan ay ginulpe hanggang sa mamatay, dahilan sa pagtangging sila’y makalaya kapalit ng pagkukompromiso nila ng kanilang pananampalataya. Ang kanilang pagkabuhay-muli ay magiging ‘lalong mabuti’ sapagkat hindi na kakailanganin na sila’y mamatay pa uli (gaya ng mga taong binuhay ni Elias at ni Eliseo) at ito’y magaganap sa ilalim ng pamamahala sa Kaharian ni Jesu-Kristo, ang “Walang-Hanggang Ama” na dahil sa pantubos na inilaan niya ay may pagkakataon na kamtin ang walang-hanggang buhay sa lupa.—Isaias 9:6; Juan 5:28, 29.
13. (a) “Mga pagkalibak at mga hagupit” ang dinanas nino? (b) Sino ang dumanas ng “mga tanikala at bilangguan”?
13 Kung tayo’y may pananampalataya, tayo ay makapagtitiis ng pag-uusig. (Basahin ang Hebreo 11:36-38.) Pagka tayo’y pinag-uusig, makatutulong na alalahanin ang pag-asa sa pagkabuhay-muli at tantuin na tayo ay mapalalakas ng Diyos gaya ng ginawa niya sa “mga iba [na] sinubok [o, dumaan sa pagsubok ng pananampalataya] sa pamamagitan ng mga pagkalibak at mga hagupit, oo, bukod dito’y sa pamamagitan ng mga tanikala at bilangguan.” Ang mga Israelita “ay patuloy na . . . nanlilibak sa kaniyang mga propeta, hanggang sa ang galit ni Jehova ay bumangon laban sa kaniyang bayan.” (2 Cronica 36:15, 16) Sa pananampalataya, si Micheas, Eliseo, at iba pang mga lingkod ng Diyos ay nagtiis ng “mga pagkalibak.” (1 Hari 22:24; 2 Hari 2:23, 24; Awit 42:3) Ang ‘mga panghahagupit’ ay karaniwan na noong mga kaarawan ng mga hari at mga propeta sa Israel, at si Jeremias ay ‘hinagupit’ ng kaniyang mga kaaway, siya’y hindi lamang sinampal bilang pag-insulto. Ang “mga tanikala at bilangguan” ay nagpapagunita sa atin ng kaniyang mga karanasan at pati niyaong sa mga propetang sina Micheas at Hanani. (Jeremias 20:1, 2; 37:15; 1 Hari 12:11; 22:26, 27; 2 Cronica 16:7, 10) Dahilan sa pagkakaroon ng ganoon ding pananampalataya, ang modernong-panahong mga saksi ni Jehova ay nakapagtitiis din ng nakakatulad na mga pagdurusa “alang-alang sa katuwiran.”—1 Pedro 3:14.
14. (a) Sino ang kabilang sa mga “pinagbabato”? (b) Sino ba marahil ang “pinaglalagari”?
14 “Sila’y pinagbabato,” ang sabi ni Pablo. Isa na sa gayong may pananampalataya ay si Zacarias, anak ng saserdoteng si Jehoiada. Palibhasa’y napupuspos ng espiritu ng Diyos, siya’y nagsalita laban sa mga apostata ng Juda. Ang resulta? Sa utos ni Haring Jehoash, ang mga magkakasabuwat ay nambato sa kaniya hanggang sa kaniyang kamatayan sa looban ng bahay ni Jehova. (2 Cronica 24:20-22; Mateo 23:33-35) Sinusog pa ni Pablo: “Sila’y pinagtutukso, pinaglalagari.” Marahil ay naiisip natin ang propetang si Micheas bilang isa sa mga “pinagtutukso,” at sang-ayon sa walang katiyakang tradisyong Judio si Isaias ay nilagari upang magkadalawang piraso noong paghahari ni Haring Manases.—1 Hari 22:24-28.
15. Sino ang tinampalasan at “nangaligaw sa mga ilang”?
15 Ang iba’y “pinagpapatay sa tabak,” tulad halimbawa ng mga kasamahan ni Elias na mga propeta ng Diyos na “pinagpapatay sa tabak” noong mga kaarawan ng balakyot na si Haring Ahab. (1 Hari 19:9, 10) Si Elias at si Eliseo ay kabilang sa mga taong may pananampalataya na “nagsilakad na paroo’t parito na may balát ng mga tupa’t kambing, na mga salat, napipighati, tinatampalasan.” (1 Hari 19:5-8, 19; 2 Hari 1:8; 2:13; ihambing ang Jeremias 38:6.) Sa mga “nangaligaw sa mga ilang at sa mga bundok at sa mga yungib at sa mga lungga ng lupa” dahil sa pag-uusig ay kasali hindi lamang si Elias at si Eliseo kundi pati rin ang 100 mga propeta na itinago ni Obadias nang lima-limampu sa isang kuweba, at tinustusan sila ng tinapay at tubig nang ang idolatrosong Reyna Jezebel ay magsimula na ng “paglipol sa mga propeta ni Jehova.” (1 Hari 18:4, 13; 2 Hari 2:13; 6:13, 30, 31) Tunay silang mga tagapag-ingat ng katapatan! Hindi kataka-takang sabihin ni Pablo: “Ang sanlibutan [ang di-matuwid na lipunan ng tao] ay hindi karapat-dapat sa kanila”!
