“Ang Tulong sa Akin ay Mula kay Jehova”
Kapag Naging “Korona ng Kagandahan” ang Katandaan
“WALA nang hihigit pa sa ganitong buhay,” ang sabi ng 101-taóng-gulang na si Muriel. “Tunay na isang pribilehiyo!” ang nasabi naman ng 70-taóng-gulang na si Theodoros. “Ito na ang pinakamabuting paraan upang gamitin ang aking buhay,” ang sabi ni Maria na edad 73. Ginugol nilang lahat ang kanilang buong buhay sa paglilingkod sa Diyos na Jehova.
Maraming aktibong mananamba ni Jehova sa buong daigdig ang katulad ng mga may-edad nang iyon. Sa kabila ng katandaan, pagkakasakit, at iba pang di-kaayaayang mga kalagayan, patuloy pa rin silang naglilingkod sa Diyos nang buong kaluluwa. Sa Kristiyanong kongregasyon, ang gayong tapat na mga may-edad na ay kapuri-puring mga halimbawa ng mga taong may makadiyos na debosyon. Lubhang pinahahalagahan ni Jehova ang paglilingkod ng mga may-edad na bagaman maaaring limitado na lamang ang kanilang magagawa dahil sa kanilang kalagayan.a—2 Corinto 8:12.
Ang aklat ng Mga Awit ay bumanggit ng angkop na komento hinggil sa kalidad ng buhay na maaasahan ng tapat na mga may-edad na. Maaari silang maging gaya ng isang matanda at maringal na punungkahoy na nananatiling mabunga. Hinggil sa tapat na mga may-edad na, umawit ang salmista: “Uunlad pa rin sila sa panahon ng kanilang pagiging may-uban, mananatili silang mataba at sariwa.”—Awit 92:14.
Baka mangamba ang ilan na itakwil at ipagwalang-bahala na sila kapag humina na ang kanilang katawan dahil sa katandaan. Nagsumamo si David sa Diyos: “Huwag mo akong itakwil sa panahon ng katandaan; kapag nanghihina na ang aking kalakasan ay huwag mo akong iwan.” (Awit 71:9) Ano ang tutulong upang hindi ka manghina kundi lumakas pa nga sa panahon ng katandaan? Ang makadiyos na katangian na katuwiran. “Ang matuwid ay mamumukadkad na gaya ng puno ng palma,” ang awit ng salmista.—Awit 92:12.
Yaong mga tapat at puspusang naglilingkod sa Diyos ay malamang na magpatuloy sa pagluluwal ng mainam na bunga sa panahon ng kanilang katandaan. Bilang resulta, marami sa mga bagay na ginagawa nila para sa kanilang sarili o sa iba ay nagbubunga ng mabuti, gaya ng mga binhing sumisibol at nagluluwal ng saganang ani. (Galacia 6:7-10; Colosas 1:10) Mangyari pa, sinasayang ng ilang tao ang kanilang buhay dahil sa makasariling mga tunguhin na nagwawalang-bahala sa mga daan ng Diyos at karaniwan nang hindi sila gaanong nakikinabang habang sila’y nagkakaedad.
Idiniriin din ng aklat ng Bibliya na Mga Kawikaan na ang katuwiran ay isang kagayakan sa panahon ng katandaan. Doon ay mababasa natin: “Ang ulong may uban ay korona ng kagandahan kapag ito ay nasusumpungan sa daan ng katuwiran.” (Kawikaan 16:31) Oo, ang katuwiran ay katunayan ng panloob na kagandahan. Ang pagtataguyod ng matuwid na landasin sa loob ng mahabang panahon ay nagbubunga ng paggalang. (Levitico 19:32) Kung matalino at magaling din ang isang taong may uban dahil sa katandaan, nagbubunga ito ng karangalan.—Job 12:12.
Lubhang nalulugod si Jehova kapag ginugugol ng isa ang kaniyang buhay sa matapat na paglilingkod sa kaniya. Sinasabi ng Kasulatan: “Maging hanggang sa katandaan ng isa ay ako [si Jehova] pa rin ang Isang iyon; at hanggang sa magkauban ang isa ay patuloy akong magpapasan. Ako ay kikilos nga, upang ako ay makapagdala at upang ako ay makapagpasan at makapaglaan ng pagtakas.” (Isaias 46:4) Nakaaaliw ngang malaman na ipinangangako ng ating maibigin at makalangit na Ama na palalakasin at aalalayan niya ang mga matapat sa kaniya hanggang sa kanilang katandaan!—Awit 48:14.
