Abutin ang Puso ng Inyong Estudyante sa Bibliya
1 Nais ba ninyong kumilos ang inyong estudyante sa Bibliya salig sa kaniyang natututuhan? Upang mapakilos ang inyong estudyante sa Bibliya, kailangang maabot ninyo ang kaniyang puso. Noong araw ng Pentecostes 33 C.E., dahil sa nakapagpapasiglang diskurso ni apostol Pedro ay “nasugatan sa puso” ang humigit kumulang sa 3,000 mga tao, na “yumakap sa kaniyang salita nang buong puso” at nabautismuhan nang araw na yaon. (Gawa 2:37, 41) Papaano ninyo aabutin ang puso ng inyong estudyante sa Bibliya?
2 Lubusang Maghanda: Huwag saklawin ang masyadong maraming materyal anupat kakaunti na lamang ang panahon para makipagkatuwiranan sa estudyante. Alamin nang patiuna ang mga punto na inyong itatampok, at tiyaking nauunawaan ninyo ito at maikakapit nang mabisa ang mga kasulatan. Isaalang-alang nang patiuna ang mga katanungan na maaaring bumangon sa isip ng estudyante dahilan sa kaniyang kalagayan.
3 Tularan ang Paraan ni Jesus sa Pagtuturo: Gumamit si Jesus ng mga ilustrasyon upang padaliin ang mahihirap na punto at tulungan ang kaniyang mga estudyante na maunawaan ang isang situwasyon. (Luc. 10:29-37) Kahawig nito, maaari ninyong ikintal ang maiinam na turo sa puso ng inyong estudyante sa Bibliya kung pananatilihing simple ang mga ilustrasyon, na kinukuha ang mga ito sa karaniwang bagay sa buhay, at ikinakapit ang mga ito sa mga kalagayan ng estudyante.
4 Ang mga katanungan ay makatutulong lalo na sa pag-abot sa puso ng mga estudyante sa Bibliya, gaya ng malimit na ipinakita ni Jesus. (Luc. 10:36) Subalit huwag maging kontento kapag binabasa lamang ng estudyante ang sagot mula sa aklat. Gamitin ang umaakay ng mga katanungan upang akayin ang kaniyang isipan sa isang konklusyon na maaaring hindi niya naiisip noong una. Gumamit ng punto-de-vistang mga katanungan upang alamin kung ano ang personal niyang pinaniniwalaan hinggil sa isang bagay. Ito’y tutulong sa inyo na maunawaan kung saan higit na tulong ang kinakailangan.
5 Kung ang estudyante sa Bibliya ay hindi sumusulong, kailangan ninyong alamin ang mga dahilan. Bakit siya nag-aatubiling kumilos? Mayroon bang maka-Kasulatang punto na hindi niya nauunawaan? Nag-aatubili ba siyang gumawa ng ilang pagbabago sa paraan ng kaniyang pamumuhay? Kung ang isang estudyante sa Bibliya ay ‘nag-aalinlangan sa dalawang kaisipan,’ tulungan siya upang makilala ang panganib niyaon.—1 Hari 18:21.
6 Kinilala ni apostol Pablo na ang pagtuturo ng mga katotohanan sa Bibliya ay isang gawaing nagliligtas-buhay, kaya pinayuhan niya ang mga Kristiyano na ‘magbigay ng palagiang pansin sa kanilang turo.’ (1 Tim. 4:16) Dapat matutuhan ng inyong mga estudyante sa Bibliya hindi lamang ang mga katotohanan hinggil sa Bibliya at mga pangyayari sa daigdig. Sila’y kailangang magtamo ng tumpak na kaalaman hinggil kay Jehova at kay Jesus at magkaroon ng personal na kaugnayan sa kanila. Tangi lamang sa paggawa nito mapakikilos sila na ipakita ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng mga gawa. (Sant. 2:17, 21, 22) Kapag naabot ang puso ng estudyante, siya’y mapakikilos upang sundin ang landasin na magpaparangal kay Jehova at magsasanggalang sa kaniyang buhay.—Kaw. 2:20-22.