16. (a) Bakit ang “katuparan ng pangako” ay hindi pa nakakamit ng mga saksi ni Jehova bago nang panahon ng mga Kristiyano? (b) Para sa mga saksi ni Jehova bago ng panahon ng mga Kristiyano, ang “pagiging sakdal” ay kailangang makaugnay ng ano?
16 Ang pananampalataya ang nagbibigay sa atin ng pagtitiwala na sa takdang panahon ng Diyos lahat ng umiibig sa kaniya ay “magkakamit ng katuparan ng pangako.” (Basahin ang Hebreo 11:39, 40.) Ang mga tagapag-ingat ng katapatan bago ng panahon ng mga Kristiyano ay “pinatotohanan na sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya,” at ngayo’y nakasulat na sa Kasulatan. Subalit hindi pa nila nakakamit “ang katuparan ng pangako” ng Diyos sa pamamagitan ng isang makalupang pagkabuhay-muli na ang inaasahan ay buhay na walang hanggan sa ilalim ng paghahari ng Kaharian. Bakit? “Upang sila’y huwag maging sakdal nang bukod” sa nahirang na mga tagasunod ni Jesus, na “ipinaghanda ng Diyos ng lalong mabuting bagay”—walang kamatayang buhay sa langit at ang pribilehiyo na makasama ni Kristo Jesus sa paghahari. Sa pamamagitan ng kanilang pagkabuhay-muli, na nagsimula pagkatapos matatag ang Kaharian noong 1914, ang pinahirang mga Kristiyano ay ‘pinaging sakdal’ sa langit una sa mga bubuhayin sa lupa na mga saksi ni Jehova bago noong panahon ng mga Kristiyano. (1 Corinto 15:50-57; Apocalipsis 12:1-5) Para sa mga sinaunang saksing iyon, ang ‘pagiging sakdal’ ay kailangang makaugnay ng kanilang makalupang pagkabuhay-muli, hanggang sa bandang huli sila ay “makalaya sa pagkaalipin sa kabulukan,” at pagtatamo nila ng kasakdalan ng pagkatao sa pamamagitan ng paglilingkod ng Mataas na Saserdoteng si Jesu-Kristo at ng kaniyang 144,000 makalangit na mga katulong na saserdote sa panahon ng kaniyang Milenyong Paghahari.—Roma 8:20, 21; Hebreo 7:26; Apocalipsis 14:1; 20:4-6.
Patuloy na Malasin ang Tagasakdal ng Ating Pananampalataya
17, 18. (a) Upang tayo’y magwagi sa ating takbuhin ukol sa buhay na walang hanggan, ano ang kailangang gawin natin? (b) Paanong si Jesu-Kristo ang “Tagasakdal ng ating pananampalataya”?
17 Pagkatapos na talakayin ang mga gawa ng saksi ni Jehova bago nang panahon ng mga Kristiyano, ang pangunahing halimbawa ng pananampalataya ay tinurol ni Pablo. (Basahin ang Hebreo 12:1-3.) Anong laking pampatibay-loob na natin ang ‘napakakapal na ulap ng mga saksi na nakapalibot sa atin’! Kaya naman maiwawaksi natin ang bawat pabigat na pipigil sa ating espirituwal na pagsulong. Tinutulungan tayo nito na iwasan ang kasalanan na pagkawala o kakulangan ng pananampalataya at takbuhing may pagtitiis ang takbuhing Kristiyano ukol sa buhay na walang hanggan. Subalit, upang marating ang ating tunguhin higit pa ang kailangang gawin natin. Ano nga ba iyon?
