Ang Gagawin ng Kaharian ng Diyos
“Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—MATEO 6:10.
1. Ano ang magiging kahulugan ng pagdating ng Kaharian ng Diyos?
NANG ituro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na ipanalangin ang Kaharian ng Diyos, batid niya na ang pagdating nito ay tatapos sa libu-libong taóng pamamahala ng tao na hiwalay sa Diyos. Sa loob ng buong panahong iyan, ang kalooban ng Diyos ay hindi nagagawa sa lupa sa pangkalahatan. (Awit 147:19, 20) Subalit matapos itatag ang Kaharian sa langit, ang kalooban ng Diyos ay gagawin sa lahat ng dako. Ang panahon ng kagila-gilalas na pagbabago mula sa pamamahala ng tao tungo sa pamamahala ng makalangit na Kaharian ng Diyos ay palapít na nang palapít.
2. Ano ang magiging palatandaan ng pagbabago mula sa pamamahala ng tao tungo sa pamamahala ng Kaharian?
2 Ang magiging palatandaan ng pagbabagong iyan ay ang yugto ng panahon na tinawag ni Jesus na “malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon, hindi, ni mangyayari pang muli.” (Mateo 24:21) Hindi sinasabi sa Bibliya kung gaano ang magiging haba ng panahong iyan, subalit ang kapahamakang magaganap sa panahong iyan ay magiging mas malubha pa kaysa sa anumang nakita na ng sanlibutan kailanman. Sa pasimula ng malaking kapighatian, may isang bagay na mangyayari na ikagugulat nang husto ng karamihan ng tao sa lupa: ang pagkawasak ng lahat ng huwad na relihiyon. Hindi iyan ikagugulat ng mga Saksi ni Jehova, sapagkat malaon na nila itong inaasahan. (Apocalipsis 17:1, 15-17; 18:1-24) Ang malaking kapighatian ay magwawakas sa Armagedon kapag dinurog na ng Kaharian ng Diyos ang buong Satanikong sistema.—Daniel 2:44; Apocalipsis 16:14, 16.
3. Paano inilalarawan ni Jeremias ang kahihinatnan ng mga masuwayin?
3 Ano ang magiging kahulugan nito para sa mga tao na “hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita” hinggil sa kaniyang makalangit na Kaharian sa mga kamay ni Kristo? (2 Tesalonica 1:6-9) Sinasabi sa atin ng hula sa Bibliya: “Narito! Isang kapahamakan ang humahayo sa bansa at bansa, at isang malakas na unos ang pupukawin mula sa pinakamalalayong bahagi ng lupa. At ang mga mapapatay ni Jehova sa araw na iyon ay tiyak na mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa. Hindi sila hahagulhulan, ni pipisanin man sila o ililibing. Magiging gaya sila ng dumi sa ibabaw ng lupa.”—Jeremias 25:32, 33.
Ang Wakas ng Kabalakyutan
4. Bakit nabigyang-katuwiran si Jehova sa pagdadala sa balakyot na sistemang ito tungo sa kawakasan?
4 Sa loob ng libu-libong taon, nagparaya ang Diyos na Jehova sa kabalakyutan, anupat sapat na ang itinagal nito upang makita ng tapat-pusong mga indibiduwal na ang pamamahala ng tao ay isa ngang matinding kapahamakan. Halimbawa, noong ika-20 siglo lamang, mahigit sa 150 milyon katao ang namatay sa mga digmaan, rebolusyon, at iba pang mga kaguluhang sibil, ayon sa isang pinagkukunan ng impormasyon. Ang kalupitan ng tao ay lalo nang nakita noong Digmaang Pandaigdig II kung saan mga 50 milyon ang pinatay, na karamihan sa kanila’y dumanas ng nakapangingilabot na kamatayan sa mga kampong piitan ng Nazi. Gaya ng inihula sa Bibliya, sa ating kapanahunan ‘ang mga taong balakyot at mga impostor ay sumulong mula sa masama tungo sa lalong masama.’ (2 Timoteo 3:1-5, 13) Sa ngayon, palasak ang imoralidad, krimen, karahasan, katiwalian, at paglapastangan sa mga pamantayan ng Diyos. Kaya naman, lubusang nabigyang-katuwiran si Jehova sa pagdadala sa balakyot na sistemang ito tungo sa kawakasan nito.
