-
Mga Study Note sa Roma—Kabanata 12Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Magmahalan kayo bilang magkakapatid: Ang terminong Griego na phi·la·del·phiʹa ay literal na nangangahulugang “pagmamahal para sa isang kapatid.” Tatlong beses itong ginamit ni Pablo—sa Ro 12:10, 1Te 4:9, at Heb 13:1. Tatlong beses din itong ginamit ni Pedro sa mga liham niya (isa sa 1Pe 1:22 at dalawa sa 2Pe 1:7), kung saan isinalin itong “pagmamahal sa kapatid.” Ang paggamit nina Pablo at Pedro ng terminong ito ay nagpapakitang ang mga Kristiyano ay dapat na maging malapít at magiliw sa isa’t isa at magmahalan, gaya ng totoong magkakapamilya.
maging magiliw: Ang salitang Griego na ginamit dito, phi·loʹstor·gos, ay galing sa dalawang termino na nangangahulugang “pag-ibig” at “pagkagiliw.” Ang salitang-ugat na sterʹgo ay tumutukoy sa likas na pagmamahal, gaya ng nararamdaman ng magkakapamilya sa isa’t isa. Ang pangalawang termino ay kaugnay ng phiʹlos, isang malapít na kaibigan. (Ju 15:13-15) Ang kombinasyon ng mga terminong ito ay tumutukoy sa matinding pagmamahal na makikita sa loob ng pamilya. Sa katunayan, ang dalawang salita sa kontekstong ito (phi·la·del·phiʹa, na isinaling “magmahalan . . . bilang magkakapatid,” at phi·loʹstor·gos, na isinaling “magiliw”) ay tumutukoy sa pagmamahal na natural lang sa magkakapamilya. Ganitong pagmamahal at pagkagiliw ang ipinapayo ni Pablo na dapat ipakita ng mga Kristiyano sa isa’t isa.—Tingnan ang study note sa Magmahalan kayo bilang magkakapatid sa talatang ito.
Mauna: O “Magkusa.” Dito lang lumitaw ang salitang Griego na pro·e·geʹo·mai sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Literal itong nangangahulugang “mauna,” at sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa matinding kagustuhan na igalang o parangalan ang iba. Sa lipunan ng mga Griego, Judio, at Romano noong unang siglo, ginagawa ng mga tao ang lahat para maparangalan ang sarili nila. (Luc 20:46) Pero dito, ipinapayo ni Pablo na dapat gawin ng mga Kristiyano ang lahat para makapagparangal, o makapagpakita ng paggalang, sa iba. Sa katunayan, sinasabi ng ilan na ipinapahiwatig ng ekspresyong ito na dapat nating higitan ang iba sa pagpapakita ng paggalang.
-