18 Upang tayo’y magwagi sa ating takbuhin ukol sa buhay na walang hanggan sa bagong sistema ng Diyos, kailangang “masidhing minamasdan natin ang Punong Ahente at Tagasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus.” Ang pananampalataya ni Abraham at ng iba pang mga tagapag-ingat ng katapatan na nangabuhay bago nang makalupang ministeryo ni Jesu-Kristo ay di-sakdal, di-kompleto, sa bagay na hindi nila nauunawaan nang panahong iyon ang di pa natutupad na mga hula tungkol sa Mesiyas. (Ihambing ang 1 Pedro 1:10-12.) Subalit sa pamamagitan ng pagsilang ni Jesus, ng kaniyang ministeryo, kamatayan, at pagkabuhay-muli, maraming mga hula tungkol sa Mesiyas ang natupad. Sa gayon ang pananampalataya ayon sa sakdal na diwa ay “dumating” sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. (Galacia 3:24, 25) Gayundin, buhat sa kaniyang makalangit na puwesto si Jesus ay patuloy na naging Tagasakdal ng pananampalataya ng kaniyang mga tagasunod, tulad baga ng ibuhos niya sa kanila ang banal na espiritu noong Pentecostes ng 33 C.E. at ng kaniyang mga pagsisiwalat na patuloy na nagpaunlad ng kanilang pananampalataya. (Gawa 2:32, 33; Roma 10:17; Apocalipsis 1:1, 2; 22:16) Anong laki ng ating pasasalamat dahil sa “Saksing Tapat,” na ito, ang “Pangunahing Lider” ng mga Saksi ni Jehova!—Apocalipsis 1:5; Mateo 23:10.
19. Bakit si Jesus ay dapat ‘pag-isipang maingat’?
19 Yamang hindi madali na pagtiisan ang mga pag-upasala na nanggagaling sa mga walang pananampalataya, si Pablo ay nagpayo: “Pag-isipan ninyong maingat yaong isa [si Jesus] na nagtiis ng gayong pag-alipusta ng mga makasalanan laban sa kanilang sariling kapakanan, upang huwag kayong manghimagod at manglupaypay sa inyong mga kaluluwa.” Oo, kung ang ating mga mata ay patuloy na itititig natin nang pirme sa “Saksing Tapat,” si Jesu-Kristo, tayo’y hindi kailanman manghihimagod sa paggawa ng kalooban ng Diyos.—Juan 4:34.
20. Ano ang ilan sa mga bagay na iyong natutuhan tungkol sa pananampalataya sa pamamagitan ng pagtalakay sa Hebreo 11:1–12:3?
20 Buhat sa ‘napakakapal na ulap ng mga saksi’ malaki ang natutuhan natin tungkol sa mga katangian ng pananampalataya. Halimbawa, ang pananampalatayang gaya ng kay Abel ay nagpapalaki ng ating pagpapahalaga sa hain ni Jesus. Dahil sa tunay na pananampalataya tayo ay nagiging mga saksing may tibay-loob, gaya ni Enoc na lakas-loob na naghayag ng balita ni Jehova. Tulad ni Noe, ang ating pananampalataya ay nagpapakilos sa atin na sunding maingat ang mga tagubilin ng Diyos at maglingkod bilang mga mangangaral ng katuwiran. Ang pananampalataya ni Abraham ay nagtuturo sa atin na kailangang sundin natin ang Diyos at tayo’y tumiwala sa Kaniyang mga pangako, bagama’t ang iba sa mga ito ay hindi pa natutupad. Ang halimbawa ni Moises ay nagpapakita na dahilan sa pananampalataya tayo ay nakapananatiling walang bahid-dungis sa sanlibutang ito at naninindigang tapat sa panig ng bayan ni Jehova. Ang mga naging tagumpay ng mga hukom, mga hari, at mga propeta ng Israel ay nagpapatunay na ang pananampalataya sa Diyos ay nagpapalakas sa atin upang magpatuloy sa gitna ng pag-uusig at mga pagsubok. At anong laki ng ating pasasalamat na ang walang katulad na halimbawa ni Jesu-Kristo ay nagpapatatag sa ating pananampalataya at ito’y di-nakikilos! Kung gayon, yamang si Jesus ang ating Lider at sa lakas ng ating Diyos, patuloy na magpakita tayo ng walang kupas na pananampalataya bilang mga Saksi ni Jehova.
Ano ang Iyong mga Sagot?
◻ Anong mga gawa ng mga saksi ni Jehova nang panahon bago ng mga Kristiyano ang nagpapatunay na ang pananampalataya’y ipinakikita sa pamamagitan ng lubos na pagtitiwala sa Diyos sa harap ng panganib?
◻ Bakit masasabi na sa pamamagitan ng pananampalataya ay napagtatagumpayan natin ang bawat pagsubok sa ating katapatan?
◻ Anong patotoo ang nagpapatunay na sa pamamagitan ng pananampalataya ay makapagtitiis tayo sa pag-uusig?
◻ Bakit si Jesus ay tinatawag na “Tagasakdal ng ating pananampalataya”?
◻ Ano ang ilan sa maraming katangian ng pananampalataya?
[Larawan sa pahina 16, 17]
Si David ay nagpakita ng pananampalataya sa pamamagitan ng lubusang pagtitiwala kay Jehova. Isang napakainam na halimbawa para sa bayan ni Jehova ngayon!
[Larawan sa pahina 18]
“Tinanggap ng mga babae ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli.” Ang pananampalataya sa pagkabuhay-muli ay tumutulong sa atin na manatiling tapat kay Jehova