5, 6. Ilarawan ang kabalakyutang umiral sa sinaunang Canaan.
5 Ang kalagayan ngayon ay katulad ng sa Canaan mga 3,500 taon na ang nakalilipas. Sabi ng Bibliya: “Lahat ng bagay na karima-rimarim kay Jehova na talagang kinapopootan niya ay ginagawa nila sa kanilang mga diyos, sapagkat maging ang kanilang mga anak na lalaki at ang kanilang mga anak na babae ay palagian nilang sinusunog sa apoy para sa kanilang mga diyos.” (Deuteronomio 12:31) Ipinabatid ni Jehova sa bansang Israel: “Dahil sa kabalakyutan ng mga bansang ito kung kaya sila pinalalayas ni Jehova na iyong Diyos mula sa harap mo.” (Deuteronomio 9:5) Sinabi ng istoryador sa Bibliya na si Henry H. Halley: “Ang pagsamba kay Baal, Astoret, at iba pang diyos ng mga Canaanita ay nakasalalay sa napakaluhong mga lasingan; ang kanilang mga templo ay sentro ng bisyo.”
6 Ipinakita ni Halley kung gaano kalubha ang kanilang kabalakyutan, sapagkat sa isa sa maraming lugar na iyon, ang mga arkeologo ay “nakatuklas ng napakaraming banga na naglalaman ng mga labí ng mga batang inihain kay Baal.” Sinabi niya: “Ang buong lugar ay napatunayang isang sementeryo para sa mga bagong-silang na sanggol. . . . Ang mga Canaanita ay sumamba, sa pamamagitan ng pagpapakalabis sa kahalayan, bilang isang relihiyosong seremonya, sa harap ng kanilang mga diyos; at pagkatapos, sa pamamagitan naman ng pagpaslang sa kanilang mga panganay na anak, bilang hain sa mga diyos ding ito. Wari ngang sa kalakhang bahagi, ang lupain ng Canaan ay naging isang uri ng Sodoma at Gomorra sa isang pambansang lawak. . . . Mayroon pa bang karapatang umiral ang isang sibilisasyon na gayon na lamang karumi at kalupit? . . . Ang mga arkeologong humukay sa mga kagibaan ng mga lunsod ng Canaan ay nagtataka na hindi sila pinuksa ng Diyos nang mas maaga kaysa sa ginawa niya.”
Mamanahin ang Lupa
7, 8. Paano lilinisin ng Diyos ang lupang ito?
7 Kung paanong nilinis ng Diyos ang Canaan, malapit na niyang linisin ang buong lupa at ibigay ito sa mga gumagawa ng kaniyang kalooban. “Ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang siyang maiiwan dito. Kung tungkol sa mga balakyot, lilipulin sila mula sa mismong lupa.” (Kawikaan 2:21, 22) At sabi ng salmista: “Kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na . . . Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:10, 11) Aalisin din si Satanas, upang “hindi na niya mailigaw pa ang mga bansa hanggang sa matapos ang isang libong taon.” (Apocalipsis 20:1-3) Oo, “ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:17.
8 Bilang sumaryo ng dakilang pag-asa para sa mga nagnanais mabuhay sa lupa magpakailanman, sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang kanilang mamanahin ang lupa.” (Mateo 5:5) Malamang na ang tinutukoy niya ay ang Awit 37:29, na humula: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” Batid ni Jesus na layunin ni Jehova na ang matuwid-pusong mga tao ay mabuhay sa isang paraisong lupa magpakailanman. Sabi ni Jehova: “Ako ang gumawa ng lupa, ng sangkatauhan at ng mga hayop na nasa ibabaw ng lupa sa pamamagitan ng aking dakilang kapangyarihan . . . , at ibinigay ko iyon sa sinumang marapat sa aking paningin.”—Jeremias 27:5.
Isang Kamangha-manghang Bagong Sanlibutan
9. Anong uri ng sanlibutan ang paiiralin ng Kaharian ng Diyos?
9 Pagkatapos ng Armagedon, paiiralin ng Kaharian ng Diyos ang isang kamangha-manghang “bagong lupa” na doo’y “tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Tunay na ito’y magiging isang napakalaking kaginhawahan para sa mga makaliligtas sa Armagedon na alisin na sa gitna nila ang mapaniil na balakyot na sistemang ito ng mga bagay! Gayon na lamang ang magiging kaluguran nila na makapasok sa matuwid na bagong sanlibutan sa ilalim ng makalangit na pamahalaan ng Kaharian, taglay ang kamangha-manghang mga pagpapala at buhay na walang hanggan sa hinaharap!—Apocalipsis 7:9-17.
10. Anong masasamang bagay ang hindi na iiral sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian?
10 Ang mga tao’y hindi na manganganib sa digmaan, krimen, gutom, o maging sa mga hayop na máninilà. “Makikipagtipan ako sa [aking bayan] ng isang tipan ng kapayapaan, at paglalahuin ko nga sa lupain ang mapaminsalang mabangis na hayop . . . At ang punungkahoy sa parang ay magbibigay ng mga bunga nito, at ang lupain ay magbibigay ng ani nito, at sila ay magiging tiwasay sa kanilang lupa.” “Pupukpukin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos. Sila ay hindi magtataas ng tabak, bansa laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma. At sila ay uupo, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila.”—Ezekiel 34:25-28; Mikas 4:3, 4.
11. Bakit tayo makapagtitiwala na mawawala na ang mga karamdaman sa pisikal?
11 Ang sakit, lumbay, at maging ang kamatayan ay mawawala na. “Walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ Ang bayan na mananahanan sa lupain ay yaong mga pinagpaumanhinan sa kanilang kamalian.” (Isaias 33:24) “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na. . . . ‘Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.’ ” (Apocalipsis 21:4, 5) Nang siya’y nasa lupa, ipinamalas ni Jesus ang kaniyang kakayahang gawin ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng kapangyarihan na ibinigay sa kaniya ng Diyos. Sa tulong ng banal na espiritu, si Jesus ay naglibot sa buong lupain na nagpapagaling ng mga pilay at maysakit.—Mateo 15:30, 31.
12. Anong pag-asa mayroon para sa mga patay?
12 Hindi lamang iyan ang ginawa ni Jesus. Bumuhay pa nga siya ng patay. Ano ang naging reaksiyon ng mababang-loob na mga tao? Nang buhayin niyang muli ang 12-taóng-gulang na batang babae, ang mga magulang nito ay ‘halos mawala sa kanilang mga sarili sa napakasidhing kagalakan.’ (Marcos 5:42) Isa pa itong halimbawa ng gagawin ni Jesus sa buong lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian, sapagkat doon ay “magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Gunigunihin ang napakasidhing kagalakan kapag ang grupu-grupo ng mga patay ay nabuhay at nakabalik sa kanilang mga mahal sa buhay! Walang-pagsalang magkakaroon ng napakalaking gawaing pagtuturo sa ilalim ng pangangasiwa ng Kaharian upang ‘ang lupa ay mapuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.’—Isaias 11:9.
Naipagbangong-Puri ang Soberanya ni Jehova
13. Paano ipakikita ang pagkamakatuwiran ng pamamahala ng Diyos?
13 Sa pagtatapos ng sanlibong taóng pamamahala ng Kaharian, ang pamilya ng tao ay mapanunumbalik na sa kasakdalan ng isip at katawan. Ang lupa ay magiging isang pangglobong halamanan ng Eden, isang paraiso. Matatamo na ang kapayapaan, kaligayahan, katiwasayan, at isang maibiging lipunan ng tao. Kailanman ay wala pang nakitang ganito sa kasaysayan ng tao bago ang pamamahala ng Kaharian. Kay laking pagkakaiba kung gayon ang makikita mula sa nakalipas na libu-libong taon ng miserableng pamamahala ng mga tao at sa kahanga-hangang pamamahala ng makalangit na Kaharian ng Diyos sa loob ng isang libong taon! Ang pamamahala ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian ay maipakikita na lubusang nakahihigit sa lahat ng pitak nito. Ang karapatan ng Diyos na mamahala, ang kaniyang soberanya, ay ganap na maipagbabangong-puri na.
14. Ano ang mangyayari sa mga rebelde kapag natapos na ang isang libong taon?
14 Sa dulo ng isang libong taon, hahayaan ni Jehova na gamitin ng sakdal na mga tao ang kanilang malayang pagpili kung sino ang nais nilang paglingkuran. Ipinakikita ng Bibliya na “si Satanas ay pawawalan mula sa kaniyang bilangguan.” Muli niyang susubuking iligaw ang mga tao, anupat pipiliin ng ilan na humiwalay sa Diyos. Upang ang ‘kabagabagan ay hindi na makabangon sa ikalawang pagkakataon,’ pupuksain ni Jehova si Satanas, ang kaniyang mga demonyo, at ang lahat ng mga rebelde sa soberanya ni Jehova. Walang sinumang makatututol na bawat taong mapupuksa magpakailanman sa panahong iyon ay hindi nagkaroon ng pagkakataon o kaya’y dahil sa di-kasakdalan kung kaya sila nagkamali ng landas. Hindi, sila’y magiging gaya ng sakdal na sina Adan at Eva, na kusang nagrebelde sa matuwid na pamamahala ni Jehova.—Apocalipsis 20:7-10; Nahum 1:9.
15. Anong ugnayan kay Jehova ang tataglayin ng mga matapat?
15 Sa kabilang banda naman, malamang na pipiliin ng nakararami na itaguyod ang soberanya ni Jehova. Dahilan sa nalipol na ang bawat rebelde, ang matuwid ay tatayo sa harap ni Jehova, palibhasa’y nakapasa sa huling pagsubok ng pagiging matapat. Ang matapat na mga taong ito ay tatanggapin na ni Jehova bilang kaniyang mga anak na lalaki at babae. Samakatuwid ay nakabalik sila sa naging ugnayan nina Adan at Eva sa Diyos bago sila nagrebelde. Kaya naman, matutupad ang Roma 8:21: “Ang paglalang [sangkatauhan] din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” Humula ang propetang si Isaias: “Lalamunin [ng Diyos] ang kamatayan magpakailanman, at tiyak na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha mula sa lahat ng mukha.”—Isaias 25:8.
Ang Pag-asang Buhay na Walang Hanggan
16. Bakit angkop lamang na panabikan ang gantimpalang buhay na walang hanggan?
16 Kay gandang pag-asa ang naghihintay sa mga tapat, na mabatid na ang Diyos ay walang-katapusang magbubuhos sa kanila ng umaapaw na espirituwal at materyal na mga pakinabang! Makatuwiran ngang sabihin ng salmista: “Binubuksan mo ang iyong kamay at sinasapatan mo ang [tamang] nasa ng bawat bagay na may buhay.” (Awit 145:16) Hinihimok ni Jehova ang uring makalupa na taglayin ang pag-asang ito ng buhay sa Paraiso bilang bahagi ng kanilang pananampalataya sa kaniya. Bagaman higit na mahalaga ang isyu ng soberanya ni Jehova, hindi niya hinihilingan ang mga tao na maglingkod sa kaniya nang walang inaasahang gantimpala. Sa kabuuan ng Bibliya, ang katapatan sa Diyos at ang pag-asa ng walang-hanggang buhay ay laging magkasama bilang mahalagang bahagi ng pananampalataya ng isang Kristiyano sa Diyos. “Siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya nga ay umiiral at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga marubdob na humahanap sa kaniya.”—Hebreo 11:6.
17. Paano ipinakita ni Jesus na angkop lamang na mapalakas tayo ng ating pag-asa?
17 Sabi ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Dito ay iniugnay niya ang pagkilala sa Diyos at sa kaniyang mga layunin sa gantimpala na idudulot nito. Bilang halimbawa, nang hilingin ng isang manggagawa ng kamalian na siya’y alalahanin kapag si Jesus ay nasa kaniya nang Kaharian, sinabi ni Jesus: “Makakasama kita sa Paraiso.” (Lucas 23:43) Hindi niya sinabi sa lalaki na manampalataya siya kahit na hindi siya tumanggap ng gantimpala. Batid niyang nais ni Jehova na taglayin ng kaniyang mga lingkod ang pag-asang buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa upang mapalakas sila habang napapaharap sa iba’t ibang pagsubok sa daigdig na ito. Kaya naman, ang pananabik sa gantimpala ay isang mahalagang tulong upang makapagbata bilang isang Kristiyano.
Ang Kinabukasan ng Kaharian
18, 19. Ano ang mangyayari sa Hari at sa Kaharian sa dulo ng Milenyong Pamamahala?
18 Yamang ang Kaharian ay isang katulong na pamahalaan na ginagamit ni Jehova upang mapasakdal at mapanumbalik sa kaniya ang lupa at ang mga taong naninirahan dito, anong papel ang nakalaan kay Haring Jesu-Kristo at sa 144,000 hari at saserdote pagkatapos ng Milenyo? “Sumunod, ang wakas, kapag ibinigay niya ang kaharian sa kaniyang Diyos at Ama, kapag dinala na niya sa wala ang lahat ng pamahalaan at ang lahat ng awtoridad at kapangyarihan. Sapagkat kailangang siya ay mamahala bilang hari hanggang sa mailagay ng Diyos ang lahat ng kaaway sa ilalim ng kaniyang mga paa.”—1 Corinto 15:24, 25.
19 Kapag ibinigay na ni Kristo sa Diyos ang Kaharian, paano uunawain ang kasulatan na nagsasabing ito’y mananatili magpakailanman? Ang mga nagawa ng Kaharian ay mananatili magpakailanman. Si Kristo ay pararangalan magpakailanman dahil sa kaniyang papel sa gawain ng pagbabangong-puri sa soberanya ng Diyos. Subalit yamang ang kasalanan at kamatayan ay lubusan nang naalis sa panahong iyon, at ang sangkatauhan ay natubos na, tapos na ang pangangailangan sa kaniya bilang isang Tagatubos. Lubusan na ring maisasagawa ang Milenyong Pamamahala ng Kaharian; kaya hindi na kailangan ang isang katulong na pamahalaan na manatili sa pagitan ni Jehova at ng masunuring sangkatauhan. Samakatuwid, ‘ang Diyos ay magiging ang lahat ng bagay sa bawat isa.’—1 Corinto 15:28.
20. Paano natin malalaman kung ano ang mangyayari kay Kristo at sa 144,000 sa hinaharap?
20 Ano ang magiging papel ni Kristo at ng kaniyang kasamang mga tagapamahala sa hinaharap pagkatapos ng Milenyong Pamamahala? Hindi sinasabi sa Bibliya. Subalit, makatitiyak tayong bibigyan sila ni Jehova ng marami pang pribilehiyo ng paglilingkod sa lahat ng kaniyang nilalang. Sana’y itaguyod nating lahat sa ngayon ang soberanya ni Jehova at magantimpalaan ng walang-hanggang buhay, upang sa hinaharap, tayo’y mabubuhay upang malaman ang layunin ni Jehova para sa Hari at sa kaniyang kasamang mga hari at saserdote, gayundin sa kaniyang buong kagila-gilalas na sansinukob!
Mga Punto sa Repaso
• Malapit na tayo sa anong pagbabago ng pamamahala?
• Paano hahatulan ng Diyos ang mga balakyot at ang mga matuwid?
• Anong mga kalagayan ang iiral sa bagong sanlibutan?
• Paano lubusang maipagbabangong-puri ang soberanya ni Jehova?