-
Mga Study Note sa Juan—Kabanata 3Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
ipanganganak siya mula sa tubig at sa espiritu: Malamang na pamilyar si Nicodemo sa pagbabautismo ni Juan Bautista. (Mar 1:4-8; Luc 3:16; Ju 1:31-34) Kaya nang banggitin ni Jesus ang tubig, makatuwirang isipin na naunawaan ni Nicodemo na ang tinutukoy ni Jesus ay ang tubig na ginagamit sa pagbabautismo. Malamang na pamilyar din si Nicodemo sa pagkakagamit ng Hebreong Kasulatan sa terminong “espiritu ng Diyos,” o aktibong puwersa ng Diyos. (Gen 41:38; Exo 31:3; Bil 11:17; Huk 3:10; 1Sa 10:6; Isa 63:11) Kaya nang gamitin ni Jesus ang salitang “espiritu,” malamang na naintindihan ni Nicodemo na tumutukoy ito sa banal na espiritu. Makikita sa sariling karanasan ni Jesus ang mga itinuro niya kay Nicodemo. Nang bautismuhan si Jesus sa tubig, bumaba sa kaniya ang banal na espiritu, kaya ‘ipinanganak siya mula sa tubig at sa espiritu.’ (Mat 3:16, 17; Luc 3:21, 22) Nang pagkakataong iyon, ipinakilala ng Diyos si Jesus bilang Anak niya, na malamang na nagpapakitang si Jesus ay naging anak ng Diyos sa pamamagitan ng banal na espiritu at may pag-asang bumalik sa langit. Kapag ang isang tagasunod ni Jesus ay sinabing ‘ipinanganak mula sa tubig,’ ibig sabihin, tinalikuran na niya ang dati niyang pamumuhay, pinagsisihan niya ang mga kasalanan niya, at binautismuhan siya sa tubig. Ang mga ipinanganak mula “sa tubig at sa espiritu” ay ang mga isinilang para maging anak ng Diyos at may pag-asang mabuhay sa langit bilang espiritu at mamahala sa Kaharian ng Diyos.—Luc 22:30; Ro 8:14-17, 23; Tit 3:5; Heb 6:4, 5.
espiritu: O “aktibong puwersa.” Dito, ang salitang Griego na pneuʹma ay tumutukoy sa aktibong puwersa ng Diyos.—Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”
-