Yamang ang buhay na ginugol sa tapat na paglilingkod kay Jehova ay kaayaaya sa kaniyang pangmalas, hindi ba karapat-dapat din naman ito sa paggalang ng iba? Kung taglay natin ang pangmalas ng Diyos, pahahalagahan natin ang ating may-edad nang mga kapananampalataya. (1 Timoteo 5:1, 2) Kaya humanap tayo ng praktikal na mga paraan upang ipakita ang ating Kristiyanong pag-ibig sa pamamagitan ng pag-aasikaso sa kanilang mga pangangailangan.
Pagtahak sa Landas ng Katuwiran sa Dakong Huli ng Buhay
“Sa landas ng katuwiran ay may buhay,” ang tiniyak sa atin ni Solomon. (Kawikaan 12:28) Hindi hadlang ang katandaan upang tahakin ng isa ang landas na ito sa dakong huli ng kaniyang buhay. Halimbawa, sa Moldova, ginugol ng isang 99-na-taóng-gulang na lalaki ang panahon ng kaniyang kabataan sa pagtataguyod ng mga simulain ng mga Komunista. Ipinagmamalaki niya na personal niyang nakausap ang kilaláng mga lider ng mga Komunista, gaya ni V. I. Lenin. Gayunman, nang humina at bumagsak ang Komunismo, nawalan ng direksiyon at layunin ang buhay ng matandang lalaking ito. Subalit nang ipakita sa kaniya ng mga Saksi ni Jehova na ang Kaharian ng Diyos lamang ang tanging tunay na solusyon sa mga problema ng sangkatauhan, naniwala siya sa katotohanang nasa Bibliya at naging masigasig na estudyante ng Kasulatan. Nakalulungkot nga lamang na namatay siya bago maging bautisadong lingkod ni Jehova.
Nang matutuhan ng isang 81-taóng-gulang na babaing taga-Hungary ang mga kahilingan ng Diyos sa moral, natanto niya na kailangan niyang magpakasal sa lalaking kinakasama niya sa loob ng maraming taon. Nag-ipon ng lakas ng loob ang babae at ipinaliwanag niya sa kaniyang kinakasama ang kaniyang pangmalas na salig sa Bibliya. Magkahalong pagkabigla at tuwa ang nadama niya nang sumang-ayon itong magpakasal sa kaniya. Matapos gawing legal ang kanilang pagsasama, naging mabilis ang kaniyang pagsulong sa espirituwal. Sa loob ng walong buwan mula nang magsimula siyang mag-aral ng Bibliya, siya ay naging di-bautisadong mamamahayag, at nabautismuhan siya di-nagtagal pagkaraan nito. Ang mga may-edad na ay totoo ngang magagayakan ng tunay na kagandahan dahil sa katuwiran!
Oo, makatitiyak ang tapat at may-edad nang mga Kristiyano na nagmamalasakit sa kanila ang Diyos. Hindi iiwan ni Jehova ang mga nananatiling matapat sa kaniya. Sa halip, ipinangangako niyang sila ay kaniyang papatnubayan, tutulungan, at aalalayan maging sa katandaan man. At pinatototohanan nila ang mga salita ng salmista: “Ang tulong sa akin ay mula kay Jehova.”—Awit 121:2.
[Talababa]
a Tingnan ang 2005 Calendar of Jehovah’s Witnesses, January/February.
[Blurb sa pahina 9]
“Ang ulong may uban ay korona ng kagandahan kapag ito ay nasusumpungan sa daan ng katuwiran.”—KAWIKAAN 16:31
[Kahon sa pahina 8]
NAGMAMALASAKIT SI JEHOVA SA KANIYANG MAY-EDAD NANG MGA LINGKOD
“Sa harap ng may uban ay titindig ka, at pakukundanganan mo ang pagkatao ng isang matanda.”—Levitico 19:32.
“Maging hanggang sa katandaan ng isa ay ako pa rin ang Isang iyon; at hanggang sa magkauban ang isa ay patuloy akong magpapasan.”—Isaias 